• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 6:48 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 31st, 2025

Coco Levy Fund Law, pinaamyendahan

Posted on: July 31st, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MATAPOS ang pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos na paghusayan pa ang batas para sa ikabubuti ng mga coconut farmers, inihain ni Albay 3rd District Representative Raymond Adrian Salceda ang panukalang pag-amyenda sa coco levy fund law.

“Tama po si Presidente na may problema sa paggamit. It takes too long under the current arrangement, and it seems it’s by design. We’re simply trying to respond to that by making sure the fund moves toward the farmers faster and more directly,” ani Salceda.

Nakapaloob sa Bill No. 2336 ang pagbibigay kapangyarihan sa Trust Fund Management Committee na mag-reallocate ng indi nagastos o nagamit na share mula sa implementing agencies na nabigong maipatupad ang mga programa, at i-redirect ang naturang pondo sa ibang ahensiya na tinukoy sa batas na qualified but underfunded proposals.

Nakasaad din ang paglalaan ng share ng pondo para sa coconut planting, seedling propagation, nursery development, at export-oriented coconut enterprises.

Target ng presidente na makapagtanim ng nasa 100 million bagong coconut trees pagdating ng 2028 na mangangailangan ng pondo para maisakatuparan.

Mabagal aniya ang disbursements ng pondo hindi dahil sa kakulangan ng funds kundi dahil sa kabuuan ng kasalukuyang batas.

“Pagkatagal-tagal po itong ipinaglaban ng mga magsasaka. Nagawan na po ng batas. Pero, napakatagal po ng disbursement kasi masyadong pinarte-parte ang allocation. Hindi naman lahat ng agency, nagsa-submit ng proposal, bilang hindi rin nila core functions. Wala ring naging dagdag na project management offices sa mga ahensya,” paliwanag ni Salceda.

Nilinaw pa sa panukala na ang Trust Fund Management Committee ay may awtoridad na mag-isyu ng implementing rules at palakasin ang papel ng mga coconut farmers at local governments sa pagtukoy at pagmonitor ng mga programa.

Nanawagan naman si Salceda sa kongreso na agad aksyunan ang panukala. (Vina de Guzman)

Pinas, masidhi ang pagsunod sa rules-based order sa gitna ng tensiyon sa WPS

Posted on: July 31st, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PATULOY na magiging masidhi at vocal ang Pilipinas sa pagsusulong para sa rules-based international order.

“We continue to be a vocal and fierce advocate for adherence to the rules-based international order,” ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa The President’s Report to the People 2022-2025.

Tinukoy ang napananatiling diplomatiko at legal na pagtugon sa usapin ng West Philippine Sea.

Ayon sa Pangulo, ang foreign policy ng Pilipinas ay nananatiling ginagabayan ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 Arbitral Award on the South China Sea.

Iniulat ng Pangulo na ang Department of Foreign Affairs ay nakapagtala ng kabuuang 219 diplomatic protests mula July 1, 2022 hanggang May 9, 2025 laban sa patuloy na “illegal, coercive, aggressive, at deceptive actions” ng Tsina sa rehiyon.

Sinabi pa niya na bagama’t ang pagsisikap na ipagtanggol ang karapatan ng Pilipinas ay pinaigting, nananatili naman ang gobyerno na mapagpasensiya sa parehong pagganap.

(Daris Jose)

PCO Usec Castro mananatili sa puwesto- Malakanyang

Posted on: July 31st, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MANANATILI sa puwesto si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

Ito ang kinumpirma mismo ni Communications Office (PCO) acting Secretary Dave Gomez matapos siyang magpalabas ng Special Order No. 25-174, kumpirmasyon ng pagkakatalaga kay Castro, ‘effective immediately’. Ang nasabing special order ay may lagda ni Gomez at may petsang Hulyo 29, 2025.

Nakasaad sa special order na trabaho ni Castro ang pangunahan ang koordinasyon at paghahatid ng official press briefings at media engagements sa ngalan ng Office of the President (OP) at PCO.

Kasama rin sa kanyang mga responsibilidad ang “opisyal na magsalita at i-brief ang media sa kanyang kapasidad bilang Palace Press Officer; magbigay ng napapanahong kalatas at paglilinaw sa Presidential engagements, polisiya at posisyon, bilang isang awtorisado; pangunahan ang koordinasyon sa Media Accreditation and Relations Office (MARO), Presidential News Desk (PND) at iba pang kaugnay na units bilang suporta sa press relations at media operations; pangasiwaan ang paghahanda ng messaging materials at briefing content para sa official media engagements; gampanan ang iba pang kaugnay na tungkulin gaya ng maaaring iatas ng Kalihim at iyong nasa Office of the President, paminsan-minsan.

Direkta namang magre-report si Castro sa Kalihim ng PCO para sa ‘policy guidance, strategic direction at official issuances.’

‘This confimation shall not entail the creation of a new plantilla item or result in additional compensation beyond those authorized by applicable laws and regulations,” ang nakasaad sa special order.

Matatandaang, dalawang linggo na ang nakalilipas nagpalabas ng mmemorandum si Gomez ng memorandum na nag-aatas sa lahat ng Undersecretaries, Assistant secretaries, at heads of agencies sa ilalim ng PCO na magsumite kanilang ng unqualified courtesy resignation.

Ayon sa memorandum, layon nitong bigyang-laya si Gomez sa pagtupad ng kanyang mandato bilang pinuno ng ahensya.

Nakasaad din sa memo na hanggat wala pang desisyon sa kanilang courtesy resignation, magpapatuloy pa rin ang kanilang trabaho sa kasalukuyan, maliban na lamang kung magkaroon ng anumang pagbabago depende sa magiging desisyon ng Kalihim.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng isinasagawang performance audit ni Gomez upang mas mapahusay ang operasyon ng ahensya. (Daris Jose)

‘Ghost projects’ sa DPWH posibleng mabuking… Halos P1 trillion, inilaan para sa flood control projects mula 2023-2025

Posted on: July 31st, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAKATANGGAP ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng P980.25 billion budget para sa flood control projects mula 2023 hanggang 2025.

Base sa data, katumbas ito ng P326.75 billion flood control budget para sa bawat taon.

Sa ulat ni Joseph Morong sa “24 Oras”, sinabi ng DPWH na sa susunod na linggo ay magsusumite ito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng listahan ng mga flood control projects para madetermina kung ano ang tapos na at kung ano ang “ghost” projects

Gayunman, sinabi ng Commission on Audit, na noong 2023, ang implementasyon ng ilang foreign-assisted flood control projects ay atrasado.

“…The DPWH disclosed that the Department was not able to efficiently implement 17 official development assistance (ODA) funded projects …as indicated by the reported year-end physical accomplishment with negative slippages ranging from 0.78% to 36.60%, increase in contact costs, and/or prolonged implementation period,” ayon sa audit report ng COA.

Kabilang sa mga ‘delayed projects’ ay ang Pasig-Marikina River Channel Improvement Project, na naglalayong palalimin pa ang Pasig River at Marikina River upang pagaanin ang pag-apaw. Apektado rin ang Metro Manila Flood Management Project, Cavite Industrial Area Flood Risk Management Project, at Cagayan de Oro Flood Risk Management Project.

Ang paliwanag naman ng DPWH, ang implementasyon ng ilang proyekto ay naantala dahil sa ‘budget constraints.’

“We have been already cautioned by the lending institutions, actually, because napapansin daw nila that the appropriations we are putting into these projects are not adequate actually to sustain the momentum of the implementation,” ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan.

Idagdag pa rito, sinabi ng DPWH na isa sa mga hamon na kinahaharap ng departamento ay ang mga programa na hindi dumaan sa masusing pagsusuri ng National Expenditure Program (NEP) ng gobyerno. Nakaapekto ito sa budget ng umiiral na proyekto na naging dahilan ng pagkaantala.

“Maraming dagdag, sabi ng President…To the detriment of the program of the President na hindi dumaan sa amin for vetting or preparation…Alam mo naman Congress has the power of the purse, dito na yung mga additional items,” ayon kay Bonoan.

Sa ilalim ng national budget para sa 2025, bineto (veto) ni Pangulong Marcos ang P16.72 billion budget para sa flood control projects ng DPWH.

Samantala, nagbabala naman si Pangulong Marcos na boboto ito laban sa anumang budget allocations na hindi bahagi ng National Expenditure Program.  (Daris Jose)

Sampung panukalang batas na sumasalamin sa adbokasiya ng partido para sa Serbisyong may Malasakit, inihain

Posted on: July 31st, 2025 by @peoplesbalita No Comments
MATAPOS ang pagbubukas ng ika-20 Kongreso, agad na inihain ni Malasakit at Bayanihan Party List Representative Girlie Enriquez Veloso ang Sampung panukalang batas na sumasalamin sa adbokasiya ng partido para sa Serbisyong may Malasakit, na nakatuon sa makatao at makatarungang batas para sa lahat.
Ang mga panukalang batas ay ang mga sumusunod:
1. Unified Health Record System Act – Hindi na kailangang ulit-ulitin ang medikal mong kasaysayan sa bawat ospital.
Ligtas at madaling ma-access ang iyong health record saan ka man hospital magpagamot.
2. Health Social Workers Welfare and Integration Act – Magkakaroon ng legal na katayuan, seguridad sa trabaho, at proteksyon ang mga health social workers sa pampublikong ospital at sa mga programa sa pampublikong kalusugan.
May malinaw na pamantayan, tuloy-tuloy na pagsasanay, at makatarungang sahod para mas makakatutok sila sa pagtulong sa pinaka-nangangailangan.
3. Health Diplomacy and Filipino Access to Global Medical Advancements Act – Aktibong makikipag-ugnayan ang gobyerno sa ibang bansa para makakuha agad ang mga Pilipino ng lifesaving na gamot, therapy, at teknolohiya.
4. Child Support Enforcement Act – Obligado ang non-custodial parent na magbigay ng pinansyal na suporta upang walang batang mapagkakaitan ng pangangailangan. Mabibigyan din ng proteksyon ang mga Solo Parent sa pagturing ng sustento at suporta sa anak bilang patakarang pambansa at hindi lang usapin ng pribadong paglilitis.
5. Gobyernong may PUSO Act (Pabansang Ugnayan para sa Serbisyong Organisado) – Isang Aplikasyon, Isang Bayad, Isang Ahensiya. Digital na Gobyernong may Pambansang Ugnayan para sa Serbisyong Organisado (PUSO). Walang mamamayan ang dapat gumanap bilang tagapamagitan o taga-abot ng mga dokumento sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno, kung maaari naman itong beripikahin o iproseso sa loob ng pamahalaan mismo. Hindi na kailangang mag-absent, pumila, o ma-stress.
6. Medical Assistance for Filipinos Act – Hindi na kailangang mangutang o mamatay sa paghihintay. Gagawing karapatan ng mga Pilipino ang tulong medikal sa panahon ng matindi at agarang pangangailangan. May garantisadong medical assistance na ilalaan sa mga pambulikong ospital mula sa gobyerno sa ilalim ng DOH. lisang Sistema, lisang pamantayan, at kwalipikado ang mga indigent, walang kakayahang pinansyal, at mga humaharap sa matitinding gastusing pangkalusugan.
7. Magna Carta for Barangay Health Workers Act – Matagal nang sandigan ng komunidad ang mga BHW pero kulang sa suporta. Ngayon, magkakaroon na sila ng karapatan, benepisyo, at proteksyon. Magkakaroon ng malinaw na sistema ng accreditation, training, at eligibility sa civil service.
8. Fire Victims Recovery Act – May malinaw na mandato kung sino ang dapat kumilos, kailan, at gaano kabilis dapat maibigay ang suporta. May agarang tulong pinansyal, pansamantalang tirahan, at long-term relocation para sa mga nasunugan. Saklaw ang Lahat ng Apektadong Pamilya kasama ang may-ari, nangungupahan, boarders, at informal settlers sa tulong ng gobyerno. Obligado ang kumpletong listahan ng lahat ng naapektuhan.
9. Continuing Professional Development Reform Act – Wala nang sapilitang CPD units o mamahaling seminars para lang makapag-renew ng lisensya. Ang karapatang mag-practice ay batay sa natapos mong edukasyon at naipasa mong board. Pinalawak ang kahulugan ng professional development na kumikilala sa atwal na karansan sa trabaho, research, pagtuturo, protekto ginawa o foreign experience bilang patunay ng iyong competence.
10. Health Resilience and Continuity of Care Act – Mas Matibay na Ospital sa Panahon ng Krisis. Magkakaroon ng flexible at integrated recovery support facilities sa mga pampublikong ospital para sa emergency, transition, o halfway care. Magkakaroon ng seamless na transition mula admission hanggang sa pag-recover ng pasyente, gamit ang modern referral system at continuity of care protocols para sa long-term recovery ng pasyente.
Batay sa prinsipyo na “Ang mga kapos sa buhay ay dapat higit na pinangangalagaan ng batas,” layunin ng mga panukalang batas ng Malasakit at Bayanihan na palakasin ang serbisyong pampubliko, igalang ang dangal ng bawat Pilipino, at palawakin ang access sa kalusugan at social support lalo na sa mga higit na nangangallangan.
Mula sa mas mabilis na proseso ng medical assistance at child support, hanggang sa pagbibigay-lakas sa mga barangay health workers at modernisasyon ng sistema ng pamahalaan, ang legislative package na tinaguriang mga panukalang batas na may malasakit ay tumutugon sa panawagan para sa isang makatao, maagap, at inklusibong pamahalaan. Sa hakbang na ito, pinagtitibay ni Cong. Girlie Enriquez Veloso ang kanyang paninindigan para sa mga repormang inuuna ang kapakanan ng mamamayan.
( Vina de Guzman)

FLOATING BRIDGE,  INILAGAY NI VM CHI SA TONDO

Posted on: July 31st, 2025 by @peoplesbalita No Comments
MALAKING ginhawa para sa mga residente ang pangarap ni Manila Vice Mayor Chi Atienza sa pagpapatayo o paglalagay ng tulay na magkokonekta sa dalawang barangay sa Balut,Tondo.
Ito ang nakitang sitwasyon ni VM Chi, nang nagtungo siya sa lugar noong panahon ng kampanya kung saan tumatawid ang mga residente sa kabilang ilog ng Estero de Maypajo lalo na noong nagkaroon ng sunog sa lugar.
Ayon pa kay VM Chi, ang mga residente ay tumalon na lamang sa ilog upang takasan ang malaking sunog at lumangoy patungo sa kabilang barangay dahil ilang tao lamang ang maaring sumakay sa ginawang makeshift balsa o nagsisilbi nilang tulay na gawa sa dalawang malaking drum at hihilahin ang lubid.
Ipinangako ni VM Chi na sa kanyang pagbabalik kapag siya ay manalo sa election ay magkakaroon na ng tulay sa nasabing lugar.
Noong Hulyo 26, ang ika-44 na kaarawan ng bise alkalde, nag-organisa ang mga Kababaihan ng Maynila kung saan ang magulang na sina dating Mayor Lito Atienza at Beng Atienza na sa Balut ipagdiwang ang kanyang kaarawan.
Lingid sa kanyang kaalaman, kasabay pala ng kanyang selebrasyon ang inagurasyon din ng ipinangako niyang floating bridge o walkway sa lugar para lamang maibsan ang paghihirap ng mga residente sa pagtawid sa ilog.
Sinabi ng bise alkalde, taimtim iyang ipinagdasal na sana ay may mga mabubuting kalooban an tumulong sa kanya upang kaagad na amlagyan ng tulay ang ilog matapos matuklasan ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso na said ang pondo ng Maynila.
Aniya, dininig ng Panginoon ang kanyang hiling dahil may lumapit at kusang nag-alok ng tulong sa paglalagay ng permenenteng walkway o floating bridge na kahit may dumaang barge o maghigh-tide ay maari itong ilipat o matiklop. (Gene Adsuara)

P68K droga, baril, nasamsam sa Malabon drug bust

Posted on: July 31st, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NASAMSAM sa isang hinihinalang tulak ng illegal na droga ang nasa P68K halaga ng shabu at isang baril nang kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City, Martes ng gabi.
          Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Jerry Protacio, kinilala ni Malabon police chief P/Col. Allan Umipig ang naarestong suspek sa alyas na “Miyo”, 47, electrician, ng Brgy. Santulan.
Batay sa ulat, ikinasa ng mga tauhan ni Col. Umipig ang buy bust operation sa koordiansyon sa PDEA matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta ng suspek ng shabu.
Isa sa mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) na nagpanggap na buyer ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek.
Nang tanggapin umano ng suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng ibinenta niyang isang plastic sachet ng shabu, agad lumapit ang back-up na operatiba saka dinamba si alyas Miyo dakong alas-10:15 ng gabi sa Tila E. Martin St., Brgy.Santulan.
          Nakumpiska sa suspek ang nasa 10 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P68,000, buy bust money at isang kalibre .38 revolver na kargado ng tatlong bala.
          Ayon kay PMSg Kenneth Geronimo, mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11 under Article II ng R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) ang isasampa nila laban sa suspek sa pamamagitan ng inquest proceeding sa Malabon City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

PAHAYAG NI LTO CHIEF, ASSISTANT SECRETARY ATTY. VIGOR D. MENDOZA II SA IKA-4 NA SONA NI PBBM

Posted on: July 31st, 2025 by @peoplesbalita No Comments
KAMI sa Land Transportation Office (LTO) ay lubos na nagagalak na kinilala ng ating Mahal na Pangulo, Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., ang aming pagsusumikap na tuldukan ang labing-isang taong backlog ng mga plaka ng sasakyan sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA).
Sa aming pagpupulong noong nakaraang taon, nakita ko mismo ang determinasyon ng Pangulo na resolbahin ang problemang ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanyang buong suporta upang mapabilis ang pag-iimprenta at pamamahagi ng mga plaka.
Ang ipinakita niyang suporta ang naging dahilan kung bakit ako naglakas-loob na mangako na sa tulong at gabay ng Pangulo, matatapos natin ang backlog sa unang kalahati ng 2025.
Noong huling araw ng Hunyo 2025, tinupad namin sa LTO ang pangakong ito sa bayan nang maimprenta na ang huling batch ng mga natitirang plaka.
Sa ngayon, nakatutok kami sa agarang pamamahagi ng mga plaka sa kanilang mga may-ari, kabilang na rito ang paggamit ng online platform na LTO Tracker, na may opsyon para sa door-to-door delivery.
Kaugnay naman ng direktiba ng Pangulo na tiyakin ang mabilis na paglalabas ng mga plaka at maging ng OR/CR, inilunsad natin kamakailan ang Plate Registration Management Information System o PRMIS.
Sa pamamagitan ng PRMIS, winakasan na natin ang higit animnapung taon ng pahirap sa mga Pilipinong motorista na ilang linggo o buwan naghihintay bago makuha ang kanilang mga dokumento sa rehistro at plaka, alinsunod sa utos ng Pangulo na isailalim sa digital platform ang lahat ng serbisyo ng pamahalaan.
Napakalaki na ng ipinagbago ng inyong LTO sa ilalim ng administrasyon ng Pangulong Marcos: mabilis na ang release ng mga dokumento, matapang at mabilis na ang aksyon laban sa mga kamote sa kalsada at lahat may plaka na.
Lahat ng ito ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng inyong LTO sa ilalim ng patnubay at pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon.
Ngunit hindi ito magiging posible kung wala ang buong suporta ni Pangulong Marcos, na nagsilbing inspirasyon at motibasyon namin sa LTO upang ibigay ang aming buong kakayahan para sa tunay na serbisyo sa sambayanang Pilipino. (PAUL JOHN REYES)

Kamara, itinangging  may papel sa smear campaign, SP Escudero sinabihang harapin ang CCTV, insertion questions

Posted on: July 31st, 2025 by @peoplesbalita No Comments

ITINANGGI ng Kamara ang pahiwatig ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na ang Kamara ang nasa likod ng ulat na kumukuwestiyon sa alegasyon ng budget insertions na iniuugnay umano sa

Ayon kay Atty. Princess Abante, House spokesperson, dapat sagutin ng direkta ni Escudero ang mga isyung pinupukol sa kanya sa halip na sisihin ang Kamara.

“Bakit kami? Bakit kami ang may kasalanan?” pahayag ni Abante nang tanungin sa naging pahayag ni Escudero na ang demolition job laban sa kanya ay maaaring nanggaling samalaking kapulungan.

Aniya, dapat sagutin ng senate president ang kuwestiyon ukol sa umano’y P150 bilyong budget amendments, sa halip na bigyang pag-alinlangan ang Kamara.

“Ang tanong naman po ay … kay Senate President Chiz, bakit po sa amin ibinabato ang tanong? Bakit pag may mga criticism sa kanya ay tinataasan niya ng kilay ang House of Representatives. Siguro mas mainam na sagutin na lang po ‘yung tanong” dagdag ni Abante.

Nilinaw naman nito na wala siyang alam sa CCTV footage na ginagamit na reference sa public reports, na nagpapakita kay Escudero na pumasok umano ng gabi sa Batasan compound noong nakalipas na taon habang kasagsagan ng deliberasyon sa 2025 national budget.

“Sa amin po, ako personally, hindi ko alam ‘yung tungkol duon sa CCTV. I’m not part of the House at that time,” ani Abante.

Kumalat ang video sa online kaugnay sa pagbisita umano ni Escudero sa Kamara habang nagsasagawa ng pagsasapinal sa bicameral report.

Tumanggi namang magkomento si Abante sa video content ngunit kinuwestiyon naman niya ang pagsisi sa Kamara sa paglabas ng video.

“I cannot [comment] on the CCTV issue. Siguro ang tanong, bakit nga nandidito eh kung tungkol yan sa bicam,” sabi pa ni Abante,

Iginiit naman nito na hindi nakikialam si Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa deliberasyon ng bicameral conference committee sa national budget.

“Kasi ang Speaker, hindi naman po nakialam sa bicam ng budget,” pagtatapos ni Abante. (Vina de Guzman)

Pagbuhay sa Ship Building at Ship Repair Industry sa bansa, isinulong

Posted on: July 31st, 2025 by @peoplesbalita No Comments

ISINULONG  ni 1Tahanan Partylist Rep. Nat Oducado ang pagpapalakas ng industriya ng Ship Building and Ship Repair (SBSR), Boatbuilding, at Ship Recycling sa Pilipinas na naglalayong gawing mas competitive ang maritime jobs sa bansa.

“It’s time to bring maritime jobs home for the sake of our maritime workers and our overall economy,” ani Oducado, kasabay nang paghahain ng HB 2598 o SBSR Development Bill at HB 2597 o Shipyard Fiscal Incentives Bill.

Sa pagtataya ng Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD) at World Bank, na ang bawat direct job sa shipbuilding ay nagbibigay ng 3-5 karagdagang indirect jobs, na nangangahulugan na kapag naipatupad na ng buo ay may potensiyal na makapagbigayng 100,000 direct at indirect jobs sa buongbansa.

Magbubuo ng bagong mandato ang SBSR Development Bill para sa DTI, DOST, DOLE, at TESDA upang magbigay suporta sa naturang industriya, research and development, at labor sa SBSR industry. Magkakaroon din ng institutional support upang maitaas ang pagiging madali at mabawasan naman ang gastos sa pagnenegosyo sa Philippine SBSR industry.

“Through these Bills, we will create jobs in upskilled shipbuilding labor, support services, vocational training, supply chains, and coastal community development industries. With over 578,000 Filipino seafarers deployed worldwide, the Philippines has the potential to lead not just in seafaring, but in the maritime industry as a whole,” ani Oducado.

Samantalang aamyendahan naman ng Shipyard Industry Fiscal Incentives Bill ang fiscal policy ng bansa, magbibigay insentibo sa mga kumpanya na magi-invest sa SBSR industry, kabilang na ang exemptions mula sa Value-Added Tax (VAT) at buwis sa Imported Capital Equipment and Materials.

Maglalaan din ng tax credit sa kinakailangang kagamitan bilang kapital, at tax incentives para sa Green Projects.

Nakakuha naman ng suporta ang panukala mula sa Maritime Industry Authority (MARINA).5

(Vina de Guzman)