• April 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July, 2025

Ads July 15, 2025

Posted on: July 15th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

15 – 4-merged

Kampo ni Pacquiao minaliit ang batikos sa pagbabalik niya sa boxing

Posted on: July 14th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MINALIIT ng kampo ni Filipino boxing champion Manny Pacquiao ang mga puna at batikos ukol sa kaniyang pagbabalik sa boxing ring dahil sa edad nito.

Sinabi ng kaniyang long-time trainer at kababata na si Buboy Fernandez, na sa edad na 46 ng dating senador ay alam niya kung papayagan pa nitong muling lumaban.

Sa nasabing edad aniya ay hindi nito nakitaan ang dating boksingero ng pagiging tamad sa pag-ensayo.

Pursigido pa ito sa mga ensayo at sparring kung saan wala itong sinayang na oras mula ng simula ang training sa Los Angeles.

Nakatakdang makaharap ni Pacquiao si World Boxing Council welterweight champion Mario Barrios sa Hulyo 20 sa Las Vegas.

Gilas Pilipinas Women, sumabak na sa 2025 FIBA Asia Cup sa China

Posted on: July 14th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

SUMABAK na ang Gilas Pilipinas Women’s Basketball Team sa 2025 FIBA Asia Cup na ginaganap mula Hulyo 13 hanggang 20 sa Shenzhen, China.

Walong bansa ang naitalang kalahok sa palaro, kung saan ang kampeon ay awtomatikong makakakuha ng puwesto sa 2026 FIBA Women’s World Cup, habang ang ikalawa hanggang ikaanim na puwesto ay papasok sa World Cup Qualifying Tournaments.

Nasa Group B ang Pilipinas kasama ang matitinding kalaban na bansang Australia, Japan, at Lebanon.

Djokovic hindi umubra kay world number 1 Jannik Sinner

Posted on: July 14th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

TINALO ni world number 1 Jannik Sinner si Novak Djokovic 6-3, 6-3, 6-4 sa paghaharap nila sa semifinals ng Wimbledon.

Dominado ni Sinner ang nasabing laro kung saan makikitang mayroong iniindang injury ang Serbian tennis star.

Napansin kasi ng mga fans ang hindi gaanong paggalaw sa tagiliran ni Djokovic kung saan maaring natamo nito ang injury sa quarterfinals match niya kay Flavio Cobelli.

Bahagyang naka-recover sa medical timeout si Djokovic sa ikalawa at ikatlong set kung saan hawak pa nito ang 3-0 na kalamangan.

Dahil dito ay makakaharap ng Italian tennis star ang World number 2 na si Carlos Alcaraz ng Spain sa finals ng Wimbledon.

Magpapatupad ng cashless payments, 180 LGUs na- Malakanyang

Posted on: July 14th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

TINATAYANG umabot na sa 180 Local Government Units (LGUs) ang magpapatupad ng cashless payments sa pamamagitan ng Paleng-QR PH sa mga pampublikong pamilihan at pagsakay sa pampublikong transportasyon.

Kasama sa cashless paymet ang sari-sari store, market stalls, at maging ang mga tricycle.

Sa katunayan ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro na sa 180 LGUs, may 127 ang nasa Luzon, 33 sa Visayas, 15 sa Mindanao at 5 sa National Capital Region.

Inilunsad ng LGUs ang programa sa lokal lamang o nagpalabas ng patakaran sa pagpapagana para suportahan ang implementasyon.

At upang makapanghikayat pa ng mas malawak na adopsyon, sinabi ni Castro na Department of Interior and Local Government (DILG) sa pakikipagtulungan sa Bangko Sentral ng Pilipinas, magpapatuloy na mag-alok ng ‘technical assistance’ sa LGUs kabilang na ang suporta para sa ‘digital account onboarding, merchant integration at financial literacy.’

“Sa tulong ng DILG at BSP, mas marami pang LGU ang matuturuan at maihahanda sa pag-shift sa cashless system,” ang sinabi pa rin ni Castro.

Sinabi pa ni Castro na layunin ng Pangulo na gawing mas ligtas at madali ang pagbabayad ng bawat mamamayang Filipino at ito ang isinusulong ng Paleng-QR PH. Cashless aniya ang kinabukasan ng lokal na ekonomiya.

Samantala, ang pinalawak na paggamit ng cashless payments sa public markets at local transportations sa pamamagitan ng Paleng-QR PH program ay gagamitan ng digital device gaya ng cellphone apps para sa transaksyon.

(Daris Jose)

Pinas, hinikayat ang mga bansa na tumulong na mapanatili ang Loss and Damage Fund

Posted on: July 14th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NANAWAGAN at hiniling ng Pilipinas sa mga bansa na tumulong na panatlihin ang pondo na naglalayong magbigay ng tulong sa mga bansa na “most at risk” mula sa epekto ng climate change.

Sa isinagawang pang-anim na pagpupulong ng Board of the Fund for Responding to Loss and Damage (FRLD) sa Lapu-Lapu City, Cebu, araw ng Miyerkules, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamamagitan ni Environment Secretary Raphael Lotilla na ang inisyal na alokasyon na $250 million para sa 2025–2026 ay “crucial step forward,” subalit ang pondo ay dapat din na “fair, future-ready, and responsive to those who need help.”

”What’s at stake here demands urgency and action. Let us not lose sight of what led us to fight for the establishment of the fund. When it comes to addressing loss and damage, business as usual is not an option. Every delay means more families without shelter, more livelihoods disrupted, and, worse, more lives lost. The cost of inaction is far too high,” ayon kay Pangulong Marcos.

Winika pa ng Chief Executive na ang pondo ay dapat na “swift, accessible, and human-centered, attuned to the needs of vulnerable countries and communities.”

”We also call on the international community to stand with us, to help sustain this fund, and to fulfill its promises. The collective will of nations must rise higher than the seas, burn brighter than a warming world, and move faster than the storms that endanger us,” aniya pa rin.

Ang Pilipinas ang siyang nag-host ng board ng FRLD, na ginawang operasyonal sa COP 28 UN Climate Change Conference noong Disyembre 2023.

Nito lamang Hunyo 27, nagpadala ang mga mayayamang bansa ng $348 million mula sa kabuuang pledges o pangako na nagkakahalaga ng $789 million, ayon sa World Bank, ang interim trustee ng pondo.

Ang mga bansang Australia, Canada, Germany, Norway, United Kingdom, Spain, The Netherlands, at Estados Unidos ay kabilang sa mga bansa na nag-ambag sa pondo.

Sa kabilang dako, para sa environmental group Greenpeace, ang tinatawag na “climate polluters”, dapat na tanggapin ang responsibildad para sa ‘loss and damage.’

Sinabi ng Greenpeace Philippines na dapat ay mag-demand si Pangulong Marcos ng bayad para sa climate loss and damage mula sa fossil fuel companies at mayayamang bansa.

Nananawagan na tapusin na ang ‘oil at gas expansion’ at para sa fossil fuel phaseout, bilisan ang pagpapasa ng Climate Accountability Bill, at simulan ang proseso ng litigasyon sa mga itinuturing na ‘biggest oil at gas companies’ sa buong mundo para sa climate impact damages sa mga mamamayang Filipino.

“Those most responsible for the climate and environmental emergency must be held accountable by paying their fair share. And the Philippines can lead the way in making this happen,” ang sinabi ni Greenpeace Philippines campaigner Jefferson Chua.

Sa kabilang dako, ang Pilipinas ay kabilang sa ‘least emitters’ ng greenhouse gases na sanhi ng global warming, ngunit ito ay direktang tinamaan ng epekto ng climate change, gaya ng tag-tuyot at malakas na tropical cyclones.

Bilang bahagi ng pagsisikap na bawasan ang epekto ng climate change, Nakiisa ang Pilipinas sa halos 200 bansa sa landmark deal sa Paris noong December 2015 para tapyasan ang greenhouse gas emissions para limitahan ang pagtaas ng global temperatures sa ‘below 2 degrees Celsius.’

”Year after year we endure the harshest blows of the climate crisis, from typhoons that destroyed towns to rising seas that threatened our coastal communities,” ang tinuran ni Pangulong Marcos.

”Other vulnerable nations share this struggle, this burden, and this collective call for climate justice. It is for them and with them that this fund was created.” aniya pa rin. (Daris Jose)

CAAP, tiniyak na hindi makalulusot pekeng lisensiya

Posted on: July 14th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

TINIYAK ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa publiko na mahigpit ang kanilang mga pamamaraan at seguridad sa pagbibigay ng lisensiya sa larangan ng aviation.

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng Department of Transportation para sa pananagutan at pagtutok sa tiwala ng mamamayan sa sektor ng aviation ng bansa, iginiit ng CAAP na dumadaan sa masusing beripikasyon at dokumentasyon ang bawat aplikasyon upang maiwasan ang mga pekeng lisensya.

Kailangang matugunan ng mga aplikanteng piloto, mekaniko ng eroplano, flight dispatcher, o air traffic controller ang takdang kwalipikasyon.

Dapat magsumite ng kumpletong dokumento tulad ng training certificates at academic records mula sa mga paaralang akreditado ng CAAP. Kung ang pagsasanay ay mula sa ibang bansa, dapat munang i-validate ang eskwelahan ng awtoridad.

Masusing sinisiyasat ng CAAP ang mga dokumento upang matiyak ang katumpakan at pagiging tunay. Kapag pumasa, binibigyan ng permit para kumuha ng theoretical exam at itinatakda ang isang permanenteng Personnel License Number (PEL).

Ang PEL ay nagsisilbing natatanging pagkakakilanlan ng isang lisensiyado sa kanyang aviation career. Nakaimbak sa CAAP database ang impormasyon tulad ng training history at flight hours.

Sa pamamagitan ng PEL, mabilis na nabeberipika ang authenticity ng lisensiya. Anumang lisensiyang walang kaukulang PEL ay itinuturing na pekeng dokumento.

Gamit din ng mga miyembrong bansa ng ICAO ang PEL system. Ang bawat lisensiya ay maaaring ma-validate sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga Civil Aviation Authorities ng ibang bansa.

Mahigpit ang aksyon ng CAAP sa mga ulat kaugnay ng bentahan ng pekeng aviation licenses at kaagapay nito ang mga ahensiyang tagapagpatupad ng batas para matukoy at makasuhan ang mga sangkot. (PAUL JOHN REYES)

5 sako na ng buto nakuha sa Taal Lake – PCG

Posted on: July 14th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

UMABOT na sa limang sako na pinaniniwalaang buto ng tao ang nakasilid ang nakuha ng technical divers ng Philippine Coast Guard nitong Sabado, sa patuloy na search and retrieval operations sa Taal Lake, sa Laurel, Batangas.

Ayon kay PCG ­Southern tagalog Commodore Geronimo Tuvilla, kakaiba ang nakuha dahil may pabigat umano ang mga sako bago naiahon nitong Sabado.

Naging hamon ang malakas na current at pagiging zero visibility dahil sa wala na kaagad makita kaya dahan-dahan ang pagsuyod. “Pagbaba mo pa lang wala ka na halos makita, zero visibility, kapa-kapa, sinusuyod pa rin nila dahan-dahan, ‘yung mga inisyal na makapa nila doon na unusual ay minamarkahan na agad, so that when the SOCO, CIDG, NBI arrive, (they) will be able to pick it up carefully from the bottom,” ani Tuvilla.

Saksi ang Scene of the Crime Operatives (SOCO), mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at National Bureau of Investigation (NBI) dahil may technicalities na ikinokonsidera sa pagkuha ng “item”, ayon sa PCG.

Nilagyan din ng ­markings o “bouys” ang pinagkuhanan na magsisilbing reference o entry point upang alam ng mga divers ang kanilang babalikan.

Alas-8 ng umaga nang makapa ang nasabing sako na may pabigat at pasado alas-2 ng hapon nang maiahon ang sako, at pagsapit ng alas-2:46 ng hapon ay isa pang sako ang narekober.

Babalikan upang iahon umano ang bagay na nagsilbing pabigat sa mga sako upang gamiting ebidensya. (Daris Jose)

Para makipagpulong kay Pres.Trump… PBBM bibisita sa US sa darating na Hulyo 20-22

Posted on: July 14th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAKATAKDANG bumiyahe sa Estados Unidos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Kinumpirma ito ni Presidential Communications Undersecretary Claire Castro kung saan gagawin ang pagbisita mula Hulyo 20 hanggang 22.

Ang nasabing pahayag ng Malacañang ay kasunod ng anunsiyo na rin ni US Secretary of State Marco Rubio habang ito ay nasa Kual Lumpur, Malaysa.

Sinabi ni Castro na isinasapinal pa nila ang mga detalye at kung ano ang maaaring talakayin ng pangulo at ni US President Donald Trump.

Ito na ang magiging ika-limang pagbisita ni Marcos sa US mula ng maupo noong 2022 at unang pagbisita noong mahalal muli si Trump noong nakaraang taon.

(Daris Jose)

‘Unmodified opinion” report ng COA, hindi nangangahulugan ng tamang paggasta sa pondo ng OVP – Malakanyang  

Posted on: July 14th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NILINAW ng Malakanyang na ang ibinigay na “unmodified opinion audit rating” ng Commission on Audit (COA) ay hindi nangangahulugan na ginasta ng Office of the Vice President (OVP) ng tama ang pondo nito.

“Liwanagin po natin ang unmodified opinion na ibinibigay po ng COA para po hindi masyadong maguluhan ang ordinaryong Pilipino,” ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang. 

“Kapag sinabi po kasing unmodified opinion, it pertains only to the financial statement presentation. So, ibig sabihin, sumunod lang po sa financial reporting framework, kumbaga iyong format. Kung ano ‘yung laman, nagbalanse,” aniya pa rin.

Ang pahayag na ito ni Castro ay matapos na makatanggap ang OVP ng “unmodified opinion” mula sa COA para sa fiscal year 2024.

Ang unmodified opinion, tinatawag din na “unqualified opinion,” ay ipinalabas kapag ang COA auditor ay nagpahayag na ang financial statements ay “prepared, in all material respects, by the applicable financial reporting framework.”

Base sa pahayag ng COA “the accompanying financial assessments present fairly, in all material respects, the financial position of OVP as of Dec. 31, 2024.”

Gayunman, nilinaw ng COA, na ang unmodified opinion ay “does not necessarily mean there were no misstatements found during the audit, nor there were no uncorrected misstatements as at year-end.”

Winika ni Castro na ang right reporting ng OVP sa ginamit nitong pondo para sa 2024 ay hindi nangangahulugan ng tamang paggasta.

“Hindi po ito nagpapatunay na walang anomalya. Iba po ‘yung tama ang pag-report at iba ‘yung tama ang paggamit ng pondo,” anito sabay sabing ang COA opinion ay hindi ukol sa “compliance and performance audit.” (Daris Jose)