• April 8, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 8th, 2025

PBBM, masusing pag-aaralan ang panukalang buwisan ang online gaming — Malakanyang  

Posted on: July 8th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PAG-AARALANG mabuti ni Pangulong Ferdinand ‘Marcos Jr. ang panukala ng Department of Finance (DoF) na patawan ng buwis ang online gaming.

”Ang proposal po na ito ng DoF na magkaroon po ng tax para po marestriktuhan ang mga online gaming ay para naman po sa ikabubuti ng pamilyang Pilipino,” ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

”Batid po ng Pangulo ang maaaring mangyari sa mga gumon sa sugal at hindi niya naman po tututulan basta po mayroon pong sapat na pag-aaral para po—tungkol sa buwis na ipapataw man,” aniya pa rin.

Tinitingnan ng DOF na patawan ng buwis ang online gaming at maging ang iba pang polisiya para masugpo at tuluyang mapigilan ang ‘unrestricted access’ sa gambling, kabilang na ang digital gambling platforms.

Kamakailan lamang, may ilang mambabatas ang naghain ng batas na nagbabawal sa promosyon ng online gambling at mga pagkakaugnay nito sa electronic wallets (e-wallets).

Sa ulat, inihain ni Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores ang House Bill 721 na layong pagbawalan ang mga e-wallet applications na mag-promote ng online gambling.

Sinabi pa ni Flores, dapat alisin ang access sa mga e-wallet apps patungo sa mga online gambling application.

Binigyang diin ni Flores na pinapalala kasi nito ang pagkalulong sa online gambling dahil sobrang dali nang mag-load at maglaro.

Punto pa ng mambabatas na maaaring ituring na kasabwat ang mga e-wallet sa patuloy na pagkalulong ng mga kababayan natin sa pagsusugal.

“Hindi lang advertisement, pati redirecting them to the online gaming applications, may link dun, may button dun na games, when you click it, lahat online gambling games eh. So ‘yan ang gusto namin mawala para walang easy access nga from your pera mo papunta sa online gaming application,” ang pahayag ni Flores.

Subalit nilinaw ni Flores na ang layunin ng panukala ay hindi ipagbawal ang online gambling kundi ang pagbawalan ang mga e-wallet platform na maglagay ng advertisement at access patungo sa mga online sugalan.

Sakaling maisabatas, pagmumultahin ng P100,000 hanggang P500,000 ang unang paglabag; P500,000 hanggang P1 milyon at suspensyon ng operasyon nang hindi hihigit sa 30 araw sa ikalawang paglabag; at multang P1 milyon hanggang P5 milyon at pagbawi sa business license sa ikatlo at huling paglabag.

Kabilang din sa may-akda sina Bukidnon Representatives Jose Manuel Alba, Laarni Roque, at Audrey Zubiri, at SWERTE Party-list Rep. Arly Ayon. (Daris Jose)

Internet access, hindi na isang pribilehiyo kundi isang pangangailangan-PBBM

Posted on: July 8th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

SINABI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang pagkakaroon ng maaasahang internet access ay hindi na isang pribilehiyo kundi isang pangangailangan.

Inihayag ito ng Pangulo sa isinagawang grand launch ng National Fiber Backbone Phases 2 at 3 sa Leyte province.

”Dahil sa panahon ngayon, hindi na privilege ang pagkakaroon ng access sa mabilis na internet, ito ay pangangailangan na. Kailangan ito sa pag-aaral, sa trabaho, sa negosyo at para mapanatili ang koneksyon sa mga mahal sa buhay,” ang bahagi ng talumpati ni Pangulong Marcos.

Matatandaang, nangako si Pangulong Marcos na gagawin ng gobyerno ang lahat, upang magkakaroon ng internet connectivity ang lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa, bago matapos ang 2025.

Hangad naman ng National Fiber Backbone (NFB) project na lumikha ng malakas at ligtas na fiber optic network na saklaw ang buong bansa.

Nagsisilbi bilang ‘backbone’ o gulugod para paghusayin ang internet connectivity, puntirya nito ang mas mabilis, mas maaasahan at ‘fully digitalized services’ para sa lahat ng mga Pinoy.

Samantala, nakahanda naman ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na palawigin ang naabot ng NFB mula Northern Luzon tungo sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao sa pamamagitan ng NFB Phases 2 at 3. (Daris Jose)

Budget reform bill, ipinanukala si Speaker Romualdez  

Posted on: July 8th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

BAGO pa man ang pagubukas ng sesyon ng ika-20 Congress sa Hulyo 28, pinao-overhaul na ni reelected Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez ang national budgeting system upang masiguro na ang public funds ay makakapagbigay ng konkretong resulta sa halip na maipit sa delays at inefficiency.

Sa inihain nitong House Bill (HB) No. 11, o Budget Modernization Act, isinisulong nito ang paglilipat sa cash-based budgeting system.

Layon ng panukala na mapabilis ang pagbibiay ng mga government services, matanggal ang nasasayang na paggastos at gawing mas madali ang pagmomoitor at assessment ng lahat ng government transactions.

“Bawat sentimo sa national budget ay pera ng taongbayan. Kailangan magamit ito nang mabilis, tapat at may malinaw na resulta para sa mga Pilipino, lalo na sa mga nangangailangan,” ani Romualdez.

Kabilang sa mga awtor ng panukala ay sina Tingog Party-list Reps. Andrew Julian Romualdez at Jude Acidre.

Ayon sa panukala, ang Cash Budgeting System ay tumutukoy sa “annual appropriations that limit incurring obligations and disbursing payments to goods delivered and services rendered, inspected and accepted within the current fiscal year.”

Target nito ang mga matagal ng problems sa public finance kung saan ang pondo ay ‘obligated’ ngunit hindi nagamit na nagresulta sa pagkaka-delay sa infrastructure, pagkabinbin ng mga programa at unutilized aid.

“Kapag may pondong inilaan para sa eskwelahan, dapat may maitayong silid-aralan. Kung may budget para sa kalsada, dapat may daang natatapos. Hindi puwedeng puro plano, walang resulta,” dagdag ni Romualdez.

Nililimitahan ng panukala ang paggamit ng lump-sum o special purpose funds ng walang malinaw na timelines.

“‘Pag malinaw ang sistema, madaling masilip ng taumbayan kung saan talaga napupunta ang pondo. Iyan ang tunay na malasakit,” dagdag nito.

(Vina de Guzman)

Kontra E-Sugal Bill, inihain ng Akbayan Partylist

Posted on: July 8th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

UPANG maprotektahan ang mga kabataan at pamilya mula sa online gambling, isinusulong ng Akbayan Partylist ang mahigipit na regulasyon sa mga online gambling platforms sa bansa.

“We cannot gamble away our youth’s future. Our children cannot become collateral in the jackpot dreams of gambling tycoons,” ani Akbayan Rep. Chel Diokno.

Kasama ni Diokno sina Akbayan Representatives Perci Cendaña, Dadah Ismula at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao sa paghahain ng House Bill No. 1351 or Kontra E-Sugal bill

Nakapaloob sa panukala na tanging mga indibidwal mula sa idad na 21 pataas ang pinapayagang makapagparehistro at makataya sa mga online gambling platforms.

Ang lahat ng licensed online gambling operators ay kailangang magpatupad ng age verification systems gamit ang government issued o kahalitulad na digital identification na nakasunod sa Know-Your-Customer (KYC) standards, paghingi ng national ID o government-issued identification para sa pagrerehistro.

Kasama sa iba pang probisyon ay: E-wallets and super apps will be banned from advertising and linking to online gambling; Online gambling ads will also be banned in public spaces; PAGCOR will set daily, weekly, and monthly betting and loss limits to promote responsible gambling practice; Players will be auto-suspended upon breaching PAGCOR-defined time or loss limits; A 10 percent tax on online gambling will fund addiction rehabilitation, education, enforcement, and research; A National Online Gambling Self-Exclusion Registry to be maintained and administered by PAGCOR will be established at It will also require the government to adopt a comprehensive, evidence-based, and multi-sectoral approach to prevent and mitigate gambling-related harms.”

“Hindi dapat ganito kadali para sa mga kababayan nating itaya at mawala ang lahat ng mayroon sila. Sa pamamagitan ng mga pagkilos na ito, magkakaroon ng malakas na proteksiyon ang ating mga kababayan sa panganib ng online gambling at maiiwasan ang pagkalugmok ng mga pamilya sa utang at pagkakawatak-watak,” ani Diokno.

(Vina de Guzman)

Benny Abante, ipo-proklama na bilang nanalong Kongresista sa Maynila

Posted on: July 8th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

IPOPROKLAMA na bilang nanalong Kongresista sa ika-6 na Distrito si Benny Abante.

Ito’y makaraang ilalabas na ng Commission on Election (Comelec) ang certificate of finality at entry of judgement kasabay ng pagko-convene ng Comelec ang City Board of Canvassers ng Maynila para sa kanyang proklamasyon.

Ito ay matapos pagtibayin ang resolusyon na nagpapawalang bisa sa proklamasyon ni Joey Uy na nakakuha ng pinakamaraming boto noong May 12 elections.

Dahil sa isyu ng citizenship, binawi ang pagkapanalo ni Uy .

Ang nag-iisang kalaban ni Uy na si Abante na reelectionist ang naging duly qualified na kandidato at idineklarang panalo sa halalan noong 2025 midterm elections.  (Gene Adsuara)

2 tiklo sa drug bust sa Malabon, P102K shabu, baril nasamsam

Posted on: July 8th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

BAGSAK sa kulungan ang dalawang drug suspects matapos makuhanan ng hindi linsensyadong baril at mahigit P.1 milyong halaga ng shabu nang maaresto ng pulisya sa buy bust operation sa Malabon City.

          Kinilala ni P/Capt. Regie Pobadora, OIC chief ng District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) ang naarestong mga suspek na sina alyas “Francis”, 40, at alyas “RJ”.

          Sa ulat, ikinasa ng mga operatiba ng DDEU ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA nang magawang makipagtransaksyon ng isa sa mga tauhan ni Capt. Pobadora sa mga suspek.

          Dakong alas-9:52 ng umaga nang makipagkita umano ang mga suspek at magsabwatan na bintahan ng shabu sa isa sa mga operatiba ng DDEU na nagpanggap na buyer sa Brgy. Tugatog na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila.

          Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 15 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P102,000, buy bust money, at isang hindi linsensyadong Star B. Echevarria caliber .380 pistol na kargado ng dalawang bala.

          Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5, 26, at 11 under Article II ng R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) habang karagdagan na kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) ang kakaharapin pa ng isa sa kanila.

Pinuri naman ni P/BGen. Arnold Abad, Acting District Director ng Northern Police District, ang mga operatiba sa kanilang mabilis at mapagpasyang aksyon na nag-aambag sa patuloy na kampanya laban sa ilegal na droga, loose firearms, at kriminalidad. (Richard Mesa)

NAVOTAS, pinasinayaan ang bagong Tanza Multi-Purpose Building 

Posted on: July 8th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

BINUKSAN na sa publiko ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang bagong Tanza Multi-purpose Building sa NavotaAs Homes II, Brgy. Tanza 2, 0bilang bahagi ng ika-18th cityhood anniversary celebration nito.

Pinangunahan nina Mayor John Rey Tiangco at Cong. Toby Tiangco ang pagbabasbas at pagpapasinaya sa tatlong-palapag na pasilidad ay may office spaces para sa seminars at meetings sa ikalawang palapag, at court sa ikatlong palapag para sa sports at iba pang events at may sapat ding parking space sa ground level.

“This building represents our dream to build not only houses but complete communities where quality of life is elevated,” pahayag ng alkalde.

“Every housing project should not only provide shelter but also serve as a home for dreams—dreams of progress, success, and a better future for one’s family,” dagdag niya.

Samantala, binigyaang-diin ni Cong. Tiangco ang kahalagahan ng pampublikong imprastraktura sa nagpapasiglang komunidad.

“Kapag may maayos kang pasilidad na tulad nito, mas naengganyo ang mga tao na makilahok sa mga programa ng pamahalaan. Ito ang gusto nating makita—aktibong komunidad na sama-samang umuunlad,” aniya

“Through multipurpose buildings like this, we provide space for various sectors to come together—the youth for sports and recreation, barangay leaders for meetings, and residents for training, livelihood workshops, and community events,” dagdag niya.

Hinikayat naman ni Mayor Tiangco ang mga residente na maging responsable sa paggamit ng pasilidad dahil ito ay pag-aari ng buong komunidad. (Richard Mesa)

3 sasakyan, pinagbabaril at sinilaban sa Maynila  

Posted on: July 8th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PINAGBABARIL at sinilaban ang tatlong sasakyan habang nakaparada sa Barrio Obrero partikular sa bahagi ng G.Santiago at R.Papa Street sa Tondo, Maynila.

Sa kuha ng CCTV ng Brgy.189 bandang alas- 4:20 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa kasagsagan ng buhos ng ulan .

Base sa kuha ng  CCTV footage,  na ang mga suspek ay sakay ng dalawang motorsiklo ang may gawa ng krimen.

Isa sa kanila ay binasag pa ang salamin bago sinilaban ang itim na kotse na may plate number na NIM-2624.

Patuloy na inimbestigahan ng MPD Station-7 ang insidente habang inaalam na ang motibo sa krimen maging ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

(Gene Adsuara)

Posibleng ma-recover pa ang mga buto ng nawawalang sabungero  

Posted on: July 8th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

IBINAHAGI ng Department of Science and Technology (DOST) na posibleng ma-recover pa ang mga buto ng nawawalang sabungero kung itinapon talaga ang kanilang mga katawan sa Taal Lake.

Una nang sinabi ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan na inilubog umano ang mga katawan sa malalim na bahagi ng lawa sa Talisay, Batangas.

Ipinaliwanag ni DOST Secretary Renato Solidum na ang laman ng katawan ay mabilis ma-decompose, pero ang mga buto ay maaaring ma-preserve, depende sa lalim at dami ng oxygen sa tubig.

Una na ring sinabi ng mga otoridad ang kahilingan sa Japan para sa tulong sa paghahanap gamit ang teknikal na kagamitan. (BOY MORALES SR.)

PAGCOR, bukas sa paghihigpit ng mga regulasyon vs illegal online gambling

Posted on: July 8th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

INIHAYAG ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na bukas sila sa panukalang higpitan pa ang mga regulasyon laban sa illegal online gambling.

Ang pahayag ng PAGCOR ay kasunod ng inihaing panukalang batas ni Senator Sherwin Gatchalian na nagsusulong sa pagbabawal ng paggamit ng e-wallets para sa online gambling.

Sinabi ng Pagcor na discretion ng mga mambabatas na magpanukala ng mga batas na magbebenepisyo sa publiko.

Tiniyak naman ng Pagcor sa publiko na kaagapay ang mga ahensiya at orga­nisasyon, mananatili silang fully committed sa pagpapaigting pa ng kanilang mga ginagawang hakbang para malabanan ang paglaganap ng illegal online gaming activities.

Base sa Malacañang, nasa 7,000 na hindi awtorisadong online ga­ming sites na natukoy ng Pagcor ang napatanggal na ng Department of Information and Communications Technology (DICT).