• April 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 22nd, 2025

PBBM, dumating na sa Estados Unidos para makapulong si Trump

Posted on: July 22nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

DUMATING na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Washington, DC, araw ng Lunes, alas- 2:48 ng madaling araw (Manila time).

Nakatakdang makapulong ni Pangulong Marcos si US President Donald Trump sa White House.

Nakatakda ring bisitahin ni Pangulong Marcos ang Pentagon para makapulong naman si Defense Secretary Pete Hegseth at Secretary of State Marco Rubio.

Sinabi ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na nakatakdang pag-usapan nina Pangulong Marcos at Trump ang ‘defense at security.’

“Essentially, it’s really the reaffirmation of all these agreements that we have with the United States specifically surrounding the Mutual Defense Treaty. So, it will be more on discussions on how we can continue to cooperate with the United States, our major ally.” ayon kay Romualdez.

Inaasahan din na tatalakayin sa pulong ang sitwasyon sa West Philippine Sea (WPS).

“At the same time, I think President Marcos would like to see how we can work with the United States and other countries that have the same mindset as far as the West Philippine Sea is concerned. So, it will be on those general subjects of discussion,” ang pahayag ni Romualdez.

Nakatakda ring makapulong ng Chief Executive ang mga business leaders.

“Generally, he’ll be talking to semiconductor industry which is very important for us. One of our biggest industries that we’re having economic ties with the United States. I think the President of the Semiconductor Association will be meeting with the President,” ang sinabi pa rin ni Romualdez.

“And then we have other business leaders particularly those who have already invested in the Philippines or planning to expand their investments in the healthcare,” dagdag na pahayag ni Romualdez sabay sabing pati ang mga grupo na interesado na i-develop ang Luzon Economic Corridor ay dadalo sa miting.

Sa kabilang dako, inaasahan din na pag-uusapan nina Pangulong Marcos at Trump ang 20% taripa sa Philippine goods na pumapasok sa Estados Unidos.

Umaasa naman ang Piipinas na mauuwi sa isang trade agreement na kapaki-pakinabang kapuwa sa dalawang bansa

Sinabi ni Romualdez na wala naman sa agenda ng miting ang kontrobersiyal na immigration policy ni Trump.

Samantala, tinatayang may 3,772 Pinoy na tukoy ng US Immigration and Customs Enforcement na hindi naman naka-ditine subalit “with final orders of removal.”

(Daris Jose)

Disaster relief operations, pinasimulan para sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo

Posted on: July 22nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

BILANG tugon sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos, pinasimulan ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez kasama ang Tingog Party-list ang disaster monitoring at relief efforts para tulungan ang mga lugar na naapektuhan ng bagyong Crising at pag-uulan dala ng southwest monsoon (Habagat).

“Hindi tayo maaaring manahimik habang lumulubog ang mga komunidad at nangangamba ang ating mga kababayan. Public service doesn’t stop when Congress is out of session. Ngayon mismo, dapat tayong kumilos,” ani Romualdez.

Ayon sa mambabatas, batid niya ang nararanasan ng mga lugar na naapektuhan ng bagyo at habagat dala na rin sa naging karanasan nito ng tamaan ng kalamidad ang probinsiya ng ng tamaan ng bagyong Yolanda.

“Kaya ramdam ko ang bigat na dinaranas ng mga pamilya ngayon. Sa oras ng sakuna, hindi dapat nag-iisa ang sinuman. My staff and Tingog Party-list are reaching out to House Members whose districts are overwhelmed,” pahayag nito,

Muling binuksan ng kanyang congressional office at Tingog Party-list ang Relief Coordination Desk, na nagsilbing lifeline sa mga mambabatas noong panahon ng bagyo at COVID-19 pandemic.

Ang naturang team ay magsisilbing one-stop hub para sa urgent requests at field coordination.

Umapela rin ito sa publiko na magbigay tulong sa anumang pamamaraan.

“Kahit hindi ka kongresista, kahit hindi ka opisyal—lahat tayo may papel sa pagtulong, kasama

ang pagdarasal para sa kaligtasan ng mga nasalanta,” pagtatapos ni Romualdez. (Vina de Guzman)

DAR, patuloy pinalalakas ang seguridad sa lupa at itinataguyod ang pag-unlad ng mga magsasaka  

Posted on: July 22nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

SA PANGUNGUNA ni DAR Secretary Conrado M. Estrella III, halos ₱800-milyong utang nang mahigit 16,380 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) ang nakansela sa Soccsksargen region dahil sa pamamahagi ng 10,799 Certificates of Condonation with Release of Mortgage (CoCROMs). Ang mga naturang ARB ay nakatanggap din ng 3,789 e-Titles at 1,131 Certificates of Landownership Award (CLOAs).

Ito ay bahagi ng patuloy na pagsusumikap ng DAR na palakasin ang seguridad sa lupa at itaguyod ang pag-unlad ng mga magsasaka. (BOY MORALES SR.)

P500 milyon ang napinsala ng bagyong Crising sa imprastaktura ayon sa DPWH

Posted on: July 22nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

UMABOT na sa P500 milyon ang halaga ng pinsala sa mga imprastraktura dulot ng bagyong Crising at Habagat, sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sinabi ng DPWH na ang partial cost ng pinsala sa imprastraktura ay tinatayang nasa P526.81 milyon sa Westerm Visayas at Negros Island Region .

Kabilang dito ang pinsala sa national roads, tulay at flood control structures na halagang P195.52 milyon at P322.25 milyon, ayon sa pagkakasunod.

Ayon sa DPWH, ang nasabing halaga ay dadaan pa rin sa field validation. (Gene Adsuara)

PDL’s sa Manila City Jail ibubukod na tinawag na “Celda Sesenta’

Posted on: July 22nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

IBUBUKOD na ang mga nakatatandang Persons Deprived of Liberty o PDL’s sa Manila City Jail.

Ito ay upang mapangalagaan ang mga nagkakaedad nang bilanggo kaya naman nilaanan sila ng pasilidad na tinawag na “Celda Sesenta’ sa male dormitoy .

Isinagawa ang blessing at pagbubukas ng Celsa Sesenta para sa mga PDL na edad 60 pataas, ayon kay JO2 Joan Sta. Ana, ang Chief Community Relations Service.

Ang bagong tayong pasilidad ay para lamang sa mga Senior Citizen Persons Deprived of Liberty (PDL) sa ilalim ng inisyatiba ni Supt. Lino M. Soriano upang matiyak ang kaligtasan, kalusugan at dignidad ng mga nakatatandang PDL.

Napag-alaman na 96 na senior citizen na PDL ang kayang i-accommodate sa Celda Sesenta na may bed bunks, living room o mess hall.

May nurse station din na pangangasiwaan ng BJMP Personnel Jail Nurse at mga jail nurse aide na PDL  at may eksklusibo ring wellness and care programs para sa mga nakatatanda.

Ayon kay Supt. Soriano ang Celda Sesenta ay naaayon sa BJMP J.A.I.L. Plan 2040, patungkol sa wastong klasipikasyon at pangangasiwa ng mga PDL na may natatanging pangangailangan. (Gene Adsuara)

Halos P.1M droga, nasamsam sa 3 tulak sa Malabon

Posted on: July 22nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

UMABOT sa halos P.1 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa tatlong hinihinalang tulak ng illegal na droga matapos matimbog ng pulisya sa magkahiwalay na buy bust operation sa Malabon City.

          Ayon kay Malabon Police OIC chief P/Col. Allan Umipig, sa koordinasyon sa PDEA, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy bust operation laban sa magkapitbahay na tulak na sina alyas “Aries”, 28, at alyas “Jerome”, 26, tricycle driver at kapwa ng Brgy. Tañong.

          Dakong alas-11:30 ng gabi nang makipagtransaksyon umano ang mga suspek sa isang pulis na nagpanggap na buyer sa kanto ng Sacristia at Matahong Streets, Brgy. San Agustin, na nagresulta sa kanila.

          Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 7 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P47,600 at buy bust money.

          Nauna rito, nasakote naman ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa kanto ng Pasco at Mesina Streets, Brgy. Tonsuya si alyas “Bob”, 51, matapos bintahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer alas-2:30 ng madaling araw.

          Nasamsam sa kanya ang nasa 6.7 gramo ng umano’y shabu na may standard drug price value na P45,560 at buy bust money.

          Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangrous Drug Act of 2002.

          Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio ang mga operatiba ng Malabon police sa kanilang pagsisikap sa paglaban sa illegal na droga. (Richard Mesa)

Ilang lugar, lubog sa baha… Afternoon classes sa Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela, kanselado

Posted on: July 22nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

DAHIL sa patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan na dala ng Habagat, lumubog sa tubig baha ang ilang lugar sa mga Lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (CAMANAVA).

Dahil dito, nagsuspende ng afternoon classes, Lunes, July 21, ang Local Government Unit (LGUs) ng CAMANAVA para sa kaligtasan ng mga mag-aaral.

          Sa Caloocan, inirekomendas ng City Disaster Risk Reduction Management Department (CDRRMD) na kanselahin ang panghapon na mga pasok sa eskuwela sa lahat ng antas sa mga pribado at pampublikong paaralan sa lungsod ngayong.

Tiniyak naman ni Mayor Along Malapitan na ligtas na makakauwi ang mga mag-aaral at para aniya sa oras ng emergency, 24/7 handang tumugon ang Alert and Monitoring Operations Center at tumawag lamang sa (02) 888-25664 o 0908-81-25664.

Suspendido din ang face-to-face afternoon classes sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Lungsod ng Malabon kaya pansamatalang ipapatupad ang Alternative Delivery Mode sa mga paaralan.

Pinayuhan naman ni Mayor Jeannie Sandoval ang lahat na manatiling nakatutok sa mga mahahalagang impormasyon o anunsiyo ukol sa lagay ng panahon, maging alerto sa anumang oras at mag-ingat ang lahat para sa kaligtasan habang patuloy naman sa pag-iikot ang libreng sakay ng pamahalaang lungsod para matulungan ang stranded na commuters.

          Inirekomenda din ng Navotas City Disaster Risk Reduction and Management Office at ng Schools Division Office-Navotas ang pagkansela sa afternoon in-person classes sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong mga paaralan sa lungsod.

Ayon kay Mayor John Rey Tiangco, magsasagawa ng asynchronous o modular learning para matiyak na tuloy pa rin ang pagkatuto ng mga mag-aaral habang pinayuhan din niya Navoteños na maging alerto at sundan ang mga opisyal na anunsyo mula sa mga paaralan, lungsod, at iba pang kaukulang ahensya.

Bandang alas-10:45 naman ng umaga nang i-anunsyo ng Valenzuela LGU ang pagsunpende sa online at in-person classes sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod.

Pinayuhan naman ni Mayor Wes Gatchalin ang lahat na maging alerto sa lahat ng oras lalo na ang malalapit sa lugar na mabilis tumaas ang tubig baha at agad aniyang lumikas kung kinakailangan para sa kaligtasan ng lahat. (Richard Mesa)

QC LGU, pananagutin ang responsable sa pagbagsak ng billboard

Posted on: July 22nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

TINIYAK ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na mananagot ang mga responsable sa pagbagsak ng billboard sa C5 Katipunan-Ateneo Southbound nitong Sabado, Hulyo 19.

Sinabi ng QC LGU na batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon, lumalabas na walang butas ang billboard para daanan ng hangin kaya nagmistula itong isang malaking layag at sa hagupit ng bagyong Crising at habagat ay natangay pati ang buong metal structure na kinakapitan ng billboard na gawa sa tarpaulin.

Ang normal na protocol ay dapat na ibaba, itupi o inirorolyo ang mga tarpaulin billboard kapag may paparating na masamang panahon gaya ng bagyo at habagat.

Iimbestigahan din ng QG LGU kung bakit hindi nasunod ang protocol na ito.

Ayon sa QC LGU, agad nilang ipinadala ang mga tauhan mula sa Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office, Department of Public Order and Safety at Traffic and Transport Management Department sa pakikipagtulungan sa Metropolitan Manila Development Authority, Meralco at Quezon City Police District para magsagawa ng clearing operations at asistihan ang mga apektadong motorista.

Nagpaalala rin ito sa lahat ng billboard owners at operators na siguruhing ligtas, matibay at maayos na naitayo ang kanilang mga istruktura lalo na sa panahon ng bagyo. (PAUL JOHN REYES)

Tuloy-tuloy ang ulan sa Metro Manila buong linggo dahil sa habagat

Posted on: July 22nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

ASAHAN na magiging basa buong linggo sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon at Visayas dahil sa pinalakas na habagat, ayon sa PAGASA.

May posibilidad ng baha at pagguho ng lupa, lalo na sa mga lugar na matagal nang inuulan o nasa paanan ng bundok.

Sa advisory ng PAGASA, sinabi nilang pinalalakas ng Severe Tropical Storm Wipha ang southwest monsoon o habagat. Bagama’t wala sa loob ng Philippine Area of Responsibility ang bagyo, malaki pa rin ang epekto nito. Puwedeng umabot hanggang 200 millimeters ang buhos ng ulan sa ilang lugar.

Gaano kalakas ang ulan kada araw?

  • Lunes (Hulyo 21): Posibleng hanggang 100 mm ng ulan sa Metro Manila, Pangasinan, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, at Occidental Mindoro.
  • Martes (Hulyo 22): Mas malakas — aabot ng 100 hanggang 200 mm sa Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro. Sa ibang lugar gaya ng Metro Manila, Pangasinan, Ilocos Sur, La Union, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas, Rizal, Antique, Iloilo, Guimaras, at Negros Occidental — hanggang 100 mm pa rin ang maaaring ibuhos.
  • Miyerkules (Hulyo 23): Inaasahan ulit ang hanggang 200 mm ng ulan sa Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro. Habang sa Metro Manila, Ilocos Region, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol at ilang bahagi ng Western Visayas, hanggang 100 mm ng ulan ang inaasahan.

Baha, landslide, ahon. Sabi ng PAGASA, mas malakas pa ang bagsak ng ulan sa mga lugar na may kabundukan. Kung sunod-sunod na ang pag-ulan sa inyo nitong mga nakaraang araw, mas mataas ang tsansang bumaha o magkaroon ng landslide.

Nagbabala rin ang PAGASA na magiging maalon sa hilaga at kanlurang bahagi ng Luzon, kung saan puwedeng umabot sa 3.7 metro o 12 talampakan ang taas ng alon. Pinapayuhan ang maliliit na bangka na huwag muna pumalaot.

Ano ang sanhi ng ulan?

Ang habagat ay pinalalakas ng bagyong Wipha (dating “Crising”) na nasa layong 1,160 kilometro kanluran ng hilagang Luzon. May lakas ito ng hangin na 95 kph at bugso na aabot sa 130 kph.

May isa pang sama ng panahon na namataan sa layong 1,140 km silangan ng southeastern Luzon, pero wala pa ito sa loob ng PAR.

Paalala ng PAGASA: bantayan ang mga susunod na ulat, lalo na ang mga heavy rainfall warning, para sa mas detalyado at agarang impormasyon tungkol sa lagay ng panahon.

Gobyerno, ‘fully mobilized’ para sa ‘flood response’; isinasagawa na ang relief

Posted on: July 22nd, 2025 by people's balita No Comments

 

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa publiko na pinagana na ng national government ang lahat ng kaugnay na ahensiya para tumugon sa malawakang pagbaha sanhi ng southwest monsoon o “habagat.”

Sa isang recorded message mula Washington, DC, isinapubliko, gabi ng araw ng Lunes, sinabi ng Pangulo na ipinag-utos na niya sa pinakamahalagang mga ahensiya ng gobyerno na maghanda bago pa ang matinding ‘weather conditions’ at tiyakin na ang kinakailangang tulong at serbisyo ay makaaabot sa mga apektadong komunidad.

Tinuran pa ng Pangulo na ang Office of Civil Defense, Department of Transportation, Department of Health, Department of Science and Technology, Department of Social Welfare and Development, Department of Public Works and Highways, Department of Energy, at Department of the Interior and Local Government ay pinakilos at inatasan na mag-ugnayan sa isa’t isa.

Idineploy naman ang relief goods at medical teams sa mga apektadong lugar, habang ang mga kritikal na kagamitan gaya ng tubig, elektrisidad, at transport services ay siguruhin.

“Nandito kami lagi upang magbigay ng lahat ng serbisyo na kailangan sa harap ng hamon ng climate change,” ayon kay Pangulong Marcos.

Hinikayat naman niya ang publiko na manatiling naka-alerto, sumunod sa weather updates, at makinig sa mga instructions mula sa local government units upang masiguro ang kanilang kaligtasan.

“Siguraduhin natin mas lalo pang mapalakas ang kakayahan ng pamahalaan na tumugon sa ganitong klaseng sitwasyon,” aniya pa rin.

Samantala, ang Pangulo ay nasa Washington, DC mula July 20 hanggang 22 para sa isang official visit dahil na rin sa imbitasyon ni US President Donald Trump para lumalim pa ang Philippine-US bilateral ties sa ‘defense, trade, at climate resilience.’ ( Daris Jose)