• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June 11th, 2025

Kai Sotto, mas mabilis ma-expose sa NBA dahil sa bagong Japan B. League deal

Posted on: June 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PINAIGTING pa ang partnership ng NBA at Japan B. LEAGUE, na maaaring magbukas ng mas maraming oportunidad para sa mga Filipino imports na gustong makapasok sa biggest basketball league.

Ayon kay NBA Deputy Commissioner Mark Tatum, may mga pag-uusap tungkol sa mas malawak na collaboration sa pagitan ng NBA at B. LEAGUE, lalo na at nakita ang talento sa Japan sa katatapos lang na finals ng liga.

Isa sa mga posibleng mangyari ay ang mga laro sa pagitan ng B.LEAGUE teams at NBA G League, na maaaring maging daan para sa mga manlalaro na makuha ang atensyon ng NBA scouts.

Dahil maraming Filipino players ang naglalaro sa B. LEAGUE, kabilang si Kai Sotto, ang partnership na ito ay maaaring maging mahalaga para sa kanila upang magkaroon ng mas malawak na exposure sa NBA.

Bagama’t wala pang konkretong plano para sa mga exhibition games, sinabi ni Tatum na may potensyal para sa mas malaking proyekto sa hinaharap.

2 wanted na ginang, tiklo

Posted on: June 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MAGKASUNOD na sinilbihan ng Northern Police District (NPD) ng warrant of arrest ang dalawang ginang sa loob ng Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.

Unang nagtungo ang mga tauhan ni NPD Director P/BGen. Josefino Ligan sa selda ng 69-anyos na lola dakong alas-5:45 ng hapon upang isilbi ang warrant of arrest na inilabas noong Oktubre 19, 2021 ni Tanauan City, Batangas Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Nevic Cordillo Adolfo ng Branch 53 para sa kasong paglabag sa na-amiyendahang Migrant Workers and Overseas Filipino Act of 1995.

Nakakulong sa naturang piitan ng mga babae sa F. Martinez Avenue, Mauway, Mandaluyong City ang lolang akusado matapos maaresto dahil naman sa kinakaharap na kasong Syndicated Illegal Recruitment sa ilalim ng R.A.8042.

Dakong alas-6:00 ng gabi nang isilbi naman ng mga operatiba ng NPD sa 42-anyos na ginang ang warrant of arrest na inilabas noong Hunyo 8, 2021 ni Taguig City RTC Presiding Judge Marivic Cudilla Vitor ng Branch 266 dahil sa kasong illegal possession of dangerous drug.

Ang ginang ay nakulong sa naturang pasilidad dahil din sa kinakaharap na kasong paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Durg Act of 2002.

Sa dalawang magkasunod na operasyon, sinabi ni BGen. Ligan na gumamit ng body camera at alternatibong recording device sina Lt. Col. Alain Terence Licdan, hepe ng District Special Operations Unit (DSOU), bilang pagsunod sa iniatas na panuntunan ng Korte Suprema. (Richard Mesa)

 

Dating kandidato sa pagka-alkalde sa Baguio city, inaresto

Posted on: June 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

INARESTO ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang dating kandidato sa pagka-alkalde sa Baguio City .

Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago sa isang pahayag na ang pag-aresto Kay Mark Andrew Directo ay nag-ugat sa patong patong na reklamong estafa dahil sa falsification ng mga dokumento laban sa kanya.

Ayon sa NBI, sa nasabing reklamo ay inakusahan si Directo nang pagpapanggap umano na nagmamay-ari siya ng ilang condominium buildings at villas sa Clark Freeport Zone at Baguio City na kanyang ibinenta para may magamit na pondo sa kampanya

Pinangakuan umano nito ang mga complainant na bibigyan ng bahagi sa kikitain ng ilang proyekto nito sa Clark Freeport Zone at Baguio City kapalit ng pagpondo sa kanyang mayoralty bid.

Ayon sa NBI, may warrant of arrest na rin laban kay Directo na inisyu ng Baguio City RTC kung saan may nagsampa na rin sa kanya ng kasong estafa.

(Gene Adsuara)

 

Mister na wanted sa rape sa Valenzuala, swak sa selda

Posted on: June 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGWAKAS na ang sampung taon na pagtatago bago ng 42-anyos na kelot na nahaharap sa kasong panggagahasa matapos matiklo ng pulisya nang bumalik sa kanilang lugar sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Walang inaksayang panahon ang mga tauhan ni Valenzuela Acting Police Chief P/Col. Relly Arnedo nang matanggap ang impormasyon na muling namataan ang puganteng si alyas “Palos” sa kanilang lugar sa Brgy. Malinta kaya’t ikinasa kaagad ang police operation.

Ayon kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Josefino Ligan, may bitbit na warrant of arrest ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section at Station Intelligence Section nang isagawa ang pagsalakay sa bahay ng pugante dakong alas-9:30 ng gabi.

Ang warrant of arrest ay inilabas noon pang Disyembre 3, 2015 ni Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Nancy Rivas-Palmones ng Branch 172 laban kay alyas Palos para sa kasong Rape ng walang inirekmendang piyansa para sa sa kanyang pansamantalang paglaya.

Pansamantalang nakapiit sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela Police Station ang akusado habang hinihintay pa ang ilalabas na commitment order ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Valenzuela City Jail. (Richard Mesa)

P20 milyon droga nasamsam sa Davao city ng NBI

Posted on: June 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NASAMSAM ng mga ahente ng  National Bureau of Investigation (NBI) ang nasa P20 milyong halaga ng illegal na droga sa isinagawang operasyon sa Davao City nitong Linggo ng madaling araw.

Sinabi ng NBI na ang nasabing mga droga ay nasamsam sa isang residential unit sa Emily Homes, Cabantian.

Ikinasa ang operasyon ng mga operatiba ng NBI Southeastern Mindanao Regional Office (NBI SEMRO XI) sa pangunguna ni  Regional Director Arcelito C. Albao sa koordinasyon ng  Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region XI.

Gayunman, hindi binanggit ng NBI ang mga pangalan ng mga naaresto sa operasyon.

Nasamsam ang 1.575 kilo ng methamphetamine hydrochloride o shabu na nagkakahalaga ng P17.325 milyon; 4.885 kilo ng kush na nagkakahalaga ng P5.86 milyon; isang hanay ng mga produktong nakabatay sa cannabis; Malaking Punong Bayabas live resin; Sluggers HIT disposables; mga heat sealer at mga tool sa repackaging; at mga delivery boxes mula sa Foodpanda at Maxim na ginamit upang itago ang distribusyon ng droga.

Ayon sa NBI, inilunsad ang operasyon matapos makatanggap ng report na ang isang residential unit ay ginagamit bilang isang hinihinalang repacking at distribution hub para sa illegal na droga. (Gene Adsuara)

LTO naglabas ng SCO laban sa 205 driving schools dahil sa manipulasyon sa computer system

Posted on: June 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGLABAS ang Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Orders laban sa 205 driving schools sa buong bansa dahil sa manipulasyon sa computer system para makapasok ang mas maraming estudyante sa kabila ng itinakdang limitasyon ng ahensya, at iba pang paglabag.

Kasabay nito, inihayag ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, na may hindi bababa sa 88 pinuno ng mga LTO District Office ang pinagpapaliwanag kung bakit tila pinalampas o hindi agad naaksyunan ang mga nasabing paglabag.

Kabilang sa mga paglabag ang pakikialam sa access nila sa Land Transportation Management System (LTMS) upang makapag-upload ng mas maraming Theoretical Driving Course (TDC) at Practical Driving Course (PDC) certificates kaysa sa itinakdang daily limit ng LTO; pag-iisyu ng mga sertipiko kahit hindi pa tapos ang kinakailangang oras ng kurso; at non-appearance issuance ng TDC at PDC certificates.

Ang mga TDC at PDC certificates ay pangunahing requirement sa pag-a-apply ng driver’s license.

“Nagbabala tayo noon pa na hindi na puwede ngayon ang mga kalokohang ganito dahil buhay ng mga road users ang nakataya dito. Under the watch of Secretary Dizon, nakuha natin ang buong suporta upang maging mas agresibo laban sa mga taong nasa likod nito,” ani Asec Mendoza.

Matatandaang noong nakaraang buwan, mahigit 100 driving schools ang sinuspinde dahil sa iba’t ibang paglabag kaugnay ng maanomalyang pag-iisyu ng TDC at PDC certificates.

Ang crackdown laban sa mga abusadong driving school ay bahagi ng mas pinaigting na kampanya laban sa mga ilegal na aktibidad na sumasalungat sa adbokasiya para sa road safety sa ilalim ng Bagong Pilipinas.

Noong Biyernes, Hunyo 6, inanunsyo ni Asec Mendoza na humigit-kumulang 40 pinuno ng mga LTO district office ang pinagpapaliwanag kaugnay ng iligal na paglipat ng rehistro ng mga sasakyang nakumpiska sa mga police operations.

Kinabukasan naman, ibinunyag ni Asec Mendoza na maglalabas din ng Show Cause Orders ang LTO laban sa 160 medical clinics na sangkot sa non-appearance issuance ng medical certificates para sa mga nag-a-apply ng driver’s license.

“Tuloy tuloy na ito dahil ang instruction ng ating Pangulo at Secretary Dizon ay linisin ang LTO upang matiyak na maayos ang serbisyo at matiyak ang kaligtasan ng lahat ng road users,” ani Asec Mendoza.

“Isa itong seryosong babala sa lahat ng patuloy na sangkot sa mga ganitong ilegal na gawain tama na, dahil kung hindi, hahabulin namin kayo,” dagdag pa niya. (PAUL JOHN REYES)

 

Ads June 11, 2025

Posted on: June 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

11 – page 4-merged

DOH sa mga paaralan: Dengue, paghandaan na  

Posted on: June 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PINAGHAHANDAAN na ng Department of Health (DOH) ang mga paaralan ng mga pamamaraan upang mapigilan ang posibleng pagkalat ng dengue.

Ito’y kasunod na rin nang nalalapit nang pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral sa Hunyo 16 at pormal nang pagsisimula ng panahon ng tag-ulan sa bansa.

Sa kanyang pakikiisa sa nationwide kickoff ng Brigada Eskwela 2025 sa Bacacay East Central School sa Bacacay, Albay kahapon, sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na ang dengue ay isa sa mga problemang pangkalusugan sa bansa na nakaaapekto sa mga kabataan sa bansa.

Pinasalamatan din naman niya ang mga guro dahil sa pagtulong sa DOH dahil karamihan sa mga problemang kinakaharap ng ahensiya ay may kinalaman sa kalusugan ng mga kabataan.

“So the rainy season is starting, and I do hope that schools are now clean and well-maintained so they won’t become breeding grounds for mosquitoes that carry dengue,” ayon sa health chief.

Una nang nagbabala si Herbosa na posibleng magkaroon ng isang major dengue outbreak sa bansa dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng sakit sa unang bahagi pa lamang ng taon.

Samantala, nagpahayag din naman ng pagkaalarma si Herbosa sa iba pang health issues na kinasasangkutan ng mga kabataan, kabilang na rito ang vaping at human immunodeficiency virus (HIV).