UMABOT sa tinatayang 250,000 katao ang dumalo sa libing ni Pope Francis nitong Sabado, Abril 26, ayon sa Vatican. Sinabi ng Vatican na 164 delegasyon kabilang ang 54 pinuno ng estado at 12 reigning sovereigns ang dumalo sa libing. Kabilang sa mga world leaders na dumalo sina U.S President Donald Trump, Pangulo ng Argentina Javier Milei, at French President Emmanuel Macron. Naroon din sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta. Ang Italian Cardinal Giovanni Battista Re ang naghatid ng homiliya at namuno sa Misa, na dinaluhan ng 220 kardinal at 750 obispo at pari malapit sa altar, at higit sa 4,000 iba pang mga pari bago inilibing ang Santo Papa sa Basilica ng Santa Maria Maggiore. Nauna rito, sinelyuhan ang kabaong ni Pope Francis sa isang pribadong seremonya na pinangunahan ni Cardinal Camerlengo Kevin Farrell sa St. Peter’s Basilica. Namatay ang Papa noong Lunes, Abril 21, sa edad na 88 matapos ma-stroke.