• April 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for May 29th, 2025

Kasunod ng muling pag-aresto sa kaniya sa Timor-Leste… Kampo ni Arnie Teves, naghain ng habeas corpus 

Posted on: May 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NAGHAIN na ang kampo ni dating Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves Jr. ng writ of habeas corpus petition kasunod ng muling pag-aresto sa kaniya sa Timor-Leste.
Sa isang online briefing, inihayag ng legal counsel ni Teves sa Pilipinas na si Atty. Ferdinand Topacio, sakaling katigan ang kanilang petisyon, dadalhin sa hukuman si Teves at kailangan na makumbinsi ng mga umarestong awtoridad ang korte kung bakit siya inaresto at kung ipapadeport siya, kailangan ding ipaliwanag ng mga ito ang basehan para sa deportation ni Teves.
Binigyang diin pa ni Atty. Topacio na naibasura na noon pang Marso ang extradition request ng gobyerno ng Pilipinas.
Inilatag din niya ang tatlong basehan para sa denial o pagbasura sa posibleng deportation ni Teves. Una ay nasa matinding panganib umano ang buhay ng dating mambabatas, pangalawa, posible aniyang pwersahin siyang sumailalim sa torture at iba pang hindi makataong parusa at pangatlo, maaaring sumailalim aniya siya sa proceedings na maaaring magdulot ng injustice sa kanya. ( Daris Jose)

Kapag nag- full blast na ang rehabilitation… Skyway toll fee ililibre habang inaayos EDSA

Posted on: May 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
TAHASANG sinabi ni Transportaion Secretary Vince Dizon na pinag-uusapan at pinag-aaralan na nilang ilibre ang toll fee sa Skyway Stage 3 sa Hulyo o Agosto kapag nag-full blast na ang EDSA rehabilitation.
Ayon kay Dizon, ang mga apektadong segment lang ng EDSA kung saan kailangan mag-detour ng mga sasakyan na magiging libre, ito ay bahagi ng ­inisyal na intervention ng Department of Transportation (DOTr) at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para maibsan ang matinding trapik na magi­ging dulot ng isasagawang rehabilitasyon sa EDSA.
Samantala, sa halip na isang linggo, isang buwan gagawin ang dry run ng Odd-Even Scheme na ipapalit ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa number coding habang inaayos ang EDSA.
Ito naman ang sinabi ni MMDA Chairman Atty. Romando Artes kung saan 24/7 ipatutupad ang dry run simula Hunyo 16. Una nang sinabi ng MMDA na isang linggo lang ang gaga­wing dry run para sa Odd-Even Scheme.
Sa Odd-Even Scheme, bawal dumaan ang mga plakang nagtatapos sa 1,3,5,7, 9 sa tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes habang ang mga plakang nagtatapos naman sa 2,4,6,8,0 ay bawal sa araw ng Martes, Huwebes at Sabado.
Nilinaw ni Artes na mangingibabaw ang Odd-Even Scheme sa kahabaan ng EDSA habang ang number co­ding scheme naman ang patuloy na ipatutupad sa iba pang main thoroughfare “With the enforcement of the odd-even scheme, we are expecting a 40% reduction in the number of vehicles along EDSA,” ani Artes. ( Daris Jose)

ISINANTABI ng isang mambabatas ang pinakahuling Pulse Asia survey na nagpapakita na kalahati ng mga Pilipino ang hindi pabor sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, na nagsaad na hindi dapat diktahan ng public opinion ang takbo ng isang constitutional process.

Posted on: May 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
“In relation to the prosecution, personally I can’t speak for everyone else, but we have to take it with a grain of salt. Nakita rin po natin kung anong resulta ng survey sa ating senatorial election. Surprised, No. 2 Sen. [Bam] Aquino, and we also have Sen. [Kiko] Pangilinan among others, so iyon, I really take surveys with a pinch of salt right now,” ani 1-RIDER Party-list Rep. Rodge Gutierrez.
Tinukoy ni Gutierrez ang hindi inaasahang kinalabasan ng May 2025 senatorial elections, kung saan nakuha nina dating senador Bam Aquino at Kiko Pangilinan, kapwa mababa sa pre-election surveys, ang pumasok sa may matataas na boto.
Sa Pulse Asia “Pulso ng Bayan” survey, na ginawa noong May 6 hanggang 9 sa may 1,200 registered voters, na 50% ang hindi pabor sa paghahain ng impeachment complaint, 28% ang pabor at 21% naman ang undecided. Ang survey ay may ±2.8 percentage point margin of error.
Hindi naman nito kinuwestiyon ang integridad ng Pulse Asia.
“I won’t say biased. Supposedly there is some statistical reasoning behind it,” pahayag nito.
Sa kabila na lumilitaw sa survey na maraming Pinoy ang kontra impeachment, iginiit ni Gutierrez na nanatili ang tungkulin ng prosecution panel na ipresenta ang mga ebidensiya at patunayan ang kanilang kaso saSenate impeachment court.
Na-impeach si VP Sara Duterte ng kamara noong February 5, 2025, dahil sa mga kaso ng culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, graft and corruption, at iba pang high crimes.
Nag-ugat ang kaso sa alegasyon ng misuse sa P612.5 milyong confidential funds—P500 million sa ilalim ng Office of the Vice President at P112.5 million sa ilalim naman ng Department of Education (DepEd)—habang nanunungkulan si Duterte bilang VP at Education Secretary.
Nakatakdang mag-convene ang senado bilang impeachment court sa June 2, 2025, para simulan ang trial proceedings. Nangangailang ng two-thirds ng boto para ma-convict at matanggal si Duterte mula sa kanyang opisina. (Vina de Guzman)

1-Rider Party List Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez ang ipinatupad na No Contact Apprehension Policy (NCAP)

Posted on: May 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
PINABUBUSISI ni 1-Rider Party List Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez ang ipinatupad na No Contact Apprehension Policy (NCAP) dahil sa ilang hindi pa nareresolbang isyu na naging sanhi para magkaroon ng kaguluhan sa mga motorista, partikular ng mga motorcycle riders.
Ang NCAP, ay dinisenyo upang magpatupad ng mga traffic regulations sa pamamagitan ng automated camera systems. Inulan ito ng ilang isyu kabilang na ang hindi malinaw na guidelines sa vehicle ownership transfers, inconsistent enforcement, at reklamo ukol sa hindi malinaw na road signages.
Dahil sa mga hindi pa nareresolbang isyu ay nauwi ito sa kalituhan, unfair penalties, at delays para sa epektibong pagpapatupad ng programa na nakaapekto sa mga riders at iba pang road users.
Sinabi ni Gutierrez na kailangan munang matugunan ang mga naturang isyu bago sana naipatupad ang NCAP.
“The intention behind NCAP is commendable, but the lifting of the TRO does not cure the existing problems. Its current implementation is flawed and unfairly impacts our motorists. We need clear road signages, transparent ownership transfer processes, and a system that respects due process to ensure fairness,” anang mambabatas.
Hinikayat pa nito ang Kamara na imbestigahan ang kahandaan ng MMDA sa pagpapatupad ng NCAP at pagkaka-delay sa implementasyon ng naturang programa.
“Our initial talks with the LTO seem to confirm our concerns that the systems in place are not ready. We cannot allow a system meant to promote road safety to create more problems for our citizens. I am calling for a delay in NCAP’s implementation until the MMDA can demonstrate its readiness and address these critical issues,” pahayag ni Gutierrez. (Vina de Guzman)

Malabon LGU, nag-deploy ng 3 power washer equipment para mabawasan ang matinding init

Posted on: May 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
PARA mabawasan ang epekto ng patuloy na mainit at tagtuyot, sinimulan ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon ang pagpapatakbo ng tatlong high-powered water pressure washers upang linisin at palamigin ang mga kalsada, parke, at iba pang pampublikong lugar.
“Gamit ang mga power washer na ito, sinimulan po natin ang pagbobomba ng tubig sa iba’t ibang bahagi ng lungsod, partikular sa mga daanan at mga parke. Ito ay upang makatulong sa pagbawas sa epekto ng tag-init at masiguro ang kalusugan ng mga residente. Gayundin ay makakapagdilig tayo ng mga halaman at puno na siyang tumutulong sa pagkakaroon ng mas maaliwalas na kapaligiran,” ani Mayor Jeannie.
Ang inisyatibang ito, sa pangunguna ng Malabon Disaster Risk Reduction and Management Office, na inuuna ang mga lugar na may matinding foot traffic tulad ng mga pampublikong pamilihan, bangketa, at mga pangunahing parke. Kasama sa mga target na lokasyon ang Malabon Center Island, Malabon Landmark, Catmon People’s Park, at Hulo Plaza.
“Kasabay ito ng ating patuloy na paglilinis sa mga lugar para naman maiwasan ang pagbabaha kung sakaling dumating panahon ng tag-ulan. Kaya po makasisiguro ang mga Malabueno na tayo ay nakahandang umalalay ano man ang panahon,” dagdag ng mayora.
Isinasagawa ang operasyon kasabay ng mga regular na cleanup drive na isinasagawa ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO), na nakatuon sa mga kalsada, parke, at daluyan ng tubig.
Binigyang-diin ni Mayor Jeannie na ang pagsisikap na ito ay bahagi ng isang mas malaking kampanya upang itaguyod ang pampublikong kalusugan at kalinisan sa mga buwan ng tag-init.
“Bukod sa pagpapalamig ng ating mga kalsada, ito rin ay isang hakbang para maiwasan ang pagkalat ng mga sakit na nagmumula sa maruruming kapaligiran,” aniya. (Richard Mesa)

Mister, kulong sa baril at shabu sa Malabon

Posted on: May 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
SHOOT sa selda ang 44-anyos na lalaki matapos inguso sa pulisya na may dalang baril habang gumagala at makuhanan pa ng shabu sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
          Sa ulat ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa isang lalaki na may dala umanong baril habang gumagala sa Katipunan St. Brgy. Bayan Bayanan.
          Kaagad rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 7 kung saan nakita nila ang suspek na may bitbit na baril kaya maingat nila itong nilapitan bago sinunggaban dakong alas-3:20 ng madaling araw.
          Nakumpika sa suspek na si alyas “Dave”, ng Brgy. Baritan ang isang improvised firearm (pen gun) na kargado ng isang bala at nang kapkapan, ay nakuha pa sa kanya ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6,800.
          Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa R.A 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition), in relation to Batas Pambansa Blg. 881 (Omnibus Election Code), at R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Pinuri naman ni P/BGen. Josefino Ligan, District Director ng Northern Police District (NPD), ang mabilis na pagtugon at mapagpasyang aksyon ng mga tauhan ng Malabon CPS para sa kaligtasan ng publiko at pag-iwas sa krimen. (Richard Mesa)

Kelot, isinelda sa panggugulo habang armado ng baril sa Navotas

Posted on: May 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
IBINALIBAG sa selda ang isang lasing na lalaki matapos maghasik ng takot makaraang magwala at maghamon ng away habang armado ng baril sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.
          Ayon kay Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa ginagawang panggugulo ng isang lasing na lalaki sa Champaca Street.
Agresibo din nitong hinahamon ng suntukan ang mga bystander habang winawasiwas ang hawak na baril na dahilan upang magdulot ng labis na pangamba sa mga residente sa lugar.
Agad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Navotas Police Sub-Station 2 na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek na si alyas “Jeffrey”. 24, dakong alas-5:20 ng madaling araw.
          Nakuha sa suspek ng mga tauhan ni Col. Cortes ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala at nang hanapan siya ng mga dokumento hinggil sa legalidad nito ay wala siyang naipakita.
          Sasampahan ng pulisya ang suspek ng kasong paglabag sa Article 155 (Alarms and Scandals), R.A 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition), at Batas Pambansa Blg. 881 (Omnibus Election Code) sa Navotas City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

AKUSADO SA PAGPATAY SA ISANG PULIS, ARESTADO

Posted on: May 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
ARESTADO sa bisa ng arrest warrant ang ikatlo sa ap akusado sa pagpatay sa isang pulis noong June 19,2015
Sa rekord ng Manila Police District (MPD), sampung taon nagtago sa batas ang akusado sa aksong pagpatay kay Police Officer 3 Ronald Leonardo .
Si Leonardo ay dating naka-assign bilang operatiba ng follow-up section ng MPD na dating Anti-Crime Unit.
Sa impormasyon, tinatrabaho umano ng operatiba ang grupo ng mga akusado na sangkot sa mga serye noon ng holdapan bukod pa sa pagkakasangkot sa illegal na droga, at nakawan.
Gayunman, natunugan ito ng mga akusado kaya inabangan si Leonardo habang pauwi na sa kanilang bahay.
Siya ay nagtamo ng tama ng bala sa dibdib.
Ayon sa MPD, una nang naaresto noong 2017 ang dalawa s apat na akusado kabilang ang isa na itinurong gunman.
Itinanggi naman ng naarestong akusado ang krimen ngunit itinuro ang master mind na si alyas Michael Flores. (Gene Adsuara)

Utang dadatnan ni Isko Moreno sa kanyang muling pag-upo sa Maynila 

Posted on: May 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
SINABI ni incoming Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang malaking ‘unpaid debts’ na kanyang dadatnan sa kanyang pag-upo sa Hunyo 30 .
Base sa inisyal na report, ibinulgar at idinetalye ni Domagoso ang umano’y mga hindi pa babayarang commercial o supplier debts na hindi binayaran ng kanyang papalitang administrasyon.
Nagpahayag ng seryosong pag-aalala si Domagoso sa aniya ay matinding pagpapabaya sa paghawak ng mga obligasyong ito.
“Ang tanong, may corruption ba? Hindi ko pa masasagot yan for now kasi ayokong mag-judge ng tao. Ang ginagawa ko lang, nag-a-assess ako base sa facts,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Domagoso na malinaw na senyales ng malalang kapabayaan ng mga responsibilidad kung totoo ang mga hindi nababayarang utang na ito.
Nagtungo na rin sa Manila City Hall ang kanyang transition team para mangalap ng mga kakailanganing dokumento para sa maayos na pagsasalin ng liderato.
Sa nasabing report at dokumentong natanggap ng incoming mayor, sinasabing nasa 8-11 bilyong piso ang iiwang unpaid commercial obligation ng outgoing mayor.
Ang mga bayaring ito ay mula sa mga commercial obligation na kinuha ng lungsod sa panahon ng kasalukuyang administrasyon at hindi pa nila binabayaran hanggang sa ngayon kahit mayroong pondo na nakalaan para dito.
Kabilang rito ang janitorial, security at mga sa supplier ng gamot, at cakes kaya naman malaking katanungan ngayon kong saan napunta ang pera ng lungsod.
Gayundin ang office supplies, kontrata sa basura,kuryente at tubig, manpower services at marami pang iba.
” I just found out a few days ago the supplier of cake under their watch was not paid [for] 19 months– 145 million pesos. [Sa guwardiya [ay] 110 million pesos ,[at] gamot is about 1.4 billion pesos. There’s so much negligence”, pahayag ni Domagoso.
Dagdag pa ni Yorme na mayroong mga Certificate of Availability of Funds (CAF) o nakalaang pondo para dito ngunit hindi napunta ang pera sa mga dapat bayaran na obligasyon ng lungsod.
Nangako naman ang incoming mayor na aayusin niya ang mga isyung ito nang may transparency at accountability.(Gene Adsuara)

LTO Tracker positibo ang feedback sa karamihan

Posted on: May 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
POSITIBO ang karamihan sa mga feedback tungkol sa LTOTracker, ang digital platform para sa paghahatid ng mga driver’s license at plaka sa buong bansa, ayon sa Land Transportation Office (LTO).
Ginawa ang LTOTracker alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na isulong ang digitalisasyon ng mga serbisyo ng pamahalaan upang mapadali ang proseso para sa mga mamamayan.
Mula nang simulan ang live testing noong Abril 26, sinabi ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na libu-libong driver’s license at plaka ng sasakyan na ang naihatid diretso sa mga tahanan ng mga may-ari.
Sa pamamagitan ng LTOTracker, magkakaroon ng access ang publiko upang masubaybayan ng real time ang estado ng kanilang driver’s license at motor vehicle plates.
Pinuri ni Secretary Dizon ang pagkakabuo at pagsisimula ng pilot testing ng LTOTracker, at sinabing epektibo nitong natutupad ang layunin na alisin ang mahabang pila at matagal na paghihintay sa mga transaksyon sa ahensya.
Simula pa noong 2014, kinaharap na ng LTO ang matinding backlog sa paglalabas ng mga plaka ng motorsiklo at mga 4-wheel na sasakyan.
Pagpasok ng 2023, hinarap din ng ahensya ang krisis sa driver’s license cards bunsod ng kakulangan sa plastic cards kaya pansamantalang na-print ang mga lisensya sa papel.
“Bilang tugon sa mga isyu ng driver’s license cards at plate numbers, binuo ng LTO ang LTOTracker. Sa pamamagitan ng platapormang ito, mas madali at mas maginhawa para sa publiko na ma-check ang availability at lokasyon ng kanilang lisensya at plaka,” ani Asec. Mendoza.
Sa tulong ng LTOTracker, matatanggap na rin ng mga rehistradong may-ari ng sasakyan ang kanilang matagal nang hinihintay na plaka ng madali, mabilis at abot-kamay.
Bagamat nagbibigay ng courier service ang LTOTracker, nilinaw ni Asec. Mendoza na nananatiling bukas pa rin ang opsyon ng publiko na personal na kunin ang kanilang driver’s license at plaka sa pinakamalapit na tanggapan ng LTO.
Nauna nang sinabi ni Secretary Dizon na ang LTOTracker simula lamang ng mas malawakang pagbabago sa LTO, kung saan layunin ang ganap na digitalisasyon ng lahat ng serbisyo ng ahensya.
Ang inisyatibang ito sumasalamin sa pagsugpo sa red tape, pagbabawas ng personal na pagbisita, at pagbibigay ng higit na kaginhawahan sa mga mamamayan. (PAUL JOHN REYES)