

Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, ito ang ipinakita at reaksiyon ng mga manonood sa loob ng screening hall matapos maramdaman ang bigat ng bawat eksena, mula sa panggigipit sa karapatan hanggang sa hirap na dinaranas ng mga mangingisdang Pilipino at matapos ang palabas lahat sila ay nanindigan na hindi na sila papayag na aagawan sila ng dayuhan sa kanilang teritoryo.
Dagdag pa ni Goitia na pinagmalaki niya ang kanilang pagbabago. “Kita mo sa mga mata nila,” aniya. “Hindi lang sila galit, handa na sila. Ayaw na nilang manatiling tahimik. Alam nila na ang laban na ito ay hindi lang tungkol sa teritoryo, kundi tungkol sa katarungan.”
Mula sa galit, sumibol ang paninindigan. Marami ang tumindig at nagsalita, ipinahayag ang kanilang tungkulin na kumilos, magpahayag ng katotohanan, at lumaban sa kasinungalingan. Wika ng isang lider-estudyante: “Hindi puwedeng umasa lang tayo sa iba para lumaban. Laban din natin ito.”
Para kay Goitia, ito ay isang makasaysayang sandali ng pagkamulat. “Nasasaksihan natin ang pag-usbong ng bagong kabanata,” wika niya.
“Wala na ang sinasabing apatiya o kawalang interes ng mga kabataan. Ang nakikita natin ngayon ay isang henerasyong hindi na natatakot magsalita, hindi na nagpapaloko, at handang ipagtanggol ang dangal ng bayan.”
Sa huli, ang dokumentaryo ay naging higit pa sa isang pelikula. Isa itong salamin na nagpakita ng tunay na kalagayan: ang pagdurusa ng ating mga mangingisda, ang paulit-ulit na paglabag sa ating soberanya, at ang mga kasinungalingang nagpapalabo sa katotohanan. Ngunit higit pa roon, naging hudyat ito ng nagniningas na apoy na muling nagpaalab sa puso ng kabataan. Sa kanilang mga mata, nakita ang bagong apoy ng pagkamulat na may pag-asa, isang panibagong layunin, at matinding pagkagutom para sa tunay na katarungan at hustisya.
Naisakatuparan ang block screening ng dokumentaryo sa tulong ng malawak na suporta mula sa mga makabayang organisasyon at lider tulad ni Chairman Herbert Martinez ng Blessed Movement, gayundin ng iba pang co-sponsor na nagkakaisa para sa adhikain.
Nag-iwan ni Chairman Goitia ang kanyang mga salita bilang paalala at isang matinding hamon:
“Hindi lang ito tungkol sa dagat. Ito ay tungkol sa ating pagkatao bilang Pilipino. At ngayong gising na ang kabataan, nananawagan ako sa bawat Pilipino na bumangon kasama nila. Gawin nating inspirasyon ang kanilang tapang upang kumilos tayo, magsalita, at ipaglaban ang nararapat na atin. Ang laban para sa West Philippine Sea ay hindi bukas magsisimula. Pananagutan natin ito ngayon. At habang dinadala ng kabataan ang apoy na ito sa kanilang mga puso, kailanman ay hindi ako mawawalan ng pag-asa na mananaig ang dangal ng ating bayan.” (Gene Adsuara)