HINDI na itinuloy ni Ean Cajucom ng Victoria Sports Cycling Team ang kanyang pag-aaral upang maging full-time cyclist—at hindi niya ito pinagsisihan. Sa halip, nasungkit niya ang panalo sa 135-kilometer Stage 3 ng 2025 MPTC Tour of Luzon, mula Capitol Quezon Avenue sa Vigan, Ilocos Sur hanggang San Juan Municipal Hall. Niratrat ng 22-anyos na si Cajucom ang stage sa loob ng dalawang oras, 51 minuto at 42 segundo, at tinanghal na kampeon sa unang pagkakataon, na may premyong P10,000. Inungusan niya sina Ahmad Syazrin Awang Ilah ng Malaysia Pro Cycling Team at Poul Aquino ng Dreyna Orion Cement. Samantala, si Joo Dae Yeong ng Gapyeong Cycling Team ang kasalukuyang nangunguna sa individual classification na may oras na 7:04:27.