• April 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 21st, 2025

Pacquiao bigong makuha ang kampyonato matapos ang ‘majority draw’ kontra kay Barrios

Posted on: July 21st, 2025 by @peoplesbalita No Comments

BIGO ang People’s champ, Manny Pacquiao na isulat muli ang kasaysayan matapos magtapos sa majority draw ang laban niya kontra kay WBC welterweight champion Mario Barrios na ginanap sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas —ang parehong venue kung saan siya unang nagpasiklab sa Amerika 24 taon na ang nakalilipas.

Nabatid na dalawang hurado ang nagtala ng 114-114, habang isa ang nagbigay ng 115-113 pabor kay Barrios, dahilan upang mapanatili ni Barrios ang kanyang titulo. Sa harap ng 13,107 tagasuporta na karamihan ay Pilipino, hindi naging sapat ang ipinakitang sigla ni Pacquiao sa unang bahagi ng laban.

Si Pacquiao (62-8-3, 39 KOs), na bumalik sa ring matapos ang apat na taong pagreretiro at kamakailang pagkakahirang sa International Boxing Hall of Fame, ay nagpakita ng mainit na simula. Bumalik ang kanyang dating porma —mabilis, agresibo, at kombinasyon ng kaliwang suntok na paborito ng mga fans.

Ngunit hindi maikakaila ang pagod at edad habang umuusad ang laban. Sa mga huling rounds, unti-unting nakabawi si Barrios (29-2-2, 18 KOs), na 16 na taon na mas bata kay Pacquiao.

Habang si Barrios ay pinili ni Pacquiao bilang katunggali sa kanyang pagbabalik. Ayon sa patakaran ng WBC, maaaring humiling ng title shot ang isang dating kampeon na bumabalik mula sa pagreretiro — bagay na sinamantala ng kampo ni Pacquiao.

Bagama’t hindi nagwagi, sinabi ng magkabilang panig na bukas sila sa isang rematch, na maaaring maging huling pagkakataon ni Pacquiao na makamit ang kasaysayang hinahangad niya bilang pinakamatandang kampeon sa kasaysayan ng welterweight boxing.

DHSUD, SHFC AGARANG IPATUTUPAD ANG COMMUNITY MORTGAGE PROGRAM

Posted on: July 21st, 2025 by @peoplesbalita No Comments

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magpatupad ng mga programang nakatuon sa kapakanan ng mamamayan, ipinapatupad ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at Social Housing Finance Corporation (SHFC) ang Community Mortgage Program (CMP) sa buong bansa.

Inaprubahan ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling ang mungkahi ni SHFC President Federico Laxa na muling buhayin ang 34 on-site CMP projects sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas.

Tinatayang 5,000 benepisyaryo ang makikinabang sa mga proyektong ito.

Ayon kay Secretary Aliling, ang pagpapatupad ng CMP ay magpapalakas sa Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program.

Target na maipamahagi ang mga lote sa Oktubre. Maaari itong palawigin sa incremental housing kung saan makakagawa ng mga pagpapabuti sa tahanan ang mga benepisyaryo sa tulong ng gobyerno.

Layunin nito na gawing mas transformative ang mga CMP site kasama ang mga aspeto ng community development.

Matatandaang pansamantalang itinigil ang CMP nang simulan ang 4PH Program na nakatuon sa vertical housing.

Ngayong ibinalik ito, binibigyang halaga muli ang on-site at community-based na mga solusyon sa pabahay. (PAUL JOHN REYES)

Fernando, iginuhit ang kurso sa pangmatagalang legasiya sa kanyang ikatlong termino

Posted on: July 21st, 2025 by @peoplesbalita No Comments

LUNGSOD NG MALOLOS – Hindi lamang maglilingkod sa panibagong termino si Gobernador Daniel R. Fernando; lumilikha siya ng legasiya.

Sa pagsisimula ng kanyang ikatlong termino, inilatag ng gobernador ang malinaw na bisyon, na nakatutok sa limang mahalagang aspeto na idinisenyo upang siguruhing may pangmatagalang epekto sa hinaharap ng Bulacan ang kanyang mga nakalipas na pagpupunyagi.

Sa ginanap na Pasinayang Pagpupulong ng Ika-12 Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ni Bise Gob. Alexis C. Castro kahapon sa Benigno Aquino, Jr. Session Hall, ipinahayag ni Fernando ang kanyang Ulat sa Lalawigan kung saan ibinaba niya ang pangunahing prayoridad ng kanyang administrasyon: kalusugan, edukasyon, kabuhayan at kaunlaran, kapaligiran at basura, at pagbaha.

“Sa pagtatapos ng aking panunungkulan, ang adhikain ko ay simple ngunit makapangyarihan: makita ng bawat Bulakenyo na matatag na nakatayo sa sariling paa, may disenteng hanapbuhay, may pagkain sa hapag, ligtas, masaya, at may dignidad ang pamumuhay,” anang gobernador.

Pinalawig niya ang kanyang mga plano kabilang ang modernisasyon ng Bulacan Medical Center at mga district hospital upang makapaghatid ng makabagong serbisyong pangkalusugan; itaas ang pamantayan sa edukasyon sa pamamagitan ng mga scholarship mula junior high hanggang board exams, talakayin ang isyu ng job mismatch, turuan ang mga mag-aaral ng iba’t ibang mga kakayahan, at itayo ang parehong Bulacan Sports Academy para sa umuusbong na atleta at Go-Koop College para sa mga batang negosyante.

“Ang Bulacan ay handa ng makipagsabayan sa makabagong panahon. Katuwang natin ang pribadong sektor sa pagpapatupad ng mga proyekto na magbubukas ng oportunidad sa ating mga mamamayan,” dagdag niya.

Ibinida rin ni Fernando ang ilan sa mga malalaking proyekto na nakatakdang panibaguhin ang lalawigan, kabilang ang Bulacan Mega City Project, Technohub and Innovation Center, Farmers’ Productivity Center, at ang Animal Breeding and Multiplier Farm.

Kinilala rin niya ang mahahalagang inisyatibang pang-nasyunal na makakaapekto sa Bulacan, kabilang ang North-South Commuter Railway, MRT-7, at ang New Manila International Airport.

Hindi rin nakalimutang talakayin ng People’s Governor ang patuloy na problema ng lalawigan sa basura, at tinawag itong ugat ng sakit, polusyon, at pagbaha.

“Kasado na rin po ang plano nating first Bulacan Environment Summit ng Pamahalaang Panlalawigan upang magkaroon tayo ng malawakang pagkilos laban sa problema natin sa basura at pagbaha sa Bulacan,” anunsyo ng gobernador.

Sa kabila ng kanyang pang-hinaharap na adyenda, sinamantala rin ng gobernador ang pagkakataon upang iulat ang mga pangunahing kahanga-hangang napagtagumpayan ng kanyang nakalipas na dalawang termino, na naka-angkla sa kanyang People’s Agenda 10.

OPERASYON KONTRA DROGA SA PANGASINAN, NAGRESULTA SA MALAKING HULI NG SHABU

Posted on: July 21st, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NASAMSAM ng pinagsamang puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency – Pangasinan Provincial Office (PDEA LUPO), PDEA Seaport Interdiction Unit 2 (PDEA SIU 2), Calasiao Police Station, at Pangasinan 3rd District Explosive and Canine Unit (DECU) ang malaking dami ng shabu sa bisa ng search warrant sa Barangay Gabon, Calasiao, Pangasinan.

Kinilala ni PDEA Regional Office 1 Regional Director Atty. Benjamin G. Gaspi ang suspek na si alyas Larry Bird, 47 taong gulang, residente ng nasabing barangay, na naaresto dakong alas-1:25 ng hapon noong Hulyo 17, 2025.

Nasamsam sa operasyon ang 17 piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting mala-kristal na substansiyang pinaghihinalaang shabu na tinatayang may timbang na humigit-kumulang 60 gramo; isang granada; isang Cal. 9mm na baril (Tanfoglio) na may magazine at leather holster; 31 piraso ng bala ng 9mm; dalawang itim na lalagyan ng salamin; isang lata; iba’t ibang drug paraphernalia; isang kahong gawa sa kahoy; tatlong improvised burners; at isang improvised aluminum sealer.

Isasampa laban sa suspek ang mga kasong paglabag sa Section 11 (Pag-aari ng Mapanganib na Droga), Section 12 (Pag-aari ng Drug Paraphernalia), sa ilalim ng Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002; Republic Act 9516 o ang batas laban sa ilegal na pag-iingat ng pampasabog; at Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa PDEA Pangasinan Provincial Office jail facility sa Lungsod ng Urdaneta, Pangasinan. (PAUL JOHN REYES)

13 indibidwal, tiklo sa cara y cruz at droga sa Valenzuela

Posted on: July 21st, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAKUHANAN ng ilegal na droga ang lima, sa labing-tatlong katao na naaresto ng pulisya sa magkakahiwalay na anti-gambling operations sa Valenzuela City.

          Sa ulat ni P/MSgt. Carlito Nerit Jr. kay Valenzuela Police OIC chief P/Col. Gerson Bisayas, dakong alas-11:45 ng bago magtanghali nang maaktuhan ng mga tauhan ng Ugong Police Patrol Base 8, ang tatlong kelot na naglalaro ng cara y cruz sa kanto ng Mindanao Ave., at Tatalon St., Brgy. Ugong.

          Nakuha sa kanila ang tatlong peso-coins na gamit bilang pangara at bet money habang nakuhanan naman ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu ang isa sa mga suspek na si alyas “Bon”, 33.

           Sa Brgy. Malinta, huli din sa akto ng mga tauhan ng Malinta Police Patrol Base 4, ang anim na indibidwal na naglalaro rin ng sugal na cara y cruz at nasamsam sa kanila ang mga barya na gamit bilang pangara, bet money at dalawang plastic sachets ng umano’y shabu na nakuha kay alyas “Marlon”, 41, at alyas “Carl”, 24.

          Dakong alas-2 naman ng madaling araw nang maaktuhan din ng mga tauhan ng Polo Police Patrol Base 5, ang dalawang lalaki na nagsusugal ng cara y cruz sa Dama De Notche St., Brgy. Tagalag at nakuha sa kanila ang bet money, tatlong peso-coins na gamit bilang pangara at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na  nakumpiska kay alyas “Angel”, 38.

          Habang alas-10:15 ng gabi nang madakip ng mga tauhan ng Dalandanan Police Patrol Base 6, ang dalawang lalaki matapos maaktuhang nagsusugal din ng cara y cruz sa loob ng palengke sa Brgy. Malanday at nakuha sa kanila ang tatlong peso-coins na gamit bilang pangara, bet money at isang plastic sachet ng umano’y shabu na nasamsam kay alyas “Leo”.

          Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 at habang karagdagan na kasong paglabag sa RA. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang kakaharapin pa ng lima sa kanila. (Richard Mesa)

Gang member na wanted sa drug traficking sa Valenzuela, nakorner sa Leyte

Posted on: July 21st, 2025 by @peoplesbalita No Comments

TIMBOG ang isang miyembro ng ‘Robbery Gang’ na wanted sa drug trafficking sa Lungsod ng Valenzuela nang matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa lalawigan ng Leyte.

          Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Valenzuela Police OIC chief P/Col. Gerson Bisayas na nagtatago sa naturang probinsya ang akusado na si alyas “Dacz”, na nakatala bilang No. 10 Top Most Wanted Person sa Valenzuela police.

          Kaagad nakipag-ugnayan ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Valenzuela CPS sa CIDG Northern Leyte Provincial Field Unit bago ikinasa ang joint operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay ‘Dacz’ dakong alas-8:10 ng gabi sa Barangay Naval, Hilongos, Leyte.

          Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi sa kanya ng mga tauhan ni Col. Bisayas ang arrest warrant na inisyu ng Valenzuela City Regional Trial Court Branch 171, noong June 4, 2025 para sa paglabag sa Sections 5 at 11, under Article II ng Republic Act 9165.

          Bilang pagsunod sa operational protocols ng PNP, gumamit ang team ng Body-Worn Camera (BWC) sa panahon ng pag-aresto sa akusado.

Pinuri naman ni NPD Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio ang koordinasyon at mabilis na pagpapatupad ng pag-aresto.

“This successful operation exemplifies our commitment to the relentless pursuit of justice. I commend our operatives for their diligence and teamwork in capturing a high-value target who has long evaded law enforcement,”pahayag niya. (Richard Mesa)

‘Boss’ ng mga tulak, laglag sa drug bust sa Caloocan

Posted on: July 21st, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NASAMSAM sa isang drug suspect na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) ang mahigit P.1 milyong halaga ng shabu matapos matiklo sa buy bust operation sa Caloocan City.

          Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio, kinilala ni Caloocan Police OIC chief P/Col. Joey Goforth ang naarestong suspek na si alyas “Boss”, 42, ng Brgy. 180, ng lungsod.

Ayon kay Col. Goforth, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy bust operation sa koodinasyon sa PDEA nang magawang makipagtransaksyon sa suspek ng isang isang undercover police-buyer.

          Dakong alas-2:51 ng madaling araw nang dambahin ng mga operatiba ng SDEU ang suspek sa Brgy. 180, matapos bintahan ng P6,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer.

          Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 25 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P170,000 at buy-bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at anim P1,000 boodle money.

          Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, under Article II ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Richard Mesa)

No. 10 top most wanted person ng Malabon, swak sa selda

Posted on: July 21st, 2025 by @peoplesbalita No Comments

BINITBIT sa selda ang isang kelot na wanted sa kasong robbery sa Lungsod ng Malabon matapos makorner ng pulisya sa manhunt operation sa Caloocan City.

Ayon kay Malabon Police OIC chief P/Col. Allan Umipig, nakatanggap sila ng impormasyon na naispatan ang akusadong si alyas “Robin”, 31, vendor, ng Brgy. Catmon, na nagtitinda sa isang palengke sa Caloocan City

Sa ulat ni Col. Umipig kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio, nakatala bilang No. 10 Top Most Wanted Person si ‘Robin’ sa Malabon CPS.

Agad bumuo ng team ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) Malabon CPS saka ikinasa ang manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-4:20 ng hapon sa Sangandaan Public Market, Caloocan City kung saan siya nagtitinda bilang vendor.

Ani Col. Umipig, maayos naman naisilbi ng kanyang mga tauhan sa akusado ang warrant of arrest na inisyu ng Malabon City Regional Trial Court (RTC) Branch 293, noong June 27, 2025 para sa kasong Robbery.

May inirekomenda namang piyansa ang korte na halagang P100K para sa pansamantalang kalayaan ng akusado na ipiniit muna sa Custodial Facility Unit ng Malabon CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman para sa paglilipat sa kanya sa City Jail. (Richard Mesa)

LTO, DOTr NAGLUNSAD NG ONLINE DRIVER’S RENEWAL PARA SA MGA PILIPINO SA JAPAN

Posted on: July 21st, 2025 by @peoplesbalita No Comments

INILUNSAD ng Land Transportation Office (LTO), sa pamumuno ni Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II at sa gabay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, ang ikalawang yugto global launching ng online renewal ng driver’s license para sa mga overseas Filipino workers (OFWs).

Ayon kay Acting Assistant Secretary at LTO Chief Atty. Greg G. Pua Jr., ang Online Driver’s License Renewal Serbisyo Caravan sa Osaka, Japan ay ang ikalawang global launching ng naturang online platform, na isinagawa sa pakikipagtulungan sa Department of Migrant Workers (DMW), Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of Foreign Affairs (DFA).

Noong Setyembre ng nakaraang taon, unang inilunsad ng LTO ang parehong programa sa Taiwan, kung saan mahigit isang libong OFW ang natulungan sa pag-renew ng kanilang expired o malapit nang mag-expire na driver’s license.

“Inaasahan nating mahigit isang libo sa ating mga kababayan sa Japan ang makikibahagi sa ating serbisyo caravan. Bahagi rin ng inisyatibong ito ang information drive kung saan tuturuan natin ang ating mga kababayan kung paano gamitin ang online platform para sa renewal ng kanilang lisensya,” ani Pua.

“Isa rin itong tuloy-tuloy na proseso ng pagsusuri sa mga karaniwang aberya upang mapabuti ang sistema, at ang feedback mula sa ating mga kababayan dito sa Osaka ay makatutulong sa amin upang makabuo ng pinakamainam na paraan para maging mabilis at maginhawa ang buong proseso,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin ni Pua na kailangang maihanda at ma-upload muna ang mga kinakailangang dokumento sa sistema upang mapabilis ang proseso, partikular na ang medical certificate mula sa LTO-accredited telemedical facility at ang larawan ng nag-e-expire na lisensya.

Paalala ni Pua sa mga OFW, mas mainam na gumamit ng mas malaking device gaya ng laptop o tablet para sa maayos na pagsasagawa ng telemedical exam, na maaaring matapos sa loob lamang ng 10 minuto.

Mula sa unang aplikasyon hanggang sa pagdating ng lisensya sa itinalagang address sa Japan, maaaring tumagal ng 3 hanggang 5 araw ang buong proseso.

Sa ilalim ng Bagong Pilipinas, sinabi ni Mendoza na target ng LTO na palawakin pa ang digital services sa iba’t ibang bahagi ng mundo sa lalong madaling panahon, partikular na sa Middle East, Estados Unidos, at Europa. (PAUL JOHN REYES)

Tutuparin ang childhood dream na magka-bahay: RABIYA, tuloy lang ang buhay kahit naging biktima ng scam

Posted on: July 21st, 2025 by @peoplesbalita No Comments
UMAANI ng papuri mula sa netizens si Bianca Umali dahil sa mahusay na pagganap bilang Terra sa ‘Encantadia Chronicles: Sang’gre.’
Hinahanggan ang pinakitang bangis ni Bianca sa pakikipaglaban. Mahusay rin niyang naipakita ang pagnanais ng kanyang karakter na ipagtanggol ang mga naaapi.
“Masarap sa puso na maganda ang pagtanggap ng mga tao. ‘Yun naman din po talaga ang goal namin ay makapaghatid ng isang magandang kuwento at mabigyan ng justice ang Encantadia,” sey ni Kapuso Prime Gem.
Unti-unti nang natutuklasan ni Terra ang kanyang kapangyarihan bilang isang Sang’gre. At mas marami pa raw na mga maaksyong eksena na mapapanood na gagawin si Bianca.
Ayon sa Sparkle actress: “Simula pa lang po ng journey ni Terra ang napapanood nila. Mas babangis pa siya kapag nakaharap na niya ang mga taga-Mineave at makasama na niya sina Adamus (Kelvin Miranda), Flamarra (Faith da Silva) at Deia (Angel Guardian). Abangan din po nila ang magiging transformation ni Terra.”
***
PATULOY ang buhay para sa Kapuso star na si Rabiya Mateo, na naging biktima ng scam.
“Kailangan nating ipagpatuloy ang buhay, masakit man. There’s still a lot of means for me to get my money back. I am still praying and hoping na sana ay mabalik,” pahayag ni Rabiya.
Sa kabila ng kanyang ‘di magandang karanasan, determinado ang former Miss Universe Philippines 2020 sa tuparin ang kaniyang childhood dream na magkaroon ng sariling bahay.
“I was able to buy and renovate my dream house sa Sta. Rosa, Laguna. I need to start from scratch but God is so good.
“Frustration namin noong maliit ako, para kaming no permanent address. We would transfer from one place to another kasi we can’t afford to pay rent.”
Plano raw ni Rabiya na pagsikapan pa ang pagpapaganda ng kanilang bahay. Pero payo ng kanyang ina ay maging praktikal sa gastusin.
“Dream house ko siya kaya ako nagwo-work very hard sa showbiz. Kasi, I want to achieve a lot of good things in life, so isa na ‘to.”
(RUEL J. MENDOZA)