https://peoples-balita.com/wp-content/uploads/2025/05/30-4-merged.pdf
Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan
MTRCB, katuwang sa pagsusulong ng mental health’…
Chair LALA, binigyang-diin ang kahalagahan ng malusog na kaisipan
NAGDAOS ng Psychoeducation Seminar nitong Lunes, Mayo 26, ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) para mapaigting ang kaalaman ng mga empleyado ng Ahensya tungkol sa mental health awareness.
Parte ito ng inisyatiba ng Board sa ilalim ng pamumuno ni Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio na mapangalagaan ang kalusugan sa MTRCB.
Pinangunahan ni Pat Ramirez, isang rehistradong psychometrician, ang talakayan tungkol sa mental health awareness, stress management at mga batayang batas sa Ahensya.
Binigyang-diin ni Sotto-Antonio ang kahalagahan ng malusog na kaisipan.
“Ang pangangalaga sa mentalidad ng ating mga empleyado sa MTRCB ay sumasalamin sa paniniwala ng Board na ang serbisyo publiko ay nagsisimula mismo sa atin,” sabi ni Sotto-Antonio.
“Ang mga empleyado ng gobyerno na may malusog na kaisipan ay tiyak na makakapagbigay ng propesyonal na serbisyo sa ating mga stakeholder at sa publiko.”
Ang programa ay mula sa dedikasyon ng Board na mapanatiling malusog ang mga kawani ng MTRCB at ligtas sila sa trabaho para mapaglingkuran nila nang tama ang publiko at maisulong ang responsableng panonood sa Bagong Pilipinas.
(ROHN ROMULO)
KASUNOD ng komprehensibong performance assessment, nakatakdang i-welcome ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang dalawang bagong Cabinet members, binigyang diin ang commitment ng kanyang administrasyon sa ‘pagtugon at epektibong pamamahala.’
Nakatakdang manumpa sa kanilang bagong tungkulin sina Engr. Jose Ramon Aliling bilang bagong Secretary of the Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), papalitan nito si Secretary Jose Rizalino Acuzar, itinalaga bilang Presidential Adviser for Pasig River Development.
Si Secretary Aliling ay hindi na bago sa departamento, nanilbihan na kasi ito bilang DHSUD undersecretary.
Sa kabilang dako, si Atty. Darlene Marie Berberabe, Dean ng University of the Philippines College of Law, ay uupo naman bilang bagong Solicitor General, apalitan ni Berberabe si Atty. Menardo Guevarra.
Maliban sa kanyang kadalubhasaan sa akademya, nagsilbi rin si Berberabe bilang chief executive officer (CEO) ng Pag-IBIG Fund.
Nauna rito, nanawagan si Pangulong Marcos ng courtesy resignations mula sa lahat ng miyembro ng kanyang gabinete bilang bahagi ng hakbang upang muling isaayos ang administrasyon kasunod ng resulta ng 2025 National and Local Elections.
Ani Pangulong Marcos, magbibigay-daan ito upang masuri ang pagganap ng mga departamento at matukoy kung sino ang dapat na magpatuloy sa paglilingkod alinsunod sa ‘recalibrated priorities’ ng pamahalaan.
Tiniyak naman ng Pangulo na hindi maaapektuhan ng gagawing ‘transition’ ang mga serbisyo ng gobyerno kung saan tuluy-tuloy aniya ang matatag at mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng mga tao.
“I don’t do things for optics. If there is a problem, I like to fix it. So that’s what we are doing. So expect us to be doing a rigorous performance review, not only at the Cabinet level, but even deeper,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang panayam.
Kinilala ng Pangulo ang kahalagahan na tugunan ang agaran at araw-araw na pangangailangan ng mga mamamayang Filipino.
Kamakailan lamang ay inanunsyo ni Executive Secretary Lucas Bersamin na pinanatili ni Pangulong Marcos ang kayang economic team at tinanggap ang courtesy resignations ng dalawa niyang Cabinet members.
Pinanatili rin ng Pangulo si Bersamin bilang kanyang executive secretary.
(Daris Jose)
ARESTADO sa follow-up operation nina Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan ang dalawang umano’y notoryus na holdaper na sina alyas “Aries”, 25, at alyas “Taurus” 32, sa Yanga St. Brgy. Maysilo, Malabon City matapos tangkaing holdapin ang isang Indian national sa loob mismo ng bahay ng biktima sa Brgy. Tugatog subalit, nanlaban ang bumbay na dahilan upang barilin siya ng isa sa mga suspek sa kaliwang braso. (Richard Mesa)
MALUGOD na tinanggap ni dating DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ang pagkakatalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Major General Nicolas Torre III bilang bagong hepe ng Philippine National Police, na kanyang inilarawan bilang isang “taong may integridad at aksyon” na may kakayahang pamunuan ang mahigit 230,000 tauhan ng pulisya.
Si Torre, isang miyembro ng PNPA Class of 1993, ay huling naglingkod bilang direktor ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), kung saan pinangunahan niya ang mga high-profile na operasyon sa ilalim ng pamamahala ni dating DILG Secretary Abalos kabilang ang pagtugis at pag-aresto kay Apollo Quiboloy noong 2024.
Ayon kay Abalos, na nagpatnubay sa mga koordinadong hakbang upang mapanagot si Quiboloy, si Torre ay “kalma sa gitna ng presyon at matibay sa aksyon,” dagdag pa niya na “buo ang kanyang integridad at tapang sa misyon na iyon.”
Binanggit ni Abalos na ang papel ni Torre sa pag-aresto kay Quiboloy ay nagpapakita ng kanyang “di matitinag na pagsunod sa batas, anuman ang pagiging sensitibo o mataas na profile ng kaso.”
Bilang dating chairman ng NAPOLCOM, naalala ni Abalos na si Torre, noong siya ay pinuno ng pulisya sa Lungsod Quezon, ay kinilala bilang isang natatanging hepe dahil sa pagpapasimula ng paggamit ng drone upang mapabuti ang pagtugon at pagmamanman ng pulisya.
“Ang ganitong uri ng pamumuno ang kinakailangan ng PNP sa panahon ngayon,” aniya.
Pinalitan ni Torre si General Rommel Francisco Marbil.
Nagpasalamat din si Abalos kay Marbil sa kanyang serbisyo, lalo na sa pagpapabuti ng internal na reporma at pagbibigay-diin sa community policing.
“Naglingkod si General Marbil nang may dangal at propesyonalismo. Ang kanyang mahinahon at nakatutok na pamumuno ay nakatulong sa pagpapapanatag ng puwersa sa gitna ng mahihirap na panahon,” ani Abalos.
Sa ilalim ng kanyang pamamahala, isinulong ni Marbil ang mga inisyatiba upang gawing moderno ang mga operasyon ng pulisya at palakasin ang tiwala ng publiko, ayon kay Abalos.
“Bilang dating Kalihim ng DILG, ipinagmamalaki kong nakatrabaho ang dalawang lider na may integridad sina General Marbil at General Torre,” ani Abalos. “Ang kanilang pamumuno, propesyonalismo, at dedikasyon sa serbisyo publiko ay ang hinahanap ng PNP at ang nararapat para sa ating bayan.” (PAUL JOHN REYES)
NILINAW ng Departament of Foreign Affairs (DFA) na mayroon lamang na isang aktibong pasaporte si dating Presidential spokesperson Harry Roque.
Sa katunayan, ang pinakabagong pasaporte ni Roque ay ipinalabas noong 2024, at balido hanggang July 2034.
“The DFA can confirm that Mr. Harry Roque holds only one valid regular Philippine passport. All other previously issued under his name have been duly cancelled in accordance with existing rules and regulations,” ang sinabi ng departamento.
Samantala, ang diplomatic passport ni Roque na ipinalabas sa administrasyong Duterte ay napaso na noong Disyembre 2022.
Ang paglilinaw na ito ng DFA ay tugon sa naging kautusan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa kanila na kanselahin ang pasaporte ni dating Malacañang Spokesperson Atty. Harry Roque, kasunod ng paglabas ng warrant of arrest ng korte laban sa kaniya.
Ayon kay Remulla, may dalawa o tatlong pasaporte si Roque.
Bawal aniya ang pagkakaroon ng mahigit sa isang regular Philippine passport.
Maaaring ito aniya ang dahilan kung bakit nagawa ni Roque na makaalis ng bansa.
Pero nasabi rin ng Kalihim na dumaan ng Tawi-Tawi si Roque at gumamit ng speed boat para makapunta ng Malaysia.
Si Roque, tinawag namang fake news ang sinabi ni Remulla.
Ayon dito, isang pasaporte lang ang gamit niya at kasalukuyan itong nasa Dutch authorities dahil sa kaniyang asylum application.
Habang ang kanyang isang pasaporte ay hindi na rin nagagamit dahil puno na ito o wala ng blankong pahina.
Ang kanyang diplomatic passport naman, matagal na aniyang hindi ginagamit dahil wala na siya sa gobyerno.
Ang panawagan ngayon ni Roque: mag-ingat ang publiko sa mga ipinakakalat na hindi totoong balita tungkol sa kaniya na ginagawa aniya ng Marcos government para siraan siya.
Samantala, si Roque ay nahaharap sa qualified at regular human trafficking cases na nakahain sa Angeles City RTC, may kaugnayan sa di umano’y pagkakasangkot nito sa illegal POGO.
(Daris Jose)
ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., si dating PAG-IBIG Fund CEO Darlene Marie Berberabe bilang susunod na Solicitor General.
Papalitan ni Berberabe, kasalukuyang dean ng University of the Philippines (UP) College of Law, si Menardo Guevarra.
Sa ulat, sinabi ni Guevarra na masaya siya para kay Berberabe, kung saan ay inilarawan niya ito bilang isang top-caliber lawyer na may kahanga-hangang background ng pamamahala.
Para kay Guevarra, magbabalik siya sa kanyang pribadong buhay.
“As for me, maybe it’s time to go back to a quiet and peaceful private life,” ayon pa rin kay Guevarra. (Daris Jose)