
LALO pang naging masalimuot ang imbestigasyon sa umano’y flood control kickback scheme ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay dating DPWH Engineer Brice Hernandez, may mga senador din umanong sangkot sa anomalya, at dito nga ay pinangalanan niya sina Senator Jinggoy Estrada at Senator Joel Villanueva.
Ang pahayag ni Hernandez ay kabaliktaran sa naging testimonya ni Curlee Discaya sa Senate Blue Ribbon Committee kahapon, Setyembre 8, 2025.
Nang tanungin kasi ni Senador Jinggoy Estrada kung may senador bang sangkot sa mga transaksyon, tahasang sagot ni Discaya: “Wala po”.
Matapos ang sagot ni Discaya, nagbiro si Committee Chairman Sen. Rodante Marcoleta kay Estrada ng, “Safe ka na,” na tila ikinainis ng senador.
Hiniling ni Estrada na alisin sa opisyal na record ang naturang biro bilang paggalang sa pormality ng pagdinig.
Dahil sa magkasalungat na pahayag nina Hernandez at Discaya, nananawagan ang ilang mambabatas ng mas malawak na imbestigasyon upang matukoy kung may mga opisyal sa Senado na sangkot sa umano’y korapsyon sa DPWH.
Samantala, sasampahan ng kaso ni Senador Jinggoy Estrada si dating Bulacan 1st District Assistant Engineer Brice Hernandez matapos ikaladkad ang senador sa pagdinig ng Kamara ukol sa umano’y korapsyon sa flood control projects.
Sa pulong-balitaan, sinabi ni Estrada na kukunsulta siya sa kanyang mga abogado para sa kasong isasampa laban kay Hernandez.
Isiniwalat kasi ni Hernandez na nagbaba ang senador ng P355 milyon ngayong 2025 sa ilang proyekto sa lalawigan ng Bulacan, bagay na itinanggi ni Estrada.
Giit ni Estrada, posibleng ginagantihan siya ni Hernandez matapos niya itong patawan ng contempt sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Nilinaw ng senador na ang milyun-milyong pisong ibinibintang sa kanya ay nakapaloob lahat sa General Appropriations Act.
Posible rin aniya na kinuha lamang ni Hernandez ang kanyang mga paratang mula sa naging biro kahapon ni Senador Rodante Marcoleta na “safe ka na” matapos sabihin ni Curlee Discaya na walang senador na sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Samantala, nagsalita na rin si Senador Joel Villanueva matapos din siyang idawit ni Hernandez sa pagdinig ng Kamara na sangkot ito sa umano’y korapsyon sa flood control projects.
Giit ni Villanueva, hindi siya natatakot sa ganitong uri ng demolition job at handa raw siya na madungisan, mainsulto o batikusin kung ito aniya ang magliligtas sa taumbayan sa paulit-ulit na pagbaha sa bansa.
Dagdag niya, paulit-ulit na niyang binabanggit mula pa noong 2023 na palpak ang flood control program ng pamahalaan at mismong Pangulo rin ang nagsabi nito makalipas ang dalawang taon.
Gayunpamanm sinabi ng senador na hindi siya natatakot maimbestigahan sapagkat wala raw siyang tinatago.
Aniya, ang kanyang tungkulin ay manatiling tapat sa paglilingkod, lalo na sa mga Bulakenyong taon-taong dumaranas ng pagbaha.
Una nang pinatawan ng contempt si Hernandez sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee matapos magsinungaling sa kanyang pagsusugal sa Casino.
Inakusahan si Hernandez na gumamit ng pekeng pagkakakilanlan upang makapasok sa mga casino.
Samantala, kinumpirma ni Senate President Tito Sotto na ililipat sa PNP Custodial Center si Hernandez para sa kanyang kaligtasan.
Ito aniya ang kanilang napagkasunduan ni House Speaker Martin Romualdez. (Daris Jose)