
AYON mismo kay Sylvia Sanchez, hindi totoong o hindi muna gagawa ng pelikula sina Arjo Atayde at Maine Mendoza.
“Alam ko, wala,” umpisang sinabi ni Sylvia.
Ayon kasi sa tsika, sa ilalim ng Nathan Studios na pag-aari ng Atayde family gagawa ng pelikula sina Arjo at Maine.
Pero iyon nga, hindi ito true dahil ayaw pa umano nina Arjo at Maine na gumawa ng pelikula.
Lahad pa niya, “Ang pinitch sa akin ni Sigrid, [director Sigrid Andrea Bernardo], hindi I’m/Perfect.
“Ang in-offer sa akin ni Sigrid, isang movie ko at ni Angel Aquino na pagsasamahan namin.
“Kaso nga, iyon yung Silhig na may short film sa Cannes na pinalabas, kami ni Angel, about lesbianism.
“Ang pangalawang in-offer sa akin yung Arjo-Maine. “Sabi ko, ‘Naku, huwag mo nang i-pitch sa akin, ayaw pa nung dalawang magsama.’
“Kahit i-pitch mo sa akin, kung ayaw ng dalawa, wala. So, pinakita lang din niya sa akin.”
Busy pa kasi si Arjo bilang Congressman ng 1st district ng Quezon City at si Maine naman ay bilang Dabarkads/host ng Eat Bulaga!
Tungkol pa rin sa anak, super-proud lola si Sylvia kay Sabino, ang unang apo niya sa anak nila ni Art Atayde na si Ria Atayde at mister ni Ria na si Zanjoe Marudo.
Nagkataon pa naman na unang apo ever ito nina Sylvia at Art kaya naman super happy sila dahil kay Sabino.
Pero lumulugar si Sylvia na kilalang ma-post sa social media; nagpapaalam muna si Sylvia kina Ria at Zanjoe kung ano ang mga litrato ni Sabino na puwede at hindi puwedeng i-post sa socmed.
Sabi pa ni Sylvia, “Yung pag-post ng picture, like bawal mag-post ng picture, e di hindi ko pinu-post.
“Tapos, pag gusto ko mag post, ipinapaalam ko sa kanila na, ‘Ri, pa-approve mo nga ito. Puwede ba ito i-post?’
“‘Ay, Mommy, nakita yung side ng ganito.’ Si Zanjoe, ‘Ay, oo Mom.’
“E, di irerespeto ko yun.
“Naiintindihan ko yun, kasi madami ang nagsasabing bakit ang arte na hindi ipapakita. Kasi po, namba-bash kayo.
“Pati bata, inosente, pinagba-bash niyo.
“Ang dami nang bastos ngayon. Sorry, diretsahan.
“Na pati bata, binabastos, bina-bash. Kawawa naman yung mga batang walang alam.
“Pero siyempre, ikaw din na magulang ka, maaano ka talaga, mapapaaway ka.
“So, sabi nga nila, kesa mapaaway, huwag na lang. “Amin yun, e. Irespeto natin yun.
“Pero isa lang po ang sasabihin ko sa inyo. “Napakaguwapo ng apo ko. Naman! Naman! Naman,” say pa ng very happy and proud lola.
“Pinaghalong Ria, pinaghalong Zanjoe!”
Pero itong si Sylvia, oo nga at lola na, pero ang itsura, winner!
Malaki kasi ang ipinayat ni Sylvia, plus positibo ang pananaw niya sa buhay kaya mas mukha pa siyang bata at fresh ngayon kaysa noon.
Samantala, posibleng isali ng Nathan Studios nina Sylvia at Ria ang I’m Perfect sa MMFF sa December, na nagsu-shoot na, sa direksiyon ni Sigrid.
Bukod sa producer ay artista dito si Sylvia kasama sina Lorna Tolentino, Janice de Belen, at Joey Marquez.
Samantala, dahil na-enjoy nang husto ni Sylvia ang kanyang Cannes Film Festival experience, ganado siyang makagawa muli ng pelikula na para sa Cannes next year.
Co-producer ni Sylvia si Alemberg Ang sa Japanese film na Renoir, na lumaban sa main competition ng Cannes.
“Hindi ako nagkamali na mag-trust kay Alem, sa grupo.
“Sana, hoping na susunod. Next year, meron na naman kami for next year,” masayang wika ni Sylvia.
Ipapalabas ang ‘Renoir’ sa mga sinehan sa Japan sa June 20 at dito naman sa Pilipinas ay kasali ito sa QCinema Film Festival 2025 sa November.
(ROMMEL L. GONZALES)