• April 8, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 10th, 2025

Pagsabog sa gun manufacturing company, iinimbestigahan ng DOLE   

Posted on: July 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MAGSASAGAWA ng imbestigasyon ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa naganap na pagsabog sa loob ng gun manufacturing company sa Barangay Fortune, Marikina City noong Lunes na kumitil ng buhay ng dalawang manggagawa at ikinasugat ng iba pa.

Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, partikular na inatasan ang DOLE-NCR na mag-imbestiga upang makapagbigay ng tulong sa mga manggagawa at para makabuo ng rekomendasyon upang matugunan ang sitwasyon at maiwasan ang katulad na pangyayari na maaaring maglagay sa panganib sa kaligtasan ng mga manggagawa.

Sinabi ni Laguesma na ipapatupad ang Work Stoppage Order laban sa pasilidad depende sa resulta ng imbestigasyon.

Binigyang-diin ni Laguesma na kalusugan at kaligtasan ng lahat ng mangaggawa ang una at pangunahin ang seryosong alalahanin ng DOLE partikular sa mga kumpanya kung saan mataas ang mga panganib sa buhay ng mga mangagagwa.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Marikina City Police, nalaman na ang kahon na naglalaman ng primer ay biglang sumabog sa loob ng factory. (Gene Adsuara)

Malabon LGU, nagpatupad ng libreng dokumento para sa mga biktima ng kalamidad

Posted on: July 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGPATUPAD ang Pamahalaan ng Lungsod ng Malabon ng bagong ordinansa na nagbibigay ng documentary relief assistance sa mga Malabueño na naapektuhan ng sunog at iba pang kalamidad, na hindi kailangan magbayad ng authentication ng dokumento at record verification fees kapag kumukuha ng official local records.

Ang Ordinansa ng Lungsod Blg. 11-2025, na kilala bilang “Documentary Relief Assistance to Fire and Other Victims of Natural Calamities Ordinance,” ay nilagdaan ni Mayor Jeannie Sandoval at ng Konseho ng Lunsod upang makatulong sa pagpapagaan ng pasanin sa mga apektadong pamilya sa pamamagitan ng pagwawaksi ng mga bayarin para sa pagkuha ng birth, marriage, at death certificates.

Ang panukala ay bahagi ng patuloy na pangako ng lungsod na suportahan ang mga biktima habang sila ay nagre-rekober at muling buuin ang kanilang buhay.

Sa pamamagitan po ng ordinansang ito, nais po natin matulungan ang ating mga mahal na Malabueño na naapektuhan ng sunog at iba pang unos. Alam po natin ang bigat na nararanasan nila, kaya naman po ito ay ating ipinatupad para makatulong at mabawasan ang kanilang alalahanin lalo na’t mahalaga ang magkaroon ng mga dokumento para sa kanilang pagkakakkilanlan at iba pang pangangailangan. Naririto lamang po ang pamahalaang lungsod upang umagapay sa inyo,” ani Mayor Jennie.

Maaaring mapakinabangan ng mga karapat-dapat na residente ang kanilang exemption sa loob ng isang taon, sa pamamagitan ng City Civil Registry Office sa pakikipag-ugnayan sa City Social Welfare and Development Office.

Isang beses lang ibibigay ang pribilehiyo sa awtorisadong indibidwal— may-ari ng bahay, kanyang asawa, magulang, direktang inapo, tagapag-alaga o institusyon na legal na namamahala sa kanya (kung menor de edad), o sa korte o tamang pampublikong opisyal sa tuwing talagang kinakailangan sa administratibo, hudisyal, o iba pang mga paglilitis upang matukoy ang pagkakakilanlan ng isang tao.

Ang mga dokumentong inisyu sa ilalim ng ordinansang ito ay magkakaroon ng parehong bisa tulad ng mga naproseso nang may mga bayarin at hindi mawawalan ng bisa. Ang pribilehiyo ay hindi maililipat at maaari lamang ibigay sa mga kwalipikadong indibidwal.

Upang mapigilan ang pang-aabuso, ang ordinansa ay nagpapataw ng mga parusa para sa maling representasyon o mga paglabag.

“Mayroon pong mga sakuna na hindi natin inaasahan gaya ng sunog. Pero makasisiguro po ang bawat Malabueño na tayo ay nakahandang tumulong, at magbigay ng agarang pagrespondee. Makakaasa po ang mga Malabueño na tayo ay palaging nakaalalay sa kanilang mga pangangailangan,” pahayag naman ni City Administrator Dr. Alexander Rosete. (Richard Mesa)

‘Spaghetti Wires’ bawal na sa Maynila

Posted on: July 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

INATASAN ni Manila Mayor  Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang lahat ng telecommunications at utility firms na kumuha ng lisensiya direkta sa Meralco bago magkabit ng linya sa kanilang mga poste sa Lungsod ng Maynila

Inanunsiyo ito ni Domagoso sa Meralco anti-urban light campaign,  taliwas sa unang nakasanayan na inaaprubahan ng local government.

“All those telcos or any other services na gagamitin ang Meralco, hindi na po kayo pupuwedeng magkabit. Simula last week, sinabi ko na ito kay Andres at Engr. Randy,” sinabi ni Domagoso

“Ngayon, ni-reverse kasi they know better than us. They understand very well kung ano lang dapat ang nakasampay dyan. Ang ginawa ko, as a matter of policy, it is now Meralco who will say yes or no kung kayo ay makakapaglatag sa poste ng Meralco. If it is feasible, I don’t think Meralco will deny your request. If it is not, then we will heed and follow the direction of Meralco,” ayon pa sa Alkalde

Ang kautusan ay bunsod sa kanyang  Executive Order No. 6 na nagmamandato sa pag-aalis at pagre-regulate sa mga buhol-buhol  na mga linya ng telepono at kable ng TV  o ang tinatawag na “spaghetti wires” sa Lungsod ng Maynila.

“The least we can do is to be grateful to Meralco na at least may nakikinig sa amin at may tumutugon sa panawagan at request ng taumbayan. Kahit papaano, may 2 million kilos of unnecessary and unutilized, unusable wires,” ayon pa sa Alkalde.

Sinuportahan naman ni Meralco Vice President and Corporate Communications Head Joe Zaldarriaga ang isinasagawang clean-up drive ng Alkalde.

Paliwanag ni Zaldarriaga na ang mga buhol-buhol na linya ng kuryente at kable ay naikabit na walang koordinasyon sa kanila noong panahon ng pandemya.  (Gene Adsuara)

Panawagan mula sa mga lisensiyadong online gaming operator sa Pinas… Mas matalinong mga regulasyon para protektahan ang mga Pilipino

Posted on: July 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGKAKAISA at naninindigan ang mga lisensyadong online gaming operator, ang Philippine Amusement and Gaming Corporation at ang mga makabago at responsableng mambabatas sa panawagang lumikha ng mas mahigpit na regulasyon–at hindi ganap na pagbabawal–upang masiguro ang kaligtasan ng mga Pilipinong manlalaro, at mapanatili ang pag-usbong ng ekonomiya ng bansa.

Habang pinagdedebatehan sa Kongreso ang iba’t ibang panukala na naglalayong ipagbawal ang online gaming o limitahan ang mga daluyang pinansyal kaugnay nito, nagbababala ang mga lehitimong operator na ang ganap na pagbabawal ay hindi magiging epektibo sa pagpigil sa mga Pilipino sa paglalaro; bagkus, itutulak pa lalo nito ang milyon-milyong Pilipino sa itim na merkado, tungo sa mga namamayagpag na ilegal na operator.

Hindi nabubura ng pagbabawal ang online gaming. Ang tanging binubura nito ay ang mga pananggalang na dapat sana ay magsisilbing proteksyon sa mga Pilipino. Malinaw ang katotohanan: magpapatuloy ang mga manlalaro na maglaro. Pipili lamang sila kung itutuloy nila ito sa mga lisensyado at ligtas na plataporma na sumusunod sa mga regulasyon, o sa itim na merkado–sa mga ilegal na site na walang pananagutan.

May umiiral nang mga pananggalang para sa kaligtasan.

Kasalukuyan nang pinapatupad ng lisensyadong sektor ng online gaming ang ilan sa mga pinakamahigpit na proteksyon sa Asya:

– Mahigpit na Know-Your-Customer at multi-factor authentication

– Masinsing pagsusuri at pagsiguro na wala ang kahit na sino mang manlalaro sa National Database of Restricted Persons ng PAGCOR

– Pagtiyak na lahat ng manlalaro ay edad 21 pataasR

– Mga kasangkapan upang tanggalin ang sarili (self-exclusion tools), at pagmomonitor ng kilos na maaaring mapanganib o at risk

– Sumunod sa mga patakaran ng mga patalastas o advertisement at siguruhing walang mapanlinlang na mga pahayag

– Pag-ambag sa pambansang kita, paglikha ng mga trabaho, at pag-unlad ng teknolohiya

Bawat pisong ginugol sa lisensyadong plataporma ay sumusuporta sa mga pampublikong serbisyo – mga paaralan, ospital, at kalsada – at tumutulong na mapanatiling ligtas ang bawat pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng regulasyon. Sa kabilang banda, ang bawat pisong ginugol sa ilegal na site ay perang ninakaw mula sa komunidad at dumidiretso sa mga ilegal na operator na walang pakialam sa ating mga batas.

40K Pinoy mawawalan ng trabaho sa total ban vs online gambling

Posted on: July 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

TINATAYANG aabot sa 40,000 mga Pilipinong empleyado ang mawawalan ng trabaho kung ipatutupad ang total ban laban sa online gambling  sa bansa.

Ito ang opinyon na inihayag ng neophyte solon na si Negros Occidental 3rd District Rep. Javier Miguel “Javi” Benitez na iginiit na ang pagbabawal sa operasyon ng online gambling ay hindi solusyon sa problema.

“Banning online gambling won’t make it disappear… it just sends it underground,” ayon kay Benitez sa kanyang Facebook post sa gitna na rin ng magkakaibang paninindigan sa isyu ng mga mambabatas ng Kamara at Senado.

Ayon kay Benitez, ang mga mawawalan ng trabaho sa online gambling ay may mga pamilyang binubuhay. Sa nasabing trabaho kumukuha ng pambili ng pagkain, pantustos sa kalusugan at kanilang kabuhayan. Sa halip, sinabi ni Benitez na kung ire­regulisa ang online gambling ay tinatayang mahigit sa P200 bilyon kada taon ang kikitain ng pamahalaan.

Ang nasabing buwis, ayon pa kay Benitez ay mapupunta sa mga ospital, eskuwelahan, proyekto sa imprastraktura, community programs at social services para sa mga Pilipino. (Daris Jose)

P30M vape product nasamsam ng NBI sa Biñan City, Laguna

Posted on: July 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

TINATAYANG aabot sa P30 milyon pang halaga ng hindi rehistradong vape products ang nasamsam ng NBI-Special Task Force sa isang imbakan sa Biñan City, Laguna.

Ayon sa NBI, naaresto sa operasyon sina Kert Lester Simbajon, Javer Dirampatun, at Romeo Cada, na nahaharap sa mga paglabag sa Republic Act No. (RA) 11900 (Vape Regulation Act) at RA 10175 (Cybercrime Prevention Act) sa bisa na rin ng kautusan ni NBI Director Judge Jaime Santiago (Ret.) na paigtingin ang kampanya kontra illegal na vape.

Nag-ugat ang operasyon mula sa social media monitoring ng NBI kung saan nadiskubre ang illegal na pagbebenta ng vape sa Cavite at Laguna.

Napatunayang sangkot sa bentahan ng vape na walang BIR tax stamp at DTI registration ang Hype VapeShop sa Bacoor, Cavite sa pamamagitan ng test-buy.

Nang ikasa ang operasyon, nakipagkita noong Hulyo 7,2025 ang mga undercover agents sa mga suspek sa isang coffee shop sa Muntinlupa at dinala sila sa isang storage facility sa Rose Village, Sta. Rosa, Laguna.

Sa nasabing lugar nakita at nakumpiska ang 40,500 vape units na nagkakahalaga ng P31.9 milyon at 3,880 vape pods na nagkakahalaga ng P640,200.

Sumasailalim na sa inquest proceedings ang mga suspek. (Gene Adsuara)

Pagtiyak ng Malakanyang: PBBM, itinutulak ang ‘accountability at transparency’ sa gobyerno

Posted on: July 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

ITINUTULAK ni Pangulong Ferdinand ‘Marcos Jr. ang ‘accountability at transparency’ sa gobyerno.

Hiningan kasi ng reaksyon si Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang hinggil sa panawagan ni Senate President Chiz Escudero para sa transparency at accountability sa pamahalaan sa pamamagitan ng muling paghain ng isang panukala na nag-uutos sa lahat ng mga opisyal at kawani ng gobyerno na i-waive o talikuran ang kanilang karapatan sa ilalim ng Republic Act No. 1405 o Law on the Secrecy of Bank Deposits at Republic Act No. 6426 o Foreign Currency Deposit Act.

Tinanong si Castro kung suportado ba ng Pangulo ang panawagan na ito ng senador, at ang naging tugon naman nito ay ”Ang Pangulo po ay sang-ayon po at dapat lamang po nating ipatupad itong accountability and transparency sa gobyerno. So, hindi po tayo magkakaroon ng negatibong sagot mula sa Pangulo.”

Sa ilalim ng inihaing panukalang batas ni Escudero, nakasaad dito na ang lahat ng government personnel ay kinakailangang magsumite ng written waive na pinahihintulutan ang Office of the Ombudsman na suriin ang lahat ng kailangang deposit at investments kabilang ang foreign currency accounts.

“This bill has languished for too long,” ang winika ni Escudero “I’m hopeful that this time, we can turn the rhetoric of transparency into actionable policy.”

Noong 2013 pa unang inihain ang panukala para sa pagtanggal ng confidentiality ng bank deposits dahil sa paniwalang “public office is a public trust” at dapat may pananagutan sa publiko ang lahat ng mga kawani at opisyal ng pamahalaan.

Kung maaprubahan, titiyakin nitong walang civil servant, anupaman ang ranggo nito, ang puwede gamitin ang kaniyang posisyon para makapagnakaw sa kaban ng bayan.

“The laws may have served their purpose in the past, but their rigidity has enabled corruption to thrive under the guise of confidentiality,” ang sinabi ni Escudero sabay sabing “We are the last country standing in preserving absolute secrecy. That distinction doesn’t protect democracy but rather, it undermines it.”

(Daris Jose)

Ombudsman, dapat ay matino, matapang at patas sa trabaho- Malakanyang

Posted on: July 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

DAPAT ay matino, matapang at patas sa trabaho ang susunod na Ombudsman.

Bagama’t wala pa namang shortlist na ibinibigay pa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., binigyang diin ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang ang mga katangian na dapat ay taglay ng isang public servants, kabilang na ang Ombudsman.

”Sa kasalukuyan ay wala pa pong natatanggap na shortlist ang Pangulo at katulad ng ating sinabi dapat po isang matino, matapang, fair… ‘Yun po ang ilan lamang sa mga pangunahin na dapat maging isang katangian ng public servant, hindi lang ng Ombudsman, lahat ng public servant,” ayon kay Castro.

Sa ulat, ipinagbigay-alam ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla kay Pangulong Marcos ang kanyang hangarin na maging kapalit ni Ombudsman Samuel Martires.

Ayon kay Remulla, tiniyak din niya sa Pangulo sa pamamagitan ng kanyang contact, na handa ang Department of Justice (DOJ) sakaling mawala siya rito.

“I told a mutual contact that I was very interested,” ayon sa kalihim.

Aniya, ihahain pa lamang niya ang application sa Judicial and Bar Council (JBC) sa Hulyo 4.

“I think I have a lot to offer there,” ayon sa DOJ chief.

Napaulat ang hangarin ni Remulla na pumalit sa puwestong babakantihin ni Martirez sa Hulyo 27.

Makakalaban ni Remulla sina Philippine Competition Commission (PCC) Chairman Michael Aguinaldo at Justice Undersecretary Jose Cadiz Jr. sa puwesto ng Ombudsman.

Si Remulla, 64-anyos, ay isang beteranong abogado at pulitiko. Natapos niya ang Bachelor’s Degree in Political Science at law degree sa University of the Philippines, kung saan siya miyembro ng Upsilon Sigma Phi fraternity. (Daris Jose)

Panukalang pagdedeklara sa EJK bilang heinous crime, muling inihain

Posted on: July 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MULING inihain ng mga lider ng House Quad Comm ng ika-19 Congress ang panukalang magkaklasipika sa extrajudicial killing (EJK) bilang heinous crime at pagbibigay hustisya sa mga biktima ng madugong war on drugs ni dating Presidente Rodrigo Duterte.

Kasama sa naghain ng House Bill (HB) No. 1629 sina Reps. David “Jay-jay” Suarez (Quezon, 2nd District), Bienvenido Abante Jr. (Manila, 6th District), Romeo Acop (Antipolo, 2nd District), Zia Alonto Adiong (Lanao del Sur, 1st District), Paolo Ortega V (La Union, 1st District), Ernesto Dionisio Jr. (Manila, 1st District), Rodge Gutierrez (1-RIDER Party-list), Lordan Suan (Cagayan de Oro City, 1st District), Jay Khonghun (Zambales, 1st District), Gerville “Jinky Bitrics” Luistro (Batangas, 2nd District), at Jonathan Keith Flores (Bukidnon, 2nd District).

Ang panukala ay unang inihain noong 19th Congress kasabay ng isinasagawang imbestigasyon ng the Quad Comm kaugnay sa mga naganap na EJK.

Binibigyang depinisyon sa panukala na ang EJK ay ang pagkuha ng buhay sa labas ng batas at pagpataw ng habangbuhay na pagkabilanggo sa public officials, state agents, o sinumang personalidad na gumawa nang pagpatay o nag-utos sa nasabing pamamaslang.

“Extrajudicial killings defined in this bill as the taking of life without the sanction of a lawful judicial process, pose a serious challenge to democratic institutions and erode public confidence in the justice system. When perpetrators are not held accountable, impunity thrives and the most basic human rights are rendered hollow,” nakapaloob sa panukala.

Ang panukala ay bilang tugon sa naganap na EJK sa kampanya kontra droga noong nakalipas na administrasyon na ayon sa Commission on Human Rights (CHR) ay nauwi sa imbestigasyon 846 pagpatay sa pagitan ng 2016 at 2022. sa naturang bilang, 577 ang ini-ugnay sa law enforcement agents, habang 269 ay ini-uugnay sa hindi kilalang assailants.

“These protections are meaningless if violations committed outside the justice system go unpunished. The State has a legal and moral duty to prevent such abuses and respond decisively when they occur,” anang mga mambabatas.

Sa ilalim pa ng panukalang Anti-Extrajudicial Killing Act, ang senior military o police officials na nag-utos sa kanilang subordinates na magpatupad ng EJKs ay mananagot sa batas.

Magbubuo din ng Extrajudicial Killings Claims Board sa ilalim ng CHR na siyang magpoproseso at magaapruba sa monetary at non-monetary reparations para sa pamilya ng biktima.

(Vina de Guzman)

Mas mahigpit na patakaran sa pagbili ng palay ng NFA, suportado ng Navotas solon

Posted on: July 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

SUPORTADO ni Navotas Congressman Toby Tiangco ang mas mahigpit na mga patakaran sa pagbili ng palay ng National Food Authority (NFA), at sinabing mapoprotektahan nito ang mga magsasaka mula sa mga oportunistang negosyante at makakatulong sa pagpapanatili ng P20 kada kilo ng bigas na programa ng administrasyon.

“Supporting our farmers and ensuring they are properly compensated is key to keeping the P20 rice program viable,” ani Tiangco.

“The stricter rules open the NFA’s palay procurement process to public scrutiny and ensure that only legitimate farmers—not traders—can sell to the agency.,” dagdag niya.

Aniya, ang panukalang ito ay maghihikayat sa mga “opportunistic traders” na bumili ng palay sa mababang presyo mula sa mga magsasaka at muling ibenta ito sa NFA sa halagang suportado ng gobyerno na P20 kada kilo.

“Close coordination between the LGU and our agencies is key. We must weed out middlemen who exploit the system to ensure our farmers receive fair market value for their harvests,” pahayag niya.

Sa ilalim ng bagong patnubay ng NFA, tanging mga verified farmer lamang ang maaaring magbenta ng palay sa NFA. Dapat silang nakalista sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) o kasalukuyang sertipikasyon mula sa kanilang local government unit (LGU).

Bilang karagdagan, ang mga sangay ng NFA ay kinakailangang magsumite ng buwanang listahan ng mga nagbebenta ng palay at ang kani-kanilang volume, na ipo-post sa publiko sa mga bulletin board para sa transparency.

Tinanggap ni Tiangco ang mga repormang ito bilang napapanahon at kinakailangan, na binanggit na ang P20 rice initiative ay nakikinabang na sa mga mamimili.

“The P20 rice program is clearly working and its benefits have already been felt by our kababayans. What we need now is to build on this momentum and make sure more Filipinos—and more farmers—benefit from it,” dagdag niya. (Richard Mesa)