HALOS lahat ay iisa ang napansin kay Daniel Padilla, mas guwapo, mas fresh looking daw ito ngayon.
Hindi nakapagtaka dahil kahit ang disposisyon niya ay parang mas clear, mas positibo ngayon.
Parang since the break-up news nila ni Kathryn Bernardo, humarap man sa press si Daniel, hindi naman siya nakakausap ng mas mahaba at mas may konting personal.
Sa ginanap na renewal lang ng kanyang kontrata bilang ambassador pa rin ng Don Macchiatos coffee nangyari.
Mas nagagawa niya raw ngayong balansehin ang buhay niya.
Sabi ni Daniel, “Yeah, tama yon, it’s just the balance.
“Number one yon para sa akin. Pangalawa, I just think, it’s the timing. Kasi before talagang sobrang busy. Kinikilala mo pa ang sarili mo.
“And now, siguro mas kilala ko na ang sarili ko ngayon. Pangalawa, mas nababalanse ko na ang mga bagay rin.
“And again, araw-araw akong gumigising na may purpose ako. Araw-araw yon. Hindi ako naliligaw kung ano ang gusto kong mangyari sa akin.”
Nang tanungin namin siya kung ano ang purpose ng isang Daniel Padilla ngayon, “secret” ang natawang sagot niya agad.
Pero sinundan din na, “Panginoon.”
Nabanggit ni Daniel na halos kailan lang daw siya naging palainom ng kape. Ang dahilan daw ay ang oras ng taping niya minsan sa kasalukuyang primetime series sa Kapamilya network na “Incognito.”
“Ako, kailan lang talaga ako natutong magkape na magkape talaga. Actually, natuto akong magkape noong magsimula ang Incognito. Kasi, nagsisimula kami, alas-kuwatro ng umaga na. Daig ko pa ang sundalo.
“Kapag gano’n, hindi ako sanay noong una na matulog ng maaga at gumising din ng maaga. So, dahil ang mga kasama ko, lalo si Tito Ian (Veneracion) e, yun talaga coffee person yon.
“Tinuruan niya kong magkape, so yun, nakuha ko na. Pagkagising kape,nakakakuha talaga ng energy.”
Kung anong flavor ng kape raw siya, lalo sa iba’t-ibang pwedeng pagpilian sa Don Macchiatos, “mocha ko at classic americano,” sey niya.
Sa isang banda, unang naging ambassador si Daniel ng Don Macchiatos ay kasagsagan ng issue sa kanila ni Kathryn.
Pero tama ang pag-take ng risk ng mga may-ari ng brand, ang CEO na si Miss Bethel San Juan at COO Marc Anthony Abangan dahil at that time na nasa 600 pa lang ang branches nila, in a span of months, naging 800 plus daw ito agad with Daniel at ngayon ay nasa mahigit isang libo na.
Meaning, kitang-kita nila ang pagiging epektibong endorser pa rin ni Daniel.
***
SI Miles Ocampo ang tinitingnan na baka siyang may problema raw.
Ang dahilan, ang napansin ng netizen na parang pagkagaling para magbakasyon sa Thailand nina Maine Mendoza, Miles, Allan K at iba pang taga-Eat Bulaga, nag-unfollow na raw si Maine kay Miles.
At na-check din nila na kahit daw sa boyfriend ni Miles na si Elijah Canlas, naka-unfollow na si Maine. Habang si Miles naman, pina-follow pa rin ang Instagram ni Maine.
Although ang mga alam natin na kunsaan, libu-libong followers o milyon pa ngang followers nila sa known IG account nila ay pang-showbiz, meron talaga silang personal na sila-sila lang ang nakakaalam.
Yet, malaking tanong pa rin, bakit ini-unfollow ni Maine si Miles?
Hindi ba sila okay? Magkagalit ba sila? At sumunod nito, marami na rin ang nakapansin na kahit daw sa Eat…Bulaga, hindi na sila nagkakasama sa mga portion at si Miles ay inilagay na sa Sugod Bahay.
Eh, isang barkada lang sila before, with Maja Salvador na dating manager ni Miles. Kaya si Miles ang tila nadidiin ngayon na baka may something o problema raw dahil from Maja, si Maine naman ngayon kung hindi nga sila okay.
At naghalungkat na rin na dati rin daw, bff ni Miles ang ilan sa mga kasabayan niya sa ‘Goin’ Bulilit’ pa, pero nagkaroon din daw ng problema o isyu tulad ni Kathryn Bernardo noon.
Naku ha, mabait, humble ang image ni Miles. ‘Pag hindi ito na-handle ng maayos, pwedeng magkaroon ng question mark. Kung kailan pa naman na iisa ang management din nina Miles at Maine ngayon, ang Triple A.
(ROSE GARCIA)