• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 21, 2025
    Current time: October 21, 2025 2:08 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June, 2025

Nanawagan ng patuloy na dayalogo para permanenteng tuldukan ang armadong labanan… Pinas, winelcome ang Israel-Iran ceasefire

Posted on: June 26th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

WINELCOME ng Pilipinas ang napagkasunduang tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Iran subalit nanawagan ng patuloy na dayalogo para permanenteng tuldukan ang armadong labanan sa pagitan ng dalawang bansa.

Ang Pilipinas ay mayroong mahigit na 2 milyong migranteng Filipino sa Gitnang Silangan.

Sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na umaasa ito na ang pansamantalang pagtigil sa labanan “will be a crucial step towards achieving lasting peace in the region.”

“We urge all parties concerned to continue engaging in dialogue and negotiations toward a permanent solution to this issue,” ang sinabi ng DFA.

Ang US-brokered ceasefire ay naging epektibo, araw ng Lunes kasunod ng mga araw ng nagkaroon ng napakalaking palitan ng missile strikes sa pagitan ng Israel at Iran, dahilan para malagay sa panganib ang mahigit sa 31,000 Pinoy na nakatira sa dalawang Middle East states.

Tinatayang 30,000 karamihan ay Filipino caregivers sa Israel at mahigit 1,100 sa Iran.

Sa kabilang dako, ang Pilipinas ay isa sa top labor-exporting nations sa mundo na mayroong 10 million skilled at unskilled workers sa iba’t ibang panig ng mundo, kung saan ang mga ito ay nahaharap sa iba’t ibang civil strife at armed conflict, abuses, maging ang unfair labor practices.

May malaking bahagi rin ang remittances mula sa Filipino migrant workers bilang source ng foreign exchange ng bansa sa ipinapadalang mahigit $35 bilyon kada taon.

Sa televised address nitong weekend, sinabi ni US President Donald Trump na pinabagsak nito ang key nuclear facilities ng Iran. Ito ay ang Natanz, Isfahan at Fordow, kasabay ng pagtawag sa mga strike bilang isang “spectacular military success.”

Nangako naman ang Iran na gaganti ito.

“The Philippines continues to reiterate the need for a peaceful and diplomatic solution to this crisis,” ayon sa DFA. (Daris Jose)

Partnership Against Hunger (PAHP) and Poverty suportado ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno

Posted on: June 26th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

DINALUHAN ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno nationwide ang inilunsad na Partnership Against Hunger (PAHP) and Poverty sa pangunguna ni Department of Agrarian Reform Secretary Conrado M. Estrella III, nagkaroon din ng awards bilang pagkilala sa mga panauhin.

 “Ang DAR ang middleman,” ayon kay Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado M. Estrella III, na muling iginiit ang papel ng ahensya sa pag-uugnay ng Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa mga institusyonal na pamilihan. Sa pamamagitan ng programang Partnership Against Hunger and Poverty (PAHP), nakalikha ang DAR nang mahigit Php 4.36 bilyong kita sa agrikultural mula 2019 hanggang 2024.

(Text & Photos by Boy Morales Sr.)

Kaso ni Duterte sa second placer, naiiba

Posted on: June 26th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAIIBA ang kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa second placer .

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, hindi permanenteng nabakante ang posisyon ng dating pangulo bilang nanalong alkalde ng Davao City dahil nagkaroon lamang ng temporary vacancy.

Paliwanag ni Garcia, iba ang kaso ng Mangudadatu vs. COMELEC, na nagbabawal palitan ng second placer ang mga nadiskwalipikang kandidatong nanalo matapos makansela ang kanilang Certificate of Candidacy (COC).

Ayon kay Garcia, kabilang sa mga legal na dahilan para kanselahin ang isang certificate of candidacy (COC) ay ang isyu sa citizenship, residency, edad, hindi rehistradong botante, hindi marunong magbasa o magsulat, at paglabag sa three consecutive terms rule.

Aniya, kapag nakansela ang COC, nagkakaroon ng permanent vacancy kaya’t uupo ang nakatakdang successor.

Ibig sabihin, sa kaso ni Duterte, ang nanalong Bise Alkalde muna ang pansamantalang uupo bilang alkalde ng Davao City habang nakakulong ang dating Pangulo. (Gene Adsuara)

14-anyos na babae, ni-rescue sa Human Trafficking 

Posted on: June 26th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NA-RESCUE ng Manila Police District (MPD) ang isang 14 anyos na babae sa isang entrapment at rescue operation mula sa umano’y kaso ng human trafficking sa isang hotel sa Binondo, Maynila.

Ikinasa ang operasyon ng Women and Children Concern Section (WCCS) ng District Investigation and Detective Management Division (DIDMD) ng MPD sa koordinasyon ng Municipal Social Welfare and Developement (MSWD) Office at Meisic Police Station (PS-11).

Sa ulat, ang biktima na sinamahan ng kanyang magulang sa WCCS ay mula sa Caloocan City upang ireport ang umano’y pangbubugaw ng isang suspek na nakilalang Mary Grace Rivera santos , 18, kapalit ng halaga.

Ayon sa pulisya, ibinibugaw ni Santos ang biktima sa pamamagitan ng mga bookings sa mga kliyente kabilang sa mga Chinese national.

Kasunod ng inisyal na ulat, ang biktima ay dinala sa Philippine General Hospital (PGH) para sa medical at psychological examinations at kalaunan ay inilipat sa kustodiya ng MSWD.

Ikinasa ang entrapment operation nang tawagan ni Santos noong Hunyo 19 ang isang kliyente para sa bookings kinabukasan.

Sa kanyang mensahe, isang Wenlang Xu, 42, Chinese national at residente sa Binondo, Manila ang kliyente at humirit ng dalawang babae.

Nakipag-ugnayan ang mga operatiba sa building administrator ng le Chamber Hotel sa Binondo at pinasok ang room 6006.

Kapwa namang inaresto si Santos at ang Chinese national.

Kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Person Act ang kinakaharap ng mga suspek na ngayon ay nasa kustodiya ng pulisya. (Gene Adsuara)

Patuloy na pagpondo para sa 20,000 bagong teaching positions, siniguro

Posted on: June 26th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

SA ilalim ng liderato at direksyon ni Presidente Bongbong Marcos Jr., siniguro ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa publiko ang patuloy na paglalaan ng pondo ng kamara sa 20,000 new public school teaching positions sa 2026 national budget at mga susunod pang mga taon.

Sinabi ni Speaker Romualdez na sisiguruhin ng Kongreso na ang pondo para sa mga bagong teaching positions sa education sector sa pangunguna ni Education Sec. Sonny Angara ay mapupunan sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA).

“All 20,000 new teaching items are about changing lives, not just addressing the shortage of teachers in our classrooms. Each position filled means a teacher in front of students who need guidance, and a Filipino family with a new source of income, dignity and hope,” ani Romualdez.

Kinumpirma ng Department of Budget and Management (DBM) na ang pondo ay magmumula sa Built-in Appropriations ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng “New School Personnel Positions” program para sa FY 2025.

Sinabi ng Speaker na bukod sa poprotektahan ng Kamara ang pondo sa pagpapatupad nito ay sisiguruhin ng Kongreso ang patuloy na paglalaan ng badget para dito sa 2026 budget at sa mga susunod pang taon.

Nagpaabot naman ito ng pasasalamat kay Pangulong Marcos sa kanyang commitment para palakasin ang education system at pagkilala sa reporma sa sektor ng edukasyon.

Gayundin, pinapurihan din nito si Angara sa kanyang hands-on approach at malalim na pang-unawa sa systemic challenges sa education sector.

“Secretary Angara brought not only data but vision, backed by years of legislative work on education. Under his leadership, we know these funds will be translated into real results on the ground,” ani Romualdez. (Vina de Guzman)

Mayor Jeannie, pinarangalan ang Malabueño students na nagwagi sa academic, sports competitions

Posted on: June 26th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

KINILALA ni Mayor Jeannie Sandoval at ng Schools Division Office – Malabon ang mga mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan sa lungsod na nagdala ng karangalan, kasunod ng kanilang tagumpay sa paglahok sa iba’t ibang patimpalak sa academic, sining at sports competitions ngayong taon.

“Tunay nating ipinagmamalaki ang mga Malabueñong mag-aaral na lumahok at nag-uwi ng tagumpay mula sa iba’t ibang patimpalak sa bansa. Ito ay patunay na ang mga Malabueño ay magagaling sa iba’t ibang larangan, maging sports man yan, journalism, o iba pa. Maraming salamat sa inyong dedikasyon, pagsasakripisyo at pagbibigay ng buong makakaya para sa ating lungsod,” pahayag ni Mayor Jeannie.

Kabilang sa mga awardees na binigyan ng certificates at cash prizes, sina Sophia Rose Garra mula sa De La Salle Araneta University na humakot ng 7 Gold Medals sa iba’t ibang swimming events sa Palarong Pambansa 2025; Chris Ivan Domingo na nag-uwi ng 3 Gold Medals para Palarong Pambansa 2025 running events; ang Tanghalang Bagong Sibol nakakuha ng 3rd place sa National Festival of Talents 2025: Balye sa Kalye; at mga estudyante na nagwagi sa National Press Conference, National Festival of Talents, Nestlé Wellness Campus Program, at Palarong NCR.

Dumalo rin sa seremonya na ginanap sa Malabon Sports Complex si SDO Superintendent Dr. Cecille G. Carandang, SDO officials, coaches at mga guro ng mga atleta.

“Congratulations sa ating mga mag-aaral na nagkamit ng iba’t ibang tagumpay sa mga kompetisyon na hindi lang sa ating lungsod kundi pambuong bansa. Ipinakita ninyo ang inyong puso at tunay na galing. Kayo ang halimbawa at inspirasyon ng mga Malabueño sa patuloy na pag-angat at sa pag-abot ng mga pangarap,” ani City Administrator Dr. Alexander Rosete. (Richard Mesa)

Ads June 26, 2025

Posted on: June 26th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

26 – page 4-merged

Gobyerno, handa para sa anumang kaganapan -Malakanyang

Posted on: June 26th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PCO Usec. Claire Castro
PCO PHOTO

IWINAKSI ng Malakanyang ang lumalagong public anxiety sa posibilidad ng isang global war.

Tiniyak ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ganap na handa ang gobyerno para tumugon sa anumang kaganapan sa gitna ng tumataas na tensyon sa Gitnang Silangan.

Sa katunayan aniya ay inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lahat ng kinauukulang ahensiya na iprayoridad ang proteksyon at kapakanan ng mga overseas Filipinos, lalo na iyong nasa high-risk areas.

“Ang gustong iparating ng Pangulo, handa po tayo sa anumang mangyayari. Lahat po ng kailangan ng taumbayan ay tutugunan po ng pamahalaan,” ang sinabi ni Castro.

“‘Wag po sila mag-alala dahil ang gobyerno ngayon ay nagtatrabaho para sa ating lahat,” aniya pa rin.

Ang pahayag na ito ng Malakanyang ay kasunod ng pagdagsa ng pangamba hinggil sa potensiyal na pag-usbong ng World War III, kapag ang labanan sa pagitan ng Israel at Iran ay patuloy na umigting.

Sinasabing, mas lalo kasing tumaas ang tensyon nang atakihin ng Amerika ang tatlong nuclear sites ng Iran kabilang ang underground uranium enrichment facility sa Fordo, napaulat na sinabi ni US President Donald Trump.

Sa isang post sa social media, sinabi ni Trump na nakumpleto ng Amerika at matagumpay ang kanilang naging pag-atake.

“We have completed our very successful attack on the three Nuclear sites in Iran, including Fordow, Natanz, and Esfahan,” sabi ni Trump.

Sinabi rin ni Trump na binagsakan ng mga bomba ang Fordow na itinuturing na “primary sites”.

Gumamit ang Amerika ng B-2 Spirit stealth bombers.

Ang B-2 ay isa sa most advanced strategic weapons platforms ng US.

“A full payload of BOMBS was dropped on the primary site, Fordow,” sabi ni Trump.

Winika pa rin ni Trump na great American warriors ang mga nambomba sa mga nuclear facilities na ligtas naman aniyang nakauwi.

Sa kabilang dako, nanawagan naman Department of Foreign Affairs (DFA) na maging mahinahon at pairalin ang diplomasiya.

“The Philippines continues to reiterate the need for a peaceful and diplomatic solution to this crisis,” ang sinabi ng departamento.

Inulit naman ni Castro ang mensaheng ito ng DFA, sinabi na suportado ni Pangulong Marcos ang pagsisikap na maiwasan ang giyera at panatilihin ang kapayapaan sa buong rehiyon.

“Ang panawagan din po ng Pangulo ay magkaroon po ng mapayapang pag-uusap at diplomacy para maibsan ang lumalalang gulo,” ayon kay Castro.

“Kailangan din pong manindigan para sa pandaigdigang kapayapaan para maging matatag ang global community,” ang pahayag pa rin ni Castro. (Daris Jose)

Mga opisyales ni Yorme Isko ipinakilala na

Posted on: June 25th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

IPINAKILALA na ng publiko ang partial list ng Manila City Hall Department Heads sa ilalim ng administrasyon ni incoming Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso.

Una sa listahan si dating Presidential Communication Office Secretary Cesar Chavez sa magiging opisyal ng bagong liderato ni Domagoso kakatawan bilang Chief of Staff (COS).

Si Chavez ay dati na ring COS ni Domagoso noong siya ay nanungkulan bilang alkalde ng lungsod noong 2019.

Magiging Secretary to the Mayor naman ang dating konsehal na si Manuel ‘Letlet’ Zarcal.

Si Atty. Wardee Quintos naman ang itatalaga sa Office of the City Administrator.

Magsisilbi naman bilang bagong Manila Public Information Office (Manila PIO) si E-Jhay Talagtag.

Sa Public Employment Service Office o PESO naman ilalagay si Hiroshi Umeda at Dale Evangelista sa Manila Sports Council.

Magbabalik naman sa Manila Department of Social Welfare si Jay dela Fuente na dati na ring hinawakan ang nasabing departamento sa panahon ng yumaong dating Manila Mayor Alfredo Lim.

Papalitan naman ni Cristal Bagatsing bilang head ng Department of Tourism Culture and Arts of Manila si Charlie Dungo o kilala bilang si ‘Mama Cha’.

Inaasahan na sa susunod na mga araw ay ilalatag na ang buong listahan ng mga department heads sa administrasyong Domagoso. (Gene Adsuara)

LTO, isinailalim sa alarm status ang SUV na 307 beses illegal na dumaan sa Edsa busway

Posted on: June 25th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

ISINAILALIM ng Land Transportation Office (LTO) sa alarm status ang isang sports utility vehicle (SUV) na higit 300 ulit na ilegal na dumaan sa EDSA Busway mula pa noong 2022.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, nakapaglabas na ang ahensya ng Show Cause Order (SCO) laban sa rehistradong may-ari ng Mitsubishi Montero Sport, na residente ng Lungsod Quezon.

“Ang paglalabas ng SCO ay agarang tugon namin sa kahilingan ni MMDA Chairman Don Artes na imbestigahan ang paulit-ulit na paglabag ng naturang sasakyan sa eksklusibong bus lane sa EDSA,” ani Asec. Mendoza.

“Tukoy na namin ang rehistradong may-ari, at bahagi ng aming imbestigasyon ang pagtukoy kung sino ang aktwal na nagmamaneho ng sasakyan sa 307 pagkakataong ito’y ilegal na pumasok sa EDSA Busway,” dagdag pa niya.

Sa kanyang sulat sa LTO, binanggit ni Chairman Artes na sa 307 paglabag, 14 na pagkakataon ay nakunan ng CCTV ang naturang sasakyan mula nang muling ipatupad ang No-Contact Apprehension Policy noong nakaraang buwan.

Sa isinagawang beripikasyon, lumabas na huling nirehistro ang naturang Mitsubishi Montero noong Agosto 2022.

Batay sa Show Cause Order na pirmado ni LTO-Intelligence and Investigation Division (IID) Chief Renante Melitante, inaatasan ang rehistradong may-ari na personal na dumulog sa LTO kasama ang driver, at magsumite ng nakasulat na paliwanag kung bakit hindi sila dapat patawan ng kaukulang parusa sa iba’t ibang paglabag, kabilang ang paulit-ulit na hindi pagsunod sa traffic signs at obstruction of traffic.

Nahaharap din ang driver sa paglabag sa Section 27(a) ng R.A. 4136 bilang isang “Improper Person to Operate a Motor Vehicle.”

Sa kabilang banda, nahaharap ang rehistradong may-ari sa paglabag sa Compulsory Registration of Motor Vehicles (Section 5 ng RA 4136).

“Samantala, ipinaaalam na ang Mitsubishi Montero ay pansamantalang isinailalim sa alarm status, na nangangahulugang hindi muna maaaring isagawa ang anumang transaksyon kaugnay nito habang isinasagawa ang imbestigasyon,” ayon sa SCO.

“Ang hindi pagdalo at hindi pagsusumite ng kinakailangang paliwanag ay ituturing ng Tanggapan na pagtalikod sa karapatang marinig, at ang kaso ay dedesisyunan base sa mga ebidensyang hawak,” dagdag pa nito.

Tiniyak ni Asec. Mendoza sa MMDA ang mabilis at regular na pagbibigay ng update kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon. (PAUL JOHN REYES)