• April 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 24th, 2025

US immigration policies, hindi pinag-usapan sa miting kay Trump- PBBM

Posted on: July 24th, 2025 by people's balita No Comments
SINABI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi pinag-usapan ang ‘immigration policies’ ng Estados Unidos sa pakikipagpulong niya kay US counterpart Donald Trump sa White House, araw ng Martes.
Ani Pangulong Marcos, wala namang makabuluhang pagkakaiba ang US immigration policies mula nang magsimula ang second term ni Trump noong Enero.
Nangako naman si Trump ng mahigpit na pagpapatupad ng immigration law at mass deportation ng illegal migrants sa Estados Unidos.
”It’s not been raised; it was not, not in this forum, but of course we are well aware of the situation,” ayon kay Pangulong Marcos.
“‘I think in our estimation with what the United States is doing now… It’s not anything different [from] what they were doing before. Ito ‘yung mga may record, mga wanted, convicted, lalong-lalo na kung sila ay illegal, TNT sila, ‘yun ang mga pinapauwi nila,” dagdag na wika nito.
Nagbibigay naman ng tulong ang Philippine Embassy sa mga undocumented Filipino sa pamamagitan ng immigration lawyers na nag-alok ng legal advice at magbabalangkas ng available na opsyon para sa mga ito.
Sa kabilang dako, pinayuhan naman ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez ang mga illegal immigrants—iyong mga pumasok sa Amerika na ang hawak ay tourist visas at nag-overstay—na ikonsidera ang boluntaryong pag-alis sa bansa sa halip na hintayin pa ang posibilidad na deportasyon. (Daris Jose)
-30-

GOITIA, BINANATAN ONLINE BLOG NA IDINADAWIT SI FL LIZA ARANETA MARCOS

Posted on: July 24th, 2025 by people's balita No Comments

MARIING kinondena ni Dr. Jose Antonio Goitia, Chairman Emeritus ng apat na kilalang civic organizations, ang isang blog na lumutang kamakailan sa social media at nagsusubok umanong idawit si First Lady Liza Araneta Marcos sa pagkamatay ng negosyanteng si Juan Paolo Tantoco, na nasawi sa Estados Unidos sa insidenteng may kaugnayan sa iligal na droga.

Tinawag  ni Goitia ang naturang blog na “malisyoso, iresponsable, at walang pakundangan,” at iginiit na ang layunin nito ay pulitikal na paninira sa halip na makatulong sa paghanap ng katotohanan.

Ang blog, na unang lumabas sa social media platforms, ay nagdedetalye ng toxicology report na umano’y nagpapakita ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot nina Paolo Tantoco at ng kanyang asawa na si Dina, na kasalukuyang nagsisilbi bilang Social Secretary ng Tanggapan ng Unang Ginang.

Ngunit naglabas pa ito ng walang ng basehang hinala na posibleng may kinalaman si First Lady Marcos, at nanawagan pa ng drug test sa kanya.

“Hindi siya kasama sa kwarto. Wala ang pangalan niya sa anumang ulat ng pulisya. Hindi siya bahagi ng imbestigasyon. Bakit siya kailangang i-drug test? Dahil lang kilala niya ang nasangkot? Iyan ay hindi katarungan—iyan ay panggigipit,” giit niya.

Ayon pa kay Goitia, mapanganib ang ganitong klase ng pag-aanalisa sa mga online platform kung saan ginagawang tanong ang mga paratang upang makalikha ng duda, galit, at sensasyonalismo.

Binigyang-diin din ni Goitia na kilala niya si First Lady Liza Araneta Marcos, at aniya’y saksi siya sa kredibilidad at dedikasyon nito sa tungkulin.

“Disiplinado siya, seryoso sa trabaho, at hindi pumapayag sa kalokohan. Malinis ang kanyang hangarin at alam niya ang bigat ng kanyang posisyon,” dagdag ni Goitia.

Bagama’t kinikilala niya ang kalungkutan at bigat ng insidente, sinabi ni Goitia na ang dapat managot ay ang tunay na may kinalaman, hindi ang mga pinipilit lang idamay.

“Huwag nating gamitin ang pagdadalamhati ng iba para sa sariling agenda. Hayaan nating kumilos ang mga awtoridad sa Estados Unidos. Hayaan nating makapagluksa ang pamilya nang tahimik at may dignidad,” ani Goitia.

Bilang pagtatapos, nanawagan siya ng pagpapanatili ng disiplina sa pananagutan at ng kaayusan sa diskursong publiko.

“Maari tayong magtanong nang may respeto. Maari tayong magpursige para sa katotohanan nang hindi bumababa sa tsismis at paninira. Sa gitna ng lahat ng ito, huwag nating kalimutan ang pagkatao ng bawat isa.”

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula sa Tanggapan ng Unang Ginang ukol sa naturang isyu.

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement. (Gene Adsuara)

 

Dating 20%, natapyasan ng 1%: Estados Unidos, 19% ang ipapataw na taripa sa mga kalakal mula sa Pinas- Trump

Posted on: July 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

INANUNSYO ni US President Donald Trump na ang bagong 19% tariff rate para sa mga kalakal mula sa Pilipinas ang ipinapataw niya ngayon sa bansa.

Tinawag pa ni Trump na “beautiful visit” ang ginawa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa White House.

Inanunsyo rin ni Trump na ang ‘U.S. goods would pay zero tariffs.’

Ang balitang ito ay pinost ni Trump sa kanyang Truth Social media platform matapos makapulong si Pangulong Marcos sa Oval Office, kung saan nagbigay ito ng senyales na may mabubuong kasunduan sa nasabing pagbisita.

“It was a beautiful visit, and we concluded our Trade Deal, whereby The Philippines is going OPEN MARKET with the United States, and ZERO Tariffs. The Philippines will pay a 19% Tariff,” ayon kay Trump, tinawag niyang “very good and tough negotiator” si Pangulong Marcos.

Winika pa ni Trump na magtutulungan ang dalawang Pacific allies sa usapin ng militarily’ subalit hindi naman nagbigay ng detalye.

Binigyang diin ni Trump ang kahalagahan ng U.S.-Philippine military relationship.

“They’re a very important nation militarily, and we’ve had some great drills lately,” anito.

Samantala, ang 19% tariff rate ay mas mababa sa 20% na nauna nang ipinanakot ni Trump subalit mas mataas naman sa 17% rate na itinakda noong Abril nang ianunsyo ni Trump ang tinatawag niyang ‘reciprocal tariff rates’ para sa dose-dosenang bansa. Tumutugma ito sa 19% rate na inanunsyo para sa Indonesia at sa bahagyang mas mataas na rate na 20% sa Vietnam.

Sa ulat, nagkaroon ang Estdaos Unidos ng deficit na halos $5 billion sa Pilipinas noong nakaraang taon sa bilateral goods trade na $23.5 billion.

Ani Trump, ang dalawang bansa ay nakagawa ng “a lot of business” sa isa’t isa, idagdag ang “very big numbers” na trade agreement na lalago lamang.

Sa nasabi pa ring Oval Office event, sinabi ni Trump na maaari niyang bisitahin ang Tsina para sa isang landmark trip “in the not-too-distant future” at sinabi na dumsitansiya na ang Pilipinas mula sa Beijing matapos ang kanyang eleksyon noong nakaraang Nobyembre.

“The country was maybe tilting toward China, but we un-tilted it very, very quickly,” ayon kay Trump.

Hangad naman ni Trump na mas pababain pa ang tensyon sa Beijing nitong mga nakaraang linggo matapos na ihinto ang tit-for-tat tariff war na nagpabaligtad sa global trade and supply chains.

Sinabi ni U.S. Treasury Secretary Scott Bessent na makikipagpulong sya sa mga Chinese officials sa Sweden sa susunod na linggo.

Nagbabala naman ang mga kritiko sa taripa ni Trumpo sa halos lahat ng foreign goods ay maaaring magpapalakas sa presyo para sa U.S. consumers, magpapakumplikado sa kanyang pagtulak para sa Federal Reserve na maibaba ang interest rates.

No comment naman si Pangulong Marcos sa bagay na ito. (Daris Jose)

‘Emong’ at ‘Dante’: Dalawang bagyo na ang nasa PAR

Posted on: July 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MAGKAKASABAY na pagsama ng panahon ang umiiral at binabantayan ng PAGASA.

May dalawang tropical cyclone ang nasa loob ng Philippine area of responsibility na magpapaigting sa southwest monsoon or habagat. Ito habang may isa pang low pressure area na maaaring maging susunod na tropical depression.

Ayon sa ulat ng PAGASA Miyerkules ng umaga, Hulyo 23, parehong lumakas bandang alas-8 ng umaga ang mga weather system: ang LPA sa hilagang Luzon ay naging Tropical Depression “Emong,” habang ang dating tropical depression na si “Dante” ay umangat na sa tropical storm category.

Si Emong ay huling namataan 105 kilometro hilagang-kanluran ng Northern Luzon. Taglay nito ang lakas ng hangin na 45 kph at bugso na 55 kph, habang kumikilos pa-kanluran timog-kanluran sa bilis na 35 kph.

Samantala, si Dante ay nananatili sa 880 kilometro silangan ng dulong hilaga ng Luzon. May lakas ito ng hangin na 65 kph at bugso na 80 kph, at kumikilos pa-hilagang kanluran sa bilis na 15 kph.

Bukod sa dalawang bagyo, may isa pang LPA na binabantayan sa labas ng Philippine Area of Responsibility — nasa layong 2,340 kilometro silangan ng Eastern Visayas. Ayon sa PAGASA, mataas ang tsansang maging tropical depression ito sa loob ng 24 oras.

Ayon kay PAGASA weather specialist Obet Badrina, kung sakaling lumakas ang LPA, posibleng tumagal pa ang epekto ng habagat sa Luzon at Visayas. Ngunit sa ngayon, mababa ang posibilidad na tumama ito sa lupa dahil sa hilagang direksyon ng galaw nito.

Ilang probinsya, lungsod at bayan na ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa pinsala ng dating bagyo at matinding pagbaha. Sa mahigit 30 probinsya, sinuspinde rin ang klase at trabaho sa gobyerno nitong mga nakaraang araw.

Gayunman, ayon sa PAGASA, ang pangunahing dahilan ng malawakang pagbaha sa bansa ay ang tuloy-tuloy na buhos ng ulan mula sa southwest monsoon o habagat sa nagdaang linggo.

Pinayuhan ng PAGASA ang publiko na bantayan ang kanilang mga opisyal na channel para sa pinakabagong update tungkol sa tropical cyclones, wind signals at heavy rainfall warnings.  (Daris Jose)

Pagtapyas ng 1% sa 20% na US tariff sa kalakal mula Pinas, ‘significant’- PBBM

Posted on: July 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

A SIGNIFICANT achievement.”

Ganito ilarawan at ituring ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang naging anunsyo ni US President Donald Trump na magiging 19% na lamang ang 20% na tariff rate para sa mga kalakal na magmumula sa Pilipinas.

“We managed to bring down 20 percent tariff rate for the Philippines to 19. One percent might seem like a very small concession. However, if you put it into real terms, it is a significant achievement,” ang sinabi Pangulong Marcos matapos makapulong si Trump sa White House.

Nilinaw naman ni Pangulong Marcos na hindi lahat ng kalakal na papasok sa Pilipinas mula sa Estados Unidos ay makakukuha ng zero tariff.

Ipinahayag ito ni Pangulong Marcos kasunod ng ipinost ni Trump sa social media na “the Philippines is going open market with the United States”, idagdag pa na ang Estados Unidos ay makakukuha ng “zero tariffs.”

Sinabi ni Pangulong Marcos na ang zero tariff ay ia-apply lamang sa ilang merkado.

“There were certain markets that they asked to be opened. One of the major areas is automobiles because we have a tariff on American automobiles. We will open that market,” ayon sa Pangulo.

“The Philippines will also increase its imports from the US,” aniya pa rin sabay sabing “The other side of that is increased importation from the US for soy products, wheat products, and pharmaceuticals, medicines para mas gawing mura ang gamot natin.”

At nang tanungin kung ang kasunduan ay mas pabor sa Estados Unidos, ang tugon ni Pangulong Marcos ay “That’s how negotiations go. Why the tariff went up from 17% to 20% is internal to the US government.” (Daris Jose)

Felipe tumusok ng gold sa SEAFF

Posted on: July 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

TINUSOK ni University of the East fencer Khiane Felipe ang gold medal para sa Team Philippines sa men’s sabre ng Southeast Asian Fencing Federation (SEAFF) Cadet and Junior Championships 2025 sa Arena TSH sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Miyembro ng national team na sasabak sa kanyang Southeast Asian Games debut sa Thailand sa Disyembre, tinalo ni Felipe si Nathagorn Malaithong ng Thailand, 15-8, para sa kanyang unang ginto sa SEAFF cadet and junior.

Si Felipe ay ginagabayan ni national team head coach at UE mentor Amat Canlas kasama sina Chester Uy at Iranian Alireza Taherkhani – mga sabre coaches ng Philippine Fencing Team.

Ito ang ikalawang ginto ng Team Philippines sa SEAFF matapos ang panalo ni PAREF Southridge School bet Enrico Fuentes sa men’s epee mula sa 15-14 pagtakas kay Benjamin Shijie Lee ng Singapore.

Wagi naman ng silver si Miyake Capina ng De La Salle Zobel sa women’s foil, habang nag-ambag ng bronze sina Jada Divinagracia ng Multiple Intelligence International School at Hannah Belarmino ng Ateneo sa parehon kategorya.

May tanso rin si Louis Shoemaker ng UE sa men’s foil.

Samantala, nakatakdang sumabak sa kanilang mga events sina UE fencers James Lim sa men’s foil; Willa Galvez, Yuna Canlas, Eia Mendoza, Aly Gilbert at Leila Vizcayno sa women’s foil; Anthony Concepcion, Charles Babatio at Marco Palmado sa men’s sabre; Celyna Palmado, Nicol Canlas at Shy Catantan sa women’s sabre; Nina Canlas at Irish Manaois sa women’s epee; Boo Geronimo at Ruzel Gallano sa men’s epee.

Suportado ng Nickel Asia Corporation (NAC), Rain or Shine at NLEX, tumusok si Galvez ng gold kasama sina Hagia del Castillo at Nana Cruz sa under-14 women’s epee team event ng SEAFF Minime competition.

Qatar nagpahayag ng interest na mag-host ng 2036 Olympics

Posted on: July 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

SINABI ng Qatar Olympic Committee (QOC) na nakipag-ugnayan na sila sa International Olympic Committee (IOC) ukol sa nasabing usapin.

Ilan sa mga bansang nagpahayag ng interest na maging host ay ang Indonesia, Turkiye, India, Chile, Saudi Arabia ,South Korea. Egypt, Hungary, Italy, Germany, Denmark at Canada.

Ibinida ng Qatar ang mga pasilidad nila matapos ang pagiging host nila ng FIFA World Cup noong 2022 at Asian Cup noong 2024.

 

VP Sara, binatikos ang pahayag ng isang envoy na bukas ang Pinas sa produksyon ng ammunition

Posted on: July 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

BINATIKOS ni Vice President Sara Duterte ang naging pahayag ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na bukas ang Pilipinas sa plano ng Estados Unidos na magtayo ng ammunition production facility sa bansa, bilang bahagi ng pinalalakas na ugnayan sa larangan ng depensa at ekonomiya.

Binigyang diin ni VP Sara na ang hakbang ay magpapahina sa ‘independent foreign policy ng Pilipinas.

“Ang nakalagay sa ating Saligang Batas, na meron tayong dapat independent foreign policy. Kung ‘yung ginagawa ng gobyerno ay kumikiling sa isang bansa lang, ibig sabihin no’n, wala na tayong true independent policy,” ang naging pahayag ni VP Sara.

“So, dapat hindi lang ako ‘yung kumukontra, lahat tayong mga Pilipino kumukontra sa plano na ito dahil ang ating mga galaw ay dapat for the interest of our country. Hindi para sa interest ng ibang mga bansa,” aniya pa rin.

Sa ulat, sinabi ni Romualdez na aprubado na ng US Congress ang probisyon sa kanilang National Defense Authorization Act na nagpapahintulot sa pagtatayo ng pasilidad ng armas sa Pilipinas na maaaring itayo sa Subic, Zambales.

Tinututukan na anya ng pamahalaan ang mga preparasyon, lalo’t may mga lokal na kumpanya na raw na nagpapakita ng interes na makibahagi sa posibleng consortium para sa naturang proyekto.

Bagama’t wala pang pormal na negosasyon, sinabi ni Romualdez na nakikita nilang makatutulong ito sa pagpapalakas ng kakayahang pangdepensa ng bansa at makakalikha rin ng dagdag na trabaho at oportunidad para sa mga Pilipino.

Matatandaang, sinabi ni Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro na hindi pa nakakarating kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang nasabing panukala, kaya wala pang tugon ang Pangulo ukol dito.

(Daris Jose)

Papel ng reclamation projects sa lumalalang pagbaha sa  Metro Manila, pinasisilip   

Posted on: July 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NANANAWAGAN  si ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio ng agarang Congressional inquiry sa impact ng reclamation projects sa lumalalang pagbaha sa Metro Manila at kalapit na probinsiya.

Pinasisilip ni Tinio ang matinding pagbaha nitong tumama ang bagyong  Crising at southwest monsoon, na kumitil ng buhay, paglikas ng libong katao at pagkasira ng agrikultura at ari ari-arian.

Iginiit nito ang pagkakaroon ng accountability at science-based policy-making.

“Ang mga proyektong reklamasyon ay hindi lamang sumisira sa kalikasan, kundi direkta ring nagbabantang magpalala ng pagbaha sa Kamaynilaan at kalapit na mga probinsya. Tinatamaan dito ang mga maralita, mga guro, at mga estudyante na araw-araw ang sakripisyo para makapasok sa eskwela at trabaho. Hindi natin pwedeng hayaang magpatuloy ang ganitong kalakaran na ang kita ng iilan ay inuuna kaysa kaligtasan at kabuhayan ng nakararami,” ani Tinio.

Ayon sa AGHAM – Advocates of Science and Technology for the People, nakaka apekto ang reclamation sa natural ecosystems na nagsisilbing  flood buffers ng ilang generations.

Nagpahayag din ng pangamba ang mambabatas sa patuloy na pag disregard sa 2008 Mandamus nai-rehabilitate ang Manila Bay at panganib sa pangkabuhayan ng daan libong mangingisda at urban poor families.

“We cannot allow the destruction of our coastlines and the livelihoods of our fisherfolk and urban poor so that more casinos, malls, and condos can be built on reclaimed land to benefit big business and foreign investors. This investigation is long overdue. The people deserve answers and concrete action,” pagtatapos ni Tinio. (Vina de Guzman)

Malabon, isinailalim sa ‘State of Calamity’

Posted on: July 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

ISINAILALIM sa State of Calamity ang Lungsod ng Malabon upang matiyak ang epektibo at napapanahong paggamit ng mga pondo para sa kaligtasan ng mga Malabueño sa gitna ng malakas na buhos ng ulan at pagbaha dulot ng Habagat na sinamahan ng high tide na epekto ng nasirang Malabon-Navotas River Navigational Gate.

Ayon sa Pamahalaang Lungsod, ang deklarasyon ng state of calamity ay pinasimulan ng Malabon Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) sa pamamagitan ng Resolution No. 3, Series of 2025.

Opisyal itong idineklara sa pamamagitan ng Sangguniang Panlungsod Resolution A17-2025, na nilagdaan ni Mayor Jeannie Sandoval at mga Konsehal ng Lungsod, na nagbigay-daan sa pamahalaang lungsod na maglaan ng tatlumpung porsyento (30%) ng Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF) nito para sa CY 2025 bilang Quick Response Fund (QRF) na nagkakahalaga ng ₱44,058,886.19) para sa disaster management efforts.

Ito’y magbibigay-daan sa lungsod na makapaghatid ng maayos na emergency assistance at rehabilitation measures bilang tugon sa pagbaha na dulot ng Habagat, high tide, at pinsala ng inaayos na Malabon-Navotas River Navigational Gate.

Susuportahan ng pondo ang emergency response, rescue, relief, at recovery operations, lalo na para sa mga residenteng inilikas at kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center.

Ang deklarasyon ay sumusunod sa mga alituntunin na itinakda sa ilalim ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Memorandum Order No. 60, Series of 2019, na nagsasaad ng mga pamamaraan para sa pagdedeklara ng state of calamity sa isang lungsod o lalawigan.

“Itong hakbang na ito ay para masiguro na lahat ng kakailanganin ng ating mga kababayan sa panahon ng sakuna sa pamamagitan ng pag-activate ng ating Quick Response Fund na gagamitin sa ating mga disaster response operations. Kasabay nito, ang ating mga kagamitan, rescue boats, mobile service vehicles, pumping stations ay nakahanda rin para sa pagbibigay ng serbisyo ngayong masama ang panahon. Mag-iingat po tayong lahat,” ani Mayor Jeannie.

Hanggang alas-8 ng Martes ng gabi, may 897 pamilya o 3,336 indibidwals ang pansamantalang nasa 24 na evacuation center sa lungsod kung saan personal sila binisita Mayor Jeannie upang tingnan ang kanilang kalagayan at maghatid relief goods, at iba pang mahahalagang gamit.

Ipinakalat din ng lungsod ang Key Mobile Jeannie Services nito sa mga evacuation center para magbigay ng on-site na suporta at tulong sa mga evacuees habang muling nanawagan si City Administrator Dr. Alexander Rosete para sa kooperasyon ng Malabueños upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.

Ipinaalala din niya sa publiko na gamitin ang All Hazards One Network 24/7 Alert Application para mag-ulat ng mga insidente at sa paghingi ng tulong sa pamahalaang lungsod. (Richard Mesa)