• April 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July, 2025

LTO, nag-deploy ng mga tauhan upang tumulong sa mga motorista na apektado ng masamang panahon

Posted on: July 26th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

AGAD na nagpadala ang Land Transportation Office (LTO) ng sapat na bilang ng mga tauhan upang tumulong sa mga motorista sa gitna ng malawakang pagbaha at iba pang mga isyung may kaugnayan sa kaligtasan sa kalsada dulot ng masamang panahon.

Ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na tiyaking nararamdaman ang presensya ng pambansang pamahalaan at maihatid ang pinakamataas na tulong sa mga mamamayang apektado ng matinding pag-ulan nitong mga nakaraang araw.

Ayon kay Acting Assistant Secretary at LTO Chief Atty. Greg G. Pua Jr., kabilang sa mga lugar na pinadalhan ng LTO personnel ay ang mga pangunahing kalsada sa Metro Manila, Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), at Gitnang Luzon.

Dagdag pa ni Pua, inatasan na rin ang lahat ng regional directors na tiyakin ang presensya ng LTO para sa road assistance, lalo na sa mga lugar na apektado ng bagyong “Crising” at iba pang sama ng panahon mula pa noong nakaraang linggo.

“Patuloy ang ating mga tauhan sa pagpapatrolya sa mga pangunahing kalsada at alternatibong ruta upang alamin kung maaari pa itong daanan. Binabantayan din natin ang sitwasyon ng pampublikong transportasyon at ng mga stranded na pasahero,” ani Pua.

“Patuloy nating mino-monitor ang sitwasyon at nakikipag-ugnayan tayo sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa anumang tulong na maaaring ibigay ng LTO,” dagdag pa niya.

Samantala, inatasan din ni Pua ang lahat ng regional directors na agad magsagawa ng assessment sa bilang ng mga tauhan ng ahensya na naapektuhan ng masamang panahon.

Bahagi rin ng kautusan ang pagtukoy sa lawak ng pinsala sa mga tahanan at ari-arian ng mga empleyado ng LTO, gayundin sa mga tanggapan at kagamitan ng ahensya.

Ayon kay Pua, kailangang agarang makabuo ng mga hakbang upang maibsan ang epekto ng mga pinsala sa mga tanggapan ng LTO, dahil aniya, hindi dapat matigil ang pagbibigay ng serbisyo ng ahensya sa publiko.

Patuloy ang pagbuhos ng malalakas na pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa na nagdudulot ng matinding pagbaha.

Libo-libong pamilya ang naapektuhan ng kalamidad, kabilang na ang mahigit 39,000 pamilya na napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan. (PAUL JOHN REYES)

Doxycycline, ‘wag gamitin kung walang reseta ng doktor – DOH

Posted on: July 26th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGPAALALA ang Department of Health (DOH) sa publiko na huwag gumamit ng Doxycycline kung walang reseta ng doktor.

Ang doxycycline ay isang antibiotic na ginagamit laban sa leptospirosis, na nakukuha sa paglusong sa baha, na maaaring kontaminado ng ihi ng daga.

Ayon sa DOH, kapag mali ang pag-inom ng naturang antibiotic ay maaaring mawalan ito ng bisa laban sa mga mikrobyo, na maaaring magresulta upang maging mas mahirap gamutin ang simpleng impeksiyon lamang.

Dagdag pa ng DOH, maaari itong humantong sa matagal o mas matinding pagkakasakit.

Payo pa ng DOH, “magpatingin sa doktor para sa tamang reseta sa paggamit ng antibiotic na ito”.

Matatandaang una nang nagbabala ang DOH sa publiko na mag-ingat laban sa sakit na leptospirosis dahil na rin sa malawakang mga baha dulot ng malalakas na pag-ulan na nararanasan sa ilang lugar sa bansa, na dala ng Habagat at mga bagyo.

Ilang senador, nakaabang sa kahihinatnan ng ibinasurang articles of impeachment

Posted on: July 26th, 2025 by people's balita No Comments

NAKAABANG pa rin si Sen. Tito Sotto sa magiging pahayag ng House of Representatives (HOR) ukol sa isyu bilang miyembro ng impeachment court na lilitis kay Vice President Sara Duterte.

Ayon sa kanya, may legal na opinyon siyang natanggap na maaaring isantabi ang desisyon ng Korte Suprema, ngunit nais pa niyang pag-aralan ito nang mas maigi.

Samantala, si Senador Bam Aquino ay matatag na naninindigang dapat ipagpatuloy ang impeachment trial.

Binigyang-diin ni Aquino ang pagiging co-equal branch ng Senado at ang malinaw nitong mandato sa Saligang Batas.

Aniya, dapat irespeto ang proseso ng impeachment bilang bahagi ng kapangyarihan ng institusyon.

Nanawagan si Aquino sa kanyang mga kapwa senador na magsagawa ng caucus upang pag-usapan ang desisyong tila binabalewala ang kanilang konstitusyonal na tungkulin.

Sa kabuuan, kapwa nagpapahayag ng pag-aalala at pagsisiyasat ang mga senador ukol sa epekto ng SC ruling sa kapangyarihan ng Senado. (Daris Jose)

Gobyerno, ikinasa ang ‘one month amortization moratorium’ para sa pabahay, calamity loan para sa typhoon victims

Posted on: July 26th, 2025 by people's balita No Comments

IPINATUPAD na ng gobyerno ang one-month moratorium sa amortization payments ng housing units sa mga weather disturbance-affected areas upang mapagaan ang pasanin ng mga biktima.

Sinabi ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling na pinagana ng Pag-IBIG Fund ang calamity loan program nito sa lahat ng sangay sa buong bansa upang mapagsilbihan ang mga typhoon victims, kabilang na ang insurance claims para sa kasalukuyang Pag-IBIG housing loan borrowers kung saan nasira o nawasak ang mga ari-arian.

Sa ilalim ng kasunduan, ang kuwalipikadong miyembro sa mga apektadong lugar ay maaaring humiram ng hanggang 90% ng kanilang kabuuang Pag-IBIG Fund savings, kung saan kabilang ang kanilang monthly savings, employer counterpart contributions, at kinitang dibidendo.

Ang moratorium sa monthly amortization ay ipinatupad ng Social Housing Finance Corporation (SHFC), National Housing Authority (NHA) at National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC).

“The moratorium will ease the burden of the victims while the calamity loan will provide relief to our kababayan who were affected by the weather disturbances,” said Aliling.

“This is part of our effort to ensure that affected families receive urgent support to help them recover,” dagdag na wika nito.

Tinuran pa ni Aliling na ang Pag-IBIG, SHFC, NHA at NHMFC ay nagsasagawa na ngayon ng lahat ng hakbang para ipabatid sa mga apektadong borrowers ang bagay na ito at bilisan ang application procedures para sa tuloy-tuloy na rollout ng moratorium at loan program.

Binigyang diin pa rin ni Aliling na ang DHSUD ay mahigpit na nakikipag-ugnayan sa LGUs para sa probisyon ng tulong sa ilalim ng Integrated Disaster Shelter Assistance Program (IDSAP).

Aniya pa, ang LGUs ay instrumental sa pagtukoy sa mga apektadong lugar at in-endorsong qualified beneficiaries.“DHSUD and our key shelter agencies are closely working with LGUs to guarantee proper coordination and fast implementation on the ground. This is a united effort to provide relief and help families get back on their feet,” ayon kay Aliling. (Daris Jose)

 

 

Pinas, Canada nangako ng mas malakas na cyber defense cooperation

Posted on: July 26th, 2025 by people's balita No Comments
MULING inulit ng Pilipinas at Canada ang kanilang commitment na paigtingin ang kanilang cyber defense cooperation.
Isinagawa ng Filipino at Canadian representatives ang kanilang pangako sa isang bilateral meeting na idinaos sa sidelines ng Digital Defense Symposium 2025 sa Singapore noong July 22, ang sinabi ni Department of National Defense (DND) spokesperson Assistant Secretary Arsenio Andolong.
“Representing the DND Philippines, Atty. Odessa Rossilyz L. Magisa, officer in charge, Office for DND Information Security, met with Mr. Hani Nasser, Director of Domains and Technology Policy of the Department of National Defense of Canada. Both sides explored practical areas for collaboration, including capacity-building and information-sharing programs,” ang sinabi ni Andolong.
Winika pa ni Andolong, ang bilateral engagement ay bahagi ng mas malawak na defense partnership sa pagitan ng Pilipinas at Canada, naka-angkla sa Memorandum of Understanding on Defense Cooperation na nilagdaan noong January 2024.
Muli naman itong pinagtibay sa pamamagitan ng isang konklusyon ng negosasyon para sa Status of Visiting Forces Agreement (SOVFA) noong Marso ng taong kasalukuyan. (Daris Jose)
-30-

Korte Suprema, idineklarang unconstitutional o labag sa Saligang Batas ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte

Posted on: July 26th, 2025 by people's balita No Comments

BREAKING NEWS :

Korte Suprema, idineklarang unconstitutional o labag sa Saligang Batas ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

 

2 kelot, kulong sa qualified theft at pag-amok sa Malabon

Posted on: July 26th, 2025 by people's balita No Comments

2 kelot, kulong sa qualified theft at pag-amok sa Malabon

BINITBIT sa selda ang dalawang kelot matapos ireklamo ng qualified theft at pagwawala sa magkahiwalay na lugar sa Malabon City.

          Dakong ala-1:40 ng madaling araw nang arestuhin ng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station-4 ang 28-anyos na si alyas “Jay”, kahero at stay-in sa Butirok’s Lechonan sa Gov. Pascual Avenue, Brgy. Catmon makaraang ireklamo ng may-ari nito na si alyas “Kristine”, 47, sa hindi pag-remit ng P16,000 na kita ng lechonan matapos ipatalo sa online gambling.

          Sa kanyang pahayag kay Malabon police chief P/Col. Allan Umipig, sinabi ‘Kristine’ na binigyan pa niya ng pagkakataon ang kanyang tauhan na ibalik ang pera subalit, hindi nakatupad rin nakatupad ang suspek kaya ipinasiya na niyang i-reklamo ng kasong qualified theft sa Malabon City Prosecutor’s Office.

          Nagpaparulya naman ang mga tauhan ng Malabon Sub-Station-3 sa Brgy. Santulan nang itawag sa 911 ang pagwawala at paghahamon ng patayan ni alyas “Mhar”, 18, ng Custodio St., alas-11:30 ng gabi.

Wala pang tatlong minuto nang makarating ang mga tauhan ni Col. Umipig sa lugar kaya inabutan pa nila sa akto ng pagwawala ang suspek habang nagwawasiwas ng hawak na patalim.

Nang lapitan ng mga pulis at hinimok na kumalma, lalu pang nagwala, nagsisigaw at nagmura ang suspek na dahilan para gumamit ng puwersa ang pulisya para siya madakip.

Kasong alarm and scandal at paglabag sa BP-6 o illegal possession of deadly weapon ang isasampa ng pulisya laban sa suspek sa piskalya ng Malabon. (Richard Mesa)

Red carpet para lamang sa protocol; walang pageantry sa SONA

Posted on: July 26th, 2025 by people's balita No Comments

Red carpet para lamang sa protocol; walang pageantry sa SONA

BILANG  tugon sa kahilingan ni reelected Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, gagawing simple ng Kamara ang red carpet activities para sa State of the Nation Address (SONA) ngayong taon ni Pangulong Bongbong Marcos kabilang ang tradisyunal na fashion coverage at ceremonial walk-ins kasabay na rin ng matinding pagbaha sa bansa.

Sinabi ni Atty. Princess Abante, spokesperson ng kamara, na ang pagbabago ay nakapaloob sa memorandum na inisyu ni House Secretary-General Reginald Velasco sa lahat ng miyembro ng malaking kapulungan.

Ang naturang adjustments, paliwanag ni Abante ay para ipakita ang pagkakaisa sa gitna ng epekto ng pagbaha dulot ng bagyo at habagat sa maraming bahagi ng bansa.

“In view of the recent calamities affecting several regions of the country, the following adjustments will be implemented for the Opening of the 20th Congress and the State of the Nation Address on July 28, 2025,” nakalagay sa July 25 memorandum na ilagsaan ni Velasco.

Nilinaw naman ni Abante na ang “red carpet will still be laid out for official protocol, but it will no longer be a platform for ceremonial arrivals or media spectacle. There will be no staged ceremonies, no fashion coverage, and no photo setups in the red carpet area.”

Papayagan lamang ang maiksing doorstop interviews at ang lahat ng media interactions ay susunod sa standard security at accreditation procedures.

Mananatili pa rin ang formal attire tulad ng simpleng Barong Tagalog at Filipiniana.

(Vina de Guzman)

 

‘Young Guns’ kabilang sa 291 mambabatas na sumusuporta sa pagka-Speaker ni Romualdez

Posted on: July 26th, 2025 by people's balita No Comments

 

KASAMA sa nagpakita nang pagkakaisa na 291 miyembro ng Kamara ang binansagang Young Guns, na nagbibigay suporta kay Speaker Martin Romualdez.

Ang mga lider ng Young Guns na kinabibilangan nina Representatives Paolo Ortega (La Union), Jay Khonghun (Zambales), Lordan Suan (Cagayan de Oro City), Ernix Dionisio (Manila), at Zia Alonto Adiong (Lanao del Sur).

Kinilala ng mga ito ang abilidad ni Romualdez na matukoy at mapalakas ang boses ng mga baguhang mambabatas habang pinag-uugnay nito ang kolaborasyon sa pagitan ng mga partido.

“Speaker Romualdez’s inclusive leadership has given us, as young legislators, the confidence to champion our advocacies. His ability to unite 291 solons from diverse parties is a testament to his vision for a stronger, more collaborative Congress,” ani Ortega.

(Vina de Guzman)

Kasunduang Marcos-Trump, isang matalinong diskarte-Goitia

Posted on: July 26th, 2025 by people's balita No Comments
MAITUTURING umanong isang matalinong diskarte ni Pangulong Ferdinand Marcos ang isinagawang kasunduan ng kalakalan at seguridad sa pagitan nila ni United States President Donald Trump.
Ito ang pahayag ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, isang tapat na lider ng apat na civic oriented na nagtataguyod at sumusuporta sa mga karapatan ng Pilipino at sa mga isyung panlipunan sa bansa.
“Diskarte ito, hindi pagsuko,” buwelta ni Goitia sa mga kritiko na patuloy na bumabatikos sa Pangulo dahil nakasanayanan na at palaging naiisip na ang mabuting pakikitungo o diplomasya ay isang bitag upang sumunod at kalaunan ay madehado tayo. Pero paano tayo uusad kung ganyan tayo mag-isip?”
Ang nasabing kasunduan ay nag-aalis ng buwis sa mga produktong galing Amerika, habang may 19% taripa naman sa mga produktong papuntang Estados Unidos mula sa Pilipinas na sa paningin ng iba ay one-sided at malulugi tayo.
Pero ayon kay Goitia, kailangang tingnan ito ng malalim dahil hindi lamang ito usapang taripa.
“Kalakalan ito, hindi palitan ng tingi-tingi sa merkado. Ang mahalaga ay nakapasok tayo sa merkado nila, may pakinabang tayo, at higit sa lahat — may nakapagtatag tayo ng mahabang pakikipag-ugnayan sa Amerika. Hindi lamang ito pagsang-ayon kundi isang tagumpay na maituturing para kay Presidente Marcos. Hindi rin aniya dapat hinuhusgahan agad ang resulta ng kasunduan pahayag ni Goitia.
Ayon pa kay Goitia na ang tagumpay ay hindi minamadali bagkus may kaakibat na taktika at tiyaga
Isang isyu rin ang pagbubukas ng pinto sa mga dayuhang mamumuhunan sa pagmimina at enerhiya. Pero malinaw ang paninindigan ni Goitia:
“Dekada na nating hawak ang mga likas-yaman, pero nananatiling hindi nagagalaw sa ilalim ng lupa. Kung may ibang gustong tumulong at may teknolohiyang dala, basta’t tayo ang nagdidikta ng patakaran — bakit hindi natin pagkakitaan?”
Maging ang mga magsasaka ay nangangamba sa nasabing kasunduan na makakapagpahina sa sektor ng pagsasaka subalit ayon kay Goitia, hindi ito dapat gamitin para takutin ang mga magsasaka.
“Matagal nang napapabayaan ang mga magsasaka at sektor ng agrikultura. Hindi dahil sa mga trade deal, kundi dahil sa kakulangan ng suporta na ibinibigay sa kanila. Kung magkakaroon ng silbi itong kasunduan para matutukan sila, mas mabuti pa.” ani Goitia.
Sa isyu ng depensa, binigyang-diin ni Goitia hindi tinatalikuran ng Pilipinas ang soberanya nito.
“Wala tayong ipinamimigay bagkus ay ginagawa ng gobyerno ang lahat para protektahan ang teritoryo ng Pilipinas na sariling atin. Sa panahon ng tensyon sa West Philippine Sea. (WPS), kailangan natin ng kakampi. At isang matalinong istrahiya ang makipag-alyansa sa malalakas at maunlad na bansa.
Sa mga nagsasabing kabaliktaran o pambobola lamang ang pagpuri ni Trump kay Marcos , ito ay sinagot ni Goitia na
Sinabi rin ni Goitia na hindi lamang ito papogi dahil ang mahalaga ay magkaroon ng kasunduan na hindi nsisagawa ng mahabang panahon.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement. (Gene Adsuara)