• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 10:04 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for March, 2025

Pinay tennis star Alex Eala hindi makapaniwalang makaabot ng quarterfinals ng Miami Open

Posted on: March 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
ITINUTURING ni Pinay tennis ace Alex Eala na isang katuparan ng kaniyang pangarap ang makaabot sa quarterfinals ng Miami Open.
Sinabi nito na hindi niya lubos akalain na umabot sa nasabing round at makaharap din ang ranked world number 2 na si Iga Swiatek ng Poland.
Nakapasok ang WTA number 140 na si Eala matapos ang pag-atras ni Paula Badosa ng Spain dahil sa injury.
Dahil dito ay garantisado na ang premyo nito na katumbas ng mahigit na P10 milyon.
Gaganapin naman ang paghaharap ni Eala at Swiatek dakong alas-7 ng umaga ngayong Marso 26.

Pangangampanya ng pulitiko bawal sa grad rites – DepEd

Posted on: March 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
PINAALALAHANAN ng Department of Edu­cation (DepEd) ang mga public schools sa bansa na mahigpit na ipinagbabawal ang pagdaraos ng partisan political activities o electioneering sa pagdaraos ng end-of-school year (EOSY) rites para sa School Year 2024-2025.
Sa DepEd Memo na inisyu ni Education Secretary Sonny Angara, pinaalalahanan ang lahat ng DepEd officials, teaching at non-teaching personnel na sila ay mahigpit na pinagbabawalang makilahok sa anumang aktibidad na pampolitika, alin­sunod na rin sa mga umiiral na polisiya.
Binigyang-diin din ng ahensiya na ang EOSY rites, gaya ng graduation at moving-up ceremonies, ay hindi dapat na maging maluho at sa halip ay maging simple lamang ngunit makahulugan. (Daris Jose)

matapos sabihin na ang PInas ay papunta na sa basurahan: Malakanyang, binuweltahan si VP Sara

Posted on: March 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NIRESBAKAN ng Malakanyang si Vice-President Sara Duterte matapos na magpatutsada ito na papunta na ang Pilipinas sa basurahan at nawawalan na umano ng pag-asa ang mga tao dahil hindi nararamdaman ang administrasyong Marcos.
”Hindi ba siya ang nawawala sa Pilipinas ngayon?” ang tugon na patanong ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang nang tanungin ukol sa mga pahayag ng bise-presidente.
“Kung walang nakikita siya na ginagawa ng administrasyon, malamang ay dahil nasa ibang bansa siya. Ang Pangulo po ay nasa bansa natin ngayon, sa Pilipinas, nagtatrabaho. Samantalang ang Bise Presidente ay nawawala po,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, posibleng nasabi aniya ni VP Sara ang kanyang pahayag na ” papunta na ang Pilipinas sa basurahan” dahil hindi naman nakikita ng bise-presidente kung ano ang ginagawa ng pamahalaan, mga proyekto at programa na naisagawa na at naitulong na ng pamahalaan sa taumbayan.
“Dahil malamang ay hindi siya nanonood ng ating press briefing every day at hindi rin naman siguro siya nanonood ng mga programang ipinapalabas sa PTV4 at saka RTVM,” ani Castro.
“Talagang mabubulagan siya, kapag hindi po niya inaalam kung ano ang naging trabaho at magiging trabaho ng administrasyon sa pangunguna ni Pangulong (Ferdinand) Marcos (Jr.) Okay, now, hindi ba mas magiging mapupunta tayo sa dumpster kung ang magiging pangulo natin o magiging leader natin ay mga katulad nila VP Sara, mas na inuuna pang magpunta sa abroad, magsilbi sa isang tao, although tatay niya po iyon, pero marami pa rin pong Pilipino na umaasa sa kanya bilang Bise Presidente. Mahihirapan po tayong magkaroon ng Pangulo, kung lagi pong nasa abroad at hindi po ginagawa ang trabaho dito sa Pilipinas,” litaniya ni Castro.
Samantala, pinatutsadahan pa ni Castro si VP Sara nang sabihin nito na batid naman aniya siguro ni VP Sara ang kanyang obligasyon bilang bise-presidente
“Sabi nga natin, ang Pangulo natin na sinasabi niya na mukhang wala na tayong pag-asa, nasa Pilipinas, nagtatrabaho, araw-araw may inaanunsiyo tayong good news, pero, ang Bise Presidente, nasaan?,” ang makahulugang pahayag ni Castro.
(Daris Jose)

Nakikisalo sa isang babae, lalaki, tinarakan

Posted on: March 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

HINIHINALANG dahil sa selos kaya tinarakan sa likod ang isang lalaki ng suspek makaraang komprontahin nang huli ang una dahil sa umano’y relasyon nito sa kanyang  live-in partner sa Gen Mariano Alvarez (GMA), Cavite.

Ginagamot ngayon sa CARSIGMA Hospital ang biktimang si Glen Veloso dahil sa saksak sa likod mula sa suspek na si alyas Mark Ranjel.

Sa ulat, nagpanagpo ang biktima at suspek sa kahaban ng Congressional Road, Brgy Poblacion 1, GMA Cavite bandang alas-6:30 kamakalawa ng gabi at kinompronta ng suspek ang biktima hinggil sa umano’y relasyon nila ng kanyang live-in partner.

Ang komprontasyon ay humantong sa mainitang pagtatalo hanggang sa nagbunot ng patalim ang suspek at inundayan ng saksak ang biktima saka tumakas sa direksiyon ng Silang, Cavite.

Patuloy ang pagtugis ng pulisya sa suspek. (Gene Adsuara)

Kawani ng DPWH na akusado sa kasong sexual assault, laglag sa selda  

Posted on: March 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

HIMAS-REHAS ang isang kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nahaharap sa mabigat na kasong sexual assault matapos madakma ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Valenzuela City.

Kaagad na binasahan ng kanyang mga karapatan sa ilalim ng umiiral na Miranda rights ang akusado na si alyas “Albie”, 42, Draftsman ng DPWH, makaraang matunton ng mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Nixon Cayaban sa kanyang tirahan sa Cayetano St. Brgy. Karuhatan alas-8:30 ng gabi.

Binitbit ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Mateo B. Tarejos ng Branch 172 na may petsang Marso 20, 2025 para sa kasong sexual assault sa ilalim ng Art, 266-A Par. 2 in Relation to Section 5(B) ng R.A. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act,

Ayon kay Col. Cayabayn, may inilaan namang piyansa na nagkakahalaga ng P200,000 ang hukuman para sa pansamantalang paglaya ng akusado na pansamantala munang ipiniit sa custodial facility ng Valenzuela Police Station habang hinihintay ang commitment order ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Valenzuela City Jail.

Sa ilalim ng Article 266-A paragraph 2 ng Revised Penal Code, ipinaliliwanag dito na ang sexual assault ay ang paggamit ng akusado ng isang instrumento o bagay sa maselang bahagi ng katawan ng biktima nang wala siyang pahintulot.

Kung mapapatunayan ng hukuman na may katotohanan ang akusasyon, may katapat na parusa ang naturang kaso ng pagkakabilanggo ng mula 12-taon at isang araw hanggang 20-taon at isang araw o habambuhay na pagkabilanggo, kumporme sa magiging hatol ng korte. (Richard Mesa)

PBBM, maaaring bumisita kay Trump sa ‘first half’ ng 2025 – envoy

Posted on: March 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MAAARING bumisita si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa White House para makapulong si US President Donald Trump sa mga susunod na buwan kasunod ng twin visits ng dalawang top US officials sa Pilipinas.

Sinabi ni Philippine Ambassador Jose Manuel Romualdez na ang pagbisita ni Pangulong Marcos ay maaaring itakda matapos ang pagbisita ni US Defense Secretary Pete Hegseth sa Pilipinas sa Marso 28-29 kung saan nakatakda niyang makapulong sina Pangulong Marcos at Defense Secretary Gilbert Teodoro.

Nauna rito, sinabi ng DND na si Hegseth “will travel to the Philippines to advance security objectives with Philippine leaders and meet with U.S. and Philippine forces.”

Nakatakda ring bumisita sa Pilipinas si US Secretary of State Marco Rubio ngayong buwan ng Abril.

“Most likely after these visits of these 2 officials from the United States, malalaman natin ang exact timing ng President Marcos’ visit to the United States. Sinabi naman sa amin ng White House na definitely we will invite the President to come,” ang sinabi ni Romualdez.

Ani Romualdez, abala pa kasi ngayon Trump sa negosayon para sa bakbakan sa pagitan ng Russia at Ukraine.

“Wala pa siła są Southeast, South Asian countries. Hopefully, [the visit will be] within the first half,” aniya pa rin.

Nauna rito, nagpaabot naman ng pagbati si Pangulong Marcos kay Trump sa muling pag-upo bilang Pangulo ng Estados Unidos, looking forward aniya siya na “working closely” sa bagong US administration.

Congratulations to POTUS @realdonaldtrump and to the American people on another peaceful transfer of power in their Nation’s nearly 250-year history. I look forward to working closely with you and your Administration,” ang sinabi Pangulong Marcos kay Trump sa X.

 “The strong and lasting PH-US alliance will continue to uphold our shared vision of prosperity and security in the region,” dagdag na pahayag ng Chief Executive. (Daris Jose)

Ahod Ebrahim, tinanggihan na maitalaga bilang BARMM Parliament member

Posted on: March 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

TINANGGIHAN ni dating Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Interim Chief Minister Ahod Ebrahim na maitalaga bilang miyembro ng Parliament.

Sa katunayan, sa isang kalatas ay sinabi ni Ebrahim na:

“I take this opportunity to thank President Ferdinand R. Marcos Jr. for offering me another chance to serve in the Bangsamoro Government, this time as a Member of the Parliament. I have decided to respectfully decline said appointment.”

Hindi naman nagbigay ng anumang detalye at rason si Ebrahim sa kanyang naging pagtanggi sa appointment.

Sa ulat, nanumpa sa kanilang bagong tungkulin ang mga bagong appointed members ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament sa harap ni BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua.

Ang BTA Parliament ay isang interim government sa BARRM sa panahon ng transition period, ang nakasaad sa Republic Act No. 11054. May taglay itong legislative at executive powers.

Winika ni Ebrahim na ipagpapatuloy niya ang pamumuno sa Moro Islamic Liberation Front at political party nito, ang United Bangsamoro Justice Party, habang pinalalawig ang paggabay at suporta sa Macacua “as we move towards a brighter future for the Bangsamoro people.”

Samantala, nagpaabot naman ng pagbati si Ebrahim sa kanyang successor, sabay sabing si Macacua ay makapag-aambag ng kanyang mayamang karanasan sa bago niyang papel.

“His leadership and commitment to peace and development in the region are well-documented. I wish him well in his endeavors,” ang sinabi ni Ebrahim. (Daris Jose)

Aplikasyon na asylum sa bansang The Netherlands… Taktika ni Roque para hindi matanong at magisa sa mga isiniwalat nito sa Quad Comm hearing

Posted on: March 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

TAKTIKA ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na maghain ng aplikasyon ng asylum sa bansang The Netherlands.

     Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na taktika ito ni Roque para hindi na muling matanong sa kanyang mga isiniwalat sa Quad Comm hearing patungkol sa kanyang mga transaksiyon.

“Kahit hindi pa  po siya nag-a-apply ng asylum sa Netherlands alam naman natin na siya ay hindi na nagpakita sa anumang Quad Comm hearing. Siya ay umalis sa Pilipinas at hindi na bumalik, so ano ba ang ibig sabihin nito? Taktika ito para hindi na siya muling matanong pa sa kaniyang mga isiniwalat sa Quad Comm hearing patungkol sa kaniyang mga transaksiyon,” ang sinabi ni Castro.

Matatandaang, sa Facebook live kasi ni Roque noong March 20, inamin ng abogado na tapos na siyang mag-apply at inaantay na lamang niya ang kanyang interview.

Lahad ni Roque, “Lilinawin ko po na ako po ngayon ay isang asylum seeker dahil nakapag-apply na po ako for asylum.

Ang inaantay ko lang po ay ‘yong kauna-unahang interview na kabahagi na ng application process.”

Dagdag pa niya, hindi na raw siya maaaring pabalikin sa bansa dahil bahagi ito ng kanyang karapatan bilang asylum seeker.

Sey pa ni Roque, “‘Yong mere fact na nag-apply ako, ayan ‘yong nagbigay sa akin ng karapatan na hindi na ako pupuwedeng mapabalik sa Pilipinas.

“Maski pa kumuha sila ng warrant of arrest, mag-file ng extradition eh malinaw po ‘yan dahil ito po ay matter of convention rights.”

Ani Roque, kapag bumalik raw siya sa Pilipinas ay ikukulong siya sa kasong human trafficking na wala naman daw ebidensya.

May arrest order na inilabas ang House quad-committee laban sa dating presidential spokesperson dahil sa hindi na muling pagdalo sa pagdinig kaugnay ng ilegal na operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.

Ang pagiging “asylum” ay isang legal process kung saan binibigyan ng proteksyon at karapatan ang isang indibidwal na manatili sa ibang bansa sa pangamba sa “persecution” at human rights violations sa sarili nitong bansa.

Samantala, depende naman sa gobyerno ng The Netherlands ang naging sagot ni Castro kung ang affiliation ni Roque kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang dahilan kung bakit hindi naaprubahan ang aplikasyon sa asylum ni Roque sa The Netherlands.

“Depende na po iyan sa gobyerno po ng Netherlands kung ito po ay makakaapekto sa kaniyang petition for asylum,” ang sinabi ni Castro. (Daris Jose)

Sa panawagan ng mga duterte supporters na “Marcos Resign”:  PCO Usec. Castro, si VP Sara ang niresbakan

Posted on: March 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

BINUWELTAHAN ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro si Vice President Sara Duterte nang sabihin nito na nabigo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na pamunuan ang bansa at dapat na magbitiw na sa posisyon.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Castro na “Kung pinag-reresign po nila ang Pangulo, sino po ang makikinabang? Kahit sabihin po ni VP Sara, ‘o kayo nagsabi niyan’ siya pa rin po ang makikinabang.”

“Sasabihin po ba na walang kakayanan mamuno, papaano po natin masasabi ito, kung ang pinapairal po natin ay ang batas at very transparent po tayo sa anumang mga transakyon,” aniya pa rin.

Pinasaringan naman nito si VP Sara na tila pabor sa panawagan na magbitiw sa puwesto si Pangulong Marcos na “Hindi po mas kakayanin ng isang tao na mamuno na maraming inililihim, maraming itinatago at hindi nagpapakita ng anumang dokumento, more particularly about the funds.”

Sa ulat, isinigaw ng mga supporters ng mga Duterte sa The Hague ang “Marcos resign!” na ang tugon naman nito (VP Sara) ay “Kayo ang nagsabi niyan, hindi ako ah.”

“Bakit ba kailangan mag-resign? Dahil hindi mo pinapakita sa taumbayan na maayos kang mag-isip at kaya mo ang mamuno,” ang winika pa ni VP Sara.

Samantala, dumalo si VP Sara sa pagtitipon ng mga supporters ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa The Hague bago pa ang kanyang kaarawan sa Marso 28. (Daris Jose)

NASAWING BUMBERO NA SUMAGIP NG ASONG NA-TRAP, BINIGYANG PUGAY

Posted on: March 27th, 2025 by people's balita No Comments
PERSONAL na  nagbigay-pugay at tulong  si Jose Antonio “Ka Pep” Goitia, unang nominado ng Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) Partylist sa burol para kay Rodolfo Baniqued, 52, isang boluntaryong hepe ng bumbero na nasawi sa isang sunog sa Tondo, Maynila makaraang sagipin nito ang isang aso na na-trap.
Tiniyak  ni Goitia sa pamilya ni Baniqued na hindi masasayang ang kanyang sakripisyo at ang kanyang  kabayanihan ay magsisilbing inspirasyon sa kanilang grupo upang itulak ang mga kinakailangang reporma sa sektor ng serbisyong pamatay-sunog. Nangako rin siyang magbibigay ng buong suporta sa lahat ng unang rumesponde, tagapagligtas ng sunog, at mga boluntaryo.
Binigyang-diin din  ni Goitia ang pangako ng ABP na ipaglaban ang mas mataas na hazard pay, libreng serbisyong medikal, mas maayos na kondisyon sa trabaho, at insurance coverage para sa mga bumbero—lalo na sa mga nasusugatan o nasasawi sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
“Mas determinado kaming ipaglaban ang mga karapatan ng ating mga boluntaryong bumbero at tagapagligtas. Masakit isipin na ang kanilang mga sakripisyo, pati na ang kanilang buhay, ay maaaring balewalain,” ani Goitia.
Ipinagkaloob din ang kahilingan ng boluntaryong bumbero ang pagkakaroon ng breathing apparatus na makakatulong sa kanilang ligtas na pagpasok sa nasusunog na gusali kahit na makapal na ang usok.
Nabatid na  mahigit 20 taon nang naglilingkod bilang boluntaryong bumbero si Rodolfo at maging ang  kanyang mga anak at apo ay bahagi rin ng komunidad ng bumbero na handang  isugal ang kanilang buhay upang sagipin ang iba, kahit pa wala silang natatanggap na benepisyo mula sa gobyerno.
Ilan sa kanilang pangunahing prayoridad ay ang pagpasa ng Firefighters’ Welfare Act, na naglalayong itaas ang sahod, hazard pay, at mga benepisyong pangkalusugan. Kasama rin sa kanilang isinusulong ang Fire Equipment Modernization Bill, na magbibigay ng pondo para sa mga makabagong kagamitan sa pagsugpo ng sunog. Bukod dito, isinusulong din nila ang Community-Based Fire Prevention Program upang sanayin ang mga komunidad at mapahusay ang paghahanda laban sa sakuna. (Gene Adsuara)