PINANGALANAN ni dating Bulacan first district engineer Henry Alcantara sa Senado nitong Martes sina Sens. Joel Villanueva, Jinggoy Estrada, dating Sen. Bong Revilla, Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co, dating Caloocan representative Mitch Cajayon at DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na nakinabang umano sa flood control projects.
Sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee, sinabi ni Alcantara na si Bernardo ang tumulong sa kanya para maitalagang district engineer ng Bulacan noong 2019.
Taong 2022 nagsimulang magbaba ng pondo sa kanya si Bernardo na may kabuuang P350 milyon na ang kasunduan ay bibigyan ng 25% ang proponent o mambabatas na nagsulong ng proyekto.
Noong 2023, ibinunyag ni Alcantara na P710 milyon ang kabuuan ng mga proyektong naibaba ni Bernardo sa kanyang tanggapan.
Sinabi umano sa kanya ni Bernardo na sa GAA noong 2024, ang insertions na nagkakahalaga ng P300 milyon ay para kay Senator Revilla.
Noon namang 2020 ay humiling si Villanueva ng proyektong multi-purpose building na halagang P1.6 bilyon pero P600 milyon lang ang napagbigyan na pondo.
Hindi ito ikinatuwa ni Sen. Joel kaya napilitan kami gumawa ng paraan ni Usec Bernardo,” ani Alcantara.
Ayaw aniya ni Villanueva ng flood control project kaya hindi na lamang nila ipinaalam sa kanila ang proyekto.
“Hindi humingi ng…porsyento si Sen. Joel pero iniutos ni Usec Bernardo na bigyan na lamang ng proyekto na may katumbas na P150 milyon.
Ang halagang P150-M ay dinala ko sa isang resthouse sa Brgy. Igulot, Bocaue, Bulacan na iniwan ko po sa tao nya na si “Peng”. Sinabi ko kay Peng na pakibigay nalang kay Boss (Sen. Joel), tulong lamang iyon para sa future na plano niya. Pero hindi po nila alam na doon galing iyon sa flood control,” ani Alcantara.
Noong 2024, naglaan ng P355 milyon pondo si Sen. Jinggoy Estrada na inilagay ni Alcantara sa iba’t ibang pumping station at flood control projects sa Bulacan. Nilinaw ni Alcantara na wala siyang direktang ugnayan kay Estrada.
Noong Agosto o Setyembre 2021 niya nakilala si Cong. Elizaldy Co sa isang meeting sa Shangri-La, BGC, Taguig.
Ayon kay Alcantara, mula 2022 hanggang 2025 ay nakapagtaguyod si Co ng 426 proyekto na hindi bababa sa P35.024 bilyon.
Noon namang 2022 ay nakapagbaba sa Bulacan ng halagang P411 milyong proyekto mula sa GAA si Rep. Mary Mitzi Cajayon-Uy. ( Daris Jose)