• April 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 15th, 2025

Maltese passport ni Teodoro, matagal nang isinuko, inabandona – DND

Posted on: July 15th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MATAGAL nang isinuko ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang kanyang Maltese passport bago pa siya maghain ng kanyang kandidatura noong 2022 elections.

“The alleged existing Maltese passport of Secretary Gilberto Teodoro (Jr.) was surrendered and renounced before the filing of his certificate of candidacy in 2021 for the 2022 elections,” ang sinabi ni DND spokesperson Assistant Secretary Arsenio Andolong sa isang kalatas.

Ito’y matapos lumabas ang ulat na sinasabing na-isyuhan si Teodoro ng Maltese passport noong Dec. 22, 2016, balido para sa 10 taon.

“It’s existence was disclosed to the Bureau of Immigration and Comelec (Commission on Elections) prior to the 2022 elections, as well as to the Committee on Appointments prior to their confirmation of his appointment as defense secretary,” ani Andolong.

“The motive of this rumor is clear and known to Secretary Teodoro. The timing of the article adds to this motive.”aniya pa rin.

Sa ilalim ng batas ng Pilipinas at Konstitusyon, ipinagbabawal ang dual citizenship sa mga public officials, lalo na iyong may hawak ng Cabinet-level positions.

Samantala, si Teodoro ay itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong June 2023.

Hawak niya ang kaparehong posisyon mula August 2007 hanggang November 2009 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. (Daris Jose)

PBBM, tutuloy at mamamalagi sa makasaysayang Blair House sa panahon ng summit kasama si Trump sa DC

Posted on: July 15th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

TUTULOY at mamamalagi si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa makasaysayang Blair House sa kabilang panig ng White House sa Pennsylvania Avenue sa panahon ng three-day visit sa Washington para sa kanyang first-ever meeting kay US President Donald Trump bago matapos ang buwan, ayon kay Foreign Affairs Secretary Theresa Lazaro, araw ng Lunes.

“The famous residence is the official guest house of the US President for visiting heads of state and other dignitaries and has hosted notable world leaders, including Queen Elizabeth II and Nelson Mandela,” ayon sa White House website.

“Heads of states and governments are usually invited to the guest house “at the pleasure of the President,” dagdag nito.

Ang Blair House ay nagsisilbi rin bilang pansamantalang tahanan ng president-elect bago pa ang inauguration ceremonies bilang paghahanda sa magiging galaw ng administrasyon sa White House.

“Just wanted to say that it is President Trump who invited President Marcos to this meeting and probably the first if I am correct the first among the ASEAN leaders who have been invited by the president to the White House. It is an official visit, but he will be staying in the presidential guest house, the Blair House, so that means something,” ang sinabi naman ni Lazaro sa isang panayam.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez, na ang official working visit ni Pangulong Marcos ay ipinaalam sa Philippine Embassy sa Washington na may kasamang imbitasyon para sa Pangulo na manatili sa Blair House.

Sa kabilang dako, ang Blair House complex ay mayroong humigit-kumulang na 109 na kuwarto, kabilang na ang 15 guest rooms, ang bawat isa ay mayroong full bathroom, tatlong formal dining rooms, dalawang malaking conference rooms, isang hot and cold kitchen, isang beauty salon, isang exercise room, at isang in-house laundry facility.

Samantala, isinasapinal pa ang detalye ng summit sa pagitan nina Pangulong Marcos at Trump, ayon kay Lazaro subalit ang ‘defense and security’ sa gitna ng umiigting na agresyon ng tsino sa pinagtatalunang South China Sea, US tariffs at economic cooperation ay malamang na makasama sa kanilang talakayan. (Daris Jose)

Dahil sa mataas na tide level… Shortened in-person classes, ipinatupad sa Navotas

Posted on: July 15th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGPATUPAD ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas ng shortened in-person classes kahapon, July 14, 2025, sa piling mga paaralan sa lungsod dahil sa inaasahang pagtaas ng tubig baha na dala ng 1.9 metrong high tide sa ganap na 12:54 ng hapon.

Ayon kay Mayor John Rey Tiangco, ito ay base sa rekomendasyon ng Disaster Risk Reduction and Management Office at ng Schools Division Office-Navotas.

Ang mga paaralan na may schedule ng pasok ng mga estudyante ay ang Bagumbayan Elementary School, San Roque Elementary School, Tangos Elementary School, Tangos 1 Elementary School, Tanza Elementary School at Wawa Elementary School na may pasok na 6 am hanggang10 am at 2:30 pm hanggang 6 pm.

Ganun din sa Navotas National High School, Navotas National Science High School, San Roque National High School, Tangos National High School at  Tanza National High School o depende sa class schedule.

Samantala, regular naman ang schedule ng klase sa Daanghari Elementary School, Navotas Elementary School-Central, at Navotas Elementary School-1.

Ang pasok naman sa private schools ay nakaayon sa pagpapasya ng kanilang school administration.

Pinaalalahanan din ni Mayor Tiangco ang lahat, lalo na ang mga estudyanbte na kung nakalusong man ang mga ito sa baha, ay siguruhing manghingi at uminom ng Doxycycline sa health center o sa Navotas Medical and Wellness Center ng lungsod dahil libre aniya ito. (Richard Mesa)

Bagong Caticlan terminal, magpapalakas sa turismo, ekonomiya- PBBM

Posted on: July 15th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Lunes ang groundbreaking at time capsule laying para sa konstruksyon ng bagong Caticlan Passenger Terminal Building (PTB) sa Caticlan Airport sa Aklan.

Pinuri ito bilang pangunahing hakbang na ayusin ang regional connectivity, turismo, at paglago ng ekonomiya.

“We are slowly putting together the building blocks of our policy of opening up our areas, tourist areas, our business areas, to international travelers without having to go through the Manila airport,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isinagawang seremonya sa Caticlan Airport.

Matatagpuan sa munisipalidad ng Malay sa northern Aklan, Caticlan Airport nagsisilbi bilang ‘most direct at practical access point’ sa Boracay Island.

Sa kabilang dako, sa naging talumpati ng Pangulo, binigyang diin nito ang kahalagahan ng ‘bypassing congestion’ sa Maynila sa pamamagitan ng regional airport development, winika ang isinasagawang pag-upgrade sa Iloilo, Bohol, at Siargao.

“Although Manila airport is improving… it would be much easier for our tourists or for any travelers na diretso na sila dito sa Caticlan,” ayon sa Pangulo sabay sabing “The influx of people, of travelers, is going to be a big boost to the local economy. And I might add, the national economy.”

Inalala naman nito ang kanyang personal na karanasan sa pagbisita sa Boracay at inilarawan ang lantsang pantawid bilang isang hindi malilimutang bahagi ng kanyang pagbyahe at isang mahalagang bahagi ng karanasan.

“Tourism currently contributes close to 8 percent of the Philippines’ gross domestic product (GDP),” ayon sa Pangulo.

Aniya pa, ang infrastructure projects gaya ng Caticlan terminal ay mahalaga para maitaas ang pigura sa pamamagitan na gawing madali ang pagbyahe at mas ‘enjoyable’ para sa mga bisita.

“This is one step… the beginning of the journey, and that journey is to bring the Philippines once again to the forefront of the rest of the world,”anito.

“[That] this is a place where people can invest, this is a place where people can come to have a vacation, [and that] this is a place where the businessmen can come and do business,” aniya pa rin.

(Daris Jose)

Pinangalanan ang mga pulis na dawit… ‘Alyas Totoy’ ilalantad 15 pulis sa missing sabungeros  

Posted on: July 15th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGING emosyonal si Julie Patidongan alyas “Totoy” nang tanungin kung bakit matapang niyang isiniwalat ang mga impormasyon tungkol sa mga nawawalang sabungero.

“Okay lang patayin mo ako. Pero patayin mo buong pamilya ko, hindi na puwede ‘yan,” sabi niya matapos maghain ng complaint affidavit laban sa mga pulis na umano’y sangkot sa pagkawala ng mga sabungero.

Ibinunyag na ng whistleblower na ang pangalan ng mga police officer na nasa inihain niyang complaint affidavit sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Pormal nang sinampahan kahapon ng whistleblower Natio­nal Police Commission (Napolcom) ang 15 pulis na sangkot sa missing sabungeros.

Ayon kay Napolcom Vice Chairman Rafael Calinisan, papangalanan ni Patidongan ang 15 pulis sa kanyang isusumi­teng affidavit na malaking tulong upang masimulan na ang pagkakasangkot ng mga pulis sa kontro­bersiyal na kaso.

“Sobrang importante siya,” sabi ni Calinisan. “Una, kasi gugulong na ‘yung proseso. Ang pinakaimportante sa lahat eh umandar na at masyado nang matagal ‘yung pag-aantay ng taumbayan. Apat na taon na nag-aantay ng hustisya,” ani Calinisan.

Bagama’t kasong administratibo ang kakaharaping kaso ng mga pulis, maaari rin aniyang masampahan ng kasong kriminal batay sa mga ebidensiya.

Inaasahan nilang matatapos ang imbestigasyon sa loob ng dalawang buwan.

Paliwanag ni Calinisan, mabigat ang akusasyon ni Patidongan­ kung saan may isinasangkot itong matataas na opisyal ng PNP.

“Kung inosente ang mga pulis na ito, absu­weltohin natin. Pero kung sila ay guilty, dapat silang managot,” dagdag pa ni Calinisan.

Nilinaw ni Calinisan na ang kanilang administrative jurisdiction ay para sa mga aktibong pulis lamang. Wala na umano silang kontrol sa mga nag­retirong pulis na sangkot sa missing sabungeros. (Daris Jose)

Sinner naging kauna-unahang Italian Wimbledon champion

Posted on: July 15th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGKAMPEON sa mens’ single tennis sa Wimbledon si world number 1 Jannik Sinner ng Italy.

Tinalo nito si defending champion Carlos Alcaraz sa score na 4-6, 6-4, 6-4, 6-4 sa laro na tumagal ng tatlong oras at apat na minuto.

Dahil dito ay tinanghal si Sinner na unang italian player na magwagi sa Wimbledon singles title.

Sa unang set ay nakuha ni Alcaraz ang panalo subalit hindi bumitiw ang 23-anyos na si Sinner at tuluyang kinuha ang panalo at putulin ang pangarap ni Alcaraz na makamit ang tatlong magkakasunod na All England Club titles.

Iga Swiatek nagkampeon sa Wimbledon

Posted on: July 15th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGKAMPEON sa women’s singles ng Wimbledon si Iga Swiatek.

Ito ay matapos na hindi papormahin ang American tennis player na si Amanda Anisimova sa score na 6-0, 6-0 sa laro na tumagal ng 57 minuto.

Ito na ang pang-anim na Grand Slam title ng world number 8 na Polish tennis star.

Ang 24-anyos na si Swiatek ay siyang pangalawang manlalaro sa Open era na nagwagi ng major ng walang talo sa laro sa final na ang una ay si Steffi Graf ng talunin si Nataliz Zvererva noong 1988 French Open.

Labis na ikinatuwa ni Swiatek ang panalo dahil siya lamang ang unang Wimbledon singles champion mula sa Poland kung saan nagkampeon na ito sa lahat ng major titles.

TNT hawak ang unang panalo sa Game 1 nila ng Beermen 99-96

Posted on: July 15th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

HAWAK na ng TNT Tropang 5G ang unang panalo laban sa San Miguel Beermen 99-96 sa PBA 49th Season Philippine Cup Finals.

Nahabol ng Tropang 5G ang 19-0 run ng Beermen sa unang quarter para makuha ang 1-0 na kalamangan sa best of seven finals sa laro na ginanap sa Smar Araneta Coliseum.

Bumida sa panalo ng TNT si RR Pogoy na nagtala ng 23 points habang mayroong 19 points, anim na rebounds at tatlong rebounds naman si Jordan Heading at tig-13 points naman sina Calvin Oftana at Brandon Ganuelas-Rosser.

Hawak ng TNT ang kalamangan 61-42 sa halftime at pinalawig pa ang kalamangan ng 24 points sa third quarter 67-43.

Hindi naman pumayag ang Beermen at nagtala sila ng 19-0 run sa last quarter sa pagtutulungan nina June Mar Fajardo, Don Trollano at CJ Perez kung saan hawak nila ang kalamangan 93-92 sa natitirang ilang minuto ng last quarter.

Hindi ikinatuwa ng Beermen fans ang tawag ng mga game officials ang dunk attempt ni Mo Tautuwaa na ito ay pumasok din para makuha nila ang 98-97 na kalamangan subalit tinawag nilang offensive basket interference.

Tinapos ng TNT ang laro sa pamamagitan ng dalawang free throws na naipasok ni Calvin Oftana.

Memorandum of agreement signing

Posted on: July 15th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

LUMAGDA si Vice Mayor Tito Sanchez, na kumakatawan kay Mayor John Rey Tiangco, at Okada Foundation President James Lorenzana na sinaksihan nina Congressman Toby Tiangco at OFI Trustee Mitsukazu Nakata sa isang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas at Okada Foundation, Inc. (OFI) para sa donasyon ng P130 milyong halaga ng medical equipment sa Navotas City Hospital (NCH). (Richard Mesa)

Dementia at Alzheimer, panahon na para tugunan

Posted on: July 15th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

KASABAY na rin sa patong-patong na problemang pangkalusugan, patuloy na tumataas ang kaso ng mga nakatatandang Pilipinong nakararanas ng dementia at Alzheimer.

Sa isang pagtitipon sa University of the Philippines – Diliman Theater (UP Theater), binigyang diin ni United Senior Citizens Partylist Rep. Milagros Aquino-Magsaysay na panahon na para magkaroon ng malinaw na polisya at programa para harapin ang mga hamon ng dementia at Alzheimer.

Batay aniya sa datos ng Alzheimer’s Disease Association of the Philippines noong 2015, halos 800,000 Pilipinong nakatatanda ang may dementia at 60% o 6 sa10 na mga Pilipinong may dementia ay galing sa mahihirap na pamilya o low-income families.

Ayon sa mambabatas, isa umanong neurocognitive disorder ang dementia na nagpapahina ng cognitive function o pag-iisip, pagiging makalilimutin, at pagkawala ng memorya ng mga nakatatanda na siya namang nakakaapekto sa kanilang pang-araw-araw na buhay.

Sinabi ni Magsaysay na muli niyang isusulong ngayong 20th Congress ang nauna na niyang panukala na Philippine Dementia Care Policy dahil nanatiling pahirap ang dementia sa mga nakatatanda at dagdag din itong pasanin sa kanilang mga pamilya.

“Limitado po ang health care coverage pagdating sa dementia at Alzheimer. Kadalasan po hindi ito saklaw ng mga programa ng pamahalaan kaya po napipilitan ang mga nakakatandang gumastos mula sa sarili nilang bulsa o yung out-of-pocket payment. Pagwala pong pera, hindi na nakakapagpagamot. Nakakaawa po sila at ang kanilang mga pamilya. Huwag po sana nating ipikit ang ating mga mata sa katotohanang ito,” anang mambabatas.

Nanawagan din si Magsaysay kay Pangulong Marcos at sa mga kapwa mambabatas na bigyang pansin ang isyung ito lalo pa’t napakahalaga aniya ng kalusugan ng kaisipan ng mga nakatatanda.

Kung maisasabatas ang panukala, palalakasin nito ang basic health services, tutugunan ang kakulangan sa pasilidad at mga skilled o specialized health workers. Magkakaroon din ng komprehensibong programa at proseso para matugunan ang dementia at Alzheimer hindi lamang sa mga medical protocol kundi maging sa pagtuturo kung paanong aalagaan ng kanilang mga pamilya ang kaanak na may dementia o Alzheimer. (Vina de Guzman)