SINANG-AYUNAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang planong Public-Private Partnership (PPP) scheme para LRT-2.
Sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na ang PPP scheme ay para gawing mahusay ang operasyon ng LRT-2.
Pahayag ito ni Dizon matapos makaranas ng technical problem nitong Miyerkoles ang mga mananakay ng LRT-2.
Nalimitahan kasi ang biyahe ng LRT-2 sa Recto hanggang Cubao station dahil sa naturang aberya.
At nang tanungin si Dizon kung ano ang gagawin ng pamahalaan o gagawin para hindi maulit ang nasabing aberya, sinabi ni Dizon na “Alam ninyo, hindi ganoon kadaling ayusin itong mga sistemang ito ‘no. Ang pangmatagalang solusyon talaga dito ay dapat ….na itong mga sistemang ito kagaya ng LRT 2 at MRT 3. Iyon talaga ang pangmatagalang solusyon dahil habang ang gobyerno ang nag-o-operate nito, limitado tayo ng budget, limitado rin tayo ng ating mga procurement rules. Ibig sabihin niyan, hindi ganoon kabilis ang ability natin na mag-ayos nitong mga sistemang ito kaya iyon talaga ang ultimate solution.”
“Pero ang ginagawa natin ngayon, pinipilit nating mabilis na maayos ang mga aberya pero nagdagdag na rin, ayon na rin sa utos ng Pangulo, ng mga paraan paraan kahit papaano naman ay maibsan nang kaunti iyong hirap ng mga kababayan natin kapag nadatnan ng mga ganitong aberya,” aniya pa rin.
“So, for LRT 2, mayroon tayong planong i-PPP na ito sa susunod na taon. Tinutulungan tayo ng International Finance Cooperation ng World Bank para mabilisan nang ma-PPP ito. Ang MRT 3 naman, tinutulungan tayo ng Asian Development Bank para ma-PPP na rin ito at tuluy-tuloy na rin ang maayos na pag-operate at maintain nitong dalawang luma nang linyang ito,” ang winika pa rin ni Dizon.
Samantala, sinabi ni Dizon na may mga kumpanya na nagpahayag ng kanilang interes sa planong isa-pribado ang LRT-2.
“Sa pagkakaalam ko mayroon nang mga kinausap ang …World Bank iyong ating adviser diyan. Pero siguro ‘no hintayin na lang natin iyong kanilang final report. Pero ang pagkakaalam ko, within ay masisimulan na natin ang proseso dahil ito ay ibi-bid out natin as a PPP,” ang sinabi ni Dizon.
“So, very important iyan kasi lumalaki ang ridership ng LRT-2 although hindi pa siya kasintaas tulad ng LRT-1 at MRT-3 pero dahil na rin sa extension nito hanggang Antipolo at mayroon tayong pinaplanong extension papuntang North Harbor, tingin ko ‘no kailangan na talaga nating i-PPP ito para maging maayos ang operations and maintenance ng LRT-2,” ang pahayag pa rin ni Dizon. (Daris Jose)