• April 9, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July, 2025

Kapalaran ni Duterte, nasa kamay na ng DILG

Posted on: July 2nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NASA hurisdiksyon na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kapalaran ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang Davao City Mayor, ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, hangga’t walang nakabinbing kaso ang mga nanalong kandidato sa Comelec, ang kanilang hurisdiksyon ay ililipat sa DILG.

Sa ilalim ng succession, sinabi ni Garcia na ang naproklamang Vice Mayor ang magsisilbi bilang acting Mayor.

Sinabi ni Garcia na ang nanalong kandidato na nasa labas ng bansa ay maaaring manumpa sa ambassador o Philippine Consul General.

Ani Garcia, walang nakalagay sa ating batas kung saan pupuwedeng mag-oath ang isang tao.

Ang dating Pangulo ay naaresto noong Marso 11 paglapag mula Hong Kong sa kahilingan ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa imbestigasyon sa kanyang war on drugs. (Gene Adsuara)

Pagsasapubliko ng anumang transaksiyon patungkol sa gobyerno, mas maganda -Malakanyang

Posted on: July 2nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PARA sa Malakanyang, mas maganda talaga na maging transparent ang bawat galaw ng mga mambabatas at anumang transaksyon patungkol sa gobyerno para sa taumbayan.

Tugon ito ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa naging pahayag ni House Speaker Martin Romualdez na suportado nito ang panawagan na ma-institutionalize ang transparent na budget process sa pamamagitan ng pagbubukas sa bicameral deliberations sa publiko.

Bahagi ito ng mas malawak na reporma sa budget na isusulong sa pagbubukas ng 20th Congress.

“We respect the independence of the Congress pero kapag po ang pinag-usapan ay pagsasapubliko ng anumang transaksiyon patungkol sa gobyerno mas maganda po talaga na maging transparent ang bawat galaw ng mga mambabatas para sa taumbayan,” ani Castro.

Sa ulat, sinabi ni Romualdez na ang transparency at pananagutan ang dapat na magsilbing haligi ng budget process kaya sinusuportahan niya ang hakbang na isapubliko ang diskusyon sa bicameral conference committee.

Sa pamamagitan aniya nito ay maibabalik ang tiwala ng mamamayan at masisigurong ang national budget ay sumasalamin sa kapakanan ng mga Pilipino.

Paliwanag ng Speaker, ang pag-livestream sa bicam proceedings para sa real-time access ng taumbayan at stakeholders ay makatutulong na gawing bukas sa pagbusisi ang budget process.

Binigyang-diin pa ni Romualdez na nakahanay ito commitment ng kanyang legislative leadership na protektahan ang pondo ng bayan.

Ang #OpenBicam campaign na itinutulak ng reform advocates ay nagsusulong ng full disclosure sa bicam deliberations na karaniwang pinal na yugto ng pag-reconcile sa House at Senate versions ng pambansang budget.

Dagdag pa ng leader ng Kamara, nailatag na sa 19th Congress ang pagpapaigting sa budget transparency partikular ang accountability measures kaya kailangang ituloy ang momentum sa pinaka-sensitibong proseso. (Daris Jose)

Pormal na pagsasagawa ng ribbon cutting ceremony, unveiling of marker, at blessing ng BFP Central Fire Station at PNP Central Police Station Imus, Cavite

Posted on: July 2nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

KASABAY ng makasaysayang panunumpa ng mga bagong halal na opisyal ng Lungsod ng Imus, Cavite at ang selebrasyon ng ika- 13th Anniversary ng pagiging Lungsod ng Imus ay pormal na ginanap sa Open Canal Road, Barangay Malagasang 2C.

Ang programa ay nagsimula sa isang mainit na pagtanggap sa mga panauhin sa pangunguna ni PMAJ Robert S. Dimapilis at sinundan ito ng mga inspirasyonal na mensahe mula kina Acting Chief of Police ng Imus City PLTCOL Chey Chey I. Saulog, City Fire Marshal ng Imus City FCINSP Hayceeline M. Obligar, Congressman AJ Advincula at Mayor Alex Advincula.

Bilang panauhing pandangal at pangunahing tagapagsalita ay binigyang-diin ni Secretary of the Interior and Local Government (DILG) Juanito Victor ‘Jonvic’ C. Remulla, ang kahalagahan ng pagpapatibay sa mga institusyon ng seguridad at kaligtasan.

Kasunod nito ang pormal na pagsasagawa ng ribbon cutting ceremony, unveiling of marker, at blessing ng BFP Central Fire Station at PNP Central Police Station, na pinangunahan nina Secretary Remulla at Mayor Alex Advincula.

Dumalo rin sa programa sina Vice Mayor Homer Saquilayan; DILG Provincial Director Danilo Nobleza; PBGEN Jack Wanky, Regional Director ng PRO4A CALABARZON; PCOL Dwight Alegre,Provincial Director ng Cavite PPO; FSSUPT Douglas Guiyab, na kumatawan kay FCSUPT Roy Roderick Aguto ng BFP Region 4A; FSUPT Genalyn Cabasal, Acting Provincial Fire Marshal ng Cavite; at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Imus at Sangguniang Panlalawigan ng Cavite.

Ang pagkakatayo ng mga bagong pasilidad na ito ay malinaw na patunay ng patuloy na pagsusumikap ng Pamahalaang Lungsod ng Imus, katuwang ang mga pambansang ahensya, upang mapalakas ang serbisyong pampubliko at sa larangan ng seguridad at kaligtasan ng bawat mamamayang Imuseño.

(Text & Photos by Boy Morales Sr.)

LWUA, nagsumite na ng report sa Office of the President kaugnay sa imbestigasyon sa PrimeWater – Malakanyang

Posted on: July 2nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGSUMITE na ang Local Water Utilities Administration (LWUA) ng report nito sa Office of the President (OP) hinggil sa imbestigasyon sa operasyon ng water service na ipinagkakaloob ng PrimeWater.

Sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na may isang folder at dalawang balikbayan boxes ang dokumentong isinumite sa OP.

”So, nabigyan po tayo ng kopya kahapon at nabigyan na rin po ang Office of the President at ito po ay aaralin. Asahan ninyo po na mabilisan pong aaralin ito para sa mga consumers po ng PrimeWater,” dagdag na wika nito.

“If needed, legal actions will be undertaken once the OP finishes studying LWUA’s report,” ayon kay Castro.

Sa ulat, ipinag-utos ng Pangulo ang imbestigasyon sa operasyon ng PrimeWater Infrastructure Corp. dahil sa ilang reklamo ukol sa serbisyo nito.

Sinabi ni Castro na hindi kukunsintihin ng administrasyong Marcos ang ‘insufficiency of services’ ng PrimeWater.

Binigyang diin ni Castro na dapat lamang na tinutugunan ang pangangailangan ng publiko.

Para naman sa PrimeWater, nangako ito na magiging bukas sa anumang makabuluhang dayalogo na lulutas sa anumang alalahanin habang pinanindigan na committed ito na makipagtulungan sa LWUA.  (Daris Jose)

Naglalayong mabigyan ng buwanang ayuda ang lahat ng matatandang Pilipino… Universal Social Pension, muling inihain sa Kongreso

Posted on: July 2nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

SA pagbubukas ng 20th Congress, muling inihain ni United Senior Citizens Partylist Rep. Milagros Aquino-Magsaysay ang panukalang Universal Social Pension (USP) na naglalayong mabigyan ng buwanang social pension ang lahat ng matatandang Pilipino na aabot sa mahigit labing-dalawang (12) milyon.

Bagama’t sinuportahan ni Speaker Martin Romualdez at ng mayorya ng mga mambabatas, pumasa sa ikatlo at huling pagbasa sa nagdaang Kongreso, matatandaang hindi umusad ang bersyon nito sa Senado.

“Ako po ay hindi mapapagod at hindi titigil na ipaglaban at tayuan ang mga karapatan, pribilehiyo at benepisyo ng ating mga nakatatanda. Matagal na po silang nananawagan, nagtitiis at nagsusumamo sa ating pamahalaan sa kaunting tulong na ito. Ibigay na po natin sa kanila hindi bilang ayuda, kundi bilang respeto at paggalang sa kanilang mga ambag sa ating lipunan,” anang mambabatas.

Umaasa rin ang Kongresista na tulad noong 19th Congress ay susuportahan din ng mga bagong miyembro ng Kongreso ang nasabing panukala.

Bukod dito, inihain din ni Magsaysay ang ilan pang mahahalagang panukalang magbibigay ng pantay na pagkilala at ibayong pagmamalasakit sa mga nakatatanda tulad ng Philippine Geriatric Center Act na magtatakda ng sapat na pasilidad sa mga pampublikong pagamutan para sa mga matatanda at Anti-Senior Citizens Abuse Act na magpapataw ng kaukulang parusa para sa anumang uri ng pang-aabuso sa mga nakatatanda.

Kabilang din sa mga batas na inihain nito ang Philippine Dementia and Alzheimer Care Policy, Matatanda Ating Mahalin (Long Term Care) Act, Employment Opportunities for Senior Citizens and Private Entities Incentives Act, Expanded Senior Citizens Act, Sangguniang Nakatatanda, Senior Citizens Day Care Center Act, at Instituionalized Five Percent Senior Citizens Allocation.

Sa huli, sinabi pa ni Magsaysay na sentro ng kanyang mga pangunahing panukala ang pagbibigay halaga sa prinsipyo ng social justice at pagpapayabong ng kultura nating mga Pilipino na mapag-alaga at mapagkalinga sa mga nakatatanda.

(Vina de Guzman)

Mayor Wes, nanumpa sa kanyang ikalawang termino

Posted on: July 2nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MALUGOD na tinanggap ni Mayor WES Gatchalian ang pagsisimula ng kanyang bagong termino na may panibagong pananaw para sa inklusibo at napapanatiling pag-unlad, kasunod ng oathtaking ceremony ng mga bagong halal na opisyal ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela na pinangasiwaan ni Court of Appeals Justice Jaime Fortunato Caringal na ginanap sa makasaysayang Casa de Polo, nitong Lunes ng umaga.

Kasama ni Mayor WES na nanumpa ang bagong halal na Vice Mayor Marlon Alejandrino, First District Congressman Kenneth Gatchalian, Second District Congressman Gerald Galang, at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, na binubuo nina Cris Feliciano-Tan, Ghogo Deato-Lee, Atty. Richard Enriquez, Atty. Bimbo Dela Cruz, Kisha Ancheta, at Goyong Serrano mula sa unang Distrito; at Lorie Natividad-Borja, Niña Lopez, Sel Sabino-Sy, Chiqui Carreon, Mickey Pineda, at Louie Nolasco mula naman sa ikalawang Distrito.

Bago ang oathtaking, idinaos ang closing session ng 9th city council kung saan ipinasa ang isang resolusyon na nagbibigay pugay sa mga outgoing three-termer councilors na sina Ramon Encarnacion at Ricar Enriquez, at outgoing Vice Mayor na incoming second district Councilor  Lorie Natividad-Borja para sa kanilang huwarang serbisyo at paglilingkod sa mga Valenzuelano ng siyam na taon.

Isang congratulatory resolution din ang ipinasa bilang pagbati kay Mayor WES Gatchalian para sa kanyang ikalawang termino,  Vice Mayor Marlon Alejandrino, Congressman Kenneth Gatchalian at Congressman Gerald Galang para sa kanilang bagong posisyon bilang kinatawan ng una at ikalawang distrito ng lungsod.

Sa kanyang mensahe, ipinaabot ni Mayor WES ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa mga taga-Valenzuela sa muling ibinigay sa kanya na pagtitiwala at sa kanyang team. Muli niyang pinagtibay ang pangako ng kanyang administrasyon na ipagpatuloy ang pagbabago ng Valenzuela sa isang inklusibo at liveable city. Binigyang-diin niya na ang susunod na tatlong taon ay magsisilbing bagong simula, bagong mandato at pagpapalakas ng enerhiya upang makabuo ng pundasyon ng mahusay na pamamahala. Nangako din siya na paigtingin ang pagsisikap na mailapit ang de-kalidad na serbisyo sa bawat barangay at tiyaking walang maiiwan na sektor. (Richard Mesa)

Barangay Kagawad  sinuspinde dahil sa kahalayan

Posted on: July 2nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

SINUSPINDE ng anim na buwan ng Sangguniang Panlungsod ang isang Barangay Kagawad matapos masangkot sa kahalayan.

Si Barangay Kagawad Apolonio Kibral Fulo Jr. ng Barangay Pinagsama, kilalang malapit na tauhan at bodyguard ni Pammy Zamora, natalong kandidato sa pagka-Kongresista ng District 2, ay opisyal na sinuspinde ng anim (6) na buwan ng Sangguniang Panlungsod ng Taguig matapos mapatunayang may sala sa kasong grave misconduct, immoral acts, at gawaing labag sa tiwala ng publiko.

Batay sa Resolution No. 828, Series of 2025, na inaprubahan nitong Hunyo 30, 2025, epektibo agad ang suspensyon ni Fulo dahil sa reklamo mula sa kapwa opisyal ng barangay at ipinasa ng Office of the Ombudsman sa Konseho para sa pormal na imbestigasyon.

Bago pa man ang anim na buwang parusa, si Fulo ay una nang isinailalim sa 60-araw na preventive suspension noong Pebrero 2025, alinsunod sa kautusan ni Mayor Lani Cayetano at sa pahintulot ng COMELEC. Layunin nito na maiwasan ang posibleng pananakot sa mga testigo at mapanatili ang integridad ng imbestigasyon.

Nakapagsumite si Fulo ng kanyang sagot noong Oktubre 2024, at isinagawa ang preliminary conference nitong Hunyo 2025. Matapos ang pagsusuri sa ebidensya at pahayag ng parehong panig, ipinataw ang anim na buwang suspensyon at inirekomenda rin ang pagsasampa ng kasong tuluyang pag-aalis sa puwesto at habambuhay na diskwalipikasyon sa gobyerno.

Ang kaso ay nag-ugat sa isang insidente noong Abril 6, 2024 sa isang seminar sa Cebu City, kung saan inakusahan si Fulo ng kahalayan laban sa isang babaeng opisyal ng barangay.

Lumabas sa imbestigasyon na nagpadala pa ng mensahe si Fulo sa biktima matapos ang insidente at nag-alok umano ng pera para huwag na siyang kasuhan — patunay na lalo pang nagpabigat sa reklamo.

Bagama’t itinatanggi ni Fulo ang mga paratang, nakita ng Konseho ang sapat na ebidensya kabilang ang salaysay ng isang saksi na nagsabing umamin si Fulo sa ginawa at handang bayaran ang biktima upang manahimik.

Ito ang naging batayan ng Resolution No. 828 at ang implementasyon ng anim na buwang suspensyon, kasabay ng pag-usad ng hakbang para siya ay tuluyang tanggalin at hindi na muling makapagsilbi sa gobyerno.

(Gene Adsuara)

Ikalawang Kabanata: Panata sa Bayan, Paninindigan sa Bayan 

Posted on: July 2nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

IMUS, Cavite – Panunumpa at pag-upo sa tungkulin ni Mayor Alex ‘AA’ Advincula, araw ng Lunes, Hunyo 30, 2025. gayundin ang panunumpa ni Congressman, AJ Advincula, bilang kinatawan ng ikatlong distrito ng Cavite.

Nagsimula ang makasaysayang araw na ito sa pamamagitan ng pagdiriwang ng Banal na Misa na pinamunuan ni Most Rev. Reynaldo G. Evangelista, D.D., Obispo ng Diyoses ng Imus. Kasunod ang panunumpa ng mga bagong halal na opisyal ng Lungsod ng Imus at ang selebrasyon ng ika- 13th Anniversary ng pagiging Lungsod ng Imus.

” Ito po ang simula ng ikalawang kabanata ng responsableng pamumuno at tapat na paglilingkod para sa Lungsod ng Imus,” pambungad ni Mayor Alex.

Sama-samang ginunita at sinuportahan ng mga kababayan sa Cavite ang makasaysayang araw na ito at ipinagdiwang ang patuloy na pag-unlad bilang progresibong Imus.

(Text & Photos by Boy Morales Sr.)

96 hired-on-the-spot sa mega job fair sa Navotas

Posted on: July 2nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

BILANG bahagi ng pagdiriwang ng ika-18th Navotas Cityhood Anniversary, nagsagawa ng Mega Job Fair ang Navotas Public Employment Service Office (PESO) kung saan mahigit 60 partner companies ang nagbukas ng job opportunities para sa mga Navoteño na naghahanap ng trabaho.

Mayroon ding booths ang mga government agencies tulad ng SSS, PAG-IBIG, at PhilHealth para sumagot ng mga katanungan ng mga aplikante. Binati naman ni Mayor John Rey Tiangco ang 96 aplikanteng Hired-on-the-Spot. (Richard Mesa)

Edukasyon, libre sa bagong Navotas Polytechnic College  

Posted on: July 2nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PINANGUNAHAN ni Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Tiangco ang pagbabasbas ng mga bagong pasilidad sa Navotas Polytechnic College na nagpapatibay sa pangako ng lungsod sa libreng de-kalidad na edukasyon, bilang bahagi ng ika-18th cityhood anniversary nito.

Nakiisa rin ang iba pang mga opisyal ng lungsod sa inagurasyon ng bagong NPC na may  28 classrooms, limang computer laboratories, tatlong science labs, isang speech lab, isang library, indoor at outdoor cafés, at isang gymnasium.

Ayon kay Mayor Tiangco, mananatiling libre ang pag-aaral sa NPC na hindi lang aniya nagtaas sila ng gusali, kundi binubuo rin ang kinabukasan ng mga kabataan.

Binigyang-diin din ni Mayor Tiangco na ang edukasyon ang naglalatag ng batayan para sa isang mas malakas, mas progresibong Navotas.

“Holistiko ang ating pagtingin sa edukasyon—hindi lang ito tungkol sa pagtatapos o pagkakaroon ng diploma. Gusto nating hubugin ang mga Navoteñong may pagpapahalaga sa life-long learning at may tamang pagpapasya para sa sarili, pamilya, at komunidad,” pahayag niya.

Samantala, sinabi ni Cong. Tiangco na tinugunan nito ang pamumuhunan ng lungsod ay idinisenyo para sa pangmatagalang panahon.

“Hindi lang ito para sa kasalukuyan. Ito ay paghahanda para sa kinabukasan ng ating mga kabataan at ng ating lungsod,” sabi niya.

“Sa bawat estudyanteng may natapos, may pamilyang umaangat, at may komunidad na mas umuunlad,” dagdag niya. (Richard Mesa)