Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan
Patuloy ang pagdami ng mga sumusuporta sa muling pagbabalik sa boxing ring ni Pinoy boxing icon Manny Pacquiao.
Sa ilang linggong ensayo nito sa Los Angeles ay sinasamahan siya ng ilang mga kilala at baguhang boksingero.
Kabilang na sina champion fighters na sina Teofimo Lopez at Cris Cyborg, elite contenders sina Vergil Ortiz Jr at Emiliano Vargas bukod pa sa mga batang boksingero na nais sundin ang yapak ni Pacquiao.
Sinabi ni Pacquiao na labis itong nagpapasalamat dahil sa pagsubaybay sa kaniyang ensayo ganun din ang mga suporta ng kapwa boksingero.
Sa mga susunod na araw ay magiging matindi na ang ensayo ni Pacquiao para sa nalalapit na laban niya kay WBC welterweight champion Mario Barrios Jr sa darating na Hulyo 19 sa Las Vegas.
Si Pacquiao ay mayroong 62 panalo, walong talo, dalawang draw at 39 knockouts habang si Barrios ay mayroong 29 panalo, dalawang talo, isang draw at 18 knockouts.
INANUNSYO ng Philippine Sports Commission ang pagtaas ng monthly stipend na natatanggap ng mga manlalarong Pilipino.
Buy radio equipment
Ayon sa bagong chairman ng PSC na si Patrick “Pato” Gregorio, tataasan na ng limang libong piso (P5,000) ang buwanang allowance ng mga manlalaro.
Marami sa mga Filipino athletes aniya ay tumatanggap lamang ng P10,000 kada buwan, na mas mababa pa kumpara sa minimum wage sa bansa.
Ang dagdag na P5,000 monthly allowance ay mangangailangan ng kabuuang P10 million na pondo kada-buwan. Gayonpaman, may mga kaibigan aniya ang komisyon sa Kongreso na tiyak na magbibigay ng karagdagang para sa ahensiya.
Maliban sa dagdag na allowance, tiniyak din ni Gregorio ang mas mabilis na pagproseso sa pagpapalabas ng mga monthly stipend ng mga national athlete.
Magtatatag aniya ang PSC ng isang round-the-clock help desk para sa national team para matugunan kaagad ang pangangailangan ng mga manlalarong Pinoy, kasama na ang kanilang pagkain.
Ayon pa sa bagong pinuno ng PSC, palalawakin din ng ng komisyon ang serbisyo ng mga sports facilities ng pamahalaan tulad ng Rizal Memorial Sports Complex sa Manila, PhilSports Complex sa Pasig, at ang training center sa Baguio City.
HANGAD ng Malakanyang ang malawak at malalim na imbestigasyon sa kaso ng missing sabungero matapos banggitin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang mga sangkot sa kaso ng missing sabungero ay kaparehong tao na sangkot sa drug war.
Sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na nais ni Pangulong Marcos na bigyan ng hustisya ang mga biktima.
”Kung ganyan po ang nakikita sa mga imbestigasyon, mas lalo pa po dapat palawigin ‘yung pag-iimbestiga dito dahil mukhang kone-konektado ang mga nagawang krimen kung ito man po ay mapapatunayan,” ang sinabi ni Castro.
”Di po natin sinasabi na sila ay guilty pero mas gusto po ng Pangulo, iuutos po talaga niya na dapat mabigyan ng hustisya ang mga nabiktima,” dagdag na pahayag nito.
Sa ulat, sinabi ni Remulla na mayroong ”intersection” sa pagitan ng drug war at e-sabong dahil ang mga iniugnay sa drug war ay di umano’y sangkot sa pagpapatahimik sa mga sangkot sa sabong.
Nauna rito, sinabi ni Remulla na ang kasong murder, kidnapping, at maging ang paglabag sa international humanitarian law cases ay maaaring ihain sa kaso ng mga sabungero na nawala mula 2021 hanggang 2022.
Inilarawan ng Kalihim ang pagpaslang sa missing sabungero bilang isang “corporate killing”, isiniwalat nito na may mga grupo sa loob ng industriya ang nasa kategorya depende sa kita na kanilang natatanggap.
Maliban sa Alpha Group, sinabi pa rin ni Remulla na mayroong Bravo Group, Charlie Group, at Delta Group. (Daris Jose)
IPAGPAPATULOY lang ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagtatrabaho ng mabuti para sa progreso at pag-unlad ng bansa.
Ito’y sa kabila ng resulta sa survey hinggil sa kanyang ‘performance at trustworthiness.’
Makikita kasi sa 2025 Pahayag Second Quarter Survey na isinagawa ng Publicus Asia Inc., nito lamang June 27 hanggang 30, na 25% ng 1,500 registered Filipino voters ay aprubado ang performance ni Pangulong Marcos bilang pinuno ng bansa.
Nang hingan ng reaksyon si Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa bagay na ito, sinabi niya na tanggap ng Malakanyang ang poll results bilang “good news” subalit binigyang diin ang determinasyon ni Pangulong Marcos na magtrabaho para sa bansa ay hindi nasusukat sa bilang.
“Katulad po nang sinabi natin, hindi po tayo dapat nagre-rely lamang sa mga survey. Bakit? Dahil ang nais lamang po ng Pangulo ay magtrabaho. Hindi po siya maaapektuhan ng anumang survey,” ang pahayag ni Castro.
“So, maganda po kung tumaas, kung bumaba eh syempre hindi maganda. Pero still hindi po siya maapektuhan ng anumang numero patungkol sa survey dahil trabaho lang po ang nais ng Pangulo para sa bansa at para sa taumbayan,” ayon kay Castro.
Sa ulat, ang approval score ni PAngulong Marcos ay mas mataas kaysa sa 19% na naitala sa first quarter ng 2025.
Tumaas ang trust rating ng Pangulo ng 19% sa second quarter mula sa 14% sa first quarter. (Daris Jose)
ITINAAS ng Department of Budget and Management (DBM) ang panukalang budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2026.
Sa katunayan, P170 milyon ang idinagdag ng DBM sa budget ng OVP.
Sinabi ni OVP Spokesperson Ruth Castelo, sa simula, ang panukalang budget ng OVP ay P733 million para sa 2026, kung saan dinagdagan naman ng DBM ng P70 million.
Pagkatapos nito ay humirit ang OVP ng panibagong dagdag na muli ay pinagbigyan naman ngDBM, nauwi sa panukalang budget para sa 2026 sa P903 million.
“When they added around P60-something million, we requested additional funds for personnel services… to better fulfill the functions and other IT equipment needed for the OVP,” ang sinabi ni Castelo.
“The final amount given by the DBM was P903 million,” aniya pa rin.
Samantala, nilinaw naman ni Castelo na hindi kasama ang confidential funds sa P903 million budget.
At nang tanungin kung bakit, ang naging tugon ni Castelo ay “If they want to give, they want to give. That is already okay. It was not requested anymore.”
Umaasa naman si Castelo na makikita ng Kongreso ang pangangailangan para sa budget nito at aaprubahan ito.
Nangako naman si Castelo na nangako ang mga OVP staff na dadalo sa congressional hearings para sa 2026 budget. (Daris Jose)
WALANG papayagan si Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na roadwork o infrastructure project sa kabisera ng bansa maliban kung ito ay sumusunod sa drainage master plan ng lungsod.
Ito ang nilinaw ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso matapos ang isang coordination meeting kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kanyang pagbisita sa matagal nang naantala na drainage blueprint ng lungsod.
Ang drainage master plan—na unang sinimulan noong unang termino ni Domagoso noong 2021 at natapos bago siya bumalik sa City Hall—ay nakatakda na ngayong ganap na maipatupad sa ilalim ng kanyang ikalawang termino sa pagka-alkalde.
Babala ng alkalde, hindi aaprubahan ang mga permit kapag hindi aligned sa City Drainage Master Plan ng pamahalaan. ‘May mga contractor kayo na tamad, pati manhole, na-aspalto,” sabi ni Domagoso.
Sa pagpupulong na ito, pinuna ni Domagoso ang patuloy na pagbaha sa mga pangunahing kalsada ng Maynila at tinawag ang mga proyektong hindi maganda ang pagpapatupad na nakaapekto sa mga drainage ng lungsod.
Ikinalungkot ni Domagoso na ang mga lugar na dati nang nanatiling walang baha sa panahon ng bagyo ay regular na ngayong binabaha, binanggit ang mga pagbabagong ipinakilala ng mga pambansang ahensya.
Sinabi rin ng alkalde na base sa kanyang obserbasyon base sa dekadang karanasa– kahit may bagyo noong araw aniya ay hindi nagbabaha ang kanto ng Kalaw at Taft Avenue ay wala talaga.
Bagama’t mabilis na tiniyak ng alkalde sa mga kinatawan ng mga pambansang ahensya na ang kanyang mga pahayag ay hindi tungkol sa paninisi kundi isang panawagan sa pagkilos, upang matiyak na maiiwasan ang mga katulad na insidente, sa pasulong.
Binigyang-diin niya na ang bagong diskarte sa drainage ng lungsod ay batay sa ebidensya.
Pinaalalahanan din ng alkalde ang DPWH at opisyal ng MMDA na lagi itong nakasubaybay at patuloy na hinikayat ang kanyang nasasakupan na magreklamo, magsuhestyon tungkol sa isyu ng imprastraktura. (Gene Adsuara)
NAGBABALA ang isang kilalang legal na eksperto na maaaring lalong lumala ang epekto ng iresponsableng pagsusugal kung isasabatas ang pagbabawal sa online gaming, at maaaring magresulta ng ilegal na operasyon ng sugal.
Sa 15-pahinang memorandum na inilabas ni Atty. Tonet Quiogue, pinuno ng kilalang technology consulting firm na Arden Consult, sinabi niyang kung tuluyang ipagbabawal ang online gaming, isinusuko rin ang kakayahang kontrolin ang ilegal na pagsusugal at mga negatibong epekto nito.
“Alam ng mga may malalim na pag-unawa sa industriya na ang tunay na kalaban ay ang ilegal na pagsusugal, gaya ng mga operasyong walang regulasyon, mga hindi nagbabayad ng buwis, at walang proteksyon sa mga manlalaro,” paliwanag ni Quiogue sa kanyang memorandum.
“Kung nais talagang wakasan ng mga mambabatas ang mga suliraning dulot ng pagsusugal, ang lohikal na hakbang ay ang eksaktong pagtugis sa mga ilegal na operasyon, hindi ang pagbuwag sa buong industriya at pagpaparusa sa mga lehitimong kalahok.”
Nababala si Quiogue matapos ang sunud-sunod na panukalang batas mula sa ilang mambabatas, kabilang ang pinakahuling Senate Bill na inihain ni dating Senate President Migz Zubiri. Ngunit tinutukan ni Quiogue ang mga panukala nina Senators Pia at Alan Cayetano, Joel Villanueva, at Sherwin Gatchalian.
Ayon kay Quiogue, inilalarawan ng mga preambular at mga whereas clause ng mga naturang panukala ang pagsusugal bilang likas na ilegal na aktibidad, na tuwirang iniuugnay sa pandaraya, money laundering, at human trafficking. Binigyang-diin ni Quiogue na walang sapat na ebidensiya upang patunayan ang mga paratang na ito.
Dagdag pa ni Quiogue, hindi isinasaalang-alang ng mga panukala ang mahigpit na legal na pamantayang ipinapatupad ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) bago mabigyan ng lisensya ang isang gaming operator.
“Bago pa ilunsad, kailangang makapasa sa independent certification para sa pagiging patas at seguridad ang lahat ng software at hardware ng isang lisensyadong online platform,” ani Quiogue, binanggit ang masusing pag-audit at compliance checks ng PAGCOR. “Ang mga kahina-hinalang aktibidad gaya ng malalaking iregular na pusta o kakaibang payouts ay mabilis na natutukoy at naimbestigahan. Dahil dito, napakahirap gamitin ng mga kriminal ang mga lisensyadong platform para sa money laundering o pandaraya.”
Dahil dito, binigyang-diin ni Quiogue na ang ideya na ang mga regulated gaming platforms ay konektado sa ilegal na aktibidad ay hindi lamang maling pananaw kundi mapanganib pa, lalo na’t ang tunay na ilegal na aktibidad ay nangyayari kapag walang regulasyon at kontrol.
SA kulungan ang bagsak ng 32-anyos na construction worker na wanted sa kaso ng pagpatay matapos maaresto sa isinagawang manhunt operation ng pulisya sa Malabon City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Arnold Abad, sinabi ni Malabon Police OIC chief P/Col. Allan Umipig na pinaigting nila ang pagtugis sa mga wanted person sa lungsod, kabilang si alyas “Totoy Magic”, na nakatala bilang No. 1 Top Most Wanted Person sa NPD, ganun din sa Malabon CPS.
Nang makatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Malabon police na naispatan ang presensya ng akusado sa kanilang lugar, agad nilang ikinasa ang operation laban kay alyas Totoy Magic.
Dakong alas-2:10 ng hapon nang tuluyang makorner ng mga tauhan ni Col. Umipig ang akusado sa kanilang lugar sa Sitio 6, Barangay, Catmon, ng lungsod.
Hindi naman umano pumalag ang akusado nang bitbitin siya ng mga tauhan ng WSS sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Malabon City Regional Trial Court (RTC) Branch 169, noong April 11, 2025, para sa kasong Murder na walang inirekomendang piyansa.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Malabon CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman para sa paglilipat sa kanya sa City Jail. (Richard Mesa)
PORMAL nang inanunsyo ng Malakanyang ang pag-upo ng dating journalist at isang corporate communications executive na si Dave Gomez bilang bagong Kalihim ng Presidential Communications Office (PCO).
Pinalitan ni Gomez si dating PCO Sec. Jay Ruiz na inilagay bilang miyembro ng Board of Directors ng Manila Economic and Cultural Office (MECO).
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro na bitbit ni Gomez ang karanasan sa pamamahayag, government and corporate communications, isang senior reporter, at itinalagang director general ng Philippine Information Agency (PIA).
Tiniyak aniya ni Gomez ang makatotohanan at malinaw na ‘government messaging’ para sa bawat mamamayang Filipino.
Sa kabilang dako, si Atty. Sharon Garin naman ay itinalaga bilang Kalihim ng Department of Energy (DOE).
Ani Castro, Atty. Garin ay isang abogado at CPA na may malawak na pampublikong karanasan, naging kinatawan ng Iloilo at Usec. ng DOE na may matibay na karanasan sa enerhiya.
(Daris Jose)