• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 19, 2025
    Current time: October 19, 2025 9:04 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September 23rd, 2025

Terorista nasa likod ng Mendiola riot – DILG, PNP

Posted on: September 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments
ITINUTURO ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) ang local terrorist group na nasa likod ng paglusob sa Mendiola at tangkang pagsunog sa Malakanyang.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, ang pinakamalaking pangamba ng security forces noong araw ng Linggo ay kung sa EDSA People Power Monument ginawa ang panggugulo dahil tiyak na mas maraming masasaktan.
Base sa nakalap nilang intelligence report, target ng mga terorista na magpasabog ng bomba sa Edsa People Power Monument o sa Luneta.
Dahil dito kaya nagtalaga sila ng may 400 mga pulis sa ground na pawang mga naka-civilian ang damit para makita at ma-assess ang sitwasyon.
Ayon pa kay Remulla, mabuti na lamang at sa Mendiola nangyari ang kaguluhan at mas na-contain ang sitwasyon.
“May narinig kaming rally na sinabi nung may hawak ng mic na, ‘O sandali na lang, pupunta na tayo sa Mendiola, dalhin niyo na ang mga lighter ninyo. That is one confirmation that they intend to burn the Palace… The capacity to burn the Pa­lace is very difficult but the intent is there,” ayon kay Remulla.
Sinabi naman ni PNP Chief General Melencio Nartatez Jr. na patuloy ang kanilang imbestigasyon sa anggulong terorista at kung anong grupo ang nasa likod ng marahas na rally sa Mendiola nitong Linggo.
Matatandaang sinunog ng mga rallyista ang container van na nakaharang sa Ayala Bridge na ilang metro na lamang ang layo sa Malakanyang at pinagbabato pa ang mga nakabantay na mga pulis.
(Daris Jose)

Ads September 23, 2025

Posted on: September 23rd, 2025 by Francis Paolo Torres No Comments

23 – 4-merged

Vice Ganda kay Pangulong Marcos: Ipakulong mo lahat ng magnanakaw!  

Posted on: September 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

Hinamon ni It’s Showtime host Vice Ganda si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na ipakulong ang mga magnanakaw kung nais nitong magkaroon ng legasiya ang kanyang pangalan.

Binitawan ni Vice ang panawagan sa kanyang pagdalo sa EDSA White Plains rally kahapon kasama ang ilan pang artista tulad nina Iza Calzado, Catriona Gray at Gabbi Garcia.

Ayon kay Vice, ang taumbayan ang ‘emplo­yer’ ng Pangulong Marcos at iba pang opisyal ng pamahalaan kaya dapat nitong sundin ang iuutos ng sambayanan.

Giit ni Vice, nakatuon ang mata ng publiko sa mga kilos ng Pangulong Marcos kaya inaasahan nilang gagawin nito ang nararapat na pagpapakulong sa lahat ng magnanakaw sa pamahalaan.

“Nakatingin kami sa’yo, Pangulong Bongbong Marcos at inaasahan ka namin, hindi dahil sa idol ka namin kundi dahil sinusuwelduhan ka namin at inaasahan namin na tutuparin mo ang inuutos naming mga employer mo,” ani Vice.

Kasabay nito, nanawagan din si Vice sa pamahalaan na ibalik ang death penalty para sa mga korap na pulitiko.

Giit ni Vice, ang mga korap na pulitiko ay mas malala pa sa mga mamamatay-tao.

“Ang korapsiyon ay higit pa sa terorismo. Ang mga terorista namimili lamang ng lugar at panahon kung kailan aatake pero ang mga magnanakaw sa Pilipinas walang pinipiling araw… araw-araw nila tayong ninanakawan,” dagdag pa ng TV host. (MRA)

Alas men’s volleyball team nagtapos sa pang-19 sa FIVB Volleyball Men’s World Championship

Posted on: September 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGTAPOS sa pang-19 na puwesto ang Alas Men’s volleyball team sa 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship.

Nagtala kasi ng kasaysayan ang men’s volleyball team ng talunin nila ang Egypt at ang muntikan ng panalo laban sa Iran para maging third place sa group stage.

Nasa ranked 18 ang France habang ang Brazil ay nasa pang-17.

Nahigitan din ng Pilipinas ang mga powerhouse team na Cuba na nasa pang-20 habang ang Germany ay nasa pang-21 at ang highest-ranked sa Asya na Japan ay nasa pang-23.

Sa kasalukuyan ay nasa ranked 81 sa buong mundo ang Pilipinas.

EJ Obiena, wagi sa World Pole Vault Challenge sa Makati

Posted on: September 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

IKINATUWA ng mga lokal na tagahanga ang pagkapanalo ni EJ Obiena sa Atletang Ayala World Pole Vault Challenge na ginanap sa Ayala Triangle Gardens, Makati City nitong Linggo, Setyembre 21.

Sa kabila ng masamang panahon nalampasan ni Obiena ang taas na 5.80 meter, katumbas ng kanyang pinakamahusay na record ngayong season, at tinalo si Thibaut Collet ng France sa pamamagitan ng countback. Pareho nilang naitala ang 5.80m, ngunit si Obiena ang nakakuha ng panalo.

Ito ang kauna-unahang international title ni Obiena sa sariling bansa.

Sinubukan din ni Obiena na lagpasan ang 5.85m (dalawang beses) at 5.90m (isang beses) ngunit hindi ito nagtagumpay. Si Collet, na nagtapos ng ika-lima sa World Athletics Championships kamakailan, ay hindi rin na-clear ang 5.90m sa tatlong subok.

Kapag naaprubahan ang interim release: ‘Third country’, payag na tanggapin si Digong Duterte -VP Sara  

Posted on: September 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

SINABI ni Vice President Sara Duterte nitong weekend na mayroong ‘third country’ ang pumayag na tanggapin si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte, kasalukuyang nakakulong sa Hague Penitentiary Institution o Scheveningen Prison dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay sa naging kampanya ng kaniyang administrasyon laban sa ilegal na droga, na ayon sa datos ng pamahalaan ay ikinamatay ng mahigit 6,000 katao sa mga operasyon ng pulisya.

Sa pagsasalita sa harap ng mga Filipino sa Japan, sinabi ni VP Sara na ang third country ay secure na.

Aniya pa, personal kasi siyang nakipag-usap at nakipagkasundo sa mga foreign contact na maghanap ng host country, dahil hindi aniya niya mapagkakatiwalaan ang sinuman sa Pilipinas na tumulong.

“Kung makikita niyo sa ICC (International Criminal Court) website, meron ng third country doon. Meron ng isang bansa na nagsabi na ‘Okay lang,’ na ‘Dito ninyo ilagay si Dating Pangulong Rodrigo Duterte’,” ang sinabi ni VP Sara.

Hindi naman nagbigay ng karagdagang detalye si VP Sara sa sinasabi nitong ‘third country’.

Buwan ng Hunyo nang simulan ng abogado ni VP Sara na hilingin sa ICC ang interim release para sa kanyang ama na si Digong Duterte.

“Medyo natagalan ang pag-file namin ng interim release dahil kinausap pa namin at naghanap pa ako ng tutulong sa akin dahil wala akong mapagkakatiwalaan doon sa Pilipinas. Ginamit ko ang aking mga nakilala sa labas ng Pilipinas dahil sa aking trabaho, nakiusap ako sa kanila na tulungan ninyo kami,” ang sinabi ni VP Sara.

“So medyo matagal ‘yun dahil hindi madali makipag-negosasyon sa isang bansa. Pero sabi ko nga, dahil sa pagdarasal ninyo, may mga good news na nangyari, so mayroong isang bansa na nagsabi, ‘Sige, okay’,” aniya pa rin.

Para naman sa Office of the Prosecutor ng ICC, hiniling nito sa tribunal na ibasura ang hiling na interim release ng kampo ni Duterte, ang kanilang katuwiran, ang patuloy na detensyon kay Digong Duterte ay kinakailangan upang matiyak ang kanyang pagdalo sa paglilitis, lalo pa’t hindi tinatanggap ni Digong Duterte ang ‘legitimacy’ ng legal proceedings laban sa kanya.  (Daris Jose)

KAGULUHAN, NABIGO, DIWA NG PILIPINO NAGTAGUMPAY – GOITIA

Posted on: September 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MARIING kinondena ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang kaguluhan na sumiklab sa Mendiola na aniya’y malinaw  na nagpapakita ng isang baluktot na agenda ng mga bayarang anarkista.

Ayon kay Goitia na ang  dapat sana’y mapayapang pagtitipon ay sinamantala ng mga nakamaskarang raliyista na naghagis ng bato, bote, at maging ng mga pampasabog laban sa pulis na nagresulta  sa  maraming pulis na lubhang nasugatan, mga pampubliko at pribadong   ari-arian  ang nawasak.

“Hindi sila mga repormista kundi mga bayarang tao na layuning manggulo lamang,” aniya. “Hindi hustisya ang habol nila kundi ang motibo na pabagsakin ang nakaupong Pangulo. Ang kanilang maduming plano ay isang patunay na pagkabigo sa kanilang hanay.  Hindi sila nagtagumpay,” ayon kay Goitia.
Mariing kinondena ni Goitia ang mga karahasang ito, na ayon sa kanya ay hindi na saklaw ng kalayaan sa pamamahayag kundi hayagang paglabag sa batas. Ayon pa sa Revised Penal Code, malinaw na pumapasok ang ginawa nila sa krimeng sedisyon — isang paglabag laban sa kaayusan at mismong Republika.

Pinuri naman ni Goitia ang Philippine National Police sa maagap na pagpigil sa tangkang pag-aaklas bago pa ito lumala. Itinuro niya na kahit maraming sugatan sa hanay ng pulis, pinili pa rin ng mga ito ang magpakita ng pagpipigil o maximum tolerance.
Sinabi rin ni Goitia na maging ang kanyang mga volunteers  at mga  marshall ay nasaktan at ninakawan ng gamit ng mga pinaniniwalaang kabilang sa kabilang kampo. Nangako si Goitia na hindi pababayaan ang mga biktima:

“Nakikipagtulungan kami sa mga awtoridad at sa aming mga katuwang sa intelligence unit upang kilalanin ang mga umatake sa aming hanay. Mananagot sila sa batas — hindi sa pamamagitan ng paghihiganti, kundi sa tamang proseso ng hustisya,” aniya.

Ipinaalala ni Goitia na ang laban kontra korapsyon ay dapat isulong sa legal at demokratikong paraan.

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay kinikilala bilang Chairman Emeritus ng apat na makabayan at sibikong organisasyon kabilangang ang ABKD, PADER, LIPI at FDNY. (Gene Adsuara)

Caloocan LGU, nakahanda na sa Bagyong Nando

Posted on: September 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

KASUNOD ng pagtataas sa Red Alert ng Caloocan City Disaster Risk Reduction and Management Department (CDRRMD) sa posibleng pananalasa ng Habagat na pinalakas ng Super Typhoon Nando, agad iniatas ni Mayor Along Malapitan ang mas pinaigting na paghahanda upang masiguro ang kaligtasan ng lahat ng mga Batang Kankaloo.

 

Inihanda na rin ng CDRRMD personnel ang mga kinakailangang kagamitan at naka-monitor rin 24/7 ang Alert and Monitoring Center ng lungsod para sa mga update kaugnay sa bagyo habang naglatag na rin ang CSWDD ng mga evacuation center sa lungsod sakaling kailanganin lumikas ng mga residenteng maapektuhan sa posibleng malakas na ulan at pagbabaha. (Richard Mesa)

 

Mga naarestong rioters, may planong sunugin ang Malakanyang- Sec. Remulla

Posted on: September 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

SINABI ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nakatanggap sila ng ulat na plano ng mga rioters na sunugin ang Malakanyang bago pa man ang gulo sa isinagawang anti-corruption protest rally nito lamang Linggo.

Ang rebelasyon na ito ay kasunod ng pagkaka-aresto sa mga nanggulong indibiduwal na nagdulot ng kaguluhan sa paanan ng Ayala bridge at Mendiola area, sa gitna ng protesta na nananawagan na papanagutin ang mga sangkot sa maanomalyang flood-control projects sa bansa.

“The first children in conflict with the law interviewed said that they had intended to burn the Palace. They had intended to burn the Palace; however, we cannot take that at face value because these were children in conflict with the law and we still needed the DSWD to process them,” ang snabi ng Kalihim sa press briefing sa Malakanyang.

Nagbabala naman ito na ang mga adult o nasa hustong gulang na mapatutunayang sangkot ay mahaharap sa iba’t ibang parusa.

“There is arson, there are grave physical injuries and we can go as far as sedition—iyong statement lang nila na ‘We intend to burn the Palace. Gusto naming sunugin iyong Palasyo,’ is a seditious act in itself,” ang sinabi pa rin ni Remulla.

Sa kabilang dako, tinanong din si Remulla kung may intelligence reports ukol sa “local terror groups” na may planong isabotahe ang protesta, kung saan ang sagot ng Kalihim ay “Yes, that is why all contingencies were considered, our biggest fear that did not happen was that someone would incite violence during the People Power Monument rally, because the intent of the people there was peaceful. The intent of the people there was to hear their grievances; the President encouraged them to go and heeded their message.”

“The threat of the terrorist was more of a bomb that would go off in Luneta or in the People Power Monument. But with the vigilance of our PNP to look at the situation, we had 400 policemen on the ground dressed in plain clothes to see what was going on and to assess and the vigilance paid off a little bit that transpired,” anito pa rin. (Daris Jose)

Peaceful rally, nasamahan ng iilang nais manggulo- Malakanyang  

Posted on: September 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MANANAGOT ang lahat.

Ito ang nais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa lahat ng sinumang gumamit ng karahasan sa naganap na peaceful rally noong Linggo.

Bilang isang public servant, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na pinakinggan ni Pangulong Marcos ang sigaw ng taong bayan, ang managot ang lahat ng sangkot.

“Kaisa ng taong bayan si President Marcos Jr. laban sa korapsyon. Ang Pangulo mismo ang nagpasimula para maimbestigahan ang maanomalyang flood control projects. Magpapatuloy din ang Pangulo sa naumpisahan na ito. At sa tulong ng taong bayan na magiging matapang sa pagbunyag ng katotohanan, ang pang-aabuso sa kaban ng bayan ay mailalantad at malalabanan,” ang sinabi ni Castro.

Ang Pangulong Marcos Jr. aniya ay handang tumugon sa hiling ng taong bayan kaya’t nirespeto at patuloy na nirerespeto ng Pangulo ang karapatang pangtao.

Sa katunayan, hindi naging hadlang ang Pangulo sa malaking protesta kahit pa naglahad ng galit ang tao laban sa korapsyon.

Subalit, mariing kinokondena ng administrasyong Marcos at ng Pangulo ang paggamit ng mga kabataan na gawing mga tulisan ng mga grupong itinatago ang mukha sa likod ng itim na maskara.

‘Team Itim,’ kung maituturing. Hindi sila raliyista na may lehitimong adhikain laban sa korapsyon, kundi gumawa lang karahasan, magnakaw, manunog, at manira,” ang binigyang diin ni Castro.

“Hindi kayo makakalagpas sa kamay ng batas at ang mga tao sa inyong likuran na gumamit sa inyo. Mga gahaman sa kapangyarihan. Hindi kayo dapat palagpasin. Hustisya ang uusig sa inyo,” aniya pa rin.

At sa sa iilang gumamit ng foul language, ginagalang aniya ang karapatan ng mga ito na magpahayag.

Ngunit, may responsibilidad din ang mga ito na maging magandang ehemplo lalo na sa kabataan.

“Ipinaglalaban natin ang tama. Idaan natin sa paraang tama,” ang diing pahayag ni Castro.  (Daris Jose)