• October 21, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 22, 2025
    Current time: October 22, 2025 5:20 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June 24th, 2025

Gobyerno, handa para sa anumang kaganapan -Malakanyang

Posted on: June 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

IWINAKSI ng Malakanyang ang lumalagong public anxiety sa posibilidad ng isang global war.

Tiniyak ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ganap na handa ang gobyerno para tumugon sa anumang kaganapan sa gitna ng tumataas na tensyon sa Gitnang Silangan.

Sa katunayan aniya ay inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lahat ng kinauukulang ahensiya na iprayoridad ang proteksyon at kapakanan ng mga overseas Filipinos, lalo na iyong nasa high-risk areas.

“Ang gustong iparating ng Pangulo, handa po tayo sa anumang mangyayari. Lahat po ng kailangan ng taumbayan ay tutugunan po ng pamahalaan,” ang sinabi ni Castro.

“‘Wag po sila mag-alala dahil ang gobyerno ngayon ay nagtatrabaho para sa ating lahat,” aniya pa rin.

Ang pahayag na ito ng Malakanyang ay kasunod ng pagdagsa ng pangamba hinggil sa potensiyal na pag-usbong ng World War III, kapag ang labanan sa pagitan ng Israel at Iran ay patuloy na umigting.

Sinasabing, mas lalo kasing tumaas ang tensyon nang atakihin ng Amerika ang tatlong nuclear sites ng Iran kabilang ang underground uranium enrichment facility sa Fordo, napaulat na sinabi ni US President Donald Trump.

Sa isang post sa social media, sinabi ni Trump na nakumpleto ng Amerika at matagumpay ang kanilang naging pag-atake.

“We have completed our very successful attack on the three Nuclear sites in Iran, including Fordow, Natanz, and Esfahan,” sabi ni Trump.

Sinabi rin ni Trump na binagsakan ng mga bomba ang Fordow na itinuturing na “primary sites”.

Gumamit ang Amerika ng B-2 Spirit stealth bombers.

Ang B-2 ay isa sa most advanced strategic weapons platforms ng US.

“A full payload of BOMBS was dropped on the primary site, Fordow,” sabi ni Trump.

Winika pa rin ni Trump na great American warriors ang mga nambomba sa mga nuclear facilities na ligtas naman aniyang nakauwi.

Sa kabilang dako, nanawagan naman Department of Foreign Affairs (DFA) na maging mahinahon at pairalin ang diplomasiya.

“The Philippines continues to reiterate the need for a peaceful and diplomatic solution to this crisis,” ang sinabi ng departamento.

Inulit naman ni Castro ang mensaheng ito ng DFA, sinabi na suportado ni Pangulong Marcos ang pagsisikap na maiwasan ang giyera at panatilihin ang kapayapaan sa buong rehiyon.

“Ang panawagan din po ng Pangulo ay magkaroon po ng mapayapang pag-uusap at diplomacy para maibsan ang lumalalang gulo,” ayon kay Castro.

“Kailangan din pong manindigan para sa pandaigdigang kapayapaan para maging matatag ang global community,” ang pahayag pa rin ni Castro. (Daris Jose)

PBBM, pinangunahan ang pag-inspeksyon sa Port of Marawi

Posted on: June 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

BINISITA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para inspeksyunin ang Port of Marawi bilang bahagi ng kanyang site visits para tapusin ang ‘recovery and reconstruction projects’ sa Marawi City, Lanao del Sur, araw ng Lunes, Hunyo 23, 2025.

Ang Port of Marawi, may kabuuang halaga na P261.5 million, tampok ang “isang 8,000-square-meter backup area, isang single-storey passenger terminal building na may seating capacity na 132, isang one-storey fish port, berthing facilities para sa ‘fast craft’, at isang Roll-on/roll-off (RoRo) ramp.”

Bago pa ang development nito, ang tanging existing facility sa port o daungan ay ang causeway o daanan ng mga sasakyan na ginagamit ng lokal na mangingisda, ang port ay inaasahan na makapagpapahusay sa transportasyon at kalakalan sa rehiyon.

Ang protekto ay bahagi ng Marawi Recovery, Rehabilitation, and Peacebuilding Program (MRRP) na pinangunahan ng Office of the Presidential Adviser for Marawi Rehabilitation and Development (OPAMRD), dating kilala bilang Task Force Bangon Marawi.

Ito’y inisyatiba ng Office of the President (OP) para mapabilis ang ”recovery, reconstruction at rehabilitation’ ng Lungsod na sinalanta ng five (5)-month long siege dahilan para ma-displaced ang halos 400,000 residente noong May 23, 2017.

Samantala, dumating na ang Starlink unit na ibinigay ni Pangulong Marcos para sa mga mag-aaral at guro ng Temporary Learning Spaces sa Marawi City.

Magkakaloob din ang Pangulo ng tig-iisang Starlink sa Bangon Elementary School, Bacarat National High School, Angoyao National High School at Cabasaran Primary School para mas mapalapit ang internet sa mga liblib na paaralan. (Daris Jose)

Sa gitna ng labanan sa Gitnang Silangan:  Alert level 3, itinaas ni PBBM sa Iran at Israel

Posted on: June 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

ITINAAS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Alert Level 3 sa Iran at Israel.

Sa katunayan, inatasan ni Pangulong Marcos ang lahat ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na gumawa ng kaukulang hakbang upang matiyak ang ligtas, napapanahon at maayos na pagbabaik sa bansa ng mga Filipinong manggagawa na nais na mag-avail ng voluntary repatriation program.

Sa kabilang dako, nakatakda namang tanggapin ni Secretary Hans Cacdac ng Migrant Workers (DMW), na kasalukuyang nasa Amman, Jordan, ang first batch ng 26 repatriates mula Israel at King Hussein Crossing.

“In Israel, we have already provided food packs and financial help to our kababayans. Many are staying in our migrant workers’ office hostel with more space ready should it be needed,” ayon sa Pangulo.

Kasalukuyan na aniyang pinproseso ang 200 requests o kahilingan para sa repatriation at mabilis na kumikilos para maiuwi na ng Pilipinas ang mga ito habang ang iba naman ay mas pinili na manatili sa kanilang trabaho.

“We continue to monitor our OFW caregiver who remains in hospital— stable but still on oxygen support and a ventilator. We are in touch with her family and are making sure she gets the care that she needs,” ang sinabi pa rin ng Pangulo.

Sa Iran naman aniya, naghahanda ang embahada para sa repatriation ng initial batch na walong Filipino sa mga darating na araw.

Sa pagdating sa Pilipinas, makatatanggap ang mga ito ng agarang suporta mula sa gobyerno kabilang na ang P150,000 na kagyat na tulong, ilang accommodation, transport at livelihood support’ na may training vouchers upang tulungan ang mga ito na makabangon at mkapagsimulang muli.

“And for those who choose to stay home for good, we will be there to help with skills training, job matching, startup capital, and support to begin a small business or find new opportunities,” ayon sa Pangulo.

Samantala, hinikayat naman ng Pangulo ang mga kapwa niya Filipino na makipag-ugnayan sa mga embahada sa Tel Aviv at sa Tehran.

Ang payo naman ng Pangulo ay “Please follow their guidance, inform them of your situation, and do not hesitate to ask for assistance.”

“Your government continues to act and is ready to serve to protect your safety and well-being,” ang tinuran ng Pangulo sabay sabing

“Nothing is more important than the safety of every Filipino.” (Daris Jose)

Mister na wanted sa 2 counts of rape sa Navotas, nakorner sa Malabon

Posted on: June 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NASUKOL ng tumutugis na mga pulis sa kanyang pinagtataguang lugar sa Lungsod ng Malabon ang 45-anyos na lalaki na wanted sa kaso ng panggagahasa sa Navotas City.

Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon sina Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan na  namataan sa lungsod ang puganteng si alyas “Nilo” kaya agad niyang iniutoa sa mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ang pagtugis sa akusado.

Nang salakayin ng mga tauhan ng WSS ang tinutuluyang bahay ng akusado sa Sacrista St. Brgy San Agustin ay hindi siya natagpuan hanggang matiyempuhan siya dakong alas-11 ng umaga sa Luna II St. sa nasabi ring barangay.

Binitbit ng mga tauhan ni Col. Baybayan si alyas Nilo sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Navotas City Family Court Branch 9 noong Mayo 27, 2025 para sa kasong dalawang bilang ng panggagahasa na walang piyansang inirekomenda.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility ng Malabon Police Station habang hinihintay pa ang utos ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Navotas City Jail. (Richard Mesa)

Takot lumabas ang mga ebidensya – De Lima

Posted on: June 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

UPANG maiwasan na makita ng publiko ang mga ebidensiya laban kay Bise Presidente Sara Duterte sa maling paggamit nito ng public funds kaya may mga pagtatangka umanong harangin ang pagkakaroon ng full blown impeachment trial

“You can say, they’re really scared. I mean VP Sara is scared,” pahayag ni dating senador at ngayon ay incoming Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima sa isang radio program.

Ayon kay De Lima, ang pangamba na ito ang dahilan kung bakit mayroong stratehiya upang ma-delay o ma-derail ang pagdinig sa senado, kabilang na ang paghahain ng ilang legal motions, biyahe sa ibang bansa at posibleng paggamit sa magiging ruling ng Ombudsman para ma-preempt ang trial.

“This is really cause for concern kasi ang pinaka-objective is hangga’t maaari hindi dapat magkaroon ng trial proper. Hangga’t maaari hindi dapat lumabas ang mga ebidensya,” dagdag nito.

Una nang ipinag-utos ng Ombudsman, sa pangunguna ni Duterte appointee Samuel Martires, ang vp na sumagot sa alegasyon na plunder, technical malversation at iba pang akusasyon base sa ulat ng House Committee on Good Government.

Ang kautusan ay lumabas ilang linggo matapos i-endorso ng Kamara ang Articles of Impeachment laban kay Duterte, na nakabinbin ngayon sa Senado.

Sinabi ni De Lima na kapag ibinasura ng Ombudsman ang reklamo ay maaari itong gamitin para pahinain ang kaso ng prosekusyon laban sa bise presidente.

Idinagdag pa ng mambabatas na ang pagkasunud-sunod o sequence ng aksyon, mula sa biglang hakbang ng Ombudsman para humingi ng counter-affidavit sa pending petition sa Supreme Court na kumukuwestiyon sa impeachment’s transmittal ay nagsusuwestiyon ng disensiya.

“Lahat ‘yan magkatugma-tugma. It could really part of the strategy, na ‘yan na nakikita na, nababasa na,” ani pa ni De Lima.

Tinuligsa pa nito ang madalas na pag-alis sa bansa ni Duterte kasunod ng mga kaganapan gaya ng mga legal proceedings.

(Vina de Guzman)

Speaker Romualdez, nagpaabot ng pakikiramay kay ANGAT Party-list Rep. Reynaldo S. Tamayo Sr.

Posted on: June 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGPAABOT ng pakikiramay si Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa pagyao ni ANGAT Party-list Rep. Reynaldo S. Tamayo Sr.

“I am deeply saddened by the passing of Rep. Reynaldo Tamayo Sr. He was a quiet but committed worker in Congress. He was focused, sincere and always attentive to the needs of the people he represented,” ani Speaker Romualdez.

Isinusulong ng ANGAT Party-list ay ang mga polisiya na nagpapalakas sa agrikultura at masiguro ang pagbibigay suporta ng gobyerno sa mga magsasaka at rural communities.

Kilala si Tamayo sa kapwa kongresista bilang isang maprinsipyong mambabatas na nagtatrabaho ng tahimik at determinasyon para mapabuti ang buhay ng nasa kanayunan.

“He didn’t seek attention, but his contributions were consistent and meaningful. He pushed for programs that aimed to give people a better shot at a decent life,” pahayag ni Romualdez.

(Vina de Guzman)

Kelot na illegal nagbebenta ng baril, laglag sa Maritime group

Posted on: June 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

TIMBOG ang 28-anyos na lalaki na sangkot umano sa illegal na pagbebenta ng baril matapos kumagat sa ikinasang entrapment operation ng mga tauhan ng Maritime Group sa Malabon City.

Batay sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Northern NCR Maritime Police Station (MARPSTA) Chief P/Major Randy Veran hinggil sa umano’y illegal na pagbebenta ng baril ni alyas “Andrew”, ng Brgy. Muzon ng lungsod.

Nang magawang makipagtransaksiyon sa suspek ng isa sa mga tauhan ng MARPSTA, ikinasa ni Major Veran ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas Andrew dakong 8:50 ng gabi sa Brgy. Concepcion.

Nang hanapan ang suspek ng anumang dokumento na nagpapatunay ng kanyang awtoridad na magmay-ari at magbenta ng baril ay wala siyang naipakita.

Nakumpiska sa suspek ang isang kalibre .22 na baril, dalawang magazines, at tatlong bala nito.

Ayon kay Major Veran, layunin ng naturang operasyon na pigilin ang kalakalan ng illegal na bintahan ng armas at paigtingin ang seguridad sa komunidad sa lungsod.

Sinampahan na ang suspek ng kasong paglabag sa Section 32 ng Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Malabon City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

PhilHealth nagbabala laban sa text scam na humihingi ng pera

Posted on: June 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGBABALA ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa publiko laban sa mapanlinlang na mensahe gamit ang pangalan ni President at Chief Executive officer Edwin Mercado.

Sinabi ng PhilHealth na malaganap na ang scam message na nagsasabing hinihiritan ni Mercado ang bawat indibiduwal na magdeposito ng pera sa ngalan niya.

Nakasaad sa mensahe di umano ni Mercado na siya ay nasa mahalagang pagpupulong at ire-reimburse ang nasabing halaga matapos ang pakikipagpulong. Kabilang sa mga detalye ay ang:

GCASH Number: 0938-4354071

Name: MIEEL BRIIN LIIN

Viber Name: PCEO MERCADO EDWIN M

Viber Number: 0961-8296586

Binigyang diin ng PhilHealth na hindi kailanman gumawa ng anumang request si Mercado.

Kaya ang payo ng PhilHealth sa publiko ay huwag patulan o pansinin o makipag-usap sa kaninumang sender o magpadala ng anumang halaga ng pera. (Daris Jose)

2 Filipina na biktima ng trafficking, naaresto

Posted on: June 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MULING nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa publiko hinggil sa bagong modus ng trafficking scheme kasunod ng pagkakaaresto ng dalawang Filipina.

Inisyu ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang babala kasunod ng pagkakaaresto ng dalawang Filipina sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 nitong  June 18.

Ayon sa BI immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) na ang dalawa na may edad 32 at  48, ay pinigil habang papasakay ng Cebu Pacific biyaheng Singapore nang nasilip ang kanilang dokumento sa kanilang initial inspection.

 Nagpakilala ang dalawa na matalik na magkaibigan at patungo sila sa Singapore bilang mga turista.

“Both were intercepted early during primary inspection due to their inability to answer basic travel questions, conflicting travel itineraries, and inconsistent statements, which led to their referral for secondary inspection,” ayon kay Viado.

Pero sa kalaunan ay inamin nila na patungo sila ng Albania at hindi sa Singapore upang magtrabaho bilang mga household service workers, na may buwanang suweldo na  €500 o P38,000.

Inamin din nila na na-recruit sila ng isang recruiter sa pamamagitan ng Facebook at ang kanilang mga dokumento ay inayos sa pamagitan ng WhatsApp.

“We are witnessing yet another case of online illegal recruitment, a deceptive tactic where workers are deceived by generous offers, but often end up working under exploitative conditions,” ayon kay Viado.

  “As these fraudulent schemes persist, our efforts to combat them must remain equally relentless,” dagdag pa ng BI Chief. “We strongly urge Filipinos to remain cautious and consult official government agencies before accepting any overseas job offers.”

Ang dalawa ay itinurn-over sa  Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa imbestigasyon at karagdagang pagsasampa ng reklamo sa recruiter. (Gene Adsuara)

Mayor Jeannie, nangako ng patuloy na suporta sa Malabon CPS

Posted on: June 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NANGAKO si Mayor Jeannie Sandoval ng patuloy na suporta sa mga programa ng Malabon City Police Station (MCPS) para sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lahat ng komunidad.

Ito’y matapos magpakita ng bukod tanging pagganap ang Malabon CPS sa ilalim ng pamumuno ni P/Col. Jay Baybayan ng 5-Minute Response Time Challenge ng Philippine National Police’s (PNP), isang inisyatiba na sumusukat sa kakayahan ng police units na tumugon nang mabilis at epektibo sa mga emergency.

“Congratulations po sa ating hepe na si Col. Jay Baybayan at sa buong Malabon City Police sa kanilang tagumpay na matugunan ang pamantayan ng 5-Minute Response Time Challenge ng PNP. Ito ay nagpapakita ng dedikasyon, tapang, at kahandaan ng ating pulisya sa mas mabilis na pagresponde sa anumang emergencies upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng bawat isa sa ating lungsod,” ani Mayor Jeannie.

“Makasisiguro po ang bawat mamamayan na mas palalakasin pa natin ang ugnayan at pagtutulungan ng pamahalaang lungsod at ng kapulisan sa pagbibigay ng mga programa at sa pagseserbisyo para sa kapakanan ng mga Malabueno sa bawat komunidad,” dagdag niya.

Ang 5-Minute Response Time Challenge, na inilunsad ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre III, ay bahagi ng mas malawak na kampanya para gawin moderno ang mga operasyon ng pulisya at pahusayin ang kakayahan sa pagpapatupad ng batas at paghawak ng mga emerhensiya. Layunin nito na ang lahat ng naiulat sa 911 ay matugunan sa loob ng 5 minuto.

Sa naganap na simulation exercise kamakailan na isinagawa ng Northern Police District (NPD), kasabay ng 2nd Quarter Meeting ng Malabon Peace and Order Council, ipinakita ng MCPS ang kanilang emergency preparedness and response strategies kay Mayor Jeannie at sa mga opisyal ng NPD na lalong nagpatibay sa pangako nito sa isang ligtas at walang krimen sa Malabon.

“Ang tagumpay na ito ay nagpapakita rin ng pagiging disiplinado, committed, at goal-oriented ng ating kapulisan sa pamumuno ni Col. Baybayan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan. Kaya naman po sa ating mga mahal na Malabueno, huwag pong mag-atubiling lumapit sa ating kapulisan lalo na sa panahon na kinakailangan dahil makakasisiguro po kayo na naririto ang ating mga alagad ng batas na darating at tutulong,” saad ni City Administrator Dr. Alexander Rosete. (Richard Mesa)