ISANG makatotohanang paglilinis ng gobyerno ang pangako ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isinagawang State of the Nation Address (SONA).
Matapang na sinabi ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia na makikita sa Presidente na hindi nito pinagtatakpan ang mga pagkakamali, hindi nagkukunwari at harap-harapan na inaamin ang gulo sa sistema ng gobyerno at sinabing nililinis niya ito.
Partikular niyang tinukoy ang pagbubunyag ng Pangulo sa korapsyon sa mga proyekto ng gobyerno, lalo na sa flood control, kung saan sinabi nito na may mga kasabwat na mga opisyal ng gobyerno at negosyante na maituturing na mga cartel na kumikilos sa loob ng sistema at nangako na bubuwagin ang mga ito.
“Napakatagal nang ginagatasan ang mga proyektong dapat sana ay nagliligtas ng buhay. ‘Yung perang nakalaan para sa bayan, napupunta sa bulsa ng iilan. Ngayon lang may Pangulong may lakas ng loob na ilantad ‘yan sa mismong araw ng SONA. Isa lamang ang ibig sabihin nito, seryoso ang Pangulo” dagdag ni Goitia.
Paliwanag pa ni Goitia na simple ang mensahe ng Pangulo, tapusin ang palusot, itama ang sistema, at ibalik ang tiwala ng bayan.
Pinuri rin niya ang ipinapakitang resulta ng mga proyekto sa ilalim ng Build, Better, More kabilang ang mga paliparan, tren, terminal, hindi drawing o kaya press release.
Pero higit sa lahat, hanga si Goitia sa malinaw na direksyon ng Pangulo, mula agrikultura hanggang digitalization, kahit hindi ito ‘popular’ sa mata ng mga pulitiko.
“Habang nakatuon ang isip ng iba sa pamumulitika, iniisip niya kung anong klaseng Pilipinas ang iiwan sa mga susunod na henerasyon. Hindi siya naghahanap ng pagpuri. Gusto niyang mag-iwan ng maayos at progresibong bansa,” sabi ni Goitia.
Sa gitna ng ingay at palabas sa pulitika, naninindigan si Goitia na si Presidente Marcos ay hindi umaarte kundi kumikilos para sa hinaharap para kapakanan ng Pilipinas at ang kanyang tinuran ay hindi isang simpleng talumpati kundi babala sa mga tiwali at maging sa taong bayan na hindi dapat makontento sa status quo dahil may isang Pangulo na kumikilos at hindi namumulitika.”
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement. (Gene Adsuara)