• April 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 22nd, 2025

CAMANAVA LGUs, naglunsad ng rescue at disaster response operation

Posted on: July 22nd, 2025 by people's balita No Comments

 

NAGLUNSAD ang Local Government Unit (LGUs) ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela ng disaster response at rescue operations sa iba’t ibang barangay na kanilang nasasakupan na lubos na naapektuhan ng baha dahil sa tuloy-tuloy na pagbuhos ng ulan na dala ng ‘Habagat’.

Sa Caloocan, hindi alinta ng mga tauhan ng CDRRMO ang malakas na agos ng tubig sa Aquarius St., Gremville, Brgy. 165, para ma-rescue ang mga pamilyang nangangailangan ng tulong, kabilang ang inanod na sasakyan sa Doña Aurora, Brgy. 177.

Bumisita naman para maghatid ng tulong na mga pagkain si Mayor Along Malapitan sa may 930 mga pamilyang dinala sa iba’t ibang evacuation centers sa lungsod.

Sa Malabon, nagdeploy ng 121 trained personnel ang MDRRMO, katuwang ang Bureau of Fire Protection–Malabon, Philippine Coast Guard, at barangay officials para maglunsad ng rescue operations at pre-emptive at forced evacuations sa iba’t ibang barangay na may mataas na tubig baha, patikular sa Barangays Tinajeros at Potrero.

Personal ding binisita ni Mayor Jeannie Sandoval para kamustahin at magbigay ng food packs sa may 685 na mga pamilya na dinala sa iba’t ibang evacuation centers sa lungsod habang 24/7 namang nakasubaybay ang Malabon Command and Communication Center dahil nasa ilalim pa rin ng ‘Red Alert’ status ang lungsod at nagpapatuloy pa rin ang ‘Libreng Sakay’ na aagapay sa mga stranded na communters.

Hinimok rin niya ang mga residente na makipagtulungan sa panahon ng paglikas para sa kaligtasan ng kanilang mga pamilya.

“Manatili po tayong nakahanda, at kalmado. Handa po ang ating mga kagamitan at ang mga personnel upang umalalay sa panahong kagaya nito. Ngunit kakailanganin po natin ang inyong kooperasyon lalo na kung mayroong baha sa inyong lugar,” pahayag ni Mayor Jeannie.

Ayon naman sa Navotas Public Information Office, as of 2pm, July 22, 2025, may 181 mga pamilya ang namamalagi sa iba’t ibang evacuation centers sa Navotas City kung saan personal silang binisita ni Mayor John Rey Tiangco para kamustahin at bigyan ng mga pagkain.

Inihayag din ni Mayor Tiangco na tuloy-tuloy ang Libreng Sakay ng Pamahalaang Lungsod, katuwang ang AFP NCR Command para matulungan ang apektadong commuters.

Samantala, as of 2pm ng July 22, 2025, may 2,559 mga pamilya ang nanatili sa iba’t ibang evacuation centers sa Valenzuela City kung saan personal silang binisita ni Mayor Wes Gatchalian para bigyan ng mainit na pagkain, disaster kits, relief goods, at health assistance.

Ayon sa alkalde, tuloy-tuloy rin ang Libreng Sakay ng pamahalaang lungsod para matulungan ang stranded na cmmuters habang tiniyak naman ng City Veterinary Services Office na ang mga alagang hayop ay ligtas na naalagaan at nabigyan ng sapat na pagkain at sa iba’t ibang mga evacuation area sa lungsod.

Alinsunod naman sa Memorandum Circular Blg. 90 ng Office of the President, suspendido pa rin ang lahat ng in-person classes sa Miyerkles, July 23, 2025 sa Metro Manila, kabilang ang Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela.

Maging ang trabaho sa mga opisina ng gobyerno ay suspendido rin, maliban sa emergency at disaster response offices. (Richard Mesa)

₱360M AKAP aid, relief goods nakalaan sa mga biktima ng baha sa 36 Congressional districts

Posted on: July 22nd, 2025 by people's balita No Comments

 

BILANG tugon sa direktiba ni Presidente Bongbong Marcos, nasa ₱360 million na Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) funds, family food packs, at iba pang relief items ang inilaan para sa agarang distribusyon sa 36 congressional districts na matinding naapektuhan ng bagyong Crising at southwest monsoon.

Ang AKAP and relief assistance, na pinangasiwaan ng opisina ni reelected Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez sa pakikipagtulungan ng Tingog Party-list ay ipalalabas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ni Secretary Rex Gatchalian.

Ang bawat congressional district ay makakatanggap ng ₱10 million na direct financial aid para sa mga residenteng naapektuhan ng pagbaha, displacement, at iba pang emergencies.

“This is just the beginning of our coordinated disaster response. Malayo pa ang mararating ng tulong na ito at hindi pa ito ang huli. Ang importante, agad nating naramdaman ang pagtulong ng administrasyong Marcos,” ani Romualdez.

Bukod sa financial aid, inihanda rin ang mga relief packs para sa mass distribution, kabilang na ang mainit na pagkain na inihanda ng Tingog sa mga evacuees na nasa mga eskuwelahan, covered courts, at iba pang temporary shelters.

“Nais nating iparating sa bawat apektadong pamilyang Pilipino na sa panahon ng kalamidad ay andito ang gobyerno ni Pangulong Marcos para tumulong. Lahat ito ay paalala na hindi kayo nag-iisa. Kasama ninyo kami sa bawat hakbang ng pagbangon,” pahayag nito.

Ang 36 congressional districts ay mabebenipisyuhan mula sa ₱360 million AKAP fund at iba pang kaukulang relief efforts.

Binuhay muli ng tanggapan nina Romualdez at Tingog Party-list ang Relief Coordination Desk, ibinigay na tulong noong pandemic at nagdaang bagyo.

Nagsilbi itong central link sa pagitan ng apektadong kongresista, national agencies, at local responders.

(Vina de Guzman)

 

 

 

Tiangco, bumisita sa evacuation centers at ginagawang Nav-Gate

Posted on: July 22nd, 2025 by people's balita No Comments

PERSONAL na binisita ni Mayor John Rey Tiangco para kamustahin ang mga pamilyang lumikas at kasalukuyang namamalagi sa Tanza National High School pati na ang inaayos na Tangos-Tanza Navigational Gate. May 181 mga pamilya ang nasa evacuation centers sa buong lungsod habang hinimok ni Mayor Tiangco ang Navoteños na makipag-ugnay sa barangay o mag-Text JRT kung kailangang lumikas. (Richard Mesa)

 

Angara, nakiusap sa publiko: Huwag i-presyur ang LGUs na magsuspinde ng klase sa konting pag-ulan

Posted on: July 22nd, 2025 by people's balita No Comments

 

NAKIUSAP si Education Secretary Juan Edgardo Angara sa publiko lalo na sa mga magulang na huwag i-presyur ang lokal na pamahalaan na magsuspinde ng klase kahit mahina ang ulan.

Ang katuwiran ng Kalihim, may masamang epekto sa pag-aaral ng mga estudyante ang madalas na kanselasyon ng pasok.

“Nakikiusap din kami sa publiko, mga magulang, mga estudyante, huwag natin masyadong i-pressure ang ating local government, chief executives na konting ulan mag-suspend na tayo. Dahil ‘pag sinumatotal natin ang nawawalang araw, malaki ang dagok o tama sa ating mga estudyante, yung tinatawag na learning loss,” ayon kay Angara.

Dahil dito, inatasan ng Department of Education (DepEd) ang mga paaralan na magsagawa ng make-up classes upang matiyak na makukumpleto pa rin ng mga estudyante ang kinakailangang oras sa pag-aaral.

“Yung ini-emphasize namin that there must be make-up classes kasi matindi na yung learning loss talaga. Apektado ang bata pag masyadong maraming cancellation,” anito.

Aniya, hindi naman kailangang na gawin ang make-up sessions tuwing weekends.

“Saturday or after school kung kailan. Depende rin sa availability ng guro,” aniya pa rin.

Winika ito ni Angara sa gitna ng lumalalang academic performance ng mga mag-aaral, partikular sa pagbabasa at matematika.

Aniya, pinalalakas ng DepEd ang mga intervention sa pamamagitan ng ARAL Program, na nagbibigay ng personalized na tutorial at remediation sessions.

“Well it’s still quite significant especially sa literacy at math. So we’re addressing it this year with the Aral program. Nakita natin na very effective yung pagbibigay ng personalized tutorials,” ang sinabi ng Kalihim.

Samantala, pinasalamatan naman ni Angara si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa suporta nito sa mga reporma sa edukasyon, kabilang ang pinalawak na feeding program, pagkuha ng mas maraming guro, karagdagang silid-aralan, at pagkuha ng non-teaching staff para maibsan ang pasanin sa mga guro.

Sa katunayan, sa inilunsad na Expanded School-Based Feeding Program na ginanap sa Antipolo, opisyal na sinimulan ang pinalawak na inisyatibo na layong maabot ang libu-libong mag-aaral sa kindergarten sa buong bansa.

Tinuran ni Angara, pinalawak na ang feeding program para tumagal ng 120 araw at saklawin ang lahat ng estudyante sa kindergarten sa buong bansa na unang beses na gagawin na kasama ang lahat.

“Nasa 120 days na tayo. At the first time universal feeding, ibig sabihin lahat ng bata sa kindergarten ay kasama sa feeding program this year. Dahil yun talaga ang instruction sa amin ni Secretary Ted Herbosa ni Pangulong Marcos na palawigin, palawakin, palalimin itong school feeding program natin,” aniya pa rin.

“Dati parang nasa 30-60 days lang. So ngayon umabot tayo ng 120 days,” ayon pa rin kay Angara. ( Daris Jose)

 

 Para sa araw ng Miyerkules, Hulyo 23: Pasok sa trabaho sa gobyerno at klase sa lahat ng antas, sinuspinde ng Malakanyang

Posted on: July 22nd, 2025 by people's balita No Comments

Para sa araw ng Miyerkules, Hulyo 23: Pasok sa trabaho sa gobyerno at klase sa lahat ng antas, sinuspinde ng Malakanyang

 

MULING sinuspinde ng Malakanyang ang pasok sa trabaho sa gobyerno at klase sa lahat ng antas sa Metro Manila, Pangasinan, Zambales, Tarlac, Bataan, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas, Rizal, Occidental Mindoro, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Quezon, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, Masbate, Sorsogon, Albay, Camarines Sur, Catanduanes, Palawan, Antique, Aklan, Capiz, Iloilo, Guimaras, Abra, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Laguna at Negros Occidental, araw ng Miyerkules, Hulyo 23, 2025.

 

Ito’y bunsod na rin ng patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan na dala ng Southwest Monsoon.

 

Ang suspensyon sa trabaho sa gobyerno at klase sa lahat ng antas ay batay sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

 

Nakasaad sa Memorandum Circular No. 90 na inilabas ngayong araw ng Martes, Hulyo 22, tinintahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, na ang mga ahensiya na responsable sa ‘basic, vital at health services’, paghahanda at mga tungkulin sa pagtugon ay dapat na magpatuloy at manatiling operational upang matiyak na nagpapatuloy ang mahahalagang ginagawa ng gobyerno sa kabila ng nasabing deklarasyon ng work suspension.

 

“Non- vital government employees of subject agencies and all other government employees may be negaged under approved alternate work arrangements, subject to applicable law, rules and regulations,” ayon sa MC No.90.

 

Sa kabilang dako, ang localized cancellation o suspensyon ng klase at/ o trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa ibang rehiyon ay maaaring ipatupad ng kani-kanilang Local Chief Executive, alinsunod sa kaugnay na batas at rules and regulations.

 

Samantala, ipinauubaya naman na ng Malakanyang ang suspensyon ng trabaho sa pribadong kompanya at tanggapan sa diskresyon ng kani-kanilang pinuno.

 

Ang nasabing circular ay kagyat na magiging epektibo. ( Daris Jose)

 

Gobyerno, naka-alerto sa gitna ng monsoon rains, ginamit ang EDCA sites para sa relief ops

Posted on: July 22nd, 2025 by people's balita No Comments

 

TINIYAK ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa publiko na ang gobyerno ay ‘fully engaged’ sa disaster response operations sa gitna ng patuloy na pananalasa ng monsoon rains dahilan para magbaha sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas.

Si Teodoro, chairman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nagpahayag na nananatili at patuloy ang kanyang komunikasyon sa NDRRMC at sa Office of Civil Defense (OCD) sa kabila ng siya ay nasa Estados Unidos bilang bahagi ng delegasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

“Ako po’y binilinan constantly ng ating Presidente, bago pa man ako umalis, na bantayan maigi ang relief efforts, rescue efforts at iba pang coordinated responses ng ating gobyerno,” ang sinabi ng Kalihim.

Aniya pa, inatasan na niya ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na makipagtulungan sa US Indo-Pacific Command para paganahin ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa bansa para sa ‘rescue and relief operations.’

Nilagdaan noong 2014, ang EDCA ang nagbigay pahintulot para sa mga Filipino at American soldiers na magsanay nang magkasama at payagan ang Estados Unidos na magtayo ng pasilidad at preposition supplies, at equipment sa loob ng estratehikong lokasyon ng mga base sa bansa.

Sa kasalukuyan, mayroong 9 na EDCA sites sa bansa, ang Cesar Basa Air Base in Floridablanca, Pampanga; Fort Magsaysay Military Reservation sa Nueva Ecija; Lumbia Airport sa Cagayan de Oro; Antonio Bautista Air Base sa Puerto Princesa, Palawan; Benito Ebuen Air Base sa Cebu; Naval Base Camilo Osias sa Sta. Ana, Cagayan; Lal-lo Airport sa Lal-lo Cagayan; Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela; at Balabac Island sa Palawan.

“Nandiyan na rin po ang Japan at iba pang mga kaalyado natin,” ayon kay Teodoro.

“Dito po makikita ng ating taumbayan ang benepisyo ng pakikipag-ugnayan ng mga armed forces para makaligtas ang ating taumbayan laban sa mga hamon ng kalikasan,” aniya pa rin.

Sa kabilang dako, kinumpirma rin ni Teodoro na mayroon nang koordinasyon kay Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, pagtiyak na ang mga relief goods ay naka- preposition na sa vulnerable areas.

“Umasa po kayo na 24/7 nakatutok ang ating Pangulo,” anito.( Daris Jose)

 

6 nasawi dahil sa Crising, Habagat —NDRR

Posted on: July 22nd, 2025 by people's balita No Comments

 

ANIM na katao ang napaulat na nasawi dahil sa Tropical Cyclone Crising, Southwest Monsoon o Habagat, at low pressure area (LPA).

Sa naging pag-uulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabi nito na, ‘as of 6 a.m., araw ng Martes, may tatlong napaulat na nasawi sa Northern Mindanao at isa Mimaropa, isa sa Davao Region, at isa sa Caraga.

Dalawa lamang mula sa anim na napaulat na nasawi ang kumpirmado sa ngayon, ayon sa NDRRMC.

Sa Barangay Poblacion sa Mambajao, Camiguin, ang biktima ay tinamaan ng bumagsak na puno noong Hulyo 19. Dinala siya sa ospital subalit idineklarang nasawi dahil sa trauma secondary sa external injury.

Sa Barangay Matin-ao sa Mainit, Surigao del Norte, isa pang biktima ang nakasakay sa motorsiklo mula sa bahay ng kanyang kaibigan nang may isang puno ang bumagsak at tumama sa kanya.

Sinabi ng NDRRMC na may limang katao ang napaulat na nasugatan at anim naman ang nawawala sa gitna ng masungit na panahon.

May kabuuang 1,266,322 katao o 362,465 pamilya ang apektado ng Crising, Habagat, at LPA sa lahat ng rehiyon sa bansa maliban sa Eastern Visayas.

Ang pagbaha, landslides, pagbagsak o pagguho ng mga istraktura at mga buhawi ay naiulat sa ilang apektadong lugar.

Sa mga apektadong populasyon, may 17,116 katao o 4,991 pamilya ang nananatili sa evacuation centers habang 65,219 katao o 14,524 pamilya ang nanunuluyan sa ibang lugar.

May kabuuang 1,501 bahay ang napinsala. May 348 ang totally damaged habang 1,153 naman ang partially damaged.

Ang pinsala naman sa imprastraktura ay nagkakahalaga ng P413,020,214 at sa agrikultura ay nagkakahalaga ng P54,067,336 ang iniulat, ayon sa NDRRMC.

Idineklara naman ang state of calamity sa Umingan, Pangasinan.

“Assistance worth P61,310,374 has been provided to the victims so far,” ayon sa NDRRMC. ( Daris Jose,)

 

Ads July 22, 2025

Posted on: July 22nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

22 – page 4-merged (1)

Bakit nakangiti pa rin ang mga Pinoy kahit ang hirap ng buhay?

Posted on: July 22nd, 2025 by people's balita No Comments

ANG mahal mabuhay sa panahon ngayon, lalo pa’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin saan mang sulok ng mundo. Pero sa Pilipinas, hindi kailangang gumastos ng malaki para sumaya. Kahit marami ang kinakapos, nakakahanap tayo ng paraan para ngumiti.
Hindi laging nabibili ang saya para sa maraming Pinoy. Kadalasan, tayo ang gumagawa nito. Kung may brownout, solb ka na kung may gitara ka at may ka-jamming. Ginagawa na lang nating nakakatawang meme ang pagsipa ng presyo ng sibuyas hanggang ₱700 kada kilo. Kapag naman umaabot hanggang tuhod ang baha, hindi na nakakagulat ang mga eksena sa social media ng mga taong ginagawang salbabida ang styro box habang may dala-dalang Bluetooth speaker at beer.
Kahit simpleng bagay, nalilibang tayo. Kahit walang pera, marunong tayong lumigaya. Ganyan ang kulturang Pinoy. Nakailang rewatch ka na ba ng “Four Sisters and a Wedding” para lang sa linyahang “Bakit parang kasalanan ko?” ni Bea Alonzo, pero hindi mo pa rin pinagsasawaan? Nakakahanap tayo ng thrill sa mga teleserye cliffhanger, “budol” finds sa sale, at piso load para ma-text si crush ng “ingat ka.” Kaya ang pa-bente-benteng pesos nating ginagastos sa online game, sapat na para makaraos at sumaya sa isang araw.
Ito ang tatak-Pilipinong saya kahit pa lamunin tayo ng inflation. Ito ang ligayang swak sa budget, swak sa araw-araw, at swak sa puso. Kahit maliit, kahit kaunti, at kahit pasundot-sundot lang.
Tayo ang pinaka-online na bansa sa buong mundo – higit sa siyam na oras kada araw ang ginugugol ng mga Pinoy sa internet. Hindi lang para magpalipas ng oras, kundi para maghanap ng karamay. Para maka-relate sa iba. Hindi lang basta patawa ang mga tina-type nating “G na G,” “Sana all,” at “Kapit lang” sa comments. Pampalakas ng loob ang mga ito. Para sa sarili, para sa isa’t isa.
“What you’re seeing isn’t escapism, it’s resilience,” sabi ni Dr. Ana Reyes, isang behavioral psychologist. “Filipinos use low-cost entertainment, whether it’s a livestream, a TikTok, or a casual game, to anchor themselves. It’s both catharsis and connection.”
Hindi na bago ‘to. Kahit saan sa mundo, kumakapit sa pop culture ang maraming tao tuwing may krisis, hindi lang kapag masaya. Ang Hollywood? Ipinanganak noong Great Depression. Ang anime? Nanggaling sa post-war Japan. Ang K-pop? Umarangkada noong bagsak ang ekonomiya sa Asia.
Sa atin naman, sumisigla ang kulturang Pilipino tuwing may sakuna. Lumalakas at tumitibay. Mas nagiging makulay. Lalong tumatagos sa puso. Hindi kayang patayin ng kahit anong unos ang saya ng mga Pinoy. Imbes na panghinaan ng loob, pinapatatag tayo nito. At higit sa lahat, tinuturuan tayong pahalagahan kung anong mayroon tayo, kahit gaano man kaliit o kakaunti ito.
Kaya hindi lang basta-bastang pampalipas-oras kung maituturing ang mga simple at murang bagay na kinaaaliwan natin, mapa-live karaoke man ‘yan o pago-oonline gaming sa kalagitnaan ng shift. Paninindigan itong mag-enjoy at sumaya sa kabila ng mga hamon ng buhay. Buhay pa, kaya kaya pa. Buhay pa, kaya lumalaban pa. Buhay pa, kaya “deserve ko ‘to.”
Nananatiling masayahin ang mga Pilipino kahit na ginigipit, pinapatigas, pinapatamlay, at pinapamanhid ng hirap ng buhay. Hindi tayo nawawalan ng pag-asa, at hindi nauubusan ng dahilan para ngumiti, maglaro, at tumawa. ‘Yan ang tatak-Pinoy nating superpower.
Oo, mahirap ang mabuhay. Alam na nating lahat ‘yan. Kaya nga kinakantahan na lang natin ang brownout, sinasayawan ang baha, at dinadaan sa biro ang sakit kahit iniwan ng ex. Dahil para sa atin, ang pagkapit sa simple, panandalian, at abot-kayang bagay na nagdudulot sa atin ng saya ay hindi lang pantawid-lungkot at stress, kundi pantawid-buhay rin. Kaya kahit sabihin man ng mundo na “Hindi mo afford sumaya,” naninindigan tayong, “Kaya pa naman.” “Meron pa rin.” “Meron at meron.”
“Padayon.”