• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June 13th, 2025

Pag-inhibit nina Sen. Dela Rosa at Padilla sa impeachment trial ni VP Sara, tinutulan ng House prosecutor

Posted on: June 13th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
PINALAGAN ng miyembro ng prosecution team ng House of Representatives ang hakbang na i-inhibit mula sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sina Senator Ronald “Bato” Dela Rosa at Sen. Robin Padilla.
Sina Dela Rosa at Padilla ay kaalyado ng mga Duterte na kabilang sa tinatawag na Duterte bloc.
Paliwanag ni Iloilo 3rd district Rep. Lorenz Defensor na hindi dapat i-inhibit ang tatayong Senator-judges dahil isang political process ang impeachment trial at hindi judicial process.
Hiling lamang aniya nila ay mabigyan ng patas na pag-presenta at payagan na mailatag pareho ang panig ng prosekusyon at defense team.
Matatandaan, nauna ng inamin ni Sen. Dela Rosa na siya mismo ang nag-inisyatiba ng draft resolution para ibasura ang impeachment trial gayundin kinumpirma ni Sen. Padilla na bumalangkas din siya ng sarili niyang resolusyon para sa parehong adhikain.
Samantala, nagpasalamat naman si Cong. Defensor dahil nakatakda ng gumulong ang impeachment trial kasunod ng opisyal nang panunumpa ni Senate President Francis Escudero bilang presiding officer ng impeachment court at panunumpa ng Senator-judges. (Daris Jose)

Regional top most wanted person, nabitag ng NPD sa Caloocan

Posted on: June 13th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NALAMBAT ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) ang isang lalaki na nakatala bilang No. 4 Regional top most wanted sa ikinasang manhunt operation sa Caloocan City.
Sa ulat ni NPD Public Information Office chief P/Capt. Marcelina Pino, nakatanggap ng impormasyon ang District Special Operations Unit (DSOU) ng NPD hinggil sa kinaroroonan ng 43-anyos na akusado na nakatala din bilang District at Station No. 2 TTMWP.
Katuwang ang mga tauhan ng WSS-CCPS, NDIT RIU-NCR at PS4 Novaliches Police Station, ikinasa ng mga tauhan ni DSOU chief P/Lt. Col. Alain Terence Licdan ang joint operation na nagresulta sa pagkakaarestosa akusado dakong alas-9:40 ng gabi sa Brgy. 176.
Ang akusado ay dinakip sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Caloocan City Regional Trial Court Branch 129, noong March 4, 2025 para sa kasong Murder na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng NPD habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail. (Richard Mesa)

Pag-inspeksyon sa San Juanico Bridge dapat kada tatlong taon

Posted on: June 13th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
SINABI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may pangangailangan na inspeksyunin ang maintenance ng San Juanico Bridge kada tatlong taon.
Ito’y upang matiyak na ligtas ang nasabing tulay sa mga gagamit nito.
Ang pahayag na ito ng Pangulo ay kasabay ng pag-inspeksyon sa Amandayehan Port sa Basey, Samar. Ito’y isang alternatibong ruta, kung saan ginagamit ng mga sasakyan na hindi pinapayagan na dumaan sa San Juanico Bridge sa gitna ng rehabilitasyon nito.
”Noong nag-inspection ang DPWH para nga sa rehabilitation, ‘ika nila delikado na ‘tong tulay na ito, ‘di namin akalain na ganito kasama dahil siguro hindi namin malaman, hindi ginawa nang mabuti ang maintenance ng tulay. Dapat diyan every three years, binabalik-balikan,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa mga mamamahayag.
”Tinatanong ko sa mga local, sa ating mga kababayan, kung talagang nagagawa ba noon ‘yung every three years, mukhang hindi. Kaya nagkaganito, kaya ang inabot namin talagang sira-sira na,” dagdsag na wika nito.
Itinayo noong 1969 at nakompleto noong 1973, ang San Juanico Bridge ay ang ‘third longest bridge’ sumasaklaw ng bahagi ng katawan ng tubig-dagat sa Pilipinas, kumokonekta sa isla ng Samar at Leyte.
Ito ay proyekto ng namayapa at dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Sa gitna ng rehabilitasyon ng tulay, sinabi ni Pangulong Marcos na magpapataw ang gobyerno ng mga hakbang para masiguro na ang daloy ng mga kalakal ay mananatiling tuloy-tuloy at walang balakid.
”Baka ‘yung traffic sa San Juanico mapalitan natin ‘yung sistema para mas mabilis. Nakausap namin ‘yung isang driver ng truck, ang reklamo naman nila ang dala nila gulay eh nagaantay sila dito tatlo, apat na araw… eh siyempre hindi naman refrigerated van ‘yan kaya wala nasisira ‘yung kanilang produkto,” ayon kay Pangulong Marcos.
“‘Kaya gagawa kami ng sistema para mauna ‘yung perishable goods,” dagdag na wika ng Pangulo.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni Public Works Secretary Manuel Bonoan na ang kasalukuyang load limits ng San Juanico Bridge sa gitna ng rehabilitasyon nito ay maaaring tumaas sa nalalapit na buwan.
“The increase in the load limits could be implemented in the last quarter of this year,” ang sinabi ni Bonoan. ( Daris Jose)

Alcaraz nagkampeon sa French Open

Posted on: June 13th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NAGKAMPEON sa French Open si Spanish tennis star Carlos Alcaraz.
Nalusutan nito ang world No. 1 na si Jannik Sinner sa score na4-6, 6-7 (4), 6-4, 7-6 (3), 7-6 (2).
Umabot ng limang oras at 30 minuto at five set tie breaker ang laro para makamit ng 22-anyos na si Alcaraza ang kaniyang ika-limang major title.
Ito na aniya ang itinuturing na pangalawang pinakamatagal na grand slam final sa Open Ear at si Alcaraz din ang pang-anim na manlalaro na nakabangon sa dalawang set sa French Open.
Ang Spanish tennis star ay siyang pinakabatang manlalaro na nagwagi ng dalawang sunod na men’s singles titles sa Paris.

MAGHAHAIN ng motion for clarification ang House Prosecution Panel para mabigyang linaw ang ginamit na dahilan sa ibinabalik na articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ng senate impeachment court.

Posted on: June 13th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
Nilinaw ni Batangas Rep. Gerville Luistro, isa sa House Prosecutor, na hindi nila sinasaway ang impeachment court kundi nagnanais lamang nilang malinawan ukol sa inaprubahan at pinagbotohang mosyon ng impeachment court na pagbabalik ng impeachment complaint sa Kamara.
Bunsod ito sa ika-apat na impeachment complaint na siyang iniakyat sa senado kung nilabag nito ang 1 year ban sa paghahain ng impeachment laban sa ing mataas na opisyal kasunod sa inihaing unang tatlong impeachment.
Kung mayroon na aniyang paglilinaw at kung naaayon ito sa konstitusyon ay susunod ang prosecution panel.
Sinabi naman ni lead prosecutor at Minority Leader Rep. Marcelino Libanan na sa ngayon ay hindi pa nila natatanggap ang kautusan mula sa senado at pag-aaralan din ng prosekusyon ang nilalaman nito kapag natanggap na ng House Secretary General.
Ayon sa mambabatas, ito ang kauna-unahang pakakataon sa kasaysayan na ibinabalik ng senado sa prosekusyon ang articles of impeachment.
Ngunit, positibo pa rin aniya ang mga aksyong ito dahil nangangahulugan na buhay na buhay ang kaso, hindi ibinasura o terminated. (Vina de Guzman)