• April 23, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Panukalang pag-alis ng Telco data caps sa subscribers, aprub sa komite

INAPRUBAHAN ng House committee on information and communications technology (ICT) na pinamumunuan ni Cam Sur Rep. Migz Villafuerte ang consolidated bill na nagmamandato sa lahat ng Internet Service Providers (ISPs) na magpatupad ng roll-over data allocation scheme para magamit o ma-carry over ng kanilang prepaid at postpaid subscribers ang natitira o unused data sa susunod na billing cycle o hanggang makunsumo ng buon ang naturang load.

Ang panukalang “Roll-Over Internet Act,” pinagsamang tatlong panukalang batas na magkahalintulad na nagsusulong na alisin ang data o load caps na ipinatutupad ng ISPs sa kanilang subscribers ay inaprubahan kasabay ng organizational meeting ng komite.

Kapag naging ganap na batas, ang prepaid at postpaid subscribers ng lahat ng ISPs o telcos (telecommunications companies) ay magagawang magamit ang natitirang data ng kanilang mobile data packages kahit na nag-expire na ng ilang araw o isang buwan, depende sa kanilang respective subscription plans.

“This means goodbye to the currently unfair, anti-consumer practice of telcos to have their subscribers, whether with prepaid or postpaid data packages, forfeit their unused data when their particular subscriptions end after a day, three days, a week, 15 days or one month,” anang mambabatas.

Isang kahalintulad na panukala ang inaprubahan sa kamara noong 18th Congress ngunit hindi naiasabatas dahil wala itong after counterpart bill mula sa senado.

Sinabi ni Villafuerte na sa ilalim ng kasalukuyang data packages, nawawala ng postpaid subscribers ang kanilang unused data sa katapusan ng 30-day billing cycles, habang kailangang bumili muli ang mga prepaid users ang nasabing purchase data promos upang mamentina ang kanilang internet connections kapag nag-expire na ang load mula isa, tatlo, 7, 15 or 30 araw.

“As has been pointed out by the proponents of this measure, the forced loss of mobile data under the current prepaid or postpaid ISP subscription plans is not only inefficient but inherently unfair to consumers as well,” anang mambabatas. (Vina de Guzman)