• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 2:57 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June, 2025

Naglatag ng mga pangunahing programa para sa lalawigan Fernando, nanumpa para sa kanyang ikatlong termino bilang Gobernador ng Bulacan  

Posted on: June 30th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

LUNGSOD NG MALOLOS – Opisyal nang nagsimula ang ikatlong termino ni Gobernador Daniel Ramirez Fernando, ang nanatiling punong lalawigan ng Lalawigan ng Bulacan, na nanumpa kay Executive Judge Hermenegildo C. Dumlao II sa ginanap na “Pasinaya at Pagtatalaga sa Tungkulin ng Lahat ng Bagong Halal na Opisyal sa Lalawigan ng Bulacan” sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito ngayong araw.

Inilatag ng People’s Governor sa mga nagsidalo kasama ang 86 bagong halal na opisyal, 139 re-electionists, at 41 na nagbabalik serbisyo-publiko, ang pangunahing inisyatibo ng kanyang administrasyon. Kasama sa mga pangunahing programa na ito ang pabahay sa mga Bulakenyo sa pamamagitan ng DHSUD Pabahay Program at Global Homes Consortium, ang mapangaraping Bulacan Mega City Project, at ang pagtatayo ng waste-to-energy facility. Binanggit rin ang Bulacan Technohub and Innovation Center na kasalukuyang ginagawa, ang modernisasyon ng Bulacan Medical Center at ng iba pang district hospital, ang mahalagang river restoration at dredging projects, at ang paggawa ng Bulacan Farmer’s Productivity Center at Bulacan Animal Breeding Center and Multiplier Farm.

“Marami na tayong nasimulan ngunit marami pa tayong kailangang gawin. Hindi ko po ito makakayang mag-isa. Magtulungan po tayo,” panghihikayat ng gobernador sa kanyang mga kapwa lingkod bayan.

Sa kabila ng mga hinarap niyang maraming kritisismo sa kanyang nakaraang kampanya, ipinahayag ni Fernando ang kanyang tiwala sa demokratikong proseso at ang tiwala na inilagay sa kanya ng mga Bulakenyo.

“Nanaig pa rin ang katotohanan at ang tinig ng mga Bulakeyo. Binigyan tayo ngayon ng panibagong pagkakataon na maglingkod at magtaas ng antas ng ating serbisyo sa mga Bulakenyo,” ani Fernando, na may hawak ng pinakamaraming bilang ng boto sa lahat ng nahalal na gobernador ng lalawigan.

Nanumpa rin si Bise Gobernador Alexis C. Castro para sa kanyang ikalawang termino, at nangako na pangungunahan ang mga makabuluhang polisiya para sa lahat ng Bulakenyo.

“Panahon na upang tayo’y magtatag ng mahigpit, makatarungan, at makakalikasang mga batas at ordinansa na tunay na magtatanggol sa interes ng bawat pamilyang Bulakenyo, mula sa kalunsuran hanggang sa kanayunan,” anang presiding officer ng Sangguniang Panlalawigan.

Ipinahayag rin ni Castro ang kanyang pasasalamat kay Fernando, at kinilala ang tiwala at oportunidad na magkaroon ng katuparan ang kanyang mga pangarap para sa lalawigan.

“Katuwang mo ako sa iyong adhikain para sa ating lalawigan. Nakaukit na sa pahina ng kasaysayan ang iyong kadakilaan. Magkasama tayong gumawa ng kasaysayan,” dagdag ni Castro.

Maliban kina Fernando at Castro, pitong kinatawan, 14 bokal, 24 punong bayan at lungsod, 24 pangalawang punong bayan at lungsod, at mga konsehal mula sa buong lalawigan ang nanumpa rin sa nasabing programa, na sumisimbolo sa bagong kabanata para sa pamunuan ng Bulacan.

Mga sandbag sa nasirang dike bumigay, ilang lugar sa Navotas muling binaha

Posted on: June 30th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MULING tumaas ang tubig baha na dala ng high tide sa ilang lugar sa Navotas City nang bumigay nitong Linggo ng umaga ang mga inilagay na sandbag sa nasirang dike sa Celeste St.  Brgy. San Jose noong Sabado ng bago magtanghali.

Dahil dito, muling iniutos ni Mayor John Rey Tiangco ang pagpapalikas sa mga pamilyang labis na maaapektuhan ng paglalim ng baha na dala ng high tide dakong ala-1:07 Linggo ng hapon.

Sabado ng hapon nang magsagawa ng rescue operations ang Navotas Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), katuwang ang BFP-Navotas, PNP-Navotas, fire volunteers, SCAN International, at mga boy scouts sa mga apektadong pamilya sa ilang lugar sa lungsod, partikular sa Brgy. San Jose matapos umabot ng hanggang leeg ang lalim ng baha bunga ng pagkasira ang dike pasado alas-11 ng umaga.

Umabot sa 22 pamilyang inilikas ang pansamantalang nanuluyan sa Navotas Elementary School 1 habang walong pamilya ang dinala sa Barangay Hall kung saan sila binigyan ng pagkain, kumot, hygiene kits at iba pang pangunahing pangangailangan.

Anim na bahay naman ang bahagyang nasira dulot ng naganap na pagbaha habang kabilang sa inilikas ang isang pamilya na kasalukuyang nagdadalamhati sa nakaburol na kaanak sa kanilang tirahan matapos lumalim ang tubig-baha.

Nang mag-low tide, sinimulang maglagay ng mga sandbag sa nasirang dike ng mga tauhan ng City Engineering Office dakong ala-6 ng Sabado ng gabi subalit, bumigay din ito nitong Linggo ng umaga matapos magkaroon ng butas. (Richard Mesa)

Holdaper, nasukol ng humabol na bystanders sa Malabon  

Posted on: June 30th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

WALANG kawala ang isang umano’y notoryus na holdaper nang makorner ng mga humabol na kalalakihan makaraang biktimahin ang isang “promdi” sa Malabon City, Linggo ng madaling araw.

Positibong kinilala ng biktimang si Bernard Danian, 20, residente ng Brgy. Lambingi, Bunga, South Cotabato at nagtatrabaho bilang helper, ang suspek na si alyas “Anthony”, 37, residente ng Panday Pira St. Brgy. Bagong Barrio, Caloocan City, matapos isailalim sa pagdakip ng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Staion 1.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Arnold Abad, pauwi na sa tinutuluyang boarding house ang biktima at habang naglalakad sa kahabaan ng McArthur Highway dakong alas-4:30 ng madaling araw nang tutukan ng patalim ng suspek pagdating sa kanto ng Inda Maria St., Brgy. Potrero sabay nagdeklara ng holdap.

Sa pangamba sa kaligtasan, hindi na pumalag ang biktima nang puwersahang kinuha ng suspek ang kanyang cellphone bago nagmadaling tumakas patungong Avocado Street.

Nagsisigaw naman na humingi ng tulong ang biktima na nakatawag pansin sa mga bystander sa lugar na agad humabol sa suspek hanggang masukol nila ito sa isang basketball court sa lugar.

Nabawi sa suspek ang tinangay na cellphone ng biktima na nagkakahalaga ng P7,000.00 pati na ang ginamit sa panghoholdap na patalim. (Richard Mesa)

HVI tulak, tiklo sa higit P.4M droga sa Valenzuela

Posted on: June 30th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

KALABOSO ang isang tulak ng droga na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng mahigit P400K halaga ng shabu nang maaresto sa buy bust operation sa Valenzuela City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Arnold Abad, kinilala ni Valenzuela Police OIC chief P/Col. Gerson Bisayas ang naarestong suspek na si alyas “Tamemeng”, 47, ng Brgy. Gen T De Leon.

Ayon kay Col. Bisayas, isinagawa ng mga tauhan ni Station Drug Enforcement Unit (SDEU) Chief P/Capt. Joan Dorado sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA.

Isa sa mga operariba ng SDEU ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P7,500 halaga ng shabu sa Padrinao St., Brgy. Karuhatan.

Nang matanggap ang signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur buyer na hudyat na positibo na ang transaksyon, agad lumapit ang back-up na operatiba saka inaresto ang suspek dakong ala-1:00 ng madaling araw.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 65 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P442,000.00, buy bust money na isang tunay na P500 bill, kasama ang pitong P1,000 boodle money at P150 cash.

Ani SDEU investigator PMSg Ana Liza Antonio, sasampahan nila ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11, under Article II ng R.A 9165 (Dangerous Drug Act of 2002) sa pamamagitan ng Inquest Proceedings sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

Ruiz, mananatili bilang PCO acting secretary

Posted on: June 30th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

SINABI ng Malakanyang na mananatili sa kanyang posisyon bilang acting Secretary ng Presidential Communications Office (PCO) ang veteran journalist na si Jay Ruiz.

Ito ang tugon ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang matapos na may kumalat sa social media na ugong-ugong na mapapalitan sa kanyang puwesto si Ruiz.

”Wala pa pong nakakarating sa akin. Secretary Jay remains to be the acting secretary of PCO. So, kung may mga ugung-ugong, wala pong nakakarating sa amin,” ang sinabi ni Castro.

Matatandaang, kinumpirma ni Executive Secretary Lucas Bersamin na muling itinalaga ni Pangulong Marcos Jr si Jay Ruiz bilang acting Secretary ng Presidential Communications Office (PCO).

Ibinaba ng Pangulo ang reappointment paper ni Ruiz matapos siyang ma-bypass ng Commission on Appointment, kasunod ng sine die adjournment.

Nauna nang sinabi ni Ruiz na inatasan sya ng Pangulo na ipagpatuloy lang ang kanyang trabaho sa PCO

Si Jay Ruiz ang pang apat na PCO Chief sa ilalim ng Marcos administration. (Daris Jose)

Pribadong manggagawa sa BARMM makakukuha ng P50 daily wage hike

Posted on: June 30th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

INAPRUBAHAN ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang bagong umento sa sahod sa araw-araw para sa private sector workers ng P50 simula sa susunod na buwan.

Sa isang kalatas, inaprubahan ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua ang Wage Order No. BARMM-04, araw ng Huwebes, na magiging epektibo 15 araw matapos ang paglalathala nito sa pahayagan na may regional circulation.

“This P50 increase in the daily minimum wage reflects a deep understanding of the needs of our workers while considering the realities faced by our employers,” ayon kay Macacua.

Si Minister Muslimin Sema of BARMM’s Ministry of Labor and Employment (MOLE), chairman ng Bangsamoro Tripartite Wages Productivity Board (BTWPB), ay nagpahayag na ang wage order ay ipatutupad sa buong rehiyon, maliban sa manggagawa na in-exempt ng batas gaya ng domestic workers at iyong registered microenterprises.

“The signing of the new wage order reflects the gains of the peace process,” ang sinabi ni Sema, na kasalukuyang chairman ng Moro National Liberation Front Central Committee.

Si Macacua, kasama ang BTWPB members, tinintahan ang wage order sa isang seremonya na idinaos sa MOLE-BARMM regional office sa nasabing lungsod, araw ng Huwebes.

Winika pa ni Sema na ang umento sa sahod ay bilang tugon sa tumataas na ‘cost of living, inflationary pressures, at patuloy na panawagan mula sa grupo ng mga manggagawa para sa mas ‘livable wage.’

Sa Lungsod na ito, ang sahod ng non-agricultural workers ay itataas mula P361 hanggang P411, habang ang mga manggagawa sa agricultural sector, kabilang na iyong mga nasa plantasyon, non-plantation, at retail, ay kikita na ng P386 mula P336.

Para sa mga manggagawa sa Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Lanao del Sur, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, at mga lungsod ng Marawi at Lamitan, ang bagong minimum wage para sa non-agricultural workers ay P386, mula sa P336. makikita naman ng Agricultural workers na tataas ang daily wage mula P326 ay magiging P376.

Idagdag pa rito, ang mga manggagawa sa BARMM Special Geographic Areas (SGA) ay nakikitang magkakaroon ng minimum wage increase mula P341 ay magiging P391 para sa non-agricultural workers. Para naman sa mga agricultural at retail sectors ay mayroong daily pay na P366, mula sa nakalipas na P316.

Samantala, ang Wage Order No. BARMM-04, nabuo sa pamamagitan ng konsultasyon, socioeconomic assessments, at BTWPB deliberations, kasunod ang Wage Order No. BARMM-03, na nagdagdag sahod ng P20 noong 2024. (Daris Jose)

9 katao, kabilang ang 6 na Indian national arestado sa carnapping at estafa 

Posted on: June 30th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAARESTO sa isang entrapment operation ng  National Bureau of Investigation (NBI) ang siyam na indibidwal kabilang ang anim na Indian nationals sa Paranaque City.

Sa press conference, kinilala ni NBI Director Judge Jaime Santiago ang tatlong Filipino na sina Teotima G.Batutay, Rose L.Torion at Michael D.Castulo at anim na Indian nationals na sina Sajjan Sarkar, Sai Charan, Kulvatnh Thati , Gayatri Sarma, Rat Anand at Nithin Kamepalli.

Sila ay naaresto dahil sa carnapping at syndicated estafa.

Nag-ugat ang operasyon mula sa reklamo na inihain laban sa mga suspek para marekober ang sasakyan ng complainant na ibinenta ng mga suspek na walang consent.

Ibinunyag ng complainant na nabigo siyang magbayad ng monthly amortization sa sasakyan ng suspek sa PSBank kaya inialok nito para sa ‘pasalo’ kung saan nagpasalin-salin ang sasakyan sa mga suspek.

Hinabol ng bangko ang complainant dahil hindi na ito nakakapagbayad ngunit hindi nito naibalik ang sasakyan.

Dito kinausap ng complaiannt ang mga suspek si Castulo para maibalik ang sasakyan ngunit siya ay hinihingan ng P450,000.

Bukod dito, binantaan ni Castulo ang complainant na ang kanyang sasakyan ay nachop-chop na dahilan para magpasaklolo ito sa NBI-NCR.

Ikinasa ang entrapment operation nang magkasundo ang complainant at si Castulo na magkita sa casino hotel sa Paranaque para sa hinihinging halaga.

Dito na inaresto ng mga ahente ng NBI-NCR ang mga suspek na mga miyembro ng sindikato na sangkot sa ‘assume balance-talon’ scheme.

Narekober din sa operasyon ang sasakyan ng complainant. (Gene Adsuara)

P300K shabu, nasamsam ng NPD-DDEU sa Caloocan drug bust

Posted on: June 30th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

UMABOT sa mahigit P.3 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa isang kelot na sangkot umano sa pagtutulak ng ilegal na droga nang matiklo sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City.

Ikinasa ng mga tauhan ni Northern Police District – District Drug Enforcement Unit (NPD-DDEU) chief P/Capt. Regie Pobadora ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA nang magpositibo ang natanggap nilang ulat hinggil sa umano’y pagbebenta ng shabu ni alyas “Joy”, 48.

Sa ulat ni Capt. Pobadora kay NPD Acting District Director P/BGen. Arnold Abad, dakong alas-5:46 ng madaling araw nang makipagtransaksyon umano ang suspek sa isa niyang tauhan na nagpanggap na buyer sa Barangay 8, Caloocan City.

Nang tanggapin umano ng suspek ang marked money mula sa pulis poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu, ay agad siyang dinamba ng mga operatiba ng DDEU

Ani Capt. Pobadora, nakumpiska nila sa suspek ang humigi’t kumulang 45 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P306,000.00 at buy bust money.

Pinuri naman ni Gen. Abad ang mga operatiba ng DDEU sa matagumpay na pagkakaaresto sa suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 under Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Richard Mesa)

Libreng shuttle service loop sa 3 airport terminals

Posted on: June 30th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PINAHAYAG ng pamunuan ng NAIA Infra Corp. (NNIC) na maaaring sumakay ang

mga pasahero ng libre sa shuttle service loop sa 3 airport terminals ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminals 1, 2, at 3.

Tuluy-tuloy ang serbisyo  ng  libreng   sakay   sa loob ng  maghapon   na   may   15 minutong interval ang bawat bus.

“This service ensures convenient, safe, and cost-free transfers without the need to book or pay for separate vehicle. It is available every 15 minutes and operate on a continuous loop throughout the day,” wika ng NNIC.

Ang nasabing serbisyo ay upang maiwasan rin ang nangyayaring overcharging ng mga taxis sa mga pasahero na lilipat lamang sa kabilang airport terminals.

Kamakailan lamang ay may nangyari kung saan ang isang pasahero ay nagbayad ng P1,200 sa isang cab driver para lamang sa short trip mula NAIA terminal 1 papuntang terminal 2 na nag viral sa social media.

Dahil sa nag-viral na video, sinabi naman ni Department of Transportation (DOTr)

Secretary Vince Dizon   na   kanila   nang   tinanggalan ng driver’s  license   ang   driver   at kinansela ang prangkisa ng kumpanya ng nasabing taxi.

Ang NNIC naman ay gumawa ng isang imbestigasyon sa nasabing insidente kung saan napag-alaman na ang taxi ay hindi accredited na transport provider na kukuha ng mga pasahero sa airport.

Sinabi ni Dizon na tangging ang accredited na Transport Network Vehicle Services (TNVS) lamang tulad ng Grab at Joyride Super Taxi ang pinapayagan na kumuha ng pasahero sa NAIA. Ang mga TNVS ay may centralized terminal hub sa Terminal 3.

Habang ang mga pasahero ng Terminals 1 at 2 ay pinapayuhan na sumakay

lamang sa official at accredited transport services na may booths sa arrival curbside ng nasabing terminals. Maaari rin na mag book sa mga ride-hailing app at pumunta sa mga designated pickup points ng terminals.

Ang mga metered taxis naman ay pinapayagan lamang na pumasok sa terminals para sa drop-offs upang masigurado ang access sa airport subalit hindi pinapayagan na kumuha ng o mag pick-up.

“While we are strict in transport protocols that are in place, we are still reviewing additional measures to strengthen enforcement, including tighter monitoring of drop-offs, improved curbside surveillance, and closer coordination with transport authorities,” saad ng NNIC.  LASACMAR

LCSP Decries Florida Bus Inc.’s Threats Against Viral Video Uploader

Posted on: June 30th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

THE Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) strongly criticizes the statement and threats made by Florida Bus Inc. to press charges against the uploader of a viral video allegedly showing several of its buses speeding or racing. Fortunately, Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon swiftly assured the public that the uploader will be supported and provided with legal assistance should charges be filed.

LCSP firmly believes that public utility vehicle (PUV) operators accused of violations should address such allegations through proper legal channels and focus on presenting their defenses before the relevant authorities. They must not resort to intimidating citizen reporters or threatening them with lawsuits. In fact, the increasing vigilance of ordinary citizens in reporting traffic violations should be encouraged and protected—not punished.

A model example of how PUV operators should respond can be seen in the recent case involving Taxi Hub, whose driver was caught on video allegedly overcharging a passenger ₱1,260 for a short trip from NAIA Terminal 3 to Terminal 2. When summoned by the Land Transportation Office (LTO) for a hearing on June 19, 2025, the driver, through his legal counsel Atty. Noel Valerio, focused on presenting his defense. He even exposed the alleged involvement of five (5) airport police officers who reportedly orchestrated the overcharging scheme and demanded a 40% cut of the fare.

Notably, neither the driver nor the operator took action against the uploader, despite the possibility of invoking Republic Act No. 4200 (Anti-Wiretapping Law), since the video could arguably constitute a non-consensual recording of private communication. Instead of weaponizing this law, the taxi driver and his operator chose to address the matter constructively and highlight the larger systemic issue at hand.

Florida Bus Inc. should have followed this example. If they believe the video was manipulated—such as being fast-forwarded to exaggerate the speeding—they should simply present that defense to the authorities. Resorting to legal threats against the uploader only undermines public trust and discourages civic engagement.

LCSP commends the DOTr for its prompt and decisive stance in defending the uploader. This sends a strong message: concerned citizens who report possible violations by PUVs will be supported and protected by the government. We must foster a culture where public participation in transport safety is valued, not silenced.

Atty. Albert N. Sadili

Spokesperson – Lawyers for Commuters Safety and Protection

09660859816d