Halos P.3M droga, nasabat sa 3 drug suspects sa Caloocan, NavotasĀ
- Published on September 1, 2025
- by @peoplesbalita
TINATAYANG halos P.3 milyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam sa tatlong drug suspects matapos maaresto sa magkahiwalay na anti-drug operations sa Caloocan at Navotas Cities.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio, sinabi ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth na pumalag sa kanyang mga tauhan ang isang lalaki na nasita sa paglabag umano sa ordinansa ng lungsod.
Nang kapkakapan, nakumpiska ng mga pulis sa 32-anyos na alyas “Rudy”, ang nasa 4.9 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P33,320.00.
Samantala, natimbog naman ng mga operatiba ng Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa buy bust operation ang 27-anyos na tulak umano ng droga na si alyas “Rigor”.
Nakuha sa suspek ang aabot 888 grams ng umano’y pinatutong dahon ng marijuana at 49 grams ng hinihinalang high-grade “Kush” marijuana na umaabot lahat sa halagang P175,160.00.
Samantala, nasamsam naman ng mga tauhan ni Navotas Police OIC Chief P/Col. Renante Pinuela sa 37-anyos na tulak ng droga ang nasa 10.4 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P70,720 matapos malambat sa ikinasang buy bust operation ng mga operatiba ng SDEU sa Navotas.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang karagdagan na kasong paglabag sa Article 151 (Disobedience to a Person in Authority) ang kakaharapin pa ni ‘Rudy’. (Richard Mesa)