• April 8, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 10th, 2025

Usec. Castro, walang update sa pag-upo ni Dave Gomez bilang bagong PCO Secretary; Jay Ruiz, nananatling PCO acting Sec.

Posted on: July 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NANANATILING acting Secretary ng Presidential Communications Office (PCO) si Jay Ruiz.
Ito ang naging pahayag ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang nang muling uriratin ukol sa napipintong pag-upo ng dating journalist at isang corporate communications executive na si Dave Gomez bilang kapalit ni Ruiz.
“Sa aking pagkakaalam, wala pa po. Nananatili pong acting secretary si Jay Ruiz. At kapag mayroon namang bago, kung mayroon man po ha kasi iyan po yata’y lumalabas sa mga bali-balita, wala pa po akong makukumpirma kasi wala pa po ring dumarating sa akin kung anuman po iyong update,” ang sinabi ni Castro.
Binigyang diin naman ni Castro na hindi niya itinatanggi na si Gomez na ang bagong kalihim ng PCO.
“Hindi ko po madi-deny, hindi ko rin po masasabing oo o hindi dahil wala po sa akin pang naibibigay na anuman pong update,” ang pahayag ni Castro.
Kamakailan lamang ay nagpalabas ang Malakanyang ng “reappointment” para kay Ruiz bunsod ng kabiguang masungkit ang kumpirmasyon ng Commission on Appointments (CA).
Ayon sa isang opisyal sa Malakanyang, tinanggap na umano ni Gomez ang alok na pamunuan ang PCO.
Sa kabilang dako, higit na kilala si Gomez bilang reporter ng Philippine Star sa loob ng 11 taon. Mula sa pagiging diyarista, pinasok din ni Gomez ang advertising. Kalaunan, itinalagang director general ng Philippine Information Agency (PIA).
Samantala, kapag di umano’y pormal nang naupo bilang Kalihim ng PCO, apat na Kalihim ng PCO na ang hinirang ng Pangulo — sina Atty. Trixie Cruz-Angeles, Atty. Cheloy Velicaria-Garafil, Cesar Chavez, at Jay Ruiz. ( Daris Jose)

Gobyerno, pinag-iisipang mabuti ang aksyon sa gulong kinasasangkutan ng PrimeWater

Posted on: July 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
INAPRUBAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang rekomendasyon ng Local Water Utilities Administration (LWUA) bilang tugon sa tambak na reklamo laban sa water service interruptions na kinasasangkutan ng private water utility firm na PrimeWater Infrastructure Corporation.
“Ang Pangulo po ay inaaral na ang report mula sa LWUA, siya po mismo ang nag-aral dito. Ang rekomendasyon po sa kanya ay kanya namang inayunan,” ang sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Gayunman, hindi naman dinetalye ni Sastro ang nasabing rekumendasyon, Idagdag pa niya na kailangan munang kumilos ang gobyerno hinggil sa reklamo sa serbisyo ng PrimeWater.
“Ang rekomendasyon po ay saka na namin ibabahagi sa inyo, kailangan po muna nating umaksyon. Hindi pa po ito ang tamang panahon para i-reveal kung ano po ang dapat gawin ng pamahalaan para sa mga biktima ng kakulangan ng suplay ng tubig,” anito pa rin.
Sa ulat, may ilang lokal na pamahalaan at consumers ang nagpalutang sa isyu ng nakadidismayang serbisyo ng PrimeWater sa mga nakalipas na buwan, dahilan para pumasok na ang national government sa usaping ito.
Ang PrimeWater, nago-operate sa ilalim ng joint venture agreements (JVAs) kasama an ilang local water districts, ay bahagi ng business group ng pamilya Villar.
Ayon sa LWUA, kinokonsidera ng gobyerno ang terminasyon ng PrimeWater ng JVA at local water districts sa buong bansa.
Sinasabi pa na tumaas ang PrimeWater’s deals sa bong 2019 nang si Senator Mark Villar ang pinuno ng Department of Public Works and Highways (DPWH), dating supervising agency ng LWUA, sa panahon ng nakalipas na administrasyon. ( Daris Jose)

 Malakanyang, hangad ang malawak at malalim na imbestigasyon ukol sa kaso ng nawawalang mga sabungero

Posted on: July 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
HANGAD ng Malakanyang ang malawak at malalim na imbestigasyon sa kaso ng missing sabungero matapos banggitin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang mga sangkot sa kaso ng missing sabungero ay kaparehong tao na sangkot sa drug war.
Sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na nais ni Pangulong Marcos na bigyan ng hustisya ang mga biktima.
”Kung ganyan po ang nakikita sa mga imbestigasyon, mas lalo pa po dapat palawigin ‘yung pag-iimbestiga dito dahil mukhang kone-konektado ang mga nagawang krimen kung ito man po ay mapapatunayan,” ang sinabi ni Castro.
”Di po natin sinasabi na sila ay guilty pero mas gusto po ng Pangulo, iuutos po talaga niya na dapat mabigyan ng hustisya ang mga nabiktima,” dagdag na pahayag nito.
Sa ulat, sinabi ni Remulla na mayroong ”intersection” sa pagitan ng drug war at e-sabong dahil ang mga iniugnay sa drug war ay di umano’y sangkot sa pagpapatahimik sa mga sangkot sa sabong.
Nauna rito, sinabi ni Remulla na ang kasong murder, kidnapping, at maging ang paglabag sa international humanitarian law cases ay maaaring ihain sa kaso ng mga sabungero na nawala mula 2021 hanggang 2022.
Inilarawan ng Kalihim ang pagpaslang sa missing sabungero bilang isang as a “corporate killing”, isiniwalat nito na may mga grupo sa loob ng industriya ang nasa kategorya depende sa kita na kanilang natatanggap.
Maliban sa Alpha Group, sinabi pa rin ni Remulla na mayroong Bravo Group, Charlie Group, at Delta Group. ( Daris Jose)

Malakanyang, sinakyan ang patutsada ni VP Sara kay PBBM na “tumingin sa salamin, at itigil na ang pamumulitika”

Posted on: July 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
SINAKYAN ng Malakanyang ang naging pasaring kamakailan ni Vice-President Sara Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa naging panawagan ng huli sa mga opisyal ng gobyerno na itigil na ang pamumulitika at magsimula nang magserbisyo sa publiko.
Nagbitiw kasi ng mga salita si VP Sara na “Siguro tumingin siya sa salamin, ‘pag sinasabi niya ‘yung i-stop na ang pamumulitika. Kasi sila ‘yung namumulitika.”
Para kay Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro, tama naman na ang ang bawat tao lalong-lalo na pang public servant ay dapat na nananalamin at ina-assess niya iyong sarili niya kung siya ba’y nagtatrabaho, namumulitika o nagbabakasyon lang.
“Ang Pangulong Marcos Jr., alam po niya ang direksiyon niya, alam po niya ang dapat na gawing trabaho at iyan po ang pinag-uutos sa lahat ng public servants lalong-lalo na po sa ilalim ng Executive Department. Ang utos sa amin ay magtrabaho, iwasan ang pamumulitika,” ayon kay Castro.
Binigyang halimbawa ni Castro ang nangyaring event na distribusyon ng PHILIPPINE CHARITY SWEEPSTAKES OFFICE (PCSO) PATIENT TRANSPORT VEHICLES (PTVS) sa piling LOCAL GOVERNMENT UNITS (LGUS) sa LUZON sa Quirino Grandstand, sa Lungsod ng Maynila kung saan pinangunahan ni Pangulong Marcos ang pagpapasinaya sa pagbibigay ng 387 na ambulances para sa mga LGUs sa bansa.
” Nakita ninyo na rin po kung papaano siya tumulong na mapaunlad pa ang sektor ng agrikultura, pati na po ang mga mangingisda ay nakikinabang sa binibigay po na tulong at ayuda ng pamahalaan ni Pangulong Marcos Jr. Hindi po nag-aaksaya ang panahon ang ating Pangulo para tumulong sa taumbayan. Trabaho lamang po talaga ang nasa isip ng ating Pangulo,” ani Castro.
“Sa ngayon po ba ay nasaan si VP Sara or si Bise Presidente noong iyan ay sinabi niya? Nasaan po ba siya ngayon? The Hague, okay, at ang ating pagkakaalam hanggang kailan po siya doon? Hanggang July 23. So, iyon lamang po. Tandaan po natin, ang Pangulo po aksiyon, aksiyon – hindi bakasyon,” ang pasaring ni Castro.
Sa ulat, pumalag si Vice President Sara Duterte sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga opisyal ng gobyerno na itigil na ang pamumulitika at magsimula nang magserbisyo sa publiko.
“Siguro tumingin siya sa salamin, ‘pag sinasabi niya ‘yung i-stop na ang pamumulitika. Kasi sila ‘yung namumulitika,” saad ni Duterte sa isang ambush interview sa The Hague, Netherlands.
Samantala, naniniwala naman si Catsro na magandang rebyuhin ni VP Sara ang mga sinabi bago pa nito ihayag na si mismong si Pangulong Marcos ang namumulitika kaya ang kampo niya ang dapat na tumigil, habang pagdepensa naman ang ginagawa nila.
“Ang ginagawa lang naming lahat ay sumasagot kami, ‘di ba? Ikaw (Harry Roque) biktima ka din dahil you are known to be an ally and a very close lawyer of President [Rodrigo] Duterte. So, wala naman kaming ginagawang atake.” ayon kay VP Sara.
“Sa aming lahat, ay pagsagot at depensa so sila ang tumigil. At silang nasa administration, sila ‘yung tumigil at sila ‘yung tumutok sa kung ano ‘yung dapat na ibigay para sa taumbayan,” aniya pa rin.
“Tandaan po natin, noong inilunsad po iyong bente pesos na bigas, iyon po ba ay pag-atake sa Bise Presidente? Pero inatake niya po ang proyektong ito ng Pangulo, na bente pesos na bigas at marami pa pong sinabi ang Bise Presidente na hindi naman po issue ng Pangulo at ng gobyerno,” ang tugon naman ni Castro.
Matatandaan na una nang nanawagan si Pangulong Marcos sa mga bagong opisyal na nanumpa sa kanilang tungkulin na ituring ang kanilang mandato na pakikipagtulungan sa Malakanyang sa pagtugon ng mga suliranin ng mga mamamayan.
“Tapos na po ang bahagi ng politika. Serbisyo publiko na ang haharapin niyo ngayon,” saad ni Pangulong Marcos.
(Daris Jose)

 PBBM, pinangunahan ang turnover ng 387 medical vehicles sa Luzon LGUs

Posted on: July 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ceremonial turnover ng 387 patient transport vehicles (PTVs) sa local government units (LGUs) sa buong Luzon.
Sa ngayon, ito ang itinuturing na ‘largest single-day distribution’ ng medical vehicles ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sa naging talumpati ni Pangulong Marcos, sa isinagawang distribusyon ng PHILIPPINE CHARITY SWEEPSTAKES OFFICE (PCSO) PATIENT TRANSPORT VEHICLES (PTVS) sa ilang LOCAL GOVERNMENT UNITS (LGUS) sa LUZON sa Quirino Grandstand, Lunsgod ng Maynila, araw ng Miyerkules, Hulyo 9, muling pinagtibay ng Pangulo ang commitment ng administrasyon sa universal healthcare access sa pamamagitan ng pagtiyak na ang bawat lungsod at munisipalidad sa bansa ay makatatanggap ng isang medical transport vehicle bago matapos ang taong 2025.
“Ang plano natin sa susunod dahil siyempre ‘yung ibang bayan mas malaki sa ibang bayan, ‘yung city mas malaki sa ibang city, titingnan ngayon natin kung ano ‘yung pangangailangan,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“We have to base it already on the population ng bawat lugar,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, sa 387 PTV na ipinamahagi, ang mga rehiyon na napagkalooban ay ang:
–Ilocos Region: 30 units
–Cagayan Valley: 72 units
–Central Luzon: 99 units
–Calabarzon: 27 units
–Mimaropa: 60 units
–Bicol Region: 64 units
–Cordillera Administrative Region: 35 units
Sinasabing, ang bawat sasakyan ay mayroong ‘stretcher, oxygen tank, blood pressure monitor, at iba pang mahahalagang medical tools ‘ para suportahan ang ligtas at episyenteng ’emergency response’ at pagbyahe sa mga pasyente.
Winika pa ng Pangulo na mula June 2022 hanggang June 2025, may kabuuang 680 PTV ang naipamahagi sa buong bansa.
Sa katunayan, ang pinakabagong batch para sa Luzon ay bahagi ng pinalawak na rollout na kinabibilangan ng 123 PTV para sa Visayas at 105 naman para sa Mindanao.
Samantala, ang pag-turnover ay bahagi ng Medical Transport Vehicle Donation Program ng PCSO, naglalayon na palakasin ang health systems sa grassroots sa pamamagitan ng pagbibigay ng ‘mobility at logistical support’ sa LGUs, partikular na sa mga ‘remote at underserved communities.’
(Daris Jose)

PAHAYAG MULA SA MGA LISENSYADONG ONLINE GAMING OPERATOR SA PILIPINAS Ang pagbabawal sa legal na online gambling ay pagsuko ng kinabukasan sa mas pinaigting na paglabag ng batas Panawagan ng industriya: mas matalinong mga regulasyon para protektahan ang mga Pilipino

Posted on: July 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

Nagkakaisa at naninindigan ang mga lisensyadong online gaming operator, ang Philippine Amusement and Gaming Corporation at ang mga makabago at responsableng mambabatas sa panawagang lumikha ng mas mahigpit na regulasyon–at hindi ganap na pagbabawal–upang masiguro ang kaligtasan ng mga Pilipinong manlalaro, at mapanatili ang pag-usbong ng ekonomiya ng bansa.

Habang pinagdedebatehan sa Kongreso ang iba’t ibang panukala na naglalayong ipagbawal ang online gaming o limitahan ang mga daluyang pinansyal kaugnay nito, nagbababala ang mga lehitimong operator na ang ganap na pagbabawal ay hindi magiging epektibo sa pagpigil sa mga Pilipino sa paglalaro; bagkus, itutulak pa lalo nito ang milyon-milyong Pilipino sa itim na merkado, tungo sa mga namamayagpag na ilegal na operator.

Hindi nabubura ng pagbabawal ang online gaming. Ang tanging binubura nito ay ang mga pananggalang na dapat sana ay magsisilbing proteksyon sa mga Pilipino. Malinaw ang katotohanan: magpapatuloy ang mga manlalaro na maglaro. Pipili lamang sila kung itutuloy nila ito sa mga lisensyado at ligtas na plataporma na sumusunod sa mga regulasyon, o sa itim na merkado–sa mga ilegal na site na walang pananagutan.

May umiiral nang mga pananggalang para sa kaligtasan

Kasalukuyan nang pinapatupad ng lisensyadong sektor ng online gaming ang ilan sa mga pinakamahigpit na proteksyon sa Asya:

  • Mahigpit na Know-Your-Customer at multi-factor authentication

  • Masinsing pagsusuri at pagsiguro na wala ang kahit na sino mang manlalaro sa National Database of Restricted Persons ng PAGCOR
  • Pagtiyak na lahat ng manlalaro ay edad 21 pataasR
  • Mga kasangkapan upang tanggalin ang sarili (self-exclusion tools), at pagmomonitor ng kilos na maaaring mapanganib o at risk
  • Sumunod sa mga patakaran ng mga patalastas o advertisement at siguruhing walang mapanlinlang na mga pahayag
  • Pag-ambag sa pambansang kita, paglikha ng mga trabaho, at pag-unlad ng teknolohiya

Bawat pisong ginugol sa lisensyadong plataporma ay sumusuporta sa mga pampublikong serbisyo – mga paaralan, ospital, at kalsada – at tumutulong na mapanatiling ligtas ang bawat pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng regulasyon. Sa kabilang banda, ang bawat pisong ginugol sa ilegal na site ay perang ninakaw mula sa komunidad at dumidiretso sa mga ilegal na operator na walang pakialam sa ating mga batas.

Mga aral mula sa mundo, lokal na realidad

Ipinupunto ng industriya ang mga aral mula sa mundo na nagpapatunay ng panganib ng ganap na pagbabawal. Sa 195 bansa sa buong mundo, 177 ang pumili na isailalim ang online gaming sa regulasyon. Ang natitirang 18 na bansa, kasama ang North Korea, Iran, at Somalia ay mayroong mga ganap na pagbabawal, at walang nagtagumpay sa pagpigil sa underground o ilegal na gaming. Noong 2006, nagkaroon ng pagbabawal sa Estados Unidos, at nahikayat lamang ang mga Amerikanong manlalaro na mga offshore sites na hindi sumailalim sa regulasyon. Noong 2013, trinabaho ng Estados Unidos na gawing legal ang online gaming upang makontrol muli ang industriya, at nakapagbigay ito ng US$ 71.9 bilyon na kita, at higit US$ 15 bilyon na buwis. Nakita rin ito ng mga bansang Sweden, Brazil, Colombia at Argentina: ang pagbabawal ay nagsisilbing mitsa ng mas malaking krimen; habang susi naman ang regulasyon sa pagkontrol at paggamit nito tungong pang-unlad.

Ang kaso ng Pilipinas

Pareho ang kuwento ng mga numero sa Pilipinas. Mula nang palawaking ang mga legal na online gaming platform at isailalim ang mga ito sa regulasyon noong 2022, umakyat mula P12.3 bilyon tungo sa P54 bilyon ang kinolektang license fees ng PAGCOR noong 2024. Ang pondong ito ay direktang napunta sa mga proyektong pambansa na pinakikinabangan ng bawat Pilipino. Umabot naman sa P112 bilyon ang kabuoang kita ng PAGCOR, at halos kalahati nito ay mula sa online gaming. Mahigit 50,000 na Pilipino ang nagtatrabaho na ngayon sa sektor, karamihan sa mga matataas at mahahalagang posisyon sa teknolohiya, cybersecurity, creative design, at artificial intelligence.

Babala ng mga lisensyadong operator, ang hindi-pinag-isipang pagbabawal, o ang pag-alis ng mga lehitimong payment channel ay sisira lamang sa mga tagumpay na ito, bubura sa libo-libong trabaho, at ibibigay ang buong merkado sa ilegal na mga site. Sa mga ilegal na espasyong ito, mawawala ang lahat ng proteksyon ng mga manlalaro: hindi masisigurong edad 21 pataas lamang ang makakapaglaro, walang seguridad sa data, walang suporta sa problematikong pagsusugal, at walang kontribusyon sa pambansang ekonomiya.

Panawagan sa balanse at matalinong regulasyon

Sa halip na mga pagbabawal na magtutulak sa mga manlalaro na magtago, nanawagan ang industriya sa mga mambabatas na patatagin ang mga patakarang epektibo: maging mas mahigpit sa beripikasyon ng edad at identidad, linawin ang mga limitasyon para sa mga manlalarong at risk, patatagin ang mga pananggalang ng anti-money laundering, pabilisin ang pagsasara ng mga ilegal na site ng hindi lisensyadong operator, at palawakin pa ang edukasyon ng mga mamamayan tungkol sa karapatan bilang panlalaro at responsableng paglalaro.

Maging malinaw tayo: hindi kalaban ang online gaming na may maayos na regulasyon. Ang tunay na banta ay ang pag-usbong ng mga ilegal na operator na inuuna ang kita kaysa ang kapakanan ng mga Pilipino. Hindi takot ang mga legal na operator sa mas mahihigpit na patakaran; ang katotohanan, malugod nila itong tinatanggap. Ang kinatatakutan nila ay ang pagsuko ng kinabukasan ng digital na espasyo sa itim na merkado. Ito ang mas delikado.

Habang abala ang mga kapitbahay nating ASEAN gaya ng Singapore, Malaysia, at Vietnam sa modernisasyon ng kanilang mga regulasyon sa gaming upang higit na magkaroon ng mga investment at protektahan ang mga manlalaro, nanganganib ang Pilipinas na maiwan kung paiiralin ang mga batas na nakabatay sa takot. Bubuwagin ng ganap na pagbabawal ang isang industriyang napatunayan nang kayang lumikha ng trabaho, patatagin ang teknolohiya, at maghatid ng bilyong piso sa kita sa ilalim ng wastong pamamahala. Panawagan sa mga regulator: huwag nang magbukas pa ng mga pinto sa paglabag ng batas. Panatilihing legal, panatilihing ligtas, at panatilihing tunay na Pilipino ang industriya.

Muling pinagtitibay ng mga lisensiyadong online gaming operator ng bansa ang kanilang pangako na makipagtulungan sa pamahalaan, mga regulator, at mga komunidad upang matiyak na ang online gaming ay nananatiling ligtas, malinaw, at may tunay na benepisyal para sa sambayanang Pilipino.

LAGDA NG MGA LISENSYADONG ONLINE GAMING OPERATOR SA PILIPINAS :

1. World Platinum Technologies Inc

2. AB Leisure Exponent, Inc.

3. Total Gamezone Xtreme, Inc.

4. Gamemaster Integrated, Inc.

5. Lucky Taya Gaming Corp.

6. Stotsenberg Leisure Park & Hotel Corporation

7. Igo Digital High Technology Inc.

8. Megabet Corp.

9. Gavin Ventures Inc.

10. Gotech Entertainment Inc.

11. Meta Interactive Software Solutions, Inc.

12. Nextstage Entertainment Inc.

13. Webzoid System Solutions Corporation

14. Trojan Wells Entertainment Corp.

Ads July 10, 2025

Posted on: July 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

10 – page 4-merged (1)

Carlos Alcaraz pasok na sa semis ng Wimbledon

Posted on: July 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PASOK na sa semifinals ng Wimbledon si two-time defending champion Carlos Alcaraz.

Ito ay matapos na talunin si unseeded Cam Norrie ng Britanya.

Hindi na pinaporma ng Spanish player ang Briton at nakuha nito ang score na 6-2, 6-3, 6-3 sa laro na tumagal ng isang oras at 39 minuto.

Dahil dito ay napalawig pa ni Alcaraz ang kaniyang panalo sa 23 na siyang maituturing na pinakamahaba sa torneo ng sinumang manlalaro na may edad 22 o pababa.

Unang nakakuha ay si Juan Martin del Potro na may 23 panalo sa 2008.

Si Alcaraz din ang pangalawang Spanish player sa kasaysayan na nakaabot sa men’s semifinals ng Wimbledon na ang una ay si Rafael Nadal.

Susunod na makakaharap nito ay si Number 4 Taylor Fritz ng US.

Alex Eala sasabak sa torneo sa Canada bago ang US Open

Posted on: July 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

SISIMULAN ni Pinay tennis star Alex Eala ang kaniyang paghahanda sa isa pang Grand Slam tournament ang US Open sa pamamagitan ng paglahok sa National Bank Open sa Canada.

Magaganap ang toreno sa Canada mula Hulyo 26 hanggang Agosto 7.

Ang National Bank Open ay isang WTA-1000 level tournament na isang paghahanda para kay Eala sa paglahok nito sa US Open na magsisimula naman mula Agosto 24 hanggang Setyembre 7.

Kasama ng ranked 56 na si Eala sa main draw ng National Bank Open ang ilang mga bigating pangalan sa tennis na sina Aryna Sabalenka ng Russia, Jessica Pegula at Coco Gauff ng US , Iga Swiatek ng Poland at Jasmine Paolini ng Italy na pawang mga Top 5 WTA players ngayon.

Magugunitang nakapaglaro na si Eala sa French Open at Wimbledon kung saan bigo siya habang nakaabot naman siya sa finals ng Lexus Eastbourne Open.

Una ng sinabi ni Eala na magpapahinga muna ito sa bansa ng ilang linggo bago ang pagbabalik ensayo para sa torneo sa Canada.

Tulong sa mga nasunugan sa Mandaluyong, ipinaabot nina Romualdez, Tingog  

Posted on: July 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGPAABOT ng tulong si re-elected Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin Romualdez kasama ang Tingog Party-list sa halos nasa 600 pamilyang nawalan ng tirahan matapos magkaroon ng sunog sa Barangay Addition Hills nitong nakalipas na Hulyo 5.

Sa pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at opisina ni Mandaluyong City Rep. Alexandria “Queenie” Pahati Gonzales, ay naglaan ng agarang tulong ang mga ito sa mga residente.

“Ang ganitong mga trahedya ay pagsubok sa ating katatagan, pero panahon din ito ng pagkakaisa. Ang ating tanggapan, kasama ang Tingog at mga kasamahan sa Kongreso, ay handang tumugon saan man at kailanman,” ani Romualdez.

Nagsimula ang relief operations nitong Hulyo 6 sa pamamagitan ng pamamahagi ng pagkain sa nasa 1,000 indibidwal at halos 600 relief packs, na naglalaman ng bigas, canned goods, noodles at kape, sa parking area ng Mandaluyong College of Science and Technology.

Pinasalamatan naman ni Gonzales sina Romualdez, Tingog Party-list at ang Marcos administration sa pamamagitan ng DSWD sa agarang tulong.

Simula Hulyo 14, ang DSWD ay magpapalabas ng P10,000 financial assistance kada pamilya sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program. Nasa total na P6 million ang inaayos bilang tulong sa pagbangon ng mga pamilyang nasunugan.

“This is a time for action, not just empathy. We are committed to making sure that government support reaches the ground quickly and meaningfully. For every family affected by this fire, we want you to know you are not alone. We will be with you every step of the way,” pahayag ni Romualdez. (Vina de Guzman)