• April 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July, 2025

Felipe tumusok ng gold sa SEAFF

Posted on: July 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

TINUSOK ni University of the East fencer Khiane Felipe ang gold medal para sa Team Philippines sa men’s sabre ng Southeast Asian Fencing Federation (SEAFF) Cadet and Junior Championships 2025 sa Arena TSH sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Miyembro ng national team na sasabak sa kanyang Southeast Asian Games debut sa Thailand sa Disyembre, tinalo ni Felipe si Nathagorn Malaithong ng Thailand, 15-8, para sa kanyang unang ginto sa SEAFF cadet and junior.

Si Felipe ay ginagabayan ni national team head coach at UE mentor Amat Canlas kasama sina Chester Uy at Iranian Alireza Taherkhani – mga sabre coaches ng Philippine Fencing Team.

Ito ang ikalawang ginto ng Team Philippines sa SEAFF matapos ang panalo ni PAREF Southridge School bet Enrico Fuentes sa men’s epee mula sa 15-14 pagtakas kay Benjamin Shijie Lee ng Singapore.

Wagi naman ng silver si Miyake Capina ng De La Salle Zobel sa women’s foil, habang nag-ambag ng bronze sina Jada Divinagracia ng Multiple Intelligence International School at Hannah Belarmino ng Ateneo sa parehon kategorya.

May tanso rin si Louis Shoemaker ng UE sa men’s foil.

Samantala, nakatakdang sumabak sa kanilang mga events sina UE fencers James Lim sa men’s foil; Willa Galvez, Yuna Canlas, Eia Mendoza, Aly Gilbert at Leila Vizcayno sa women’s foil; Anthony Concepcion, Charles Babatio at Marco Palmado sa men’s sabre; Celyna Palmado, Nicol Canlas at Shy Catantan sa women’s sabre; Nina Canlas at Irish Manaois sa women’s epee; Boo Geronimo at Ruzel Gallano sa men’s epee.

Suportado ng Nickel Asia Corporation (NAC), Rain or Shine at NLEX, tumusok si Galvez ng gold kasama sina Hagia del Castillo at Nana Cruz sa under-14 women’s epee team event ng SEAFF Minime competition.

Qatar nagpahayag ng interest na mag-host ng 2036 Olympics

Posted on: July 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

SINABI ng Qatar Olympic Committee (QOC) na nakipag-ugnayan na sila sa International Olympic Committee (IOC) ukol sa nasabing usapin.

Ilan sa mga bansang nagpahayag ng interest na maging host ay ang Indonesia, Turkiye, India, Chile, Saudi Arabia ,South Korea. Egypt, Hungary, Italy, Germany, Denmark at Canada.

Ibinida ng Qatar ang mga pasilidad nila matapos ang pagiging host nila ng FIFA World Cup noong 2022 at Asian Cup noong 2024.

 

VP Sara, binatikos ang pahayag ng isang envoy na bukas ang Pinas sa produksyon ng ammunition

Posted on: July 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

BINATIKOS ni Vice President Sara Duterte ang naging pahayag ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na bukas ang Pilipinas sa plano ng Estados Unidos na magtayo ng ammunition production facility sa bansa, bilang bahagi ng pinalalakas na ugnayan sa larangan ng depensa at ekonomiya.

Binigyang diin ni VP Sara na ang hakbang ay magpapahina sa ‘independent foreign policy ng Pilipinas.

“Ang nakalagay sa ating Saligang Batas, na meron tayong dapat independent foreign policy. Kung ‘yung ginagawa ng gobyerno ay kumikiling sa isang bansa lang, ibig sabihin no’n, wala na tayong true independent policy,” ang naging pahayag ni VP Sara.

“So, dapat hindi lang ako ‘yung kumukontra, lahat tayong mga Pilipino kumukontra sa plano na ito dahil ang ating mga galaw ay dapat for the interest of our country. Hindi para sa interest ng ibang mga bansa,” aniya pa rin.

Sa ulat, sinabi ni Romualdez na aprubado na ng US Congress ang probisyon sa kanilang National Defense Authorization Act na nagpapahintulot sa pagtatayo ng pasilidad ng armas sa Pilipinas na maaaring itayo sa Subic, Zambales.

Tinututukan na anya ng pamahalaan ang mga preparasyon, lalo’t may mga lokal na kumpanya na raw na nagpapakita ng interes na makibahagi sa posibleng consortium para sa naturang proyekto.

Bagama’t wala pang pormal na negosasyon, sinabi ni Romualdez na nakikita nilang makatutulong ito sa pagpapalakas ng kakayahang pangdepensa ng bansa at makakalikha rin ng dagdag na trabaho at oportunidad para sa mga Pilipino.

Matatandaang, sinabi ni Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro na hindi pa nakakarating kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang nasabing panukala, kaya wala pang tugon ang Pangulo ukol dito.

(Daris Jose)

Papel ng reclamation projects sa lumalalang pagbaha sa  Metro Manila, pinasisilip   

Posted on: July 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NANANAWAGAN  si ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio ng agarang Congressional inquiry sa impact ng reclamation projects sa lumalalang pagbaha sa Metro Manila at kalapit na probinsiya.

Pinasisilip ni Tinio ang matinding pagbaha nitong tumama ang bagyong  Crising at southwest monsoon, na kumitil ng buhay, paglikas ng libong katao at pagkasira ng agrikultura at ari ari-arian.

Iginiit nito ang pagkakaroon ng accountability at science-based policy-making.

“Ang mga proyektong reklamasyon ay hindi lamang sumisira sa kalikasan, kundi direkta ring nagbabantang magpalala ng pagbaha sa Kamaynilaan at kalapit na mga probinsya. Tinatamaan dito ang mga maralita, mga guro, at mga estudyante na araw-araw ang sakripisyo para makapasok sa eskwela at trabaho. Hindi natin pwedeng hayaang magpatuloy ang ganitong kalakaran na ang kita ng iilan ay inuuna kaysa kaligtasan at kabuhayan ng nakararami,” ani Tinio.

Ayon sa AGHAM – Advocates of Science and Technology for the People, nakaka apekto ang reclamation sa natural ecosystems na nagsisilbing  flood buffers ng ilang generations.

Nagpahayag din ng pangamba ang mambabatas sa patuloy na pag disregard sa 2008 Mandamus nai-rehabilitate ang Manila Bay at panganib sa pangkabuhayan ng daan libong mangingisda at urban poor families.

“We cannot allow the destruction of our coastlines and the livelihoods of our fisherfolk and urban poor so that more casinos, malls, and condos can be built on reclaimed land to benefit big business and foreign investors. This investigation is long overdue. The people deserve answers and concrete action,” pagtatapos ni Tinio. (Vina de Guzman)

Malabon, isinailalim sa ‘State of Calamity’

Posted on: July 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

ISINAILALIM sa State of Calamity ang Lungsod ng Malabon upang matiyak ang epektibo at napapanahong paggamit ng mga pondo para sa kaligtasan ng mga Malabueño sa gitna ng malakas na buhos ng ulan at pagbaha dulot ng Habagat na sinamahan ng high tide na epekto ng nasirang Malabon-Navotas River Navigational Gate.

Ayon sa Pamahalaang Lungsod, ang deklarasyon ng state of calamity ay pinasimulan ng Malabon Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) sa pamamagitan ng Resolution No. 3, Series of 2025.

Opisyal itong idineklara sa pamamagitan ng Sangguniang Panlungsod Resolution A17-2025, na nilagdaan ni Mayor Jeannie Sandoval at mga Konsehal ng Lungsod, na nagbigay-daan sa pamahalaang lungsod na maglaan ng tatlumpung porsyento (30%) ng Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF) nito para sa CY 2025 bilang Quick Response Fund (QRF) na nagkakahalaga ng ₱44,058,886.19) para sa disaster management efforts.

Ito’y magbibigay-daan sa lungsod na makapaghatid ng maayos na emergency assistance at rehabilitation measures bilang tugon sa pagbaha na dulot ng Habagat, high tide, at pinsala ng inaayos na Malabon-Navotas River Navigational Gate.

Susuportahan ng pondo ang emergency response, rescue, relief, at recovery operations, lalo na para sa mga residenteng inilikas at kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center.

Ang deklarasyon ay sumusunod sa mga alituntunin na itinakda sa ilalim ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Memorandum Order No. 60, Series of 2019, na nagsasaad ng mga pamamaraan para sa pagdedeklara ng state of calamity sa isang lungsod o lalawigan.

“Itong hakbang na ito ay para masiguro na lahat ng kakailanganin ng ating mga kababayan sa panahon ng sakuna sa pamamagitan ng pag-activate ng ating Quick Response Fund na gagamitin sa ating mga disaster response operations. Kasabay nito, ang ating mga kagamitan, rescue boats, mobile service vehicles, pumping stations ay nakahanda rin para sa pagbibigay ng serbisyo ngayong masama ang panahon. Mag-iingat po tayong lahat,” ani Mayor Jeannie.

Hanggang alas-8 ng Martes ng gabi, may 897 pamilya o 3,336 indibidwals ang pansamantalang nasa 24 na evacuation center sa lungsod kung saan personal sila binisita Mayor Jeannie upang tingnan ang kanilang kalagayan at maghatid relief goods, at iba pang mahahalagang gamit.

Ipinakalat din ng lungsod ang Key Mobile Jeannie Services nito sa mga evacuation center para magbigay ng on-site na suporta at tulong sa mga evacuees habang muling nanawagan si City Administrator Dr. Alexander Rosete para sa kooperasyon ng Malabueños upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.

Ipinaalala din niya sa publiko na gamitin ang All Hazards One Network 24/7 Alert Application para mag-ulat ng mga insidente at sa paghingi ng tulong sa pamahalaang lungsod. (Richard Mesa)

SEWAGE TREATMENT PLANT, KAILANGAN SA MAYNILA

Posted on: July 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NANINIWALA si Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso ang pangangailangan ng mas maraming Sewage Treatment Plant o STP mula sa national government ang siyang pang matagalang solusyon sa pagbaha sa Maynila.

Sinabi ni Isko na   kailangan dagdagan ang kapsidad ng lungsod na linisin at ilabas ang tubig ulan sa pamamagitan ng wastong sewer system dahil hindi sapat ang lingguhang declogging.

Sinabi si Domagoso na bagama’t mayroon nang mga STP sa Roxas Boulevard, hindi pa rin ito sapat lalo na’t barado na ang karamihan sa mga kanal at hindi na kayang saluhin ang tubig ulan.

Ayon pa sa alkalde, nakita sa kanilang inspection na hindi basura kundi buhangin at putik ang bumara sa ilang drainage inlets matapos ang malakas na pagbuhos ng ulan dulot ng bagyong Crising at Habagat.

Ilang pumping station din aniya ang hindi gumagana dahil wala pa ito sa pangangalaga ng MMDA dahilan ng pagbaha sa ilang lugar gaya ng Taft Avenue.

Iminungkahi rin ni Domagoso, magtayo ng mga STP sa iba pang flood-prone areas gaya ng Baseco, Parola at Districts 105 at 128. (Gene Adsuara)

Mister na hindi nakita ang misis, kalaboso sa baril at pagbabanta

Posted on: July 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

SHOOT sa selda ang isang mister matapos pagbantaan ang tatlong katao, kabilang ang isang babae habang armado ng baril nang hindi niya makita ang hinahanap na asawa sa Caloocan City.

Ayon kay Caloocan Police OIC chief P/Col. Joey Goforth, mahaharap ang 51-anyos na suspek na si alyas “Boy” sa kasong Grave Threat at paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of Firearm and Ammunition).

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-2 ng hapon nang sumugod ang suspek sa loob ng isang construction site sa Brgy., 173, na armado ng baril at hinahanap ang kanyang asawa.

Naabutan ng suspek ang dalawang lalaking biktima at matapos ang kanilang palitan ng mga salita ay umalis si alyas Boy subalit, dalawang beses itong bumalik at nagbabanta.

Nang pangatlong pagbalik ng suspek bandang alas-4 ng hapon, kinompronta niya ang isang babaeng vendor at pinagbantaang “Basta malaman kong kasabwat kayo ng asawa ko, papatayin ko kayong lahat” bago umalis.

Sa pangamba sa kanilang buhay, humingi ng tulong ang mga biktima sa mga barangay opisyal at pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Nakumpiska sa kanya ng mga tauhan ng Caloocan Police Sub Station 9 ang isang kalibre .22 Astra Unceta pistol na may isang magazine na kargado ng limang bala at isang extreme pepper spray.

Pinuri ni Police Brigadier General Jerry V Protacio, Acting District Director ng Northern Police District, ang operating team sa kanilang mabilis na pagtugon para masiguro ang kaligtasan ng mga biktima at matagumpay na madakip ang armadong suspek. (Richard Mesa)

Statement of Support by the Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) of The Dignity in Commuting Act of Senator Kiko Pangilinan

Posted on: July 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

THE Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) expresses its full and unequivocal support for the proposed Dignity in Commuting Act, to be refiled by Senator Francis “Kiko” Pangilinan. This progressive and much-needed legislation affirms the basic rights of every Filipino commuter to travel in safety, comfort, and dignity, and provides a concrete framework to address the deeply rooted problems in our public transportation system. In a country where the majority of the population relies on public and active transport, this bill recognizes commuting not as a burden to endure, but as a human right to be respected.

We particularly commend the bill’s detailed enumeration of commuter rights, which include the right to adequate, affordable, and alternative public transportation services; the right to road safety and proper mobility infrastructure; the right to clean air during travel; and the right to timely travel information and fair compensation during service disruptions. These rights are translated into specific, actionable duties on the part of government agencies and transport operators, giving real and enforceable meaning to the daily struggles faced by millions of commuters.

Equally significant is the bill’s emphasis on equitable road use. As cited in the explanatory note, 70% of trips in Metro Manila are made using public and active transport, yet only 20% of road space is allocated to them. This injustice is finally addressed by the bill’s mandate to prioritize public and non-motorized transport modes over private vehicles. Further, the requirement to publish annual National and Local Public Transportation Services and Infrastructure Plans ensures that mobility policies remain data-driven and responsive to evolving commuter needs. Provisions mandating stricter training, licensing, vehicle monitoring, and CCTV systems promote accountability and road safety-core principles that our organization has long advocated for.

Of particular importance is the establishment of the National Office of Commuter Affairs under the Department of Transportation, along with Local Offices of Commuter Affairs in every city and urbanized municipality. This institutional innovation will create a dedicated government body tasked exclusively with protecting and advancing commuter welfare. It will serve as a platform for public complaints, legal assistance, commuter education, and consultation, ensuring that the needs of commuters are no longer sidelined but given a voice in national policy-making. By embedding commuter representation within the bureaucracy, this office has the potential to be the central guardian of commuter rights and a catalyst for long-term systemic change.

Finally, the bill includes enforceable penalties for violators-whether they be transport operators or government officials-making the protection of commuter rights more than just symbolic. The integration of these penalties, along with appropriations for the bill’s implementation, reflects a strong intent not only to legislate policy but to ensure its actual enforcement.

In view of these forward-thinking and pro-commuter provisions, the Lawyers for Commuters Safety and Protection respectfully urges Congress to pass this proposed bill without delay. We believe that this measure will lay the foundation for a more just, inclusive, and sustainable transportation system in the Philippines- one where dignity is not a privilege, but a right guaranteed to every commuter.

Atty. Albert N. Sadili

Spokesperson – Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP)

09660859816 – Viber and Mobile Number

16 BENEPISYARYO NABIYAYAAN NG ENTRY PASS NG NHA

Posted on: July 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAMAHAGI ang National Housing Authority (NHA) ng mga Entry Pass (EP) para sa 16 benepisyaryo ng ahensya sa katatapos lamang na LAB FOR ALL: “Laboratoryo, Konsulta at Gamot Para sa Lahat” Caravan sa Baler Convention Center, probinsya ng Aurora, kamakailan lang.

Ayon sa direktiba ni General Manager Joeben Tai, pinangunahan nina Assistant General Manager Alvin S. Feliciano, kasama si NHA Region 3 Officer-in-Charge Ar. Ma. Fatima T. dela Cruz at Tarlac, Nueva Ecija, Aurora District Offices Manager Engr. Jerome M. Yabot ang pamamahagi ng mga EPs.

Mula sa 16 na nakatanggap, labing-isa (11) ang benepisyaryo ng Dinalungan Resettlement Project sa bayan ng Dinalungan, habang lima (5) naman ang benepisyaryo ng Nayon Kalikasan Housing Project sa bayan naman ng Casiguran.

Ang entry pass ay isang opisyal na dokumentong inisyu ng NHA sa pamamagitan ng mga regional offices nito para sa mga kwalipikadong pamilya, na nagbibigay sa kanila ng pahintulot na manirahan sa inilaang yunit ng pabahay.

Bukod dito, naglatag din ang NHA ng isang information booth na naglalayong sagutin ang mga katanungan ng publiko at magbigay ng komprehensibong detalye tungkol sa iba’t ibang programa at serbisyong pabahay ng ahensya.

Ang LAB FOR ALL, na isang inisyatiba ni First Lady Marie Louise Araneta-Marcos sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang pampubliko at pribadong sektor, ay naglalayong maghatid ng pangunahing tulong pangkalusugan sa pamamagitan ng libreng serbisyo sa laboratoryo, medical check-up, dental checks, at pamamahagi ng libreng gamot.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng Unang Ginang na ang caravan ay sumasalamin sa pangako ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyang-pansin ang health accessibility na isang susi para sa mas inklusibong pamamahala at mas pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng buong bansa.

Samantala, nakasama rin sa aktibidad sina Public Attorney’s Office (PAO) Chief Atty. Persida Rueda-Acosta, Aurora Governor Reynante Tolentino, Rep. Rommel T. Angara, Dinalungan Mayor Biboy Vargas, at iba pang opisyal ng gobyerno.

Nakibahagi rin sa caravan ang Department of Health (DOH), Department of Trade and Industry (DTI), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agriculture (DA), Department of Migrant Workers (DMW), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Land Transportation Office (LTO), Senate Public Assistance Office, Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), Development Bank of the Philippines (DBP), GoNegosyo, at iba pa mula sa pribadong sektor. (PAUL JOHN REYES)

State of calamity, idineklara na sa ilang lugar sa PH dahil sa mga pagbaha dulot ng bagyong Crising at habagat

Posted on: July 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

IDINEKLARA na ang State of Calamity sa ilang lugar sa Pilipinas dahil sa pananalasa ng bagyong Crising at habagat.

Nagdulot ang naturang mga kalamidad ng matinding pagbaha na nagbunsod naman sa pagka-displace ng maraming mga residente.

Sa Metro Manila, isinailalim na sa state of calamity ang Quezon City na matindi ding sinalanta ng mga pagbaha at Malabon City.

Habang nakatakda namang pormal na ideklara ang state of calamity sa Manila City posible ngayong araw matapos kumpirmahin kahapon ni Mayor Isko Moreno ang pangangailangan na ideklara ito sa siyudad.

Sa Ilocos Region naman, idineklara na rin ang state of calamity sa bayan ng Umingan sa lalawigan ng Pangasinan matapos ma-displace ang mahigit 6,000 pamilya dahil sa mga kalamidad gayundin sa bayan ng Malasiqui.

Isinailalim na rin sa state of calamity sa Calumpit, Bulacan, buong lalawigan ng Cavite, Sebaste sa Antique at sa Cebu City.

Ang deklarasyon ng state of calamity ay nagbibigay-daan sa lokal na pamahalaan para mabilis na ma-access ang kanilang emergency fund at magpatupad ng mga relief operations upang matulungan ang mga na-displace na residente.

Pahihintulutan din ng deklarasyon ang mga lokal na pamahalaan na magpataw ng price freeze sa mga pangunahing bilihin.