IPRINISITA ni Manila Mayor Fancisco “Isko Moreno” Domagoso sa mamamahayag ang isang watch technician na nakapatay sa isang Grade 10 student sa gitna ng karahasan noong September 21 rally sa panulukan ng C.M Recto Ave. at Quezon Boulevard Manila.
Kinilala ang suspek na si Richard Francisco, 52, isang watch technician na nagmamay-ari ng isang maliit na shop sa nasabing lugar.
Naganap ang insidente sa kasagsagan ng September 21 rally kung saan ayon sa mga awtoridad ay may mga kabataan na nagtangkang manira sa mga establisimyento sa lugar kung saan kabilang ang biktima na si alyas Chris, Grade 10 student at residente ng Taguig City ang umanong lumusob.
Armado ang suspek ng patalim, kinompronta nito ang biktima na nauwi sa pananaksak sa biktima at nagresulta sa kanyang kamatayan.
Kusang loob na sumuko ang suspek sa Barbosa Police Station sa Quiapo Manila at sinabing gusto lamang niyang protektahan ang kanyang maliit na negosyo nang tangkaing pasukin ng mga rallysita.
Sinabi ni Mayor Isko na nalulungkot siya dahil may isang ina na umiiyak gayunman, kinakailangan ding harapin ito ng suspek na sa kabila ng pagpo-protekta nito sa kanyang naipundar ay mayroong buhay na nawala.
“Nalulungkot ako na may isa na namang magulang ang umiiyak ngayon. Masakit mawalan ng anak,” ayon sa Alkalde.
Hinikayat nito ang mga kabataan sa payo ng makinig sa kanilang magulang maglang.
“Mga bata, ang magulang niyo walang masamang iisipin para sa inyo. Makinig kayo. Kaya pinapanawagan ko, ‘wag tayo magpadalos-dalos, sayang ang buhay, sayang ang kinabukasan. Makinig kayo sa magulang niyo,” payo pa ng Alkalde
Sinabi naman Isko sa suspek na naintindihan nito na gusto lamang niyang protektahan ang kanyang sarili at mga naipundar subalit may pananagutan din siya sa pagkitil ng buhay.
“I know, mahirap, lalo na kung gusto mong proteksyunan ang iyong sarili at iyong naipundar. But buhay, hindi na natin maibabalik,” ayon pa kay Isko.
“Nabigla lang ako, hindi ko sadya,” pag-amin ng suspek nang tanungin ng mga mamamahayag sa Bulwagang Katipunan kung saan siya iprinisinta.
(Gene Adsuara)