• October 22, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 23, 2025
    Current time: October 23, 2025 12:11 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June 23rd, 2025

Bucks wing player Pat Connaughton, kinuha ang $9.4-M player option deal para sa 2025-26 Season  

Posted on: June 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

Kinuha ni Pat Connaughton, wingman ng Milwaukee Bucks, ang kanyang player option para sa 2025-26 NBA season na nagkakahalaga ng $9.4 million, ayon sa mga ulat nitong Sabado (oras sa Amerika).

Ang 32-anyos na beteranong manlalaro ay may hanggang Martes para gamitin ang opsyon sa huling taon ng kanyang tatlong taong extension na nagkakahalaga ng $28.5 million, na nilagdaan nito noong 2022.

Noong nakaraang season, matatandaan na nagtala si Connaughton ng 5.3 points, 2.7 rebounds at 1.7 assists sa loob ng 41 laro, ngunit may mababang 14.7 minutes kada laro kung saan ang kanyang pinakamababa sa pitong taon niya sa Milwaukee.

Bumaba rin ang kanyang 3-point shooting sa 32.1%, ang pinakamababa mula noong rookie season niya noong 2015-16.

 

Una siyang pinili ng Brooklyn Nets sa second round ng 2015 NBA Draft, ngunit agad ipinadala sa Portland Trail Blazers, kung saan siya naglaro ng tatlong season.

Lumipat siya sa Bucks bilang free agent noong 2018 at naging bahagi ng koponang nagkampeon sa NBA noong 2020-21.

Sa kabuuan ng kanyang karera, si Connaughton ay may averages na 6.0 points, 3.4 rebounds, at 1.4 assists sa 595 laro, kabilang ang 72 bilang starter.

Filipinas inilabas na ang listahan na sasabak sa AFC Women’s Asian Cup  

Posted on: June 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

Inilabas na ng Philippine Football Federation ang listahan ng Women’s National team na Filipinas na sasabak sa AFC Women’s Asian Cup Qualifiers na gaganapin mula Hunyo 23 hanggang Hulyo 5 sa Cambodia.

Kinabibilangan ito nina : Sara Eggesvik, Kaya Hawkinson, Charisa Lemoran, Isabella Pasion, Alexa Pino, Quinley Quezada, Jaclyn Sawicki, at Ava Villapando para sa midfielders.

Habang goalkeepers naman ay sina Gabrielle Baker, Olivia Mcdaniel, Nina Meollo, at Inna Palacios.

Sa defender naman ay kinabibilangan nina Angela Beard, Malea Cesar, Rhea Chan, Jessika Cowart, Janae Defazio, Hali Long, Katana Norman, at Sofia Wunsoh.

Ang mga forwards naman ay kinabibilangan nina Carleigh Frilles, Nina Mathelus, Chandler Mcdaniel, Meryll Serrano, Dionesa Tolentin, at Chayse Ying.

Nakahanay ang Filipinas sa Hong Kong, Saudi Arabia at Cambodia sa Group G.

AKAP program para sa below minimum wage earners – DSWD  

Posted on: June 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na target lamang ng  Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ay ang mga indibidwal na ang kita ay mababa pa sa minimum wage na nasa krisis dulot ng epekto ng inflation.

Sinabi ni Director Edwin Morata ng  Protective Services Bureau-Crisis Intervention Unit (PSB-CIU) ng DSWD na ang target lamang ng AKAP ay below minimum wage earners  at iba ito sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).

Aniya ang  AICS ay bukas sa lahat ng mamamayan na mahirap o may kaya sa buhay na nakakaranas ng malubhang sitwasyon ng krisis anuman ang   economic status nito.

Sa tala mula Enero  hanggang Hunyo 19, 2025,  ang DSWD ay nakatulong na sa 892,061 below minimum wage earners sa ilalim ng  AKAP habang nasa  5,446,941 katao na dumadanas ng krisis ang nagbenepisyo sa AICS sa buong bansa.

“Ang tinatarget natin dito [AKAP] ay earning individuals na kumikita pero ang kita nila ay hindi sapat.  So maaaring may source of income sila pero hindi pa rin nila ka­yang itaguyod o itawid ang pangangailangan nila.  What makes it different from AICS, sa AICS hindi tinitignan ang economic status nila. Sitwasyon agad ang tinitignan namin. This time, naglagay lang ng determining indicator for AKAP na individual earning below minimum wage,” saad pa ni Morata.

 

Walang inihain na reklamo ang Kamara sa Ombudsman vs VP Duterte para sa kasong plunder, malversation  

Posted on: June 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

BINIGYANG  linaw ng Kamara na hindi ito naghain o nagpasimuno ng paghahain ng anumang uri ng pormal na reklamo sa Office of the Ombudsman laban kay Vice President Sara Duterte, sa kasong plunder, technical malversation at corruption.

“We have not received a copy of the said order to file a counter-affidavit. Ako, personally, I’ve learned about it through the reports, and I’ve seen it on social media,” pahayag ni House spokesperson Atty. Princess Abante.

Sinabi pa ito na sa kanyang pagkakaalam ay hindi maghahain ang Kamara o Committee on Good Government and Public Accountabilityng anumang complaint, ngunit lumalabas na inaksyunan ng Ombudsman ang rekomendasyon ng komite.

“The plenary adopted the report of the Committee on Good Government and Public Accountability on June 10. And the committee report was furnished to the Ombudsman… they received it on June 16.

So, it appears that the Ombudsman acted upon the recommendation of the committee,” pahayag pa ni Abante.

Paliwanag ni Abante na may kapangyarihan ang Ombudsman para umakto ng sarili.

“The action of the Ombudsman was upon the recommendation of a committee report from the House of Representatives. (The) Ombudsman can initiate investigations or their own. So, again it was an initiative of the Ombudsman acting upon the recommendation of the House committee,” ani Abante.

(Vina de Guzman)

Malimit na pagta-travel abroad ni VP Sara Duterte kinukuwestiyon ng mambabatas  

Posted on: June 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

“Sara all.”

Ito ang reaksyon ni House Spokesperson Atty. Princess Abante nang tanungin ukol sa naging biyahe ni Vice President Sara Duterte sa Australia, kung saan napaulat na pagdalo nito sa “Free Duterte Now” rally bilang suporta sa kanyang amang si dating Presidente Rodrigo Roa Duterte.

Sinabi ni Abante na hindi niya makumpirma kung ang biyahe ng VP ay personal o official, ngunit iginiit nito na ang isang halal na opisyal ay dapat gamitin ang panahon at oras para sa pagbibigay serbisyo sa taumbayan at hindi lamang para sa personal agenda.

“Pero alam n’yo, hindi ko alam kung if that is an official travel or if it’s a personal travel. But lagi-lagi, bilang halal na opisyal ng bayan, ‘yung oras mo na ginugugol, oras mo sa loob at labas ng ating bansa, ito man ay pang-personal o official, dapat para sa taumbayan, hindi sa personal na interes,” giit nito.

Napaulat ang pagbiyahe ng VP sa Australia at pagdalo sa “Free Duterte Now” rally na nagbigay pag-alala sa ilang watchdog groups at political observers, partikular na ang isyu na lumilitaw na may pagka-partisan ito.

Ilang ulit nang nanawagan ng transparency at accountability ang Kamara sa government spending, lalo na sa mga nagdaang kontrobersiya na bumabalot sa paggamit ng VP sa confidential funds noong kanyang termino bilang education secretary. (Vina de Guzman)

Walang inihain na reklamo ang Kamara sa Ombudsman vs VP Duterte para sa kasong plunder, malversation

Posted on: June 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

BINIGYANG linaw ng Kamara na hindi ito naghain o nagpasimuno nang paghahain ng anumang uri ng pormal na reklamo sa Office of the Ombudsman laban kay Vice President Sara Duterte, sa kasong plunder, technical malversation at corruption.

“We have not received a copy of the said order to file a counter-affidavit. Ako, personally, I’ve learned about it through the reports, and I’ve seen it on social media,” pahayag ni House spokesperson Atty. Princess Abante.

Sinabi pa ito na sa kanyang pagkakaalam ay hindi maghain ang Kamara o Committee on Good Government and Public Accountability ng anumang complaint, ngunit lumalabas na inaksyunan ng Ombudsman ang rekomendasyon ng komite.

“The plenary adopted the report of the Committee on Good Government and Public Accountability on June 10. And the committee report was furnished to the Ombudsman… they received it on June 16.

So, it appears that the Ombudsman acted upon the recommendation of the committee,” pahayag pa ni Abante.

Paliwanag ni Abante na may kapangyarihan ang Ombudsman para umakto ng sarili.

“The action of the Ombudsman was upon the recommendation of a committee report from the House of Representatives. (The) Ombudsman can initiate investigations or their own. So, again it was an initiative of the Ombudsman acting upon the recommendation of the House committee,” ani Abante. (Vina de Guzman)

Teenager, kulong sa baril sa Caloocan

Posted on: June 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng 18-anyos na binata matapos damputin ng pulisya makaraang isumbong ni ‘Marites’ na may dalang baril sa Caloocan City.

Sa ulat, nagpapatrulya ang mga tauhan ni Caloocan Police Acting Chief P/Col. Joey Goforth, dakong alas-2:55 ng madaling araw sa Brgy. 132, Bagong Barrio nang isang concerned citizen ang lumapit at inireport ang hinggil sa isang lalaki na armado ng baril.

Nang puntahan ng mga tauhan ng Bagong Barrio Police Sub-Station 5 ang lugar, nakita nila ang lalaki na tinukoy ng concerned citizen na nakaupo sa isang motorsiklo at may hawak umanong baril.

Maingat nilang nilapitan ang binata saka sinunggaban ang hawak na isang kalibre .9mm Armscor pistol na kargado ng anim na bala sa magazine.

Nang walang naipakitang mga dokumento ang suspek na si alyas “Nono” hinggil sa legalidad ng naturang armas, binitbit siya ng pulisya para sampahan ng kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) sa Caloocan City Prosecutor’s Office.

Pinuri naman ni P/BGen. Arnold Abad, Acting District Director ng Northern Police District (NPD), ang mabilis na pagtugon ng Caloocan police sa pagtiyak ng kaligtasan ng komunidad. (Richard Mesa)

Wanted na magnanakaw sa Malabon, nalambat sa Navotas

Posted on: June 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MAKALIPAS ang may sampung taon, nalambat ng pulisya sa Navotas City ang wanted na kawatan na apat na ulit gumawa ng pagnanakaw sa Malabon City.

Pasado alas-4 ng hapon nang madakip ng mga tauhan ni Navotas Acting Police Chief P/Col. Renante Pinuela si alyas “Totoy” sa Brgy. NBBS Kaunlaran makaraang inguso ng impormante ng Navotas Police Sub-Station-4 ang kanyang kinaroroonan.

Kasama ng mga pulis ng Sub-Station -4 ang operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Navotas police nang isilbi sa akusado ang warrant of arrest na inilabas ng Malabon City Regional Trial Court (RTC) Branch 170 na may petsang Setyembre 22, 2015 para sa kasong apat na bilang na Robbery with Force and Intimidation.

Ayon kay Northern Police District -Public Information Office (NPD-PIO) head P/Maj. Marcelina Pino, aabot sa P400,000.00 ang kabuuang piyansang inilaan ng hukuman sa apat na bilang ng kasong pagnanakaw, gamit ang puwersa at pananakot, para sa pansamantalang paglaya.

Pinuri naman ni NPD Director P/BGen. Arnold Abad, ang Navotas police sa kanilang pagsisikap na tugisin ang mga taong wanted na pinaghahanap ng batas. (Richard Mesa)

Naglabas ng patalim, scavenger binoga ng kagawad sa Malabon

Posted on: June 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

ARESTADO ang isang barangay kagawad matapos barilin ang 39-anyos na scavenger na kanyang nakaalitan sa lansangan makaraang maglabas ito ng patalim sa Malabon City.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan ang naarestong suspek na si alyas “Justine”, 36, Kagawad ng Brgy. Ibaba at residente ng C. Arellano St. habang isinugod naman ang biktimang si alyas “Ferdie’, ng Consuelo St. Brgy. Acacia sa Tondo Medical Center para magamot ang  tinamong tama ng bala sa kaliwang hita.

Sa ulat ni Col. Baybayan kay P/BGen. Arnold Abad, bagong upong Director ng Northern Police District (NPD), nagpapatrulya si alyas Justine, dakong alas-2 ng madaling araw, sakay ng kanyang motorsiklo, sa Tiangco St.. Brgy., Ibaba nang maharangan siya ng biktima.

Bumaba ng motorsiklo ang kagawad at sinabihan ang biktima na huwag humarang sa daan subalit, sa halip na tumabi ay itinulak at sinigawan pa umano siya nito bago bumunot ng patalim.

Sinabi ni ‘Justine’ sa pulisya na dahil nakaramdam siya ng panganib sa kanyang buhay kaya binunot niya ang dalang baril at pinaputukan sa hita ang biktima.

Nakumpiska ng pulisya sa Kagawad ang isang kalibre .9mm CZ pistol na kargado ng tatlong bala sa magazine na napag-alamang lisensiyado sa pangalan ng suspek subalit, wala pa ang pino-prosesong permit to carry outside residence. (Richard Mesa)

50% discount sa train, welcome gift sa mga estudyante; Tiangco

Posted on: June 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

INIHAYAG ni Navotas City representative Toby Tiangco na ang 50% discount para sa mga estudyante sa lahat ng biyahe ng train ay isang welcome gift sa mga mag-aaral sa pagsisimula ng school year.

“Magandang pabaon po ito para sa ating mga mag-aaral ngayong pasukan. Isa din itong malinaw na mensahe mula kay President Bongbong Marcos na gagawin ng pamahalaan ang lahat ng hakbang para tulungan ang mga mag-aaral para maibsan ang kanilang mga pangangailangan,” saad ni Tiangco.

Aniya, malaking tulong din ito sa mga pamilya dahil mababawasan ang kanilang intindihin at mailalaan sa ibang bagay ang matitipid nila sa pamasahe.

“Your government is here and we are doing everything in our power to minimize the financial burden of Filipino students so they can put all their focus on studying,” sabi pa niya.

Samantala, pinaalalahanan din ng solon ang lahat ng public utility vehicle (PUV) operators at mga drivers, kabilang ang transport network vehicle service (TNVS) providers na mahigpit na igalang ang 20 percent student fare discount.

“The 20 percent student discount on public transportation is not optional and must be granted to all students. Karapatan po ‘yan na hindi dapat ipinagkakait sa ating mga mag-aaral,” ani mambabatas.

Hinimok din ni Tiangco ang mga estudyante na i-report ang mga lumabag sa LTFRB hotline o sa pamamagitan ng LTFRB Citizen’s Complaint Center.

“We call on our students and parents to report drivers who refuse to grant student discounts. Makipag-ugnayan lamang po tayo sa LTFRB at para mapanagot ang mga violators,” dagdag niya.

Ang mga lalabag sa R.A 11314 o ang Student Fare Discount Act ay maaaring pagmultahin ng hanggang P5,000 para sa unang paglabag at kapag maulit ay maaaring suspindehin o bawiin ang kanilang prangkisa o permit, depende sa dami ng paglabag. (Richard Mesa)