
Pahayag ito ng mambabatas sa isinagawang public hearing ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB)-IVA nitong Miyerkules, kaugnay sa panukalang dagdag-sahod para sa mga nasa pribadong sektor sa CALABARZON.
Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si Revilla sa RTWPB IV-A, Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry (DTI), mga samahan ng manggagawa, mga employer, at iba pang stakeholders na aktibong lumahok sa konsultasyon.
“Isang napakagandang pagkakataon na tayo ay muling magkasama-sama upang mapakinggan ang opinyon at suhestyon ng bawat isa mula sa pribado at pampublikong sektor patungkol sa ipinapanukalang dagdag-sahod para sa mga manggagawang Pilipino sa pribadong sektor hindi lang dito sa Cavite, kundi sa buong CALABARZON,” pahayag ni Revilla.
Bilang kinikilalang kakampi at tagapagtanggol ng sektor ng paggawa, nabanggit ni Revilla na kabilang siya sa mga aktibong nagsulong ng legislated wage hike noong 19th Congress. Bagaman hindi ito tuluyang naisabatas kahit pa naipasa na ng Kamara, binigyang-diin ng mambabatas na hindi rito nagtatapos ang laban para sa sapat at nakabubuhay na sahod.
Muling iginiit ng Revilla ang kanyang determinasyon na isulong ang mga panukalang balanseng magtataguyod sa kapakanan ng mga manggagawa, gayundin ng nagmamay-ari ng mga negosyong nagpapasahod sa kanila, sa pamamagitan ng makabuluhang polisiya.
“Malinaw ang nakasaad sa ating Saligang Batas na dapat ay may pantay na oportunidad ang bawat Pilipino sa marangal na trabaho, ligtas at makataong kondisyon sa paggawa, at higit sa lahat, sapat at nakabubuhay na sahod. Ngunit kailangan din nating matiyak na habang isinusulong natin ang karapatan at seguridad ng mga manggagawa ay hindi rin mapababayaan ang sektor ng mga employer sa bansa,” dagdag pa ni Revilla.
Binigyang-diin rin ng mambabatas na simula pa noong siya ay nagsilbi bilang Bise Gobernador ng Cavite, matibay na ang kanyang paniniwala na ang pag-unlad ng buhay ng mga manggagawa ay susi sa pagpapatatag ng ekonomiya at sa pagkamit ng mas maliwanag na kinabukasan para sa bansa.
“Patuloy tayong makikinig sa boses ng ating mga manggagawa at patuloy tayong makikipagtulungan kasama ang mga pederasyon, unyon, at organisasyon na nakikibaka para sa kapakanan at karapatan ng mga manggagawa,” aniya.
Dagdag pa ng mambabatas, mahalaga ring maipatupad na ang pagkakaroon ng isang minimum wage rate para sa buong probinsya at tuluyan nang alisin ang kasalukuyang umiiral na income classifications. Sa ilalim ng mungkahing ito, ang lahat ng lungsod at bayan ay makatatanggap ng pare-pareho nang minimum wage rate.
Noong pagpasok ng Abril 2025, inaprubahan ng RTWPB IV-A ang bagong minimum wage increase sa CALABARZON na nagtatakda ng arawang sahod mula ₱425 hanggang ₱540, depende sa probinsya, uri ng industriya, at laki ng establisimyento.
Wala pang pinal na desisyon ang Board kung magkakaroon muli ng panibagong dagdag-sahod sa susunod pang mga buwan. (Vina de Guzman)