• April 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 16th, 2025

Napapanood na ngayon sa seryeng ‘Akusada’: RONNIE, masaya na nakarami na agad sa pagbabalik-Kapuso

Posted on: July 16th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
MAITUTURING na comeback ni Ronnie Liang bilang Kapuso dahil una siyang nakilala noong contestant siya sa Pinoy Pop Superstar ng GMA noong 2006.

Ilan sa mga kalaban ni Ronnie noon ay sina Aicelle Santos, Daryl Ong, at Gerald Santos na siyang naging champion sa season 2.
Ano ang pakiramdam na nagbalik si Ronnie sa GMA makalipas ang labingsiyam na taon?
“Ang masasabi ko kahit pala saan ako mapunta Kapuso pa rin pala talaga ako. And dadalhin ko ang pagiging isang Kapuso.
“Thank you sa GMA, sa kabila ng mga nangyari noon, tinanggap pa rin nila ako.
“Sa kabila ng mga nangyari noon na hindi ko naman kasalanan, hindi ko sinasadya, pero salamat sa pang-unawa, pagtitiwala, pagmamahal, pagpapatawad.
“Salamat sa pagpapairal ng puso sa akin.”
Kuwento pa sa amin ng singer/actor, “ngayon po ay under Sparkle management ako.” “I’m so thrilled, thankful, grateful sa GMA dahil bago lang ako, kaka-sign ko lang po, last December 8, kaka-pitong buwan ko lang, nakarami na ako.
“Abot Kamay Na Pangarap, Pulang Araw and then mga guestings sa mga TV programs, TiktoClock, All-Out Sundays and Binibining Marikit tapos Wish Ko lang na hindi naman bida pero kahit mga character actor roles noticeable and pivotal role na mapapansin, makikilala, makikita, maaalala nila si Ronnie.
“Na iyon nga aside from being a singer naging actor na rin and iyon lang, gusto kong ipaabot ang aking pasasalamat sa GMA na pinagkatiwalaan nila ako.”
Sa pagiging Sparkle artist niya
“I’m so happy that nakauwi ako ulit sa dati kong tahanan, like a prodigal son,” at tumawa si Ronnie, “though mabait naman na son.
“Actually na-teary eyed ako na nahiya ako dahil nga sa nangyari pero sa kabila noon tinanggap nila ako. At parang iyon nga, thankful ako na tinanggap nila akong muli ng dalawang kamay.
“Napakabait nina Ma’am Annette Gozon [Valdes], Ma’am Joy Marcelo ng Sparkle, nina Sir Daryl  [Zamora], yung handler ko, si Ms. Tracy Garcia, si Sir Vic Del Rosario.”
Ikinagulat ba niya na muli siyang tinanggap ng GMA at ng Sparkle GMA Artist Center?
“Oo! Laking tuwa ko. Hindi ako makapaniwala, finally nakabalik ako sa GMA studio.
“Nakita ko yung mga dating tao din, mga taga-production na nakasama ko before andun pa rin sila, yung mga director noon, yung director ng TiktoClock na dating direktor ng Pinoy Pop Superstar that time din,” pagtukoy ni Ronnie sa Kapuso director na si Louie Ignacio.
Ngayon ay nasa ‘Akusada’ si Ronnie na napapanood sa GMA Afternoon Prime.
Vital ang kanyang papel sa serye dahil siya kumbaga ang naging whistleblower kaya naging akusada si Andrea sa naganap na krimen sa show.
Nasa ‘Akusada’ rin, na napapanood tuwing alas kuwatro ng hapon, sina Lianne Valentin at Benjamin Alves, sa direksyon ni Dominic Zapata.
 
(ROMMEL L. GONZALES)

May movie sila at naimbitahan sa fun run: BARBIE, nilinaw na kaibigan lang si JAMESON at walang ugnayan

Posted on: July 16th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
MATAPOS lumabas ang mga espekulasyon ng netizens nang magkita silang magkasama sa isang fun run, nilinaw na ni Barbie Forteza ang ugnayan nila ng aktor na si Jameson Blake.
Sa panayam ni Nelson Canlas na ipinalabas sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabi ng Kapuso Primetime Princess na magkaibigan lang sila ni Jameson.
Inihayag din ng aktres na may ginagawa silang pelikula ng aktor at inimbitahan siya na sumali sila sa fun run.
“Actually marami ngang medyo na-confuse kasi papaano naman nagkrus ang landas namin? So nagkasama kami sa pelikula,” saad ni Barbie.
“Itong recent run namin, siya naman ‘yung nag-invite, just like how my other runner friends invite me to run. So ‘yun lang ‘yun, ‘yun lang talaga ‘yun. We are not together,” paliwanag niya.
***
INAMIN ni Kokoy de Santos na muntik na siyang mapaaway sa isang co-star niya sa ‘Mga Batang Riles.’ Panoorin ito sa ‘Your Honor’ sa YouLOL YouTube channel.
Ang ‘Bubble Gang’ heartthrob na si Kokoy de Santos, may muntik nang makasuntukan dahil sa isang babae?
Game na sinagot ni Kokoy sa “Executive Whisper” portion ng Your Honor ang juicy question ng good friend niyang si Buboy Villar.
“Sino ang artistang muntik mong makasuntukan dahil sa babae?” usisa ni Vice Chair sa best friend niya.
Walang patumpik-tumpik na nagkuwento si Kokoy tungkol sa isang Sparkle actor na naging katrabaho rin niya sa Mga Batang Riles.
“So ito na. Ito ‘yung kasagsagan na magkakasama tayo sa table. May kanya-kanyang table kasi per team, per show. Nung time na ‘yun, Bubble Gang of course. Ito dumarating ‘yung isang friend niya. Name drop ko pa ba? Oo, Michael Sager, sige.”
Habang busy raw siyang kumakain at katabi niya si Buboy, bigla raw nagpakilala ang kasabay ni Michael ang aktor na ito.
“Biglang tinapik ako [tapos sabi], ‘Bro,’ sabi sa akin. Kumakain ako.
“‘Sabi sa akin, ‘Bro, [ako] boyfriend ni ano.”
Tugon naman ni Koy, “‘Ah, oo.’ Sabi ko ganyan, ‘alam ko.’
“‘Nagkita raw kayo e,’ sabi niyang ganyan.
“Ah, oo! Pumunta siya nung na-invite yata doon sa premiere night ng movie ko, parang ganun,'” alaala ng Kapuso actor.
Pag-amin ni Kokoy, “Medyo naatake ako, parang kumakain lang naman ako, bakit ka magpapakilala sa akin. Medyo nakaramdam ako ng awkwardness, kasi kumakain ako, tapos hindi kami close, e.”
Wala na raw siyang ginawa matapos ang encounter nito at naisip niyang baka nagselos lang ang Sparkada member.
Pero muli raw silang nag-meet matapos ang ilang linggo sa isang regional event.
“Medyo awkward e.” Sabi ni Kokoy sa House of Honorables. “Never naman ako, kahit papaano, hindi ako awkward sa mga artista lang, dedma lang naman. Siya ‘yung medyo ramdam ko, so nag-perform.”
“Kinabukasan, ‘yung flight may pa-breakfast muna bago umalis ng hotel. Dun sa buffet, lumapit, nag-sorry. Humingi siya ng tawad, kasi kahit papaano uminom daw siya nun para magkaroon siya ng lakas ng loob. At nag-sorry siya dun sa inasal niya.”
Kilalanin kung sino ang aktor na ito sa Your Honor sa YouLOL YouTube channel.
***
PROUD na binalita ng Fil-American Hollywood actress na si Vanessa Hudgens na may baby number 2 na sila ng husband niyang si Cole Tucker.
Ni-reveal ito ng ‘High School Musical’ star via Instagram by posting three photos of showing off her baby bump at may caption na: “Round two!!!!”
Last year ay sinilang ni Vanessa ang first baby nila ni Cole named Girfrettè.
(RUEL J. MENDOZA)

Manunungkulan sa susunod na tatlong taon… Direk JOEY, muling itinalaga bilang Chairman at CEO ng FDCP

Posted on: July 16th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
MULING itinalaga bilang Chairman at CEO ng Film Development Council of the Philippines ang kilalang filmmaker at educator na si Direk Jose Javier Reyes, kasunod ng matagumpay na pagkumpleto ng kanyang bahagyang termino sa panunungkulan.
Pormal itong ginawa sa Court of Appeals, kung saan nanumpa si Chairman Reyes sa harap ni Honorable Selma Palacio-Alaras, kasama si FDCP Officer-in-Charge at Head ng Education Division na si Ms. Rica Arevalo na nagsilbing saksi.
Unang hinawakan ni Reyes ang tungkulin noong Abril 2024 kasunod ng pagbibitiw ni dating Chairman Tirso “Pip” Cruz III, ay nagdadala sa kanya ng mga dekada ng karanasan sa industriya at isang malalim na pangako sa pag-aalaga ng pelikula sa Pilipinas sa lahat ng yugto ng pag-unlad, mula sa produksyon, hanggang sa edukasyon sa pelikula, preserbasyon, at global positioning.
Dahil nagamit ang kanyang kaalaman sa industriya at karanasan, nakatuon si Chairman Reyes sa pagsusulong ng mga pangunahing patuloy na inisyatiba, kabilang ang pagtatayo ng bagong tanggapan ng Ahensya, at pagpapalakas ng pangako ng FDCP sa pagbibigay ng mga kasanayan at paraan upang maging world-class ang mga gumagawa ng pelikula at audiovisual na manggagawa.
Sa opisyal na pagbabalik ni Chairman Reyes, handa na ang FDCP na sumulong nang buong lakas, palawakin ang mga kasalukuyang programa, pagpapalalim ng mga internasyonal na pakikipagsosyo, at paghahangad ng mga bagong pagkakataon upang iangat ang mga genre at medium ng pelikula na hindi gaanong kinakatawan, pahusayin ang edukasyon sa pelikula, at palakasin ang pag-unlad ng industriya sa buong board.
Ang mga pakikipagtulungan at representasyon sa buong mundo ay magpapatuloy, na may diin sa pagtatanghal sa Pilipinas bilang isang premiere at accessible production hub na may labis na lokal na talento pati na rin ang mga kaakit-akit at iba’t ibang mga lokal.
At ang nakaraan ay patuloy na igagalang, kasama rito ang pagre-restore ng ‘Sister Stella L’ (1984) na nakatakdang makita at muling masilayan sa lalong madaling panahon.
Nagpapatuloy din ang paghahanda para sa Philippine Film Industry Month ngayong Setyembre, kung saan ang spotlight ay nakatuon sa mga babaeng humubog at patuloy na humuhubog sa pelikulang Pilipino.
“I am very happy with the trust that has been given to me. I know that the time is limited and the problems seem to be insurmountable, but that is the challenge, and I love challenges, and I am so lucky to have a team that is equally motivated to face them,” pahayag pa ni Chairman Reyes.
Nakahanda upang pangasiwaan ang susunod na tatlong taon ng pag-unlad at pagbabago, ang FDCP sa ilalim ni Direk Joey ay handang patuloy na itulak ang pelikula sa Pilipinas, isang hamon sa bawat pagkakataon.
***
KINUMPIRMA ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na binigyan nito ng angkop na klasipikasyon ang pelikulang “Food Delivery: Fresh from the West Philippine Sea,” isang dokumentaryo tungkol sa buhay at pakikipagsapalaran ng mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea.
Ang pelikula ay pinarangalan sa Doc Edge Festival sa Auckland, New Zealand.
Ayon sa MTRCB, kabilang ang docu-film sa 287 na pelikulang nakatanggap ng angkop na klasipikasyon para maipalabas sa mga sinehan para sa unang kalahating taon ng 2025.
Mula sa isinumiteng aplikasyon ng Insight 360 Consultancy Services Inc. noong Marso 2025, ito ay rated PG (Patnubay at Gabay ng Magulang) mula sa Board—para sa edad 13 pababa, basta’t may kasamang magulang o nakatatanda.
Noong Hunyo 2025, muling nagsumite ng aplikasyon ang producer nitong Voyage Film Studios Inc.na may pamagat na “Food Delivery,” at nakatanggap din ng PG rating.
Ayon kina MTRCB Board Members Ricardo Salomon, Jr., Richard Reynoso, at Racquel Maria Cruz, “Ang materyal ay naglalaman ng mga tema at eksenang mas mauunawaan ng mas batang manonood kung may gabay ng magulang o nakatatanda.”.
Muling pinagtibay ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio ang suporta ng Board sa mga pelikulang may layuning magbigay-kaalaman at inspirasyon.
“Sa pamamagitan ng aming angkop na klasipikasyon, layunin naming protektahan ang mga manonood, partikular ang mga batang Pilipino, habang ating isinusulong at hinihikayat ang responsableng panonood at paglikha,” sabi ni Sotto-Antonio.
Ang 287 na inaprubahang pelikula ay binubuo ng iba’t ibang lokal at banyagang genre gaya ng drama, komedya, dokumentaryo, animasyon at independent films. Dumaan ang mga ito sa masusing proseso upang matiyak ang angkop na klasipikasyon alinsunod sa pamantayan at alituntunin ng MTRCB.

Buo ang suporta ng Kamara sa ‘Walang Gutom Program’ ni Pangulong Marcos at DSWD

Posted on: July 16th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PANGANGATAWANAN ng Kamara ang pangako nitong buong suporta sa Walang Gutom Program ng Pangulong Marcos at Department of Social Welfare and Development (DSWD), kabilang na ang sapat na pondo sa ilalim ng 2026 national budget.

Binigyan-diin ni re-elected Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez na walang Pilipino ang dapat na magutom sa isang bansa na may malaking potensiyal at pangako.

“Hindi ito basta proyekto ng ating Pangulong Bongbong Marcos. His vision of a hunger-free Philippines under the Walang Gutom Program is a promise of dignity, a pledge of compassion, and a commitment to bring real change to every Filipino family struggling to put food on the table,” ani Romualdez.

Ang reaksyon ng mambabatas ay kasunod na rin sa pahayag ng DSWD na plano nitong palawigin ang Walang Gutom Program mula sa kasalukuyang 300,000 kabahayan sa 750,000 food-poor families sa susunod na taon.

Naglaan ang programa ng ₱3,000 halaga ng buwanang food credits sa pamamagitan ng electronic benefit transfer (EBT) card na magagamit sa pagbili ng pagkain mula sa accredited merchants.

Pinapurihan pa nito ang Pangulo sa pagsusumikap na malabanan ang kagutuman bilang bahagi na rin ng kanilang programa sa ilalim ng Bagong Pilipinas.

Sinabi pa nito na ang pagpapalawig sa Walang Gutom program ay hindi lamang pagtulong sa mga pamilyang nagugutom kundi maging sa magsasaka.

“Kung gusto nating wakasan ang gutom, kailangang suportado ang magsasaka sa produksyon, ang mamimili sa abot-kayang presyo, at ang bawat pamilya sa kaalaman at kabuhayan. Hindi sapat ang ayuda—kailangan ito’y tulay tungo sa kaunlaran,” dagdag ni Romualdez.

(Vina de Guzman)

Halos 50 naninirahan sa mga kalye sa Caloocan, ni-rescue ng LGU

Posted on: July 16th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

UMABOT sa 45 na naninirahan sa mga lansangan ng Caloocan City, kabilang ang mga senior citizen at menor de edad ang na-rescue ng Pamahalaang Lungsod sa dalawang back-to-back reach-out operations ngayong buwan, sa patuloy na nagpapakita ng malasakit at mahabagin na pamumuno.

Ang mga nasagip na street dwellers ay binigyan ng Caloocan Social Welfare Development Department (CSWDD) ng maiinit na pagkain, sariwang damit, tsinelas, at hygiene kits. Binigyan din sila ng counseling at livelihood assistance habang ang ilan ay ligtas na naiuwi sa kanilang mga tahanan.

Lumalabas din sa imbestigasyon na ang mga senior citizen na nasagip ay nakarehistro na bilang mga recipient ng mga programa at serbisyo ng Office for Senior Citizens Affairs.

Dalawang nasa hustong gulang na kabilang sa mga nasagip ay nabigyan din ng screening at testing para sa substance at illegal drug abuse.

Pagkatapos ay itinurn-over sila sa kanilang receiving family at iniendorso sa Barangay Anti-Drug Abuse Council at Caloocan City Anti-Drug Abuse Office para sa karagdagang tulong at interbensyon.

Samantala, nagsagawa rin ng parenting effectiveness session para sa mga magulang at tagapag-alaga ng mga nasagip na menor de edad, kung saan ipinabatid din sa kanila ang mga legal na epekto ng pagpapabaya sa bata.

Ang mga magulang at tagapag-alaga ay pinapirma rin sa isang kasunduan sa pamahalaang lungsod kung saan ipinahayag nila ang kanilang pangako sa pangangalaga sa kanilang mga anak.

Binigyang-diin naman ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na ang pamahalaan ng lungsod ay nakatuon sa pagprotekta sa mga nasasakupan nito mula sa pinsala at pagbibigay sa kanila ng holistic na pangangalaga at serbisyo.

“Malaking problema sa bawat lungsod ang mga street dweller kabilang na po dito sa Caloocan. Kaya naman pinagsusumikapan namin na ma-rescue mula sa kalsada ang mga street dweller, lalo na ang mga menor de edad at senior citizen upang mabigyan sila ng sapat na pagkalinga o maibalik sa kanilang mga tahanan,” aniya. (Richard Mesa)

Epifanio Delos Santos, dineklara bilang Local Hero ng Malabon LGU

Posted on: July 16th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

SA isang makasaysayang hakbang para parangalan ang lokal na pamana at magbigay ng inspirasyon sa mga susunod na henerasyon, opisyal na idineklara ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon ang kilalang mananalaysay at manunulat na si Epifanio Delos Santos bilang Lokal na Bayani, na kinikilala ang kanyang mga kontribusyon sa panitikan, kultura, at pambansang pagkakakilanlan ng Pilipinas.

Sa pamamagitan ng City Ordinance No. 12-2025 na nilagdaan ni Mayor Jeannie Sandoval, kinilala si Epifanio de los Santos bilang Lokal na Bayani ng Malabon, at nag-uutos sa lahat ng Malabueño na bigyan siya ng paggalang, karangalan, at pagkilalang nararapat sa kanya, na ang kanyang pangalan ay sumisimbolo sa pagmamalaki ng lungsod sa pambansa at internasyonal na mga komunidad para sa mga susunod na henerasyon.

“Ating pinapahalagahan ang naging buhay, pananaw at kontribusyon ng ating mga bayani na masasabi nating nagbigay ng daan para  sa mas malayang Pilipinas. Kaya naman po, ating kinikilala ang dakilang si Epifanio Delos Santos na isang Malabueno, bilang bayani para sa kanyang mga naiambag sa ating lipunan lalo na sa edukasyon ng mga kabataan, kalayaan, at pagpapaunlad ng ating bayan,” ani Mayor Jeannie.

Si Epifanio Delos Santos (1871–1928), ay ipinanganak sa Malabon at kilala ring abogado, civil servant at iskolar na Pilipino.

Isa rin siyang mahusay na editor at nag-ambag sa iba’t ibang rebolusyonaryo at repormista na mga publikasyon noong panahon ng Kastila at Amerikano.

Naglingkod din siya bilang Gobernador ng Nueva Ecija, miyembro ng Philippine Assembly, at Direktor ng Philippine Library and Museum (ngayon ay National Library).

Inialay niya ang kanyang buhay sa pagpapanatili ng kulturang Pilipino, pagtataguyod ng nasyonalismo at edukasyon, at pagpapalalim ng pag-unawa sa pagkakakilanlan at pamanang Pilipino.

Upang i-immortalize ang kanyang legacy, maglalagay ang local na pamahalaan sa lungsod ng isang legacy marker na nakasulat sa kanyang pangalan, petsa ng kapanganakan, kamatayan, at kanyang mga nagawa. Ang mga estatwa, bust, at iba pang pampublikong likhang sining ay dapat ding italaga upang gunitain ang kanyang buhay at mga kontribusyon sa lungsod at Pilipinas.

Ayon sa pamahalaang lungsod, Abril 7, ang kanyang kaarawan, na ipagdiriwang bilang “Epifanio de los Santos Day,” isang espesyal non-working holiday sa Lungsod ng Malabon.

Samantala, sinabi ni City Administrator Dr. Alexander na ang ikatlong linggo ng Abril ay gaganapin taun-taon na “Malabon Historical Week” bilang pagkilala sa kanyang namamalaging pamana bilang isang nasyonalista, Filipino enthusiast, and foremost Filipino historian.

Para matiyak aniya ang pagpapatupad nito, itinalaga ang City Tourism and Cultural Affairs Office (CTCAO) bilang pangunahing ahensya na mangasiwa sa paglikha ng mga gawa ng sining at pag-unlad ng mga programa at aktibidad ng socio-economic, historikal, at kultural na may kaugnayan sa legacy at mga gawa ng Epifanio de los Santos.

Noong 2024, inilunsad ng pamahalaang lungsod ang Natatanging Epifanio Delos Santos Gawad Parangal upang kilalanin ang mga namumukod-tanging Malabueno na nagpakita ng kahusayan at dedikasyon sa kani-kanilang larangan, na nagbibigay-inspirasyon sa lokal na pamahalaan. (Richard Mesa)

PTFOMS AT PDEA, NAGKASUNDO PARA PALAKASIN ANG SEGURIDAD NG MEDIA

Posted on: July 16th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGKASUNDO ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Lunes Hulyo 14, 2025, para palakasin ang proteksyon o seguridad para sa mga media personnel.

Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez, na ito ay isang magandang pagkakataon para paigtingin ang magandang ugnayan o relasyon sa pagitan ng mga opisyal ng PDEA at PTFoMS, at tiniyak din ni DG Nerez na magkakaroon ng buwanang press conference para sa pagpapakalat ng balita at impormasyon, at binigyang-diin ni Nerez na ang batas na Republic Act 9165 ay nag-uutos sa presensya ng mga miyembro ng media sa panahon ng operasyon ng PDEA, na kung saan ang kanilang seguridad ay higit na isinasaalang-alang.

Dagdag pa niya, si Jimmy Mendoza, Presidente ng PDEA Press Corps, ang magiging focal person para sa media, “Sa apat na testigo, dalawang saksi lang ang dapat isaalang-alang sa stipulation kung papayag ang depensa sa panahon ng pre-trial arraignment at pagdinig, at yung dadalo sa court hearing ay ang PDEA ang magbibigay ng sasakyan, escort at allowance” ani Nerez.

Ang PDEA ang may tanging mandato sa kampanya kontra droga ng gobyerno. Nais ng Supply Reduction Demand Reduction Committee na hindi na kailangang banggitin ang halaga ng mga nasamsam na iligal na droga, kailangan lamang banggitin ang volume o timbang, upang maiwasan ang pagkatukso sa tao na luminya sa kalakaran ng ipinagbabawal na droga.

Batay sa mga tagubilin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr, ang PDEA Regional Offices ay dapat kumuha ng mga utos ng korte bago ang kanilang anti-drug operations, binanggit din ni Nerez ang mahalagang papel ng media sa kamalayan sa mga epekto ng iligal na droga.

Samantala hiniling naman ni PTFoMS Executive Director Jose Torres kay PDEA Director General Isagani Nerez na magsagawa ng orientation seminar sa miyembro ng media para mas lumalim pa ang kaalaman sa page report sa mga drug operation at press release na ipinaparating sa mga miyembro ng media.

Sa nasabing courtesy call bukod Kay DG Nerez ay dumalo din ang ilang matataas na opisyal ng PDEA tulad nila PDEA Deputy  Director General for Operation, Renato Gumban, Deputy Director General for Administration Ibarahim Dickson at PDEA PIO Chief Gabales Lawin at iba pa.

Sa panig naman ng miyembro ng media na kasama ng PTFoMS ay sina Rio Araja – Manila Standard, Neil Miranda – DZME, Ben Briones – PNA ,Jun Perfecto – Mabuhay Dyario ,Paul John Reyes ng People’s Balita at Huli Ka Dyaryo, Joy Rustia – Plust Tv at Jimmy Mendoza – MHE. (PAUL JOHN REYES)

Dagdag sahod sa Metro Manila, epektibo na sa Hulyo 18

Posted on: July 16th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

EPEKTIBO sa Biyernes, Hulyo 18, ipatutupad na ang bagong minimum wage rate sa Metro Manila, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Kasabay nito, muling iginiit ng DOLE sa mga employer ang kahalagahan ng pagtugon sa isyu ng wage distortion upang mapanatili ang maayos na relasyon sa pagitan ng mga manggagawa at employer.

“It is important to prevent demoralization among workers whose salaries might be overtaken as a result of the minimum wage adjustment,” ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma. Aniya, dapat kusa itong aksyunan ng mga kumpanya.

Maaaring humingi ng teknikal na tulong ang mga negosyo sa Regional Tripartite Wages and Productivity Boards para sa mga usapin ng wage distortion.

Epektibo sa Biyernes, tataas sa P695 mula sa dating P645 ang arawang minimum wage para sa mga manggagawa sa non-agriculture sector sa Metro Manila.

Para naman sa sektor ng agrikultura at mga establisimyento sa serbisyo at retail na may hindi hihigit sa 15 manggagawa, itataas ang minimum wage sa P658 mula sa dating P608.

‘For efficiency at simplicity’: PBBM, nilusaw ang Office of Presidential Adviser for Military and Police Affairs    

Posted on: July 16th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

TULUYANG nilusaw ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Office of the Presidential Adviser on Military and Police Affairs (OPAMPA) sa pamamagitan ng ipinalabas nitong Executive Order No. 89 bilang bahagi ng pagsisikap na makamit ang ‘bureaucratic simplicity, economy, at efficiency.’

Nakasaad sa President’s EO 89, may petsang July 11, “it is imperative to revisit the need for a separate office in charge of military and police affairs within the OP (Office of the President), consistent with the streamlining and rightsizing policy of the Administration.”

Binigyang mandato ng EO 89 ang Office of the Executive Secretary, Department of National Defense, National Security Council, Philippine National Police, National Police Commission, at iba pang kaugnay na ahensiya na gampanan tunglulin at gawain ng OPAMPA “subject to existing laws, rules, and regulations.”

Nakasaad din sa executive order na ang lahat ng rekord, dokumento, resources, office spaces, at iba pang property na nasa kustodiya o ginamit ng OPAMPA ay i-forward sa Office of the Deputy Executive Secretary for Support Services and Auxiliaries.

Ang OPAMPA ay itinatag sa pamamagitan ng EO No. 1 (s. 2022) sa ilalim ng administrasyon ng Office of the Special Assistant to the President.

Bago pa ito, ang Office of the Presidential Adviser on Military Affairs ay nilikha sa pamamagitan ng Memorandum Order (MO) No. 40 (s. 1998) upang magbigay ng military staff assistance sa loob ng OP, at maging pagaanin ang ‘policy formulation at decision making ukol sa national security concerns at military affairs.

Kahalintulad ng MO No. 75 (s. 1993), iamiyendahan ng EO No. 138 (s. 2002), nilikha ng Office of the Presidential Consultant on Police Affairs, na sa kalaunan ay muling binigyan ng pangalan bilang Office of the Presidential Adviser on Police Affairs.

Layon nito na mapabilis ang koordinasyon sa paghawak ng police matters at magbigay ng police staff assistance sa loob ng OP.  (Daris Jose)

Trust rating ni PBBM sa Hunyo, tumaas sa SWS survey

Posted on: July 16th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

TUMAAS ang trust rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa survey ng Social Weather Station nito lamang nakaraang buwan ng Hunyo habang halos hindi naman nagbago ang rating ni Vice President Sara Duterte.

Ayon sa Stratbase Group nitong Lunes, umangat ng 10 percentage points ang trust rating ni Pangulong Marcos ng 48% nitong Hunyo mula sa 38% noong Mayo.

Habang halos hindi naman nagbago ang rating ni VP Sara na nasa 61% ng Hunyo kumpara sa 60% noong Mayo.

Sinabi ng Stratbase, ginawa ng SWS ang survey noong June 25 hanggang 29, 2025, sa 1,200 Filipino adults sa buong bansa. Mayroon ±3% margin of error ang nasabing survey.

Winika ni Stratbase Group President Prof. Victor Andres “Dindo” Manhit, importante ang nabanggit na resulta ng survey para masuri ang kasalukuyang political climate at sintemyento ng publiko sa mga pangunahing lider ng bansa.

“The significant increase in President Marcos’ trust rating signals a possible renewed public confidence in his administration,” ayon kay Manhit sabay sabing. “He must sustain these trust ratings since they are crucial indicators of political stability and governance performance.”

Samantala, nakakuha naman si Senate President Francis “Chiz” Escudero ng 55% trust rating nitong Hunyo, na mas mataas ng 8 percentage points kumpara noong Mayo.

Tumaas din ng 8-point ang rating ni House Speaker Martin Romualdez na may 34% nitong Hunyo. (Daris Jose)