NIRESBAKAN ng Malakanyang ang mga taong hanggang ngayon ay tila hindi matahimik at pilit na binubungkal ang isyu ng pagkasawi ni business tycoon na si Paolo Tantoco sa di umano’y epekto ng paggamit ng cocaine at pagdawit pa kay Unang Ginang Liza Araneta-Marcos sa usaping ito.
“Nakakalungkot dahil iyong mga pribadong tao na nagluluksa ay nadadamay sa pamumulitika. Ginagamit ng ibang obstructionist para masira ang First Lady, ang Pangulo at ang administrasyon na ito. Nakakahiya ang kanilang mga ginagawa,” ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro.
Sinabi pa ni Castro na hindi kasama sa official entourage ni Unang Gnag Liza si Tantoco.
“Nakakahiya dahil gumawa sila ng pekeng police report, naturingang journalists, mga dating Spokespersons, hindi marunong mag-imbestiga ng sarili. Hindi sila nagiging journalists, kung hindi nagiging propagandista ng kanilang mga sinusulong na interes,” ang patama ni Castro.
Para kay Castro, isang malaking kasinungalingan ang police report na nai-post sa Facebook.
“Kahit kayo po mismo ay maaaring mag-imbestiga sa nasabing lugar, sa Beverly Hills Police Department, para malaman ninyo na iyong inilagay sa Facebook na may guhit na color pink, kung hindi ako nagkakamali, ang parteng iyon ay idinagdag lamang. Nag-start ang mga salitang “and the cause of initially suspected to be drug overdose, up to the word…. iyan po ay idinagdag lamang. Ito ay mga gawain upang masira ang Unang Ginang, ang Pangulo at ang administrasyon na ito. Para sa pang-personal na interes,” ang pahayag ni Castro.
“Tandaan po natin, ang Unang Ginang po, noong siya ay nasa Los Angeles ay mayroon po siyang security service na provide ng US at mayroon din po siyang kasamang PSG. Hindi rin po siya nag-stay sa nasabing hotel ni Mr. Tantoco. Iba po ang kanyang hotel,” aniya pa rin.
Sinabi pa ni Castro na mayroong activities ang Unang Ginang noong Marso 8.
Ipinakita ni Castro sa mga mamamahayag at maging sa publiko ang dinaluhan ni Unang Ginang Liza na konsyerto para sa mga Filipino sa nasabing petsa.
“Makikita ninyo sa larawan din, Secretary Christina Frasco, March 8 iyan ginanap, hapon hanggang gabi. Paano masasabi ng mga obstructionist na ito, ng mga Facebook peddlers na ito ang patungkol sa nakita nilang mga tao doon sa vicinity, kaya po iyan ay idinagdag lamang,” anito.
“Nandito naman po iyon sa Facebook ng Unang Ginang. Pero kahit ito po ay nasa Facebook, at ito po ay nairereport naman, pilit nilang binabago nag kuwento at nakakalungkot, dahil kapwa Filipino ang kanilang niloloko para sa kanilang personal na interes,” aniya pa rin sabay sabing “So, muli sa mga journalist na nagpapanggap na kayo ay journalist, pero lumalabas na kayo ay propagandista, maawa po kayo sa bansa, maawa po kayo sa taumbayan. Huwag po ninyong lokohin ang mga Filipino.”
Samantala, hinggil naman sa naging panawagan ni Sen. Imee sa Malakanyang na maglabas ng komprehensibong ulat tungkol sa mga pangyayari sa likod ng pagkamatay ni Tantoco, ang naging tugon ni Castro ay “Nagsalita na po ako ngayon, pinaliwanag na po natin, lahat ng mga katotohanan.”
Umapela rin si Castro sa publiko na huwag maniwala masyado sa drama, sa gimik at sa mga gawa-gawang kwento.
“Siguro din tayo po, bilang miyembro ng media, kaya din po natin alamin kung ano ba talagang katotohanan. So, sinasabi ko na po, iyang police report na iyan is a fake document,” ang tinuran ni Castro.
At hinggil naman sa kalagayan ngayon ni Unang Ginang Liza, sinabi ni Castro na okay lang naman ito.
“Alam niya kasi po iyong katotohanan, sa totoo lamang po ay ayaw niya sana itong lumaki pa, dahil ang administrasyon na ito ay para ipakita, ano bang ginagawa ng Pangulo, anong trabaho ng Pangulo at paano ba kami magtrabaho para sa taumbayan. Pero, pilit na ginigiba pati ang Unang Ginang, para maapektuhan ang Pangulo at ang kasalukuyang administrasyon,” ani Castro.
Magkagayon man aniya ay wala aniyang ikinababahala ang Unang Ginang, dahil alam aniya nito ang katotohanan.
“So, ang dapat mabahala dito iyong mga naninira sa kanila dahil hindi nila magigiba sa gamit na ito ng mga fake news na ito ang administrasyong na ito,” aniya pa rin. (Daris Jose)