TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog sa Happyland, Barangay 105, Tondo, Manila, ang patuloy na suporta ng gobyerno hanggang bumalik sa normal ang buhay ng mga ito.
Binisita kasi ng Pangulo ang mga naapektuhan ng sunog upang pangasiwaan ang distribusyon ng tulong mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa dalawang temporary shelters sa Tondo.
“Kahit na ganito ang nangyari, asahan po ninyo ang gobyerno ninyo ay nandito, binabantayan kayo, inaalalayan kayo, at titiyakin namin na maaalagaan namin kayo sa lahat ng inyong pangangailangan,” ang mensahe ng Pangulo sa mga bakwit sa Gen. Vicente Lim Elementary School.
“Kaunting tiyaga lang po, gagawin po namin ang lahat para makabalik na kayo sa normal na ninyong buhay,” dagdag na wika nito.
Sinabi ng Pangulo na nang malaman niya ang tungkol sa napakalaking apoy noong nakaraang Sabado ay agad niyang ipinag-utos kay DSWD Secretary Rex Gatchalian na agad na magbigay ng relief goods at cash assistance sa mga apektadong pamilya.
Aniya pa, ang medical team kinabibilangan ng mga doktor at nars ay ide-deploy upang mapigilan ang outbreak ng mga sakit sa mga bakwit dahil sa overcrowding.
Sa oras na payagan na ng mga awtoridad ang mga bakwit na bumalik sa kani-kanilang mga bahay, sinabi ng Pangulo na magi-isip siya ng ibang opsyon para tumulong sa rehabilitasyon at konstruksyon ng mga tirahan ng mga residente.
“Pagka puwede na kayong bumalik sa inyong mga tahanan ay ang gagawin po natin ay titingnan po natin kung papaano makatulong ‘yung pamahalaan para sa pagpatayo ulit ng bahay o pag rehabilitasyon ng bahay,” ang sinabi pa rin ng Pangulo.
Bago pa makausap ang mga fire survivors sa Gen. Vicente Lim Elementary School, naka-usap ng Pangulo ang mga bakwit sa Antonio Villegas Vocational High School, matatagpuan din sa Tondo.
Ang iba pang pamilya na apektado ng sunog ay pansamantalang nanunuluyan sa covered court sa Barangay 105.
Samantala, namahagi ang DSWD ng ilang tulong sa mga bakwit, kabilang na ang 2,235 family food packs, 2,235 hygiene kits, at 2,235 sleeping kits. Idagdag pa rito, naghanda rin ang DSWD ng 2,000 hot meals gamit ang mobile kitchen nito.
Nagbigay din ang departamento ng cash assistance sa pamamagitan ng emergency cash transfer (ECT) program nito, ang bawat benepisaryo ay makatatanggap ng P15,109 na gagamiting budget nito sa loob ng 29 araw.
Sa ulat, sumiklab ang sunog sa residential area sa Barangay 105, Happyland, Tondo, Maynila nitong Sabado ng gabi. (Daris Jose)