INILUNSAD ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang ikalawang edisyon ng NavoRun, noong Linggo sa Navotas Centennial Park.
Umabot sa 636 runners ang sumali sa 16-kilometer at 8-kilometer categories fun run na inorganisa ng Pamahalaang Lungsod sa pakikipagtulungan sa Backpack Runners.
Unang inilunsad ang NavoRun noong 2024 na naging taunang run for a cause na pinagsama ang fitness, sports tourism, at community service.
Ang kikitain nito ay pakikinabangan ng Josefheim Foundation na sumusuporta sa mga may sakit, matatanda at Navotas Drum and Bugle Corps, isang grupong naghahasa ng talento sa musika.
Ayon Kay Mayor John Rey Tiangco, layon nito na maisama ang lungsod sa mapa bilang isang running destination na binabanggit ang lumalagong running culture nito sa kahabaan ng C4 Road at R-10 kung saan regular na tumatakbko, nagbibisikleta at nag-eehersisyo ang mga residente.
“Hinihikayat natin ang lahat na ipagpatuloy ang ganitong mga gawain, at isulong pa natin ang aktibo at malusog na pamumuhay,” aniya.
Sa 16-kilometer male category, nasungkit ni Pinmark Balagon ng Mandaluyong ang championship, na sinundan nina Redie Kim at Symon Santos, kapwa ng Navotas.
Para sa female division, nanguna sa karera si Lorelyn Magalona ng Dasmariñas, Cavitet, pumangalawa si Kimberly Ilustrisimo ng Navotas at pangatlo naman si Marjorie Tan ng Dasmariñas, Cavite.
Ang 8-kilometer male categor ay pinamunuan ni Aljur Rendon ng Quezon City na nanguna kay Cyrus Lasibal ng Malabon at Merck Jounes Tribo ng Pulilan, Bulacan.
Sa female division, si Renelyn Tribo ng Pulilan, Bulacan ang nanguna na sinundan nina Aubrey Mata ng Malabon at Sophia Yurango ng Imus, Cavite.
Ang turnout ngayon taon ay nagpatibay sa lumalagong reputasyon ng NavoRun bilang parehong tradisyon ng komunidad at isang showcase potensyal ng lungsod hub para sa sports and wellness tourism. (Richard Mesa)