MAHIGIT P.7 milyong halaga ng shabu ang nasamsam ng pulisya sa isang drug suspect na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos madakma sa buy bust operation sa Valenzuela City.
Ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela police sa pangunguna ni P/Capt. Joan Dorado, sa koordinasyon sa PDEA ang buy bust operation kontra kay alyas “Bumbay”, 29, ng Brgy. Veinte Reales.
Ayon kay Capt. Dorado, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ng suspek hanggang sa magawa ng isa niyang tauhan na makipagtransaksiyon kay alyas Bumbay.
Dakong alas-11:59 ng hating gabi nang makipagtagpo umano ang suspek sa isang undercover police na nagpanggap na buyer sa tabi ng construction site sa Rubber Master St., Brgy., Lingunan na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya.
Sa ulat ni Capt. Dorado kay Valenzuela police OIC chief P/Col. Gerson Bisayas, nakuha nila sa suspek ang nasa 105 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P714,000.00, buy bust money na isang tunay na P500 bill at anim pirasong P1000 boodle money, at 200 cash.
Ayon kay SDEU investigator P/MSgt. Ana Liza Antonio, kasong paglabag sa. Sections 5 at 11 under Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampa nila laban sa suspek sa pamamagitan ng inquest proceedings sa Valenzuela City Prosecutors Office. (Richard Mesa)