• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June, 2025

Alcaraz nagkampeon sa French Open

Posted on: June 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGKAMPEON sa French Open si Spanish tennis star Carlos Alcaraz.

Nalusutan nito ang world No. 1 na si Jannik Sinner sa score na4-6, 6-7 (4), 6-4, 7-6 (3), 7-6 (2).

Umabot ng limang oras at 30 minuto at five set tie breaker ang laro para makamit ng 22-anyos na si Alcaraza ang kaniyang ika-limang major title.

Ito na aniya ang itinuturing na pangalawang pinakamatagal na grand slam final sa Open Ear at si Alcaraz din ang pang-anim na manlalaro na nakabangon sa dalawang set sa French Open.

Ang Spanish tennis star ay siyang pinakabatang manlalaro na nagwagi ng dalawang sunod na men’s singles titles sa Paris.

Carlos Yulo, nagwagi ng ika-4 na ginto sa floor exercise sa Asian Gymnastics Championships

Posted on: June 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MULING pinatunayan ni Carlos Yulo ang kanyang kagalingan sa floor exercise matapos masungkit ang kanyang ika-apat na sunod na gold medal sa Artistic Gymnastics Asian Championships noong Sabado, Hunyo 7.

Nakakuha si Yulo ng 14.600 points sa final upang talunin si Milad Karimi ng Kazakhstan na may 14.400 points habang si Moon Geonyoung ng South Korea ay nagtala ng 14.033 points para sa bronze.

Sa kabuuan, may tatlong medalya na si Yulo sa kumpetisyong, gintong medalya para sa floor exercise (Hunyo 7), bronze sa individual all-around (Hunyo 6), at bronze sa vault. Maalalang nagtapos din si Yulo ng ika-pitong pwesto sa rings.

Samantala, may dalawa pang apparatus finals na sasalihan si Yulo ito ang horizontal bar, kung saan siya ang huling nakapasok sa finals, at parallel bars, kung saan siya ay ikaapat sa qualifiers.

White paper, pinapakalat sa BI

Posted on: June 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

INAMIN ni  Bureau of Immigration Commissioner (BI) Joel Anthony Viado hinggil sa umano’y ipinapakalat na white paper sa ahensiya.

Sinabi pa ng BI Chief na kilala na nila ang nasa likod ng pagpapakalat ng white paper at pinondahang kampanya laban sa ahensiya at ibubulgar nila ito sa tamang lugar at panahon.

Naipaalam na rin nila ito sa tanggapan ng Honorable Secretary  of Justice hinggil sa kaganapan   gayundin ang pagkakakilanlan at motibo na nasa likod ng nasabing paninira.

Nabigyan na rin umano sila ng babala hinggil sa posibleng ganti ito mula sa mga nadamay sa ginagawang reporma ng ahensiya kabilang dito ang mga empleyadong naapektuhan  sa ipinapairal nilang “one-strike policy”.

Binalaan na rin sila ng isang Senior opisyal ng BI na nagpapanggap na whistle blower at pini-pressure ang tanggapan ng Commissioner na palayain ang isang Chinese national na nauugnay sa makapangyarihan na pulitiko noong dating administrasyon ang nasa likod ng paninira.

Tinukoy din dito ang kanyang pagtanggi sa kahilingan na palabasin ang isang Chinese national ay kabilang sa kanilang smear campaign.

Ayon pa Viado na binalewala nito ang mga banta dahil ang pakay nito ay linisin ang ahensiya mula sa pang-aabuso at kung ito ang kabayaran sa kayang ginagawa ay tatanggapin niya.

Siniguro rin nito sa mga nagbabanta sa kanya na hindi siya mapipigil upang ipapatuloy ang Kanyang planong reporma sa ahensiya.

Naniniwala rin siya na  dapat malaman ng publiko ang katotohanan. (Gene Adsuara)

Dating PSCO Cesar Chavez, magiging Chief of Staff ni Yorme Isko Moreno 

Posted on: June 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MAGBABALIK ang dating Presidential  Presidential Communications Secretary Cesar Chavez sa Maynila bilang Chief of Staff ni incoming Manila Mayor Francisco ‘ Isko Moreno’ Domagoso.

Una nang nagsabi si Chavez na kinausap siya ni Domagoso bago magsimula ang local campaign para sa May 12 elections.

“Sabi niya dito na tayo, dito na tayo tatanda”, kwento ni Chavez nang muli siyang makadaupang palad.

Nang matapos ang halalan, sinabihan aniya siya ni Yorme bilang kanyang chief of staff sabay labas ng listahan ng mga gusto agad niyang gawin sa Maynila.

 “Foresight and executive ability at decisiveness ni Yorme. Diyan ako inspired” — sagot ni Chavez nang tanungin sa isang panayam sa ABS-CBN kung bakit tinanggap niya ang alok na bumalik sa local government service .

Ayon kay Chavez, gusto ni Domagoso ng minimum na 10-year development plan para sa Maynila.

“‘Yan ang malaking pagkakaiba ngayon: Mas naka-focus si Yorme sa 10-year development plan for Manila,” sabi ng dating communications secretary.

Ang 10-year development plan na ito ay tatalakayin umano sa inaugural address ng incoming Mayor.

Matatandaan na unang naging chief of staff ni Domagoso si Chavez noong 2019.

Ngunit nag-resign nang tumakbo sa pagka-presidente si Domagoso noong 2022. (Gene Adsuara)

Problemang kinakaharap ng NCAP, ayusin muna bago magpataw ng multa

Posted on: June 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

HINIKAYAT ni Cavite Rep. Jolo Revilla ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na tugunan muna ang mga nagloloko o sirang traffic lights, non-visible traffic signages, at kupas na mga markings bago ang mahigpit na pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa buong Metro Manila.

Ang pahayag ng mambabatas ay kasunod na rin sa nag-viral na video na nagpapakita sa isang traffic light sa may Abad Santos Avenue, Manila na bigla umanong nagpalit ng senyas mula berde sa pula bago pa man matapos ang countdown timer na nakakuha ng kritisiSmo at reklamo.

Sinabi ng mambabatas na hindi dapat parusahan ang mga drivers dahil sa kakulangan ng pamahalaan.

Bago aniya nagpataw ng multa sa ilalim ng NCAP ay dapat siguruhin at ayusin muna ng MMDA ang lahat ng traffic lights, gumagana, malinaw at kita ang mga signages, lalo na yaong mga road markings.

Nanawagan pa ito sa MMDA na agad ipa-audit ang lahat ng NCAP-monitored areas, bigyang prayoridad ang pagpapagawa sa mga may problemang traffic lights, palitan ang mga outdated o nawawalang signages, at pinturahan ang mga road markings, kabilang na ang mga stop lines, pedestrian lanes, at lane dividers. (Vina de Guzman)

Impeachment case vs. VP Sara maaaring isalang sa 20th Congress

Posted on: June 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

INIHAYAG ni Akbayan Partylist Representative-elect Chel Diokno na maaaring i-carry over o ipagpatuloy sa ika-20th   Congress ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil sa pagiging isang continuing body ng Senado sa usapin ng impeachment trials.

“When the Senate acts as an Impeachment Court, it casts off its robes as a lawmaking body and takes on a completely different role mandated by the Constitution: to hear and decide whether the highest ranking officials of Government should be removed from office for culpable violation of the Constitution, treason, bribery, graft and corruption, other high crimes, or betrayal of the public trust,” paliwanag ni Diokno.

Ayon sa mambabatas, habang nagsisilbing impeachment judges ang mga senador ay manunumpa sila ng hiwalay.

Ito rin ang dahilan kung bakit nire-require sa konstitusyon na ang impeachment trials ay dapat gawin agad o ‘forthwith’ dahil ang senado ay magsisilbi ng isang kakaiba o unique judicial function na isinasaad sa saligang batas upang mapanagot ang sinumang mataas na opisyal ng gobyerno.

“While it is true that when the 19th Congress ends, all pending legislative matters and investigations also end, this refers to the Senate’s role as a lawmaking body. It does not refer to the Senate’s role as an Impeachment Court, which is entirely separate, distinct, and special,” paliwanag pa ng Kongresista.

Suportado ito ng kaso ng Pimentel, Jr. v. Joint Committee of Congress (G.R. No. 163783, June 22, 2004), kung saan lumabas sa kautusan ng Supreme Court na ang non-lawmaking functions na nakatalaga sa senado sa ilalim ng 1987 Constitution ay hindi apektado ng pagbabago sa Kongreso at miyembro nito.

Nakasaad pa sa constitutional provisions on impeachment, kabilang na ang requirement para sa mga senador na manumpa ng hiwalay sa tungkulin bilang senador at hukom sa impeachment trial, na ginaya sa konstitusyon ng United States.

“While their precedents are not binding, it is also well settled that in the United States, an impeachment trial is not affected by a change from one Congress to another,” dagdag nito.

Ayon kay Diokno, naiwasan sana ang mga isyung kinakaharap ngayon kung agad pinasimulan ng senado ang trial matapos na i-transmit ang articles of impeachment, batay na rin sa mandatong isinasaad sa 1987 Constitution.

“The Constitution mandates that the Senate must try the articles of impeachment upon transmittal. That’s why, from the very beginning, we questioned why there was no immediate action taken,” aniya.

Aniya pa, may constitutional duty ang senado na magsagawa ng trial at hindi basta-basta ito ibasura sa pamamagitan ng isang resolution.

“The continued delay in the proceedings and the attempt to dismiss the case through a mere resolution are deeply concerning, as they risk underm6ining the rule of law and the democratic principle of checks and balances. The Senate cannot be allowed to escape its duties based on limitations which they themselves seem to have designed,” he stressed, adding that upholding accountability and justice is a constitutional mandate of the Senate and a fundamental part of good governance,” ani Diokno.

Inendorso ng Akbayan Partylist, sa pamamagitan ni Rep. Perci Cendana, ang unang impeachment complaint na inihain laban sa VP noong December 2024.

Nakasaad sa reklamo ang akusasyon ng culpable violations of the Constitution, graft and corruption, bribery, betrayal of public trust, at iba pang high crimes laban sa VP. Na-impeach ito sa kamara noogn Pebrero 5, sa pamamagitan ng 215 mambabatas na nag-endorso sa reklamo laban sa kanya.

(Vina de Guzman)

Health emergency sa pagkalat ng HIV-AIDS sa anim na rehiyon sa bansa, ideklara

Posted on: June 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

KAILANGANG magdeklara ng health emergency sa pagkalat ng HIV-AIDS sa anim na rehiyon sa bansa.

Pero, kung magdedesisyon ang Department of Health na magdeklara ng health emergency sa buong bansa ay suportado ito ng BHW Party-list.

Lumitaw sa pinakahuling HIV-AIDS Registry data na malala ang pagkalat ng sakit sa National Capital Region, Calabarzon, Central Luzon, Davao Region, Central Visayas, at Western Visayas.

Naniniwala si Rep. Angelica Natasha Co na ang pagpapatupad ng maagang testing, prevention measures at treatment access sa naturang anim na rehiyon ay makakatulong para masupil ang pagkalat ng HIV-AIDS.

Ang Region 10 at Region 1 ay nakapagtala ng halos 2,500 ng HIV-AIDS cases mula Enero 2020 hanggang Marso 2025.

Importante rin ang komunikasyon sa pamamagitan ng regional languages at local dialects para mapababa ang pagkalat ng HIV-AIDS sa anim na rehiyon. Para naman sa natitirang bahagi ng bansa, dapat palakasin ang local containment measures.

Isinuwestiyon naman ng mambabatas na ang pagsama sa kampanya laban sa sakit ng Komisyon sa Wikang Filipino, University of the Philippines, at iba pang major state universities and colleges sa rehiyon.

Kamakailan, nagsagawa ang BHW Party-list ng mga HIV awareness seminars sa pakikipagtulungan ng Philippine National AIDS Council (PNAC) at ilang LGUs mula sa NCR, Region III, Region IV-A, at Region IV-B.

Doon nakatuon ang seminars dahil iyon ang mga rehiyong may pinakamataas na bilang ng HIV cases.

Target audience ng mga seminars ay mga kabataan, lalo na sa mga unibersidad, kaya karamihan sa participants ay college students.

May mga HIV hubs din na nagbibigay ng libreng HIV testing, free PrEP (Pre-Exposure Prophylaxis), at iba pang HIV-related services.

Itinutulak ng BHW Party-list ang awareness and information drive. Tumutulong din sila na tanggalin ang stigma na nakakabit sa HIV testing at prevention.

“Kailangang maprotektahan ang kabataan at mas palawakin pa ang edukasyon tungkol sa HIV,” anang mambabatas. (Vina de Guzman)

NAVOTAS LGU, PINASINAYAAN ANG TANZA FIRE STATION

Posted on: June 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PINASINAYAAN ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas at Bureau of Fire Prevention-Navotas ang bagong gawang Tanza Fire Station.

Matatagpuan sa NavotaAs Homes I-Tanza 2, ang bagong fire station na itinayo upang matugunan ang modern safety standards at nilagyan ng updated facilities na idinisenyo upang mapahusay ang kahusayan at kahandaan ng mga tauhan ng bumbero sa pagtugon sa emergencies.

Ang Tanza Fire Station ay nagtatampok ng mga pinahusay na amenity, sapat na espasyo para sa mga truck ng bumbero, emergency vehicles, at equipment, pati na rin ang mga pinahusay na akomodasyon para sa mga bumbero na inaasahang magpapalakas ng mga serbisyo sa fire protection sa lugar.

Binigyang-diin ni Mayor John Rey Tiangco ang kahalagahan ng paglalapit ng emergency sa mga residente ng Tanza.

“With the opening of the Tanza Fire Station, help can now arrive faster during fires and other emergencies. Residents no longer have to wait for fire trucks to come from other parts of Navotas or neighboring cities. This is a big step toward ensuring immediate response and saving more lives and properties,” pahayag niya.

Ipinahayag din ni Congressman Toby Tiangco ng kanyang buong suporta para sa proyekto na bininigyang-diin ang kahalagahan ng pamumuhunan sa imprastraktura na nagliligtas ng buhay.

“As Tanza continues to grow in both population and economic activity, the need for reliable public safety facilities becomes even more urgent. This new fire station is a crucial investment in the safety and well-being of our people,” sabi niya.

Dumalo din sa ginanap na inagurasyon si Navotas City Fire Marshal FSupt. Leo A. Andiso, Bureau of Fire Protection NCR Officer-in-Charge FSSupt. Jerome Reaño, District Fire Marshal FSSupt. Flor-ian Guerrero, City Fire Marshals from other CAMANAVA cities, at mga barangay opisyal. (Richard Mesa)

40 LTO Districts iimbestigahan sa Technical Carnapping

Posted on: June 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

SINIMULAN na ng Land Transportation Office (LTO), ang imbestigasyon sa 40 LTO districts na pinaniniwalaang sangkot sa iligal na paglipat ng pagmamay-ari ng mga sasakyang nakumpiska sa mga operasyon ng pulisya.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, magpapadala siya ng notice upang magbigay-paliwanag sa lahat ng hepe ng distrito kaugnay ng kumpirmadong intelligence report tungkol sa iligal na paglipat ng pagmamay-ari ng mga sasakyang isinailalim sa operasyon ng pulisya, na tinawag ng Philippine National Police (PNP) bilang “technical carnapping.”

Batay sa natuklasan, may ilang distrito ng LTO na sangkot sa hindi awtorisadong pagproseso ng Cancellation of Transfer of Ownership at Duplication of Certificates of Registration.

Ang modus operandi ay nagpapahintulot sa mga nasabat na sasakyan na ilegal na mailipat sa bagong may-ari, gamit ang bagong Duplicate Certificate of Registration at mga dokumento upang magmukhang lehitimong transaksyon.

“Ipinabatid na namin ito kay DOTr Secretary Vince Dizon at malinaw ang kanyang utos kilalanin ang lahat ng may kinalaman at tiyaking masasampahan ng matibay na kaso, parehong kriminal at administratibo, ang mga sangkot sa iligal na gawain na ito,” ayon kay Asec. Mendoza.

Hindi ito palalampasin ng LTO. Ipinangako ni Asec. Mendoza na hindi hahayaang magamit ang ahensya sa ganitong uri ng katiwalian.

Kasama sa kasong administratibo ang misconduct ayon sa Civil Service at LTO Memorandum Circular No. MC-91-137 noong Hunyo 6, 1991, pati na rin ang paglabag sa LTO Citizen Charter.

Batay sa datos ng LTO, ang 15 kaso ng iligal na paglipat ng pagmamay-ari ng mga nakumpiskang sasakyan ay naganap sa CARAGA Region, 8 sa Region 9, 4A sa Region 2 at Region 11, 2 sa Region 1, Region 3, at Region 10, at tig-isa sa Region 4A, Region 8, at Cordillera Administrative Region.

Ani Asec. Mendoza, 40 sasakyan na ang natukoy sa paunang imbestigasyon.

“Magpapadala kami ng show cause orders sa mga bagong rehistradong may-ari ng mga sasakyang ito,” aniya.

“Tinitiyak namin sa sambayanang Pilipino na walang palalampasin sa imbestigasyon na ito. Wala kaming toleransiya sa mga iligal na gawain, at sisiguraduhin naming mapapanagot ang lahat ng sangkot,” dagdag niya.

(PAUL JOHN REYES)

SWS: 42% Pinoy ‘not poor’ tingin sa sarili

Posted on: June 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NASA 42% ng pamil­yang Pinoy ang nagsabi na sila ay hindi mahirap, na itinuturing na new record high.

Base sa resulta ng survey ng Social Weat­her Station na ginawa mula Abril 23-28, 2025, tumaas ng 10 puntos ang nagsabing sila ay “not poor” mula sa 32% noong April 11-15, 2025 survey.

Nalampasan din nito ang 36% noong Marso 2025.

Samantala nasa kalahati o 50% ng mga pamil­yang Pinoy ang naniniwalang sila ay mahirap.

Mas mababa ito ng limang puntos kumpara sa Abril 11-15, 2025 survey.

Naitala ang pagbaba sa Metro Manila at Min­danao, habang walang pagbabago sa Minda­nao at Balance Luzon. Pinakamataas ang self-rated poverty sa Visayas, 67% at pinakamababa sa Metro Manila, 33%.

Sa tinatayang 14.1 mil­yong self-rated poor families sa latest survey, 2.2 milyon ang ‘newly poor’, 2.3 milyon ‘usually poor’, at 9.5 milyon ‘always poor’.

Nasa 8% naman ang nagsabi na sila ay nasa borderline, sa pagitan ng mahirap at hindi mahirap, na itinuturing na record low, na nalampasan ang 11% noong Disyembre 2024.

Ang survey ay ginawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews at nilahukan ng 1,500 Pinoy adults sa buong bansa.