• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June 9th, 2025

DepEd, nagbabala sa publiko laban sa fake news ukol sa class suspension dahil sa Mpox

Posted on: June 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NAGBABALA ang Department of Education (DepEd) sa publiko laban sa pekeng social media post na nagsasabi na suspendido ang klase dahil sa monkeypox (Mpox) virus.
Itinanggi ng DepEd ang tsismis na ito at hinikayat ang publiko na maging bigilante.
“Fake news ang kumakalat na social media post tungkol sa umano’y suspension of classes dahil sa MPOX virus,” ang sinabi ng departamento.
Pinaalalahanan din ng DepEd ang publiko na maging mapanuri pagdating sa mga hindi beripikadong impormasyon.
“Muling pinaaalalahanan ng DepEd ang publiko na mag-ingat at maging mapanuri laban sa misinformation,” ayon pa rin sa DepEd.
At upang maiwasan ang pagkalito at paglaganap ng false news, hinikayat ng DepEd ang publiko na umasa lamang sa mga beripikadong sources.
“Para sa opisyal na mga anunsiyo at impormasyon tungkol sa basic education, bisitahin lamang ang official DepEd Philippines social media accounts,” ayon sa DepEd.
Nauna rito, nagpalabas din ng babala ang Department of Health (DOH) laban sa kumakalat na pekeng Facebook posts na nagsasabing magkakaroon ng lockdown bunsod ng Mpox.
Ayon sa DOH, walang katotohanan ang mga ito at bahagi lamang ng disinformation.
Ipinahayag ng ahensya, na walang kailangang lockdown dahil hindi airborne ang Mpox. Nilinaw rin ng DOH, na wala pang naitalang Clade I-b na kaso ng Mpox sa bansa; ang mayroon lamang ay Clade II, na may mas mababang mortality rate.
Pinayuhan ng DOH ang publiko na huwag maniwala sa mga pekeng Facebook posts na maaaring bahagi ng maling marketing strategy o pekeng endorsement.
Hinikayat din ang lahat na kumuha lamang ng impormasyon mula sa kanilang opisyal na Facebook page at website.
Naiparating na rin ng DOH sa Department of Information and Communications Technology (DICT) ang nasabing usapin upang agad na maalis ang mapanlinlang na posts.
( Daris Jose)

DICT, pinalakas ang 1326 hotline para labanan ang scams, fake news

Posted on: June 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
PINAIGTING ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pagsisikap nito na protektahan ang mga Filipino mula sa online scams, fake news at cybercrime sa pamamagitan ng pinalakas na hotline 1326, isang dedikadong digital complaints channel ng gobyerno.
Sa isang panayam, sinabi ni DICT Assistant Secretary Renato Paraiso na pinalawak ng departamento ang kapasidad ng hotline para humawak ng mas marami pang reports, at makapagbigay ng mas mabilis na feedback mechanism at mas malinaw na tulong sa mga Filipino sa buong bansa.
“Palalakasin natin itong hotline 1326, magkakaroon ho tayo ng mas malakawang response mechanism at feedback mechanism. Iyon ang importante eh,” ayon kay Paraiso.
Aniya, karaniwang nag-aatubili ang mga tao na mag-report na sila ay na-scam, dahil sila ay nahihiya o dahil sa wala silang tiwala sa gobyerno.
“May magagawa tayo. Ngayon papatunayan natin iyan, kapag nag-report kayo, kami mismo ang tatawag ulit sa inyo para sabihin ano na ang status ng kaso ninyo, ano na iyong progress ng kaso ninyo, may kailangan pa ba kami sa inyo. So hanggang — iyon talagang balak natin attribution, apprehension, prosecution, conviction. Hanggang doon ho ang gusto natin gawin,” ang sinabi ni Paraiso.
Ang paliwanag pa nito, ang hotline 1326 ay ang ‘first line’ ng depensa para sa mga mamamayan na naka- encounter ng scams, phishing attempts o fake social media posts.
Samantala, maliban sa pagtanggap ng tawag, isasama rin ng DICT ang hotline 1326 sa digital eGov application at eReport system, pahihintulutan ang mga filipino na magreport via phone, online forms o messaging apps — ang lahat ng link sa isang centralized database para sa mas mabilis na aksyon ng gobyerno.
Binigyang diin ni Paraiso na ang layunin nito ay makapagbigay ng ‘seamless, multi-channel reporting system’ para mapahinto ang scam misinformation sa bawat filipino.
Sa kabilang dako, makakatuwang ng DICT ang Presidential Communications Office (PCO) pagdating sa fact-checking para mapigilan ang paglaganap ng fake news.
“Ito naman ang maganda, iyong partnership ho ng DICT, ni Secretary Henry Aguda at ni [PCO] Secretary Jay Ruiz. Napag-usapan ho namin na ang PCO ho ang mangangasiwa pagdating sa fact-checking,” aniya pa rin.
“The discussion was baka hindi akma or hindi tama na ang gobyerno mismo ang mag-fact-check pero dapat mayroong sistema ng oversight. Kumbaga government will be the fact-checkers of the fact-checker. So, iyon ang pinag-aaralan nating sistema,” dagdag na pahayag ni Paraiso.
Samantala, sa pamamagitan ng kolaborasyon, tutukuyin ng PCO kung ano ang fake news at doon pa lamang gagawa ng aksyon ang DICT sa pamamagitan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center, para mapanagot ang mga salarin.
(Daris Jose)

Pag-abolish sa SHS, bahala na ang Kongreso na magdesisyon- Angara

Posted on: June 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
TANGGAP ni Education Secretary Sonny Angara ang pagkapaso ng implementasyon ng senior high school (SHS) curriculum sa ilalim ng K to 12 program, subalit bahala na aniya ang Kongreso na magdesisyon kung ipagpapatuloy pa ito o hindi.
Ito’y matapos na maghain si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ng panukalang batas (Senate Bill No. 3001) upang tanggalin ang Senior High School (SHS) mula sa programang K to 12 dahil hindi pa rin natutupad ng SHS ang layunin nitong makapagtapos ng mga job-ready na mag-aaral kahit 12 taon na ang nakalipas mula nang maipatupad ang Republic Act No. 10533.
Sinabi naman ni Angara na nakatakdang magpatupad ng pagbabago ang DepEd sa SHS ngayong nalalapit na ang School Year 2025-2026, sa pamamagitan ng pilot run ng binagong SHS curriculum.
“Hindi maganda ang naging implementation nitong nakaraang dekada. Masyadong marami ang subjects at nakahon masyado ang mga bata. Hindi sila nakakapili ng subject/s,” ang sinabi ni angara sa isang kalatas.
“Having said that, ang desisyon kung ipagpapatuloy ang SHS o hindi ay Kongreso lamang po ang makakapagsabi at makakapag-pasya,” ayon pa rin sa Kalihim.
Ang School Year 2025-2026 ay nakatakdang magbukas sa June 16, 2025 at magtatapos sa March 31, 2026.
Sa ulat, mahigit 800 eskwelahan sa buong bansa ang nakatakdang magpartisipa sa pilot run ng binagong Senior High School (SHS) curriculum ng basic education program ngayong incoming School Year 2025-2026.
Ang paliwanag ni Department of Education (DepEd) Undersecretary Wilfredo Cabral sa isinagawang briefing ng Committee on Basic Education and Culture na ang central office ng DepEd ay paunang naglista ng 727 eskwelahan na klasipikado bilang “highly ready” na makasama para sa gagawing pagsubok ng pinalakas at pinatibay na programa para sa Grades 11 at 12.
Gayunman, sa nakuhang feedback mula sa Senate Committee on Basic Education, nagdesisyon ang central office na magdagdag ng “moderately ready” private schools at rural schools, na nagresulta sa partial list na 841 paaralan.
Tinuran pa rin nito na ang 841 pilot schools ay kumakatawan sa 6.60% ng 12,739 kabuuang SHS schools sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa 841 eskwelahan, 580 ang public at 261 naman ang private. Tinatayang 806 ang learning institutions na nanggaling sa urban areas, habang 35 naman ang mula sa rural areas.
Sa oras na magsimula na ang pilot test, mahigpit na imo-monitor ng DepEd ang implementasyon sa iba’t ibang mga antas ng pamamahala. Nakipagtulungan na rin ang ahensya sa Philippine Institute for Development Studies para planuhin at ipatupad ang isang ‘reliable evaluation study’ ukol sa nasabing usapin.
Ang pagsasanay ng mga guro na magpapartisipang paaralan ay isasagawa mula May 25 hanggang June 7. ( Daris Jose)