
NAGLULUKSA ngayon ang OPM icon na si Ice Seguerra
dahil sa pagpanaw ng kanyang pinakamamahal na ina na si Caridad Seguerra.
Biyernes ng umaga, June 27 nang ibinahagi ng singer-songwriter ang malungkot na balita sa kanyang Facebook page, kalakip ang larawan nila ni Mommy Caring kasama ang asawang si Liza Diño-Seguerra, at kapatid na si Juan Carlos Miguel.
“This morning, at 7:54 AM, our family said goodbye to the most amazing woman I’ve ever known: my mom, Mommy Caring,” panimula ni Ice.
“Mama lived a full and beautiful life in her own quiet way, and always, always there. Mula bata pa ako hanggang ngayon, she never left my side.
“Every show, every gig, every milestone, she was there. She was always present. Papadalhan ako ng mga paborito kong pagkain, masahe kapag masakit ang ulo ko. She made sure she was there kahit may sarili na kaming mga buhay. Walang palya.”
Pagpapatuloy pa niya, “She supported me not just as an artist, but as her child. She was my fiercest protector. She accepted me and embraced me for who I am, especially who I am not.
“She was my first teacher, my constant cheerleader. My rock. Losing her this morning feels like losing a part of myself. Pero promise ko sa iyo diba, mama, brave ako.
“Ikaw ang nagturo sa akin kung paano maging matatag sa harap ng mga sakit na binabato ng buhay. I won’t fail you. Promise ko yun.
“She is survived by me and my brother, Juan Carlos Miguel.”
Sa bandang huli ng kanyang post, “We will be sharing details of her wake later today.
“Right now, I just want to ask for your prayers and your love for our family, and most of all, for my beloved mama. Salamat po sa lahat ng nakasama namin sa buhay niya.
“Salamat sa lahat ng nagmahal at tinuturing din siyang nanay. You all made her very happy.
“We’ll miss you forever, Mama. Pero magkasama na kayo ni Daddy. And that gives me comfort.
“Mahal na mahal kita, mama ko.”
Makikita naman sa Facebook page ni Ice, na bumuhos ang mga mensahe ng pakikiramay sa pamilya niya mula sa kanyang mga fans at mga kaibigan, lalo na ang mga taga-showbiz, na kung saan nag-post din sila ng mga larawan kasama si Mommy Caring.
Mula dito sa People’s Balita, ang aming taus-pusong pakikiramay.
***
Susan at Empoy, byaheng Hong Kong para sa I Juander anniversary special
KILALA ang Hong Kong na paboritong puntahan ng maraming Pinoy.
Pero bukod sa shopping at maningning na siyudad, ano nga ba ang umaakit sa ating mga kababayan pabalik sa makulay na lungsod na ito?
Para sa espesyal na anibersaryo nito ngayong Linggo (Hunyo 29), aalamin ng I Juander ang mga dahilan kung bakit binabalik-balikan ng mga Pilipino ang paboritong bakasyunan na ito.
Mula sa mga nakamamanghang natural wonders hanggang sa mga hindi malilimutang food trip at pagbabalik-tanaw sa nakaraan, samahan ang mga host ng I Juander na sina Susan Enriquez at Empoy Marquez sa kanilang adventure sa Hong Kong.
“Back Garden of Hong Kong” kung tawagin ang Sai Kung District dahil sa malaparaiso nitong mga isla at dalampasigan.
Pero ang isa raw talaga sa dinarayo dito, ang mga nakamamanghang rock formation sa mga isla. Kaya naman sina Susan at Empoy mismo ang dumayo para mag-island tour dito.
Pagkatapos bumaybay sa naggagandahang isla, ang next stop nila ay food trip!
Ano pa nga ba ang masarap kainin pagkatapos mag-island hopping kung hindi…seafood!
Sa Chuen Kee Seafood Restaurant, mala-dampa style raw ang atake kung saan puwedeng magpaluto ng iba’t ibang klase ng isda, clams, abalone, lobster, o kaya alupihang dagat!
Kainan na may kasamang sayawan — achieved iyan sa tinaguriang “wildest restaurant” sa Wan Chai, ang Tung Po Kitchen! Bukod kasi sa masasarap na Cantonese-style food na kanilang inihahain, sinasayawan din ng may-aring si Robby ang mga customer for more good vibes.
Sa bawat biyahe, bawal umuwi nang walang selfie! Kaya ang Tsinoy photographer at architect na si Ace, inililibot ang mga turista sa iba’t ibang IG-worthy spots para sa kanilang inaasam na turista pose.
Tila naka-time travel kapag sakay ng Aqua Luna na ang disenyo, hango sa tradisyunal na Chinese red sail junk boat na gamit sa pangingisda at pangangalakal noong unang panahon. Hindi rin magpapahuli sa throwback ang mahigit 100-year old na dimsum parlor na Lin Heung Lau Restaurant.
Mismong ang pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal, namalagi rin ng isang taon sa Hong Kong. Kaya bilang pag-alala, taun-taong nag-aalay ng bulaklak sa Rednaxela Terrace ang mga Pinoy sa Hong Kong gaya ng photojournalist na si Enrique Rueda Sadiosa.
I Juander, bakit nga ba paboritong dayuhin ng mga Pinoy ang Hong Kong?
Samahan sina Susan at Empoy sa anniversary special na ito ng I Juander, ngayong Linggo, 8 PM sa GTV!
(ROHN ROMULO)