• October 24, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 24, 2025
    Current time: October 24, 2025 11:05 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June 18th, 2025

27 milyong estudyante, nagbalik-eskwela na  

Posted on: June 18th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

“ALL systems go’ sa pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan sa bansa Lunes, Hunyo 16.”

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, handang-handa na sila para sa pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral ngayong School Year 2025-2026.

“All systems go po ang lahat sa pagbubukas ng ating klase bukas, June 16,” aniya pa.

Samantala, ayon naman kay Dennis Legaspi, Media Relations chief ng Office of the Secretary ng DepEd, ang projected enrollment ng DepEd ngayong school year ay nasa 27 milyon.

Sa pagbubukas ng klase, binisita ni Angara, kasama si Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang Epifanio delos Santos Elementary School, sa Singalong St., sa Maynila, ganap na alas-9:00 ng umaga ngayong araw upang personal na makita ang sitwasyon ng pagbubukas ng klase.

Una nang pinadali at ginawang cost-effective ng DepEd ang pagpapa-enroll sa basic education school.

Nabatid na pinasimple na lamang ng DepEd ang mga rekisitos na kakailanganin ng mga mag-aaral sa pag-e-enroll, na nagpapahintulot sa mga magulang na minsanan na lamang magsumite ng birth certificate ng kanilang mga anak, sa buong K-12 education, alinsunod na rin ito sa kautusan ni Pang. Marcos.

“We’ve heard from parents that enrollment can be challenging due to the paper requirements and mis­sing records,” ani Angara. “This new policy means less expense and less hassle for our parents and families. They no need to secure the same documents every year, which eases their financial burden and makes our enrollment process more efficient.”

IKALAWANG GAWAD BAYANING PILIPINO 2025

Posted on: June 18th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PINARANGALAN bilang Compassionate Leader & Community Empowerment Awardee si Kapitana Tintin Abas-Ding araw ng Sabado, June 14, 2025 na ginanap sa Great Easter Hotel, Quezon City.

Tuloy-tuloy ang Mas PinaTinDing Serbisyong Hindi BiTin sa Mas Masigla, Mas Maunlad, at Mas Maipagmamalaking Bagong Alabang!

Muli, congratulations Kapitana Tintin Abas-Ding!

Tunay na maipagmamalaki!
#BagongAlabang

#MasPinaTinDingSerbisyongHindiBiTIN

#MuntinlupaNakakaproud
(Text & Photos by Boy Morales Sr.)

Malakanyang, binatikos sina Bato, Baste para sa ‘iresponsable ‘ na pagbabahagi ng AI video

Posted on: June 18th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

BINATIKOS ng Malakanyang sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte para sa pagbabahagi ng AI (artificial intelligence)-generated video sa social media, tinawag ang kanilang aksyon bilang ‘iresponsable’ at nakasisira sa tiwala ng publiko.

Ang video, inilalarawan ang dalawang lalaking estudyante na nagpapaliwanag ng kanilang pagtutol sa impeachment ni Vice President Sara Duterte, ay ipinahayag na artipisyal.

Sa kabila ng may label ito at may hashtag na #AI, maraming mga manonood ang naniwala na ito’y tunay kabilang na si Del Rosa, na nag-repost nito na kaagad namang nakatikim naman ng kristisismo mula sa mga netizens.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang ginawang pagbabahagi ng fake content ng mga public official ay nagpapahina sa pagsisikap ng gobyerno na labanan ang disinformation.

“Ang pagsha-share ng mga katulad niyan — muli disinformation, fake news — hindi po sana nanggagaling sa mga opisyal ng pamahalaan,” ang sinabi ni Castro.

“Nakakaduda, mas nakakawala ng tiwala kung mismong sa matataas na opisyal nanggagaling ang mga disinformation at fake news,” dagdag na pahayag ni Castro.

Sinabi pa ni Castro na mabilis na kinorek ng publiko ang nasabing video at binigyang diin ang nagpapatuloy na pagsisikap ng administrasyon na labanan ang fake news.

“Mabuti po at ito ay na-correct at napansin ng ating mga kababayan. Ang sabi nga po natin, kahit ang PCO, ang pamahalaan, gumagawa ng paraan para mapahinto ang fake news. Pero mas kakayanin po natin ito kapag po tayo ay tulung-tulong,” ang winika pa ni Castro.

Hinikayat naman ni Castro ang mga sangkot na opisyal na tanggapin ang kanilang pagkakamali at panagutan ang kanilang nagawang mali.

“Ngayon na ginawa nila, dapat lamang nilang i-acknowledge na ang pinasa nilang video ay hindi totoo at hindi tunay,” aniya pa rin.

At nang tanungin si Castro kung kinokonsidera ng Malakanyang na iresponsable ang ginawang ito ni Bato at Baste, ang sagot ni Castro ay: “Opo. Responsibilidad nila ‘to. Dahil ang bawat salita na binibitawan nila sa taumbayan, lider sila, yaan ay totoo sa pandinig at pananaw ng bawat isa. So dapat maging responsable sa anumang shine-share nila sa taumbayan.” (Daris Jose)

PBBM sa DepEd: Iprayoridad ang ‘reliable water, power supplies’ sa mga eskuwelahan

Posted on: June 18th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Lunes, ang Department of Education (DepEd) na iprayoridad ang probisyon ng mga pangunahing pangangailan partikular na ang kuryente, tubig at internet sa mga pampublikong eskuwelahan para maging maayos ang learning conditions kasabay ng opisyal na pagbubukas ng school year 2025-2026.

“‘Yung kuryente, or making sure na may kuryente lahat, may tubig lahat. ‘Yun ang mga basic services na makikita natin para naman maging maayos ang pag-aaral ng mga ating kabataan,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa mga mamamahayag matapos inspeksyunin ang isang eskuwelahan sa Malate, Maynila para sa muling pagbubukas ng klase.

Binigyang diin ng Pangulo ang isang all-agency approach sa ‘educational support.’

“Nabanggit ko sa ating mga guro na lahat ng departamento ng pamahalaan ay naka-converge dito, sama-samang nagtutulungan,” ang winika ng Pangulo.

Nagpalabas din ang Pangulo ng ‘specific instructions’ sa ilang departamento, gaya ng para sa trade at transportation departments na gawing mas mababa ang gastos ng mga magulang at estudyante; para naman sa health department ay tiyakin ang availability ng health facilities sa oras na ang isang bata ay nagkasakit o nasugatan; at para naman sa social welfare department na trabahuhin at tutukan ang cyberbullying at bullying incidents para protektahan ang mental health ng mga bata.

Sa kanyang naging pagbisita sa Epifanio Delos Santos Elementary School (EDSES), pinangunahan ni Pangulong Marcos ang isang interactive learning session kasama ang Grade 1 students, gumamit ng flashcards para i-promote ang ‘reading at active participation.’

Samantala, ipinaalam naman kay Pangulong Marcos ang kasalukuyang security measures ng mga eskuwelahan kabilang na ang paggamit ng CCTV monitoring. (Daris Jose)

Street gangs, bawal sa Valenzuela  

Posted on: June 18th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MAGKATUWANG ang pulisya at lokal na pamahalaan para sugpuin ang mga street gangs na kumakalap ng mga estudyante sa ilang pampublikong paaralan upang mapabilang sa kanilang grupo sa Valenzuela City.

Sa ginanap na pulong-balitaan sa Dalandanan National High School sa unang araw ng pagbubukas ng klase nitong Lunes ng umaga, isa-isang inilatag ng kapulisan at lokal na pamahalaan ang kanilang mga hakbang, hindi lamang upang wakasan ang paglobo ng bilang ng mga lumalahok sa street gangs, kundi upang ipabatid din sa mga estudyante, guro at kanilang magulang ang masamang dulot ng paglahok sa naturang grupo.

Sinabi ni Mayor Wes Gatchalian na halos isang taon nilang binalangkas ang mga hakbang, katuwang ang Sangguniang Panlungsod, upang tulungan ang kapulisan na matigil ng tuluyan ang pamamayagpag ng street gangs sa kanilang lungsod.

Nauna ng binanggit ni Valenzuela Police Public Information Office (PIO) head P/Maj. Randy Llanderal ang mga street gangs na nangangalap ng mga myembro sa mga pampublikong paaralan sa Lungsod, partikular sa Dalandanan National High School, kabilang na rito ang True Brown Style (TBS), Temple Street Gang (TST), Original Trouble Maker (OTM) at Little Brown Style (LBS).

Ayon kay Llanderal, ang mga nagnanais lumahok sa grupo ay isinasailalim sa matinding hazing at nilalagyan ng kani-kanilang tatak tulad ng pagpaso ng sigarilyo sa daliri bilang simbulo ng pagiging miyembro ng gang.

Bantay-sarado na aniya ang kapulisan sa aktibidad ng mga street gangs upang hindi na makapasok sa mga pampublikong paaralan habang minomonitor na rin nila ang mga estudyanteng kanilang nakalap na sumanib sa grupo.

Sa panig naman ng lokal na pamahalaan, sinabi ni Mayor WES na ipinasa na nila ang Ordinance  No. 1262 na inakda ni Konsehal Ghogo Deato Lee na nagbabawal sa pagbuo ng street gangs, pagsasagawa ng aktibidad, at pangangalap ng menor-de-edad na miyembro upang gumawa ng karahasan na makakagulo sa kaayusan at katahimikan ng lungsod.

Nilagdaan na rin aniya niya ang Resolution No. 3467 na nagdedeklara bilang persona non grata ang mga nabanggit na gang at iba pang kahalintulad na grupo na nangangahulugang hindi na sila papayagang tumapak pa o masilayan pa sa Lungsod ng Valenzuela. (Richard Mesa)

Malakanyang, pinuri ang mga mangingisda sa pagsuko ng P20-M floating shabu

Posted on: June 18th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PINURI ng Malakanyang ang katapangan at ‘civic-mindedness’ ng mga mangingisda ng Ilocos Norte matapos na marecover at isuko ang P20.4 milyong halaga ng shabu na natagpuang palutang-lutang sa baybayin ng lalawigan noong nakaraang linggo.

Sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency, ang mga shabu na nakasilid sa tatlong plastic bags na may Chinese character markings ay tumitimbang ng tatlong kilo.

Nakita ito ng mga mangingisda sa baybaying dagat sa Barangays Pangil, Currimao; 33-A, La Paz, Laoag City at Masintoc, Paoay.

Ayon kay PDEA Director General Isagani Nerez, hanggang Hunyo 13, 2025, kabuuang 1,243.12 kilograms ng floating shabu ang natagpuan sa karagatan ng Zambales, Pangasinan, Ilocos Sur at Ilocos Norte.

Ang illegal drugs, ayon sa PDEA ay nagkakahalaga ng higit ₱8.4 bilyon.

Pinuri naman ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang mga mangingisda para sa mabilis na aksyon at integridad ng mga ito.

“Mga ordinaryong mamamayan, katuwang ng pamahalaan, pamarisan sana ng nakakarami ang inyong katapangan at kabayanihan. Saludo po kami sa inyo,” ang sinabi ni Castro sa press briefing sa Malakanyang.

Nasa 27 milyon ang estudyante ngayong school year 2025-2026 sa public schools…  Buong gobyerno, kumilos sa pagbubukas ng klase- PBBM

Posted on: June 18th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Lunes sa mga public school teachers na ang buong gobyerno ay kumilos para suportahan ang ligtas at maayos na pagbubukas ng klase para sa School Year (SY) 2025–2026.

Sa katunayan, tinugunan at tinutugunan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ang mahahalagang education-related concerns.

Sa pagsasalita via teleconference sa mga guro sa iba’t ibang bahagi ng bansa matapos inspeksyunin ang Epifanio Delos Santos Elementary School sa Malate, Maynila, binigyang diin ng Pangulo ang whole-of-nation approach ng gobyerno para sa pagpapabuti ng mga kondisyon sa pag-aaral.

“Ipapaalala ko sa inyo na ang buong pamahalaan, lalo na basta sa edukasyon, lahat ng ating departamento hanggang DOH (Department of Health), DSWD (Department of Social Welfare and Development), DTI (Department of Trade and Industry), DOTr (Department of Transportation)… ay nakabantay ngayon sa inyo dahil ito na ang pinakaimportante naming ginagawa,” ang sinabi ng Pangulo.

Binigyang diin din ng Punong Ehekutibo ang pagha-hire ng mga bagong tauhan para suportahan ang mga guro na tutukan lamang ang pagtuturo sa mga estudyante sa pamamagitan ng pag-alis sa kanilang administrative work.

Sa kabilang dako, hinikayat naman ng Pangulo ang mga guro na i-report ang gaps o mga usapin direkta sa Department of Education (DepEd) o sa kanilang local superintendents, nangangako ng agarang atensyon.

“Kung ano pa ang inyong nakikita na puwedeng pagandahin pa, sabihan niyo kami… para malaman namin,” aniya pa rin.

Pinasalamatan naman ng Pangulo ang mga guro para sa pagtiyak ng maayos na simula sa academic year.

Sa ulat, sinabi naman ni Dennis Legaspi, Media Relations chief ng Office of the Secretary ng DepEd, ang projected enrollment ng DepEd ngayong school year ay nasa 27 milyon.

Matatandaang una nang pinadali at ginawang cost-effective ng DepEd ang pagpapa-enroll sa basic education school. (Daris Jose)

Ads June 18, 2025

Posted on: June 18th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

18 – page 4-merged