KINAALIWAN nang husto ng netizens ang latest viral video ni Kapuso Drama King Dennis Trillo sa kanyang TikTok account, na kung saan in-spoof niya ang boxing legend at dating senador na si Manny Pacquiao na title na ‘Mario Barrios, this one is for you!‘
Gamit ang AI effect na ‘Manny Good Looking’, nagmukha talagang si Pacquiao si Dennis, na kung saan kuhang-kuha niya ang tono ng pagsasalita, paggalaw at nagpa-sample ng kanta na ‘Sometimes When We Touch’ ni Dan Hill, na sa bandang huli ay ginaya rin ang pagsuntok-suntok ni Manny.
Tawang-tawa rin kami nang mapanood ang video na pampa-good vibes patio na sa mga komento ng netizens na sobrang naaliw sa kanyang post.
Say ng sobrang humanga sa kanyang pelikula, “Paiyak-iyak pa ako sa Greenbones teh.“
“GMA utang na loob bigyan nyo pa po to ng sunod sunod na projects para maging busy.
“Puwede na siyang mag-stand-up comedy, promise!”
Hindi naman kinaya ng iba at nag-comment ng…
“Nagkulong ka na naman sa CR huhu.”
“May special course ba para aralia takbo ng utak mo?”
“Doc gising na po siya.”
“Lakas ng trip mo pareng Dennis!“
Kaya naman pati ang asawang si Jennylyn Mercado, ay binulabog rin ng netizens…
“Jennylyn pls lang wag mo na ibiza yung charger nito, laging tuloy fully charged e.”
“Jen nakahawak na naman siya ng phoneeeee!”
“At this point, baka puwedeng I-lock na lang ni Jen yung pinto sa CR.”
Dagdag pa ng netizens…
“Jusko Dennis dapat kinanta mo ‘para sayo ang laban na ‘to’.
“Lupit mo Dennis pati si Pambansang Kamao, di nakaligtas sau.”
“Napa-double check tuloy ako, baka page nga ni pacman ang na-follow ko.“
“Daming artista ngayon, pero si Dennis kaya kahit anong role, from kabit to boksingero.”
“Pambansang Green Bones.”
Samantala, ang ‘Green Bones’ na pinagbidahan nina Dennis at Ruru Madrid ay nakakuha ng siyam na nominasyon sa 8th EDDYS ng SPEEd na ang awards night ay sa July 20 na at gaganapin sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom sa Pasay City.
Malakas ang laban si Dennis bilang Best Actor at katunggali ang anim pang aktor na nominado.
Nominated din ang ‘Green Bones’ sa Best Picture, Best Director, Best Screenplay, Best Cinematography, Best Production Design, Best Editing, Best Musical Score, at Best Supporting Actor para kay Ruru.
Goodluck Team Green Bones and see you all at the EDDYS!
***
NAGLULUKSA na naman ang showbiz industry dahil sa pagpanaw ng kilalang columnist, talent manager at TV host na si Manay Lolit Solis nitong July 3, 2025.
Ilang taon din nakipaglaban si Manay Lolit są kanyang karamdaman.
At ang isa sa pinakamalapit sa kanya at anak-anakan na si Sen. Bong Revilla ang unang nagparamdam ng labis kalungkutan sa kanyang Facebook post ng isang praying hands emoji, na labis na ikinabahala ng kanyang mga followers.
Kinaumagahan ng July 4, nag-post na nang mapusong pamamaalam si Sen. Bong sa itinuring na ikalawang ina…
Kasama ang series of photos nila, mababasa ang…
“Paalam Nanay Lolit.
“Pahinga ka na. Wala nang sakit; wala nang hirap.
“Sobra kitang mami-miss.
“Maraming salamat sa pagmamahal at pagkalinga. You have been a solid rock for me, a staunch defender, and most importantly – a mother who took care of me and my family up to your last days with us.
“Para akong nawalan ulit ng nanay.
“Napakalaki mong kawalan sa napakaraming taong nahaplos ng iyong pagmamahal, gayundin sa industriya to which you dedicated your entire life.
“Ang aming taus-pusong pakikiramay sa lahat ng iyong naiwan. Lahat kami ay nagluluksa.
“Mahal na mahal ka namin.“
Kinumpirma rin ito ng anak ni Manay Lolit na si Sneezy sa pamamagitan ng isang mensahe.
Ilan pa sa agad nagbigay ng tribute sa beteranong showbiz personality ay sina Niño Muhlach, Jolo Revilla, Yasmien Kurdi, Rhea Anicoche-Tan at marami pang iba.
Marami rin ang mga kaibigan niya ang nag-post ng kani-kanilang larawan
kasama si Manay Lolit at mga ‘di makalilimutang kuwento.
Mula rito sa People’s Balita, ang aming taus-pusong pakikiramay sa kanyang naiwang pamilya.
May she rest in paradise!
(ROHN ROMULO)