INIHAYAG ni Mayor Joy Belmonte nitong Biyernes ang ilang problemang flood control projects sa Quezon City sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na ibinunyag na sa 254 na nakalistang proyekto ay 2 lamang dito ang inaprubahan ng lokal na pamahalaan.
Sinabi ni Belmonte na ang iba pang flood control projects na nagkakahalaga ng P14.24-B ay hindi naaprubahan, hindi kumpleto, o walang certificates of coordination (COC) sa ilalim ng Local Government Code at ng city ordinance.
“Ako ay kumbinsido na may mga maanomalyang proyekto,” sabi ni Belmonte, na nagpahayag ng galit at pagkadismaya sa sitwasyon dahil lumilitaw na ang DPWH ay “walang respeto” sa pamahalaang lungsod. Sinabi niya na 16 na proyekto ang sumubok na mag-apply para sa COCs ngunit hindi naging kwalipikado.
Sinabi ng alkalde na dalawang proyekto lamang ang nakakuha ng kinakailangang COC mula sa lokal na pamahalaan bago nagsimula ang konstruksiyon. Isang 66-phase project, na kabilang sa 254 flood control projects, ay kasalukuyang iniimbestigahan ng lokal na pamahalaan.
Nabuo ito matapos inspeksyunin ng pamahalaang lungsod ang lahat ng proyekto sa pagkontrol sa baha na itinayo noong 2021 hanggang 2025 sa gitna ng malawakang pagsisiyasat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga kuwestiyonableng programa sa imprastraktura ng DPWH.
Tinukoy ni Belmonte ang nangungunang pitong contractor sa Quezon City ang Triple 8 Construction & Supply Inc., EGB Construction Corp., Topnotch Catalyst Builders Inc., St. Timothy Construction Corp., Legacy Construction Corp., Alpha & Omega Gen Contractor & Development Corp. at Wawao Builders.
Ilan sa mga hindi naaprubahang proyekto ay kinabibilangan ng Matalahib Creek pumping station na nagkakahalaga ng P95,998,547; Mariblo pumping station na nagkakahalaga ng P282,850,771.95; at Sta. Cruz pumping station na nagkakahalaga ng P282,847,634.84.
Sa 1,652 na proyekto ng DPWH sa Quezon City mula 2021 hanggang 2025, 138 o 8.4% lamang ang nag-apruba ng COCs. Sinabi ni Belmonte na ang ilan sa mga proyektong kanilang inimbestigahan ay minarkahan bilang kumpleto, ngunit nang bumisita sila sa site, ito ay patuloy pa ring ginagawa.
Nagsulong si Belmonte para sa mas magandang koordinasyon at mga reporma sa pagpapatupad ng flood control gayundin sa iba pang mga proyektong pang-imprastraktura. “Umaasa kami na makakatanggap pa rin kami ng mas maraming ulat habang sinusubaybayan at iniinspeksyon namin ang mga proyekto,” sabi niya.
“Layunin naming panagutin ang mga taong nasasangkot sa kasong graft and corruption,” diin ng alkalde. Nangako siyang tutulong sa pagsisiyasat ng mga maanomalyang proyekto sa pagkontrol sa baha dahil sa patakaran ni Pangulong Marcos. (PAUL JOHN REYES)