• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June, 2025

40 LTO DISTRICTS IIMBESTIGAHAN SA TECHNICAL CARNAPPING

Posted on: June 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
SINIMULAN na ng Land Transportation Office (LTO), ang imbestigasyon sa 40 LTO districts na pinaniniwalaang sangkot sa iligal na paglipat ng pagmamay-ari ng mga sasakyang nakumpiska sa mga operasyon ng pulisya.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, magpapadala siya ng notice upang magbigay-paliwanag sa lahat ng hepe ng distrito kaugnay ng kumpirmadong intelligence report tungkol sa iligal na paglipat ng pagmamay-ari ng mga sasakyang isinailalim sa operasyon ng pulisya, na tinawag ng Philippine National Police (PNP) bilang “technical carnapping.”
Batay sa natuklasan, may ilang distrito ng LTO na sangkot sa hindi awtorisadong pagproseso ng Cancellation of Transfer of Ownership at Duplication of Certificates of Registration.
Ang modus operandi ay nagpapahintulot sa mga nasabat na sasakyan na ilegal na mailipat sa bagong may-ari, gamit ang bagong Duplicate Certificate of Registration at mga dokumento upang magmukhang lehitimong transaksyon.
“Ipinabatid na namin ito kay DOTr Secretary Vince Dizon at malinaw ang kanyang utos kilalanin ang lahat ng may kinalaman at tiyaking masasampahan ng matibay na kaso, parehong kriminal at administratibo, ang mga sangkot sa iligal na gawain na ito,” ayon kay Asec. Mendoza.
Hindi ito palalampasin ng LTO. Ipinangako ni Asec. Mendoza na hindi hahayaang magamit ang ahensya sa ganitong uri ng katiwalian.
Kasama sa kasong administratibo ang misconduct ayon sa Civil Service at LTO Memorandum Circular No. MC-91-137 noong Hunyo 6, 1991, pati na rin ang paglabag sa LTO Citizen Charter.
Batay sa datos ng LTO, ang 15 kaso ng iligal na paglipat ng pagmamay-ari ng mga nakumpiskang sasakyan ay naganap sa CARAGA Region, 8 sa Region 9, 4A sa Region 2 at Region 11, 2 sa Region 1, Region 3, at Region 10, at tig-isa sa Region 4A, Region 8, at Cordillera Administrative Region.
Ani Asec. Mendoza, 40 sasakyan na ang natukoy sa paunang imbestigasyon.
“Magpapadala kami ng show cause orders sa mga bagong rehistradong may-ari ng mga sasakyang ito,” aniya.
“Tinitiyak namin sa sambayanang Pilipino na walang palalampasin sa imbestigasyon na ito. Wala kaming toleransiya sa mga iligal na gawain, at sisiguraduhin naming mapapanagot ang lahat ng sangkot,” dagdag niya. (PAUL JOHN REYES)

Call center agent, 2 pa timbog sa Caloocan drug bust

Posted on: June 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
TATLONG drug suspects, kabilang ang isang call center agent na itinutiring bilang High Value Individual (HVI) ang arestado nang kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City.
Ayon kay Northern Police District (NPD) Public Information Office chief P/Capt. Marcelina Pino, isinagawa ng Caloocan City Police Station Drug Enforcement Unit (CCPS-SDEU) ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA nang magawa nilang makipagtransaksyon kay alyas “Kevin”, 33, (HVI).
Dakong alas-5:10 ng umaga nang maaresto ng mga operatiba ng SDEU si ‘Kevin’, kasama ang 35-anyos niyang live-partner at 40-anyos na lalaki sa Tambakol Street, Barangay 28, matapos bintahan ng P6,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 23 grams ng hinihinalang shabu, na may estimated street value na P156,400.00, buy bust money, at isang Yamaha Aerox motorcycle.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 26 ng Article II ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Richard Mesa)

NAVOTAS LGU, PINASINAYAAN ANG TANZA FIRE STATION

Posted on: June 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
PINASINAYAAN ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas at Bureau of Fire Prevention-Navotas ang bagong gawang Tanza Fire Station.
Matatagpuan sa NavotaAs Homes I-Tanza 2, ang bagong fire station na itinayo upang matugunan ang modern safety standards at nilagyan ng updated facilities na idinisenyo upang mapahusay ang kahusayan at kahandaan ng mga tauhan ng bumbero sa pagtugon sa emergencies.
Ang Tanza Fire Station ay nagtatampok ng mga pinahusay na amenity, sapat na espasyo para sa mga truck ng bumbero, emergency vehicles, at equipment, pati na rin ang mga pinahusay na akomodasyon para sa mga bumbero na inaasahang magpapalakas ng mga serbisyo sa fire protection sa lugar.
Binigyang-diin ni Mayor John Rey Tiangco ang kahalagahan ng paglalapit ng emergency sa mga residente ng Tanza.
“With the opening of the Tanza Fire Station, help can now arrive faster during fires and other emergencies. Residents no longer have to wait for fire trucks to come from other parts of Navotas or neighboring cities. This is a big step toward ensuring immediate response and saving more lives and properties,” pahayag niya.
Ipinahayag din ni Congressman Toby Tiangco ng kanyang buong suporta para sa proyekto na bininigyang-diin ang kahalagahan ng pamumuhunan sa imprastraktura na nagliligtas ng buhay.
“As Tanza continues to grow in both population and economic activity, the need for reliable public safety facilities becomes even more urgent. This new fire station is a crucial investment in the safety and well-being of our people,” sabi niya.
Dumalo din sa ginanap na inagurasyon si Navotas City Fire Marshal FSupt. Leo A. Andiso, Bureau of Fire Protection NCR Officer-in-Charge FSSupt. Jerome Reaño, District Fire Marshal FSSupt. Flor-ian Guerrero, City Fire Marshals from other CAMANAVA cities, at mga barangay opisyal. (Richard Mesa)

Para sa Pride month, CHR, hinikayat ang bagong Kongreso na ipasa ang SOGIE, anti-discrimination bills

Posted on: June 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
HINIKAYAT ng Commission on Human Rights (CHR) ang mga bagong mambabatas ng susunod na Kongreso na pagtuunan ng pansin na maipasa ang dalawang panukalang batas na naglalayong protektahan ang karapatan ng LGBTQIA+ community, kasabay ng pagdiriwang “Pride Month’ ngayong buwan ng Hunyo.
“Pride is a resounding call for the urgent passage of key policies, including the Sexual Orientation, Gender Identity, Gender Expression, or Sex Characteristics (SOGIESC) Equality Bill and the Comprehensive Anti-Discrimination Bill (CADB),” ayon sa CHR.
Inulit lamang ng CHR ang panawagan na ipasa ang SOGIE at anti-discrimination bills dahil sa pagiging matamlay nito sa Kongreso ilang dekada na ang nakalipas, posibleng dahil sa pagtutol ng mga konserbatibong mambabatas at ‘religious groups.’
Magugunitang, taong 2022, inaprubahan ng Senate Committee on Women sa pangunguna ni Senador Risa Hontiveros ang isang bersyon ng SOGIE bill, ngunit hindi na ito umusad. Sa panahong iyon, inakusahan pa ni Hontiveros ang isang kapwa senador ng paghaharang sa panukala.
“As the 20th Congress is set to begin, the Commission expresses its hope that these legislative measures will finally be prioritized—grounded in the principles of equality, justice, and human rights,” ayon sa Komisyon.
Kaya, umaasa ang CHR na ang bagong mga mambabatas ay magsisimula sa mas inklusibong pananaw at magbibigay-diin sa pagpasa ng mga batas na nakaugat sa prinsipyo ng karapatang pantao, pagkakapantay-pantay, at hustisya.
“CHR believes that a genuinely inclusive society is one where safe spaces are not a privilege, but a right,” anito pa rin.

4Ps, naglalayon na ‘sirain’ ang poverty cycle at hindi ang i-promote ang pagsandal at umasa na lamang dito -DSWD

Posted on: June 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
SINABI ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na ang flagship poverty alleviation initiative ng gobyerno na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay hindi basta handout o isang bagay na ibinigay nang malaya o ibinahagi nang libre sa mga nangangailangan kundi isang long-term development strategy na dinisenyo para ‘sirain’ ang cycle ng intergenerational poverty.
“Isa sa pinakamalaking development program namin ay yung 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program). Hindi iyan ayuda. ‘Yung 4Ps na ‘yan ay dinesign para una, i-ahon ang ating mga kababayan at hindi masalin ang kahirapan [mula] sa isang henerasyon patungo sa susunod na henerasyon,” ayon sa Kalihim.
Nilinaw ni Gatchalian na ang social welfare ay hindi tungkol sa pangalagaan ang pagsandal o panatilihing umasa sa gobyerno kundi isang plataporma para sa napapanatiling pag-unlad lalo na para sa mga mahihirap na pamilya na mga pangunahing benepisaryo ng programa.
“Hindi dapat natin tingnan na masama ang social welfare pero paulit-ulit kong sinasabi na may development function kami. Iyon yung pangmatagalan na solusyon…oo binibigyan sila ng financial assistance, pero may conditions. Uma-attend sila ng family development sessions, yung mga anak mo dapat ay nasa school, yung mga basic na health care intervention ay dapat nandiyan,” aniya pa rin.
At para i-promote ang self-reliance at maiwasan ang pagsandal sa programa, sinabi ng Kalihim na ang 4Ps beneficiaries ay kinakailangan na matugunan ang ilang partikular na kondisyon gaya ng dalhin ang kanilang mga anak sa eskuwelahan o pag-aralin ang mga ito, dumalo sa family development sessions, at pag-access sa basic health services.
Tinitiyak naman aniya ng kasalukuyang administrasyon na ang mga benepisaryo na umabot na sa self-sufficiency threshold ay hindi na mauulit sa kahirapan.
“In this Administration, meron tayong ine-employ na tool na matagal nang nandiyan. Iyong mga social workers natin na case managers, kapag umabot na sa self-sufficiency or level 3, ine-exit na natin,” anito pa rin. ( Daris Jose)

DepEd, nagbabala sa publiko laban sa fake news ukol sa class suspension dahil sa Mpox

Posted on: June 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NAGBABALA ang Department of Education (DepEd) sa publiko laban sa pekeng social media post na nagsasabi na suspendido ang klase dahil sa monkeypox (Mpox) virus.
Itinanggi ng DepEd ang tsismis na ito at hinikayat ang publiko na maging bigilante.
“Fake news ang kumakalat na social media post tungkol sa umano’y suspension of classes dahil sa MPOX virus,” ang sinabi ng departamento.
Pinaalalahanan din ng DepEd ang publiko na maging mapanuri pagdating sa mga hindi beripikadong impormasyon.
“Muling pinaaalalahanan ng DepEd ang publiko na mag-ingat at maging mapanuri laban sa misinformation,” ayon pa rin sa DepEd.
At upang maiwasan ang pagkalito at paglaganap ng false news, hinikayat ng DepEd ang publiko na umasa lamang sa mga beripikadong sources.
“Para sa opisyal na mga anunsiyo at impormasyon tungkol sa basic education, bisitahin lamang ang official DepEd Philippines social media accounts,” ayon sa DepEd.
Nauna rito, nagpalabas din ng babala ang Department of Health (DOH) laban sa kumakalat na pekeng Facebook posts na nagsasabing magkakaroon ng lockdown bunsod ng Mpox.
Ayon sa DOH, walang katotohanan ang mga ito at bahagi lamang ng disinformation.
Ipinahayag ng ahensya, na walang kailangang lockdown dahil hindi airborne ang Mpox. Nilinaw rin ng DOH, na wala pang naitalang Clade I-b na kaso ng Mpox sa bansa; ang mayroon lamang ay Clade II, na may mas mababang mortality rate.
Pinayuhan ng DOH ang publiko na huwag maniwala sa mga pekeng Facebook posts na maaaring bahagi ng maling marketing strategy o pekeng endorsement.
Hinikayat din ang lahat na kumuha lamang ng impormasyon mula sa kanilang opisyal na Facebook page at website.
Naiparating na rin ng DOH sa Department of Information and Communications Technology (DICT) ang nasabing usapin upang agad na maalis ang mapanlinlang na posts.
( Daris Jose)

DICT, pinalakas ang 1326 hotline para labanan ang scams, fake news

Posted on: June 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
PINAIGTING ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pagsisikap nito na protektahan ang mga Filipino mula sa online scams, fake news at cybercrime sa pamamagitan ng pinalakas na hotline 1326, isang dedikadong digital complaints channel ng gobyerno.
Sa isang panayam, sinabi ni DICT Assistant Secretary Renato Paraiso na pinalawak ng departamento ang kapasidad ng hotline para humawak ng mas marami pang reports, at makapagbigay ng mas mabilis na feedback mechanism at mas malinaw na tulong sa mga Filipino sa buong bansa.
“Palalakasin natin itong hotline 1326, magkakaroon ho tayo ng mas malakawang response mechanism at feedback mechanism. Iyon ang importante eh,” ayon kay Paraiso.
Aniya, karaniwang nag-aatubili ang mga tao na mag-report na sila ay na-scam, dahil sila ay nahihiya o dahil sa wala silang tiwala sa gobyerno.
“May magagawa tayo. Ngayon papatunayan natin iyan, kapag nag-report kayo, kami mismo ang tatawag ulit sa inyo para sabihin ano na ang status ng kaso ninyo, ano na iyong progress ng kaso ninyo, may kailangan pa ba kami sa inyo. So hanggang — iyon talagang balak natin attribution, apprehension, prosecution, conviction. Hanggang doon ho ang gusto natin gawin,” ang sinabi ni Paraiso.
Ang paliwanag pa nito, ang hotline 1326 ay ang ‘first line’ ng depensa para sa mga mamamayan na naka- encounter ng scams, phishing attempts o fake social media posts.
Samantala, maliban sa pagtanggap ng tawag, isasama rin ng DICT ang hotline 1326 sa digital eGov application at eReport system, pahihintulutan ang mga filipino na magreport via phone, online forms o messaging apps — ang lahat ng link sa isang centralized database para sa mas mabilis na aksyon ng gobyerno.
Binigyang diin ni Paraiso na ang layunin nito ay makapagbigay ng ‘seamless, multi-channel reporting system’ para mapahinto ang scam misinformation sa bawat filipino.
Sa kabilang dako, makakatuwang ng DICT ang Presidential Communications Office (PCO) pagdating sa fact-checking para mapigilan ang paglaganap ng fake news.
“Ito naman ang maganda, iyong partnership ho ng DICT, ni Secretary Henry Aguda at ni [PCO] Secretary Jay Ruiz. Napag-usapan ho namin na ang PCO ho ang mangangasiwa pagdating sa fact-checking,” aniya pa rin.
“The discussion was baka hindi akma or hindi tama na ang gobyerno mismo ang mag-fact-check pero dapat mayroong sistema ng oversight. Kumbaga government will be the fact-checkers of the fact-checker. So, iyon ang pinag-aaralan nating sistema,” dagdag na pahayag ni Paraiso.
Samantala, sa pamamagitan ng kolaborasyon, tutukuyin ng PCO kung ano ang fake news at doon pa lamang gagawa ng aksyon ang DICT sa pamamagitan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center, para mapanagot ang mga salarin.
(Daris Jose)

Pag-abolish sa SHS, bahala na ang Kongreso na magdesisyon- Angara

Posted on: June 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
TANGGAP ni Education Secretary Sonny Angara ang pagkapaso ng implementasyon ng senior high school (SHS) curriculum sa ilalim ng K to 12 program, subalit bahala na aniya ang Kongreso na magdesisyon kung ipagpapatuloy pa ito o hindi.
Ito’y matapos na maghain si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ng panukalang batas (Senate Bill No. 3001) upang tanggalin ang Senior High School (SHS) mula sa programang K to 12 dahil hindi pa rin natutupad ng SHS ang layunin nitong makapagtapos ng mga job-ready na mag-aaral kahit 12 taon na ang nakalipas mula nang maipatupad ang Republic Act No. 10533.
Sinabi naman ni Angara na nakatakdang magpatupad ng pagbabago ang DepEd sa SHS ngayong nalalapit na ang School Year 2025-2026, sa pamamagitan ng pilot run ng binagong SHS curriculum.
“Hindi maganda ang naging implementation nitong nakaraang dekada. Masyadong marami ang subjects at nakahon masyado ang mga bata. Hindi sila nakakapili ng subject/s,” ang sinabi ni angara sa isang kalatas.
“Having said that, ang desisyon kung ipagpapatuloy ang SHS o hindi ay Kongreso lamang po ang makakapagsabi at makakapag-pasya,” ayon pa rin sa Kalihim.
Ang School Year 2025-2026 ay nakatakdang magbukas sa June 16, 2025 at magtatapos sa March 31, 2026.
Sa ulat, mahigit 800 eskwelahan sa buong bansa ang nakatakdang magpartisipa sa pilot run ng binagong Senior High School (SHS) curriculum ng basic education program ngayong incoming School Year 2025-2026.
Ang paliwanag ni Department of Education (DepEd) Undersecretary Wilfredo Cabral sa isinagawang briefing ng Committee on Basic Education and Culture na ang central office ng DepEd ay paunang naglista ng 727 eskwelahan na klasipikado bilang “highly ready” na makasama para sa gagawing pagsubok ng pinalakas at pinatibay na programa para sa Grades 11 at 12.
Gayunman, sa nakuhang feedback mula sa Senate Committee on Basic Education, nagdesisyon ang central office na magdagdag ng “moderately ready” private schools at rural schools, na nagresulta sa partial list na 841 paaralan.
Tinuran pa rin nito na ang 841 pilot schools ay kumakatawan sa 6.60% ng 12,739 kabuuang SHS schools sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa 841 eskwelahan, 580 ang public at 261 naman ang private. Tinatayang 806 ang learning institutions na nanggaling sa urban areas, habang 35 naman ang mula sa rural areas.
Sa oras na magsimula na ang pilot test, mahigpit na imo-monitor ng DepEd ang implementasyon sa iba’t ibang mga antas ng pamamahala. Nakipagtulungan na rin ang ahensya sa Philippine Institute for Development Studies para planuhin at ipatupad ang isang ‘reliable evaluation study’ ukol sa nasabing usapin.
Ang pagsasanay ng mga guro na magpapartisipang paaralan ay isasagawa mula May 25 hanggang June 7. ( Daris Jose)

Ads June 7, 2025

Posted on: June 7th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

7 – 4-merged

Naging emosyonal sina Vice Ganda at Eugene: CHARO at DINGDONG, pinupuri sa mahusay na pagganap sa ‘Only We Know’

Posted on: June 6th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

UMANI ng papuri mula sa Kapamilya stars, kilalang mga direktor, entertainment media at bloggers sa advanced screening ng movie nina Charo Santos at Dingdong Dantes na “Only We Know”.

Bumuhos ang magagandang salita para sa nakakakilig na pelikula, partikular na rito ang nakakaantig na mensahe tungkol sa dalawang taong nagmamahalan, ang magandang pagkalapat ng musika sa bawat eksena, pati na rin ang husay sa pagganap nina Charo at Dingdong para sa una nilang tambalan.
Naging emosyonal nga sina Vice Ganda at Eugene Domingo pagkatapos itong mapanood at itinawag itong “beautiful story.”
“Nakakatuwa, masaya, then eventually malungkot na ako. Ang dami kong na-realize and it made me cry,” sabi ni Vice.
Dagdag ni Eugene, “Napakaganda niyang pelikula. This film will really stay long in our minds and in our memories because you know the people in this film.”
Pinangunahan naman ni Mae Cruz-Alviar ang papuri ng mga direktor para sa galing ng pagkalatag ng kwentong pampag-ibig at sinabing, “The beauty is in its simplicity.”
Para naman sa entertainment editor ng The Philippine Star na si Nathalie Tomada, pinuri niya ang ‘di pangkaraniwan ngunit matapang na tema ng pelikula at inaasahan niyang tatatak ito sa puso ng mga manonood. Ibinahagi rin ng entertainment at lifestyle journalist ng Philippine Daily Inquirer na si Marinel Cruz sa isang social media post na natuwa siya sa nakakaintrigang relasyon nina Charo at Dingdong sa pelikula, lalo na at umuusbong daw ang kilig sa pagitan ng dalawa.
Ayon naman sa sikat na entertainment blog na LionHeartTV.net, isa itong “love letter to healing and second chances” at tumagos daw sa mga eksena ang bawat iyak, tawa, at nakakakilig na sulyap ng mga karakter.
Ang “Only We Know” ay iikot sa espesyal na relasyon sa pagitan nina Betty (Charo) at Ryan (Dingdong), na sa kabila ng kani-kanilang mga poot sa buhay, muling titibok ang kanilang mga puso dahil sa isa’t isa.
Mula ito sa panunulat at direksyon ni Irene Emma Villamor, mapapanood na sa mga sinehan sa iba’t ibang parte ng mundo simula sa Pilipinas ngayong Hunyo 11.
Magiging available rin ito sa Australia, New Zealand, USA, Canada, Guam, UAE, Singapore, Malaysia, Brunei, Oman, Qatar, Kuwait, Bahrain, Hong Kong, at Macau.
Makakasama rin sina Charo at Dingdong sa special screenings at meet and greet sa Canada (Hunyo 20 at 21) sa Cineplex Scarborough Town Centre at sa United States (Hunyo 22) sa Cinemark Carson. Magiging available ang tickets sa mytfc.com.
(REGGEE BONOAN)