• April 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July, 2025

Gobyerno, may sapat na calamity funds- DBM 

Posted on: July 26th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MAY sapat na pondo ang gobyerno para sa ‘disaster response at recovery efforts’ sa calamity-stricken areas sa bansa.

Ito ang tiniyak ng Department of Budget and Management (DBM) Sec. Amenah Pangandaman sabay sabing nakahanda ang gobyerno na tugunan ang mga pangangailangan ng mga indibiduwal na na-displaced dahil sa malawakang pagbaha bunsod ng malakas na pag-ulan na pinalakas pa ng southwest monsoon o “habagat” sa ilang bahagi ng bansa.

Sinabi pa ni Pangandaman na mayrong available funds na maaaring gamitin sa mga lugar na apektado ng masamang epekto ng masungit na panahon.

Aniya, ang availability ng calamity funds ay alinsunod sa naging direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin na ang mga Filipino sa disaster-hit areas ay mabibigyan ng kagyat at kinakailangang suporta.

“Sa ating national budget naman po, may nakalaan tayong pondo na handang tumugon sa panahon ng kalamidad o ‘yung tinatawag po nating NDRRMF,” ayon kay Pangandaman.

“Bawat front-line agencies din po ay may stand-by fund na maaaring gamitin sa relief and recovery efforts. So, we appeal to them to closely coordinate with us so we can provide them with what they need, including the replenishment of their Quick Response Funds,” aniya pa rin.

Ang QRF ay isang built-in stand-by fund na ginagamit ng mga ahensiya sa kanilang paghahanda at relief at rehabilitation efforts sa panahon ng sakuna at kalamidad.

Maaari namang mag-request ang mga kinauukulang ahensiya sa DBM na dagdagang muli ang kani-kanilang QRFs

kung saan ang 50% ng pondo ay nagamit na.

Sinabi pa ni Pangandaman na walang dapat na ipag-alala ang publiko dahil bibilisan ng departamento ang pagpapalabas sa calamity funds.

“Huwag pong mag-alala ang ating mga kababayan dahil may sapat pong pondo ang pamahalaan. Ang DBM naman po, basta’t kailangan at kumpleto ang dokumento, agad naming pinoproseso ang release ng pondo,” ang winika ng Kalihim.

Hinikayat naman ng Kalihim ang lahat ng kinauukulang ahensiya ng gobyerno na tiyakin na tama at episyente ang paggamit ng pondo.

“Kaya naman nananawagan po ang DBM sa lahat ng mga government agencies na siguraduhin na ang pondong inilalabas namin, down to the last centavo, ay makakarating sa mga nararapat na benepisaryo sa lalong madaling panahon,” aniya pa rin. (Daris Jose)

PBBM, gustong mas ilapit ang ‘healthcare’ sa mga pinoy sa pamamagitan ng YAKAP initiative

Posted on: July 26th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

BINIGYANG diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kahalagahan na dalhin at mas ilapit ang healthcare services sa mga Filipino na hindi na kailangan pa ang magkaroon ng access sa kanilang medical needs sa malalaking ospital.

Ipinahayag ito ng Pangulo sa isinagawang paglulunsad ng Philippine Health Insurance Corporation’s (PhilHealth) revitalized primary care benefit package na tinawag na Yaman ng Kalusugan Program o YAKAP.

Sa kabilang dako, labis namang ikinalungkot ng Pangulo ang mataas na mortality rate sa provincial hospitals habang ang mga pasyente ay dinadala lamang doon kapag ang kanilang kondisyon ay malala na.

“Bakit masyadong mataas ang mortality rate, kung tawagin, sa malalaking ospital, sa regional hospital, sa mga provincial hospital, eh pagka ‘yung pasyente ba’t ang daming namamatay? Nagtatanong kami. Ang sagot sa amin simple lang—dahil napakalayo ng ating malalaking ospital doon sa kanilang pinanggagalingan at kaya napakahirap makapunta,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

“Kaya ito ‘yung aming ginawa. Binaba natin ang serbisyo ng healthcare natin para mas malapit doon sa pinanggagalingan ng ating mga magiging pasyente at hindi na kailangan magpa-confine sa malalaking ospital,” aniya pa rin.

Ang YAKAP ay ang pinalawig na Konsultasyong Sulit at Tama (Konsulta), nagdadala ng karagdagang ‘primary at outpatient care initiatives’ ng PhilHealth, kabilang na ang medisina check-ups, at basic laboratory tests.

Magiging available rin ang cancer screening tests para sa mga miyembro kung saan ‘libre’ ito sa ilang piling ospital sa pamamagitan ng valid prescriptions mula sa kanilang accredited primary care providers.

Nag-aalok din ang programa ng access sa karagdagang medisina sa ilalim ng pinalakas na PhilHealth Guaranteed Accessible Medications for Outpatient Treatment (Gamot) program.

Ayon sa Pangulo, ang mga kaganapang ito ay resulta ng leksyon na natutunan mula sa COVID-19 pandemic.

“Nakita natin noong panahon ng COVID, nakita natin kung ano ‘yung pagkukulang ng ating healthcare system, kung ano ‘yung mga kailangan patibayin, ano ‘yung magandang nangyari. Kaya ito ‘yung aming ginawa. At para pinababa, pinalalapit natin ang healthcare system natin sa taong-bayan para naman, unang-una, sila ay magpapatingin kaagad kapag sila ay may nararamdaman,” ang winika ng Pangulo.

“Bukod pa doon, makakatulong pa tayo kung sakali man kailangan silang magpagamot ay tutulungan natin sila, tinutulungan natin sila para pagpamura ng gamot para bayaran na ng insurance, ng PhilHealth ‘yung mga gamot, at saka ‘yung mga ibang tests, at ‘yung mga ibang serbisyo,” aniya pa rin.

Para naman maka- avail ng benepisyo ng YAKAP, mangyaring i-download lamang ang eGov mobile app para magrehistro sa PhilHealth YAKAP, o magrehistro sa pamamagitan ng ibang channels gaya ng PhilHealth member portal (www.philhealth.gov.ph), PhilHealth local health insurance office, o kahit na anumang PhilHealth-accredited primary care provider.  (Daris Jose)

Articles of Impeachment idineklarang unconstitutional, 13-0… Defense team ni VP Sara Duterte, ikinatuwa ang SC ruling laban sa impeachment case

Posted on: July 26th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

IKINAGALAK ng defense team ni Vice President Sara Duterte ang naging desisyon ng Korte Suprema na nagdeklara sa mga artikulo ng impeachment laban sa kanya bilang unconstitutional.

Ayon sa opisyal na pahayag ng kanyang defense team, ang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman ay nagpapatibay sa kanilang paniniwala na ang ika-apat na reklamong impeachment ay may paglabag sa one-year ban na itinatakda ng Article XI, Section 3(5) ng 1987 Konstitusyon.

Giit nila, ang unanimous decision ay hindi lamang tagumpay para sa Bise Presidente, kundi rin isang pagpapalakas sa rule of law at babala laban sa maling paggamit ng proseso ng impeachment.

Tiniyak ng grupo na handa silang sagutin ang anumang alegasyon sa tamang panahon at sa naaangkop na forum.

Una rito, noong Disyembre 2024, apat na impeachment complaints ang isinampa laban kay VP Duterte. Kabilang sa mga paratang ang graft and corruption, betrayal of public trust, at ang kontrobersyal na pag-amin sa isang assassination plot laban kay Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta, at House Speaker Martin Romualdez.

Ang ika-apat na reklamo ay isinampa noong Pebrero 5, 2025, at inendorso ng 215 miyembro ng House of Representatives, kaya’t naipasa ito sa Senado para sa trial.

Ngunit noong Hunyo 2025, nagdesisyon ang Senado na ibalik ang mga artikulo ng impeachment sa Kamara, sa halip na ituloy ang paglilitis.

Sa huli, naglabas ng desisyon ang Korte Suprema na nagsasabing labag sa Konstitusyon ang ika-apat na reklamo dahil sa paglabag sa one-year bar rule .(Daris Jose)

2 kelot, kulong sa qualified theft at pag-amok sa Malabon

Posted on: July 26th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

BINITBIT sa selda ang dalawang kelot matapos ireklamo ng qualified theft at pagwawala sa magkahiwalay na lugar sa Malabon City.

          Dakong ala-1:40 ng madaling araw nang arestuhin ng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station-4 ang 28-anyos na si alyas “Jay”, kahero at stay-in sa Butirok’s Lechonan sa Gov. Pascual Avenue, Brgy. Catmon makaraang ireklamo ng may-ari nito na si alyas “Kristine”, 47, sa hindi pag-remit ng P16,000 na kita ng lechonan matapos ipatalo sa online gambling.

          Sa kanyang pahayag kay Malabon police chief P/Col. Allan Umipig, sinabi ‘Kristine’ na binigyan pa niya ng pagkakataon ang kanyang tauhan na ibalik ang pera subalit, hindi nakatupad rin nakatupad ang suspek kaya ipinasiya na niyang i-reklamo ng kasong qualified theft sa Malabon City Prosecutor’s Office.

          Nagpaparulya naman ang mga tauhan ng Malabon Sub-Station-3 sa Brgy. Santulan nang itawag sa 911 ang pagwawala at paghahamon ng patayan ni alyas “Mhar”, 18, ng Custodio St., alas-11:30 ng gabi.

Wala pang tatlong minuto nang makarating ang mga tauhan ni Col. Umipig sa lugar kaya inabutan pa nila sa akto ng pagwawala ang suspek habang nagwawasiwas ng hawak na patalim.

Nang lapitan ng mga pulis at hinimok na kumalma, lalu pang nagwala, nagsisigaw at nagmura ang suspek na dahilan para gumamit ng puwersa ang pulisya para siya madakip.

Kasong alarm and scandal at paglabag sa BP-6 o illegal possession of deadly weapon ang isasampa ng pulisya laban sa suspek sa piskalya ng Malabon. (Richard Mesa)

PNP Chief Torre hinikayat na lumagda sa Waiver bago ang boxing match kay Mayor Baste

Posted on: July 26th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PINAYUHAN ni Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III na lumagda muna sa isang waiver bago ituloy ang panukalang boxing match laban kay Acting Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte.

Ang waiver, ayon kay Duterte, ay upang maiiwas ang nakababatang kapatid sa anumang legal liability kung sakaling may anumang mangyari sa kanila habang nasa boxing arena.

“Kung seryoso siya, mag-sign muna ng waiver. Kay kung mapuruhan sya, mamatay, mapriso, akong igsoon. Mag-pirmahanay sa sila sa abugado. Mas maayo na. Puro man kaha sila isog,” nakasaad sa facebook page ng mambabatas na lumabas ngayong Hulyo 25.

Iginiit nito na ang public officials, lalo na yaong nasa mataas na posisyon ay dapat umakto ng may pananagutan kahit pa nasa loob ng boxing ring.

Bilang suporta na rin sa kapatid, pinaboran din ng mambabatas ang kondisyon ng kapatid na lahat ng government officials ay dapat na sumailalim sa hair follicle drug test bbago ang anumang boxing match na magaganap.

“Accountability starts with transparency. You can’t be throwing punches while hiding something,” pahayag nito.

Sinabi pa nito na kung gustong tumulong ni Torre ay mag-donate na lang ito at hindi na kailangang idaan pa sa suntukan.

“This isn’t showbiz. We need public servants focused on real solutions, not side shows.”

Pinaalalahanan pa nito ang magkabilang kampo na nakaharap sa seryosong isyu ang bansa, tulad ng malawakang pagbaha.

Umani ng iba’t ibang reaksyon ang panukalang charity boxing match sa pagitan ng PNP chief at Davao City mayor.

Nilinaw naman ni Congressman Duterte na suportado niya ang kapatid sa kondisyon na “Mag-sign muna ng waiver. Magpa-drug test na rin. Kung talagang malinis, eh ‘di go.” (Vina de Guzman)

Red carpet para lamang sa protocol; walang pageantry sa SONA

Posted on: July 26th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

BILANG tugon sa kahilingan ni reelected Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, gagawing simple ng Kamara ang red carpet activities para sa State of the Nation Address (SONA) ngayong taon ni Pangulong Bongbong Marcos kabilang ang tradisyunal na fashion coverage at ceremonial walk-ins kasabay na rin ng matinding pagbaha sa bansa.

Sinabi ni Atty. Princess Abante, spokesperson ng Kamara, na ang pagbabago ay nakapaloob sa memorandum na inisyu ni House Secretary-General Reginald Velasco sa lahat ng miyembro ng malaking kapulungan.

Ang naturang adjustments, paliwanag ni Abante ay para ipakita ang pagkakaisa sa gitna ng epekto ng pagbaha dulot ng bagyo at habagat sa marming bahagi ng bansa.

“In view of the recent calamities affecting several regions of the country, the following adjustments will be implemented for the Opening of the 20th Congress and the State of the Nation Address on July 28, 2025,” nakalagay sa July 25 memorandum na nilagdaan ni Velasco.

Nilinaw naman ni Abante na ang “red carpet will still be laid out for official protocol, but it will no longer be a platform for ceremonial arrivals or media spectacle. There will be no staged ceremonies, no fashion coverage, and no photo setups in the red carpet area.”

Papayagan lamang ang maiksing doorstop interviews at ang lahat ng media interactions ay susunod sa standard security at accreditation procedures.

Mananatili pa rin ang formal attire tulad ng simpleng Barong Tagalog at Filipiniana. (Vina de Guzman)

South Korea, pinasalamatan sa 2,000 MT rice donation

Posted on: July 26th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PINASALAMATAN ni relected Rep. Ferdinand Martin Romualdez ang South Korea sa donasyon nitong mahigit sa 2,000 metric tons ng bigas sa Pilipinas bilang suporta sa food security, disaster response at patuloy na rice shortages.

Sa isinagawang announcement, inihayag ng Korean Embassy na magbibigay ito ng 2,016 metric tons ng bigas sa Pilipinas.

“South Korea’s heartwarming donation is proof of its strong ties with the Philippines and its selflessness to look out for its neighbors in Asia – a reflection of Asian values of unity and community,” ani Romualdez.

Malaki ang pasasalamat ng Pilipinas at taumbayan sa tulong ng Seoul ngayong panahon na nangangailangan ng bansa.

Siniguro naman nito sa Korean government na gagamitin ng Philippine government sa ilalim ng liderato ni Presidente Marcos ang donasyon na bigas sa nangangailang kababayan.

“This donated rice will be used as intended: in delivering aid to disaster victims and providing access to affordable food in our most vulnerable communities. This is how the Philippines repays the kindness of its allies and neighbors: by bringing the aid it receives to people and places that need it the most,” dagdag nito.

Ang turnover ceremony para sa donasyong bigas ay gaganapin sa Agosto sa Manila. Sa 2,016 metric tons ng bigas, 1,616 ay mapupunta sa Department of Social Welfare and Development, habang ang 400 metric tons ay ibibigay sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

“This generous donation could also complement the Marcos administration’s ‘Benteng Bigas, Meron Na!’ initiative and will certainly help the Philippines inch closer to its goal of attaining food security,” pahayag nito.

Pinaalalahanan naman ni Romualdez ang mga kaukulang government agencies na siguruhin ang maagap na pamamahagi ng donasyong bigas sa mga benipisaryo nito.

“Ang bigas na ito ay ibibigay sa atin para mapadali at mapabilis ang relief operations ng pamahalaan para sa mga nasalanta. Hindi dapat pinaghihintay ang mga benepisyaryo at dapat matanggap nila ito sa maayos at organisadong proseso, tulad nang ninanais ng South Korea.”

Ang donasyon ay bahagi ng ASEAN Plus Three Emergency Rice Reserve’s Tier 3 program, kung saan ang South Korea ay aktibong nagsisilbing donor. (Vina de Guzman)

Caloocan, Navotas, isinailalim na sa State of Calamity

Posted on: July 26th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

ISINAILALIM na rin sa State of Calamity ang mga Lungsod ng Caloocan at Navotas dahil sa lawak ng pinsala at daming naapektuhang mga residente dulot ng mga pabaha na dahil sa patuloy na pag-ulan na dala ng Habagat, bagyong Crising, Dante at Emong.

          Ayon kay Caloocan City Mayor Along Malapitan, ang deklarasyon para sa pagsasailalim sa state of calamity sa lungsod ay mula sa Sangguniang Panlungsod, batay na rin sa rekomendasyon ng Caloocan City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC).

Aniya, sa pamamagitan nito ay mas magiging mabilis ang mobilisasyon at pag-abot ng tulong ng pamahalaang lungsod sa mga kababayang apektado ng kalamidad pati na rin ang pagsasaayos ng mga imprastraktura sa siyudad.

Inanusyo din ni Mayor Along na lahat ng mga ospital at local health centers sa lungsod ay nanatiling bukas at accessible sa publiko para matugunan ang mga alalahaning medikal at kalusugan, lalo na sa mga sitwasyong pang-emergency.

          Samantala, opisyal na ring isinailalim sa state of calamity ang Navotas City sa pamamagitan ng City Resolution No. 2025-71 na ipinasa sa special session ng 13th City Council nitong ika-24 ng Hulyo, sa pangunguna ni Vice Mayor Tito Sanchez.

          Sa pamamagitan nito, mabibigyang karapatan ang Punong Lungsod John Reynald Tiangco na magamit nito ang Pondong Pang-kalamidad upang makapagbigay ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo at matinding pagbaha.

Patuloy pa rin ang libreng sakay ng pamahalaang lungsod, katuwang ang AFP NCR Command at fire volunteers at nagsagawa din ng rescue operation sa mga lugar na abot hanggang dibdidb ang baha na dala ng 2-meter high tide dahil sa nasirang river wall sa Celestino St., Brgy. San Jose.

Ayon sa Navotas Public Information Office, hanggang 9:30am ng July 25, 2025, may kabuuang 1,267 mga pamilya o 4,688 individuals ang namamalagi sa iba’t ibang evacuation centers sa buong lungsod kung saan patuloy ang pagbibigay sa kanila ng mga pangunahing pangangailangan, lalo na ang pagkain. (Richard Mesa)

Jeepney drivers, inayudahan ng DSWD sa Maynila

Posted on: July 26th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAMIGAY ng ayuda  ang  Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nasa 600 pampublikong jeepney driver na bumibyahe sa Maynila .

Ang mga nasabing jeepney driver ay pawang mga miyembro ng Pasang Masda na nahirapan bumiyahe nitong mga nakalipas na araw dahil na rin sa sunud-sunod na pag-uulan bunsod ng bagyo at habagat.

Nabatid na lubos na naapektuhan ang mga jeepney drivers sa pagpasada bunsod ng mga pagbaha kaya’t hindi na nakakabiyahe.

Mismong si Ka Obet Martin na Presidente ng Pasang Masda ang humiling nito kay DSWD Sec. Rex Gatchalian kung saan agad naman itong napagbigyan.

Ang dalawa ang siyang nanguna sa pamamahagi ng relief goods sa mga tsuper ng jeep na ginanap sa Tondo. (Gene Adsuara)

Forced evacuation ipinatupad sa Tondo

Posted on: July 26th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

INILIKAS ng pamahalaang Lungsod ng Maynila ang may 60 na pamilya mula sa Barangay 128 sa Tondo makaraang gumuho ang malambot na lupa sa bahagi ng Smokey Mountain dulot ng walang tigil na ulan bunsod ng habagat.

Ayon kay Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Jay Reyes Dela Fuente, ang nasaabing pamilya ay pansamantalang nanunuluyan sa Bldg. 18 Covered court ng Bargy. 128.

Magkatuwang din ang mga tauhan ng MDSW, Department of Engineering and Public Works, Manila Traffic and Parking Bureau, at Manila Disaster Risk Reduction Management Office sa pagpapalikas sa mga apektadong pamilya.

Aniya, may mga hotmeals na silang ipinamahagi sa bawat pamilya, mga bottled water, mga kits at food packs.

Nabatid na inilikas ang nasabing bilang ng mga pamilya makaraang gumuho ang malambot na lupa sa area ng upper smokey mountain at posibleng may maganap pa uli na pagguho.

Ayon kay Dela Fuente, wala namang naiulat na nasaktan o nasawi sa nasabing kaganapan.  (Gene Adsuara)